Pangkalahatang Kumperensya
Pagiging Saksi ni Jesucristo sa Salita at sa Gawa
Pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2023


9:45

Pagiging Saksi ni Jesucristo sa Salita at sa Gawa

Habang sinisikap nating mamuhay ayon sa ebanghelyo ni Jesucristo, ang ating pagkilos ay magiging buhay na patotoo tungkol sa ating Manunubos.

Sa binyag, isa sa mga pangakong ginagawa natin ay na handa tayong taglayin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo. Ang layunin ko ngayon ay ipaalala sa atin na maipapakita natin sa Diyos na tinataglay natin sa ating sarili ang pangalan ng Kanyang Anak sa pamamagitan ng pagpapatotoo sa salita at sa gawa, sa abot-kaya natin, na si Jesus ang Cristo.

Noong Siya ay nagministeryo at nagturo sa mga tao sa lupain ng Amerika matapos ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, sinabi ng Tagapagligtas:

“Hindi ba nila nabasa ang mga banal na kasulatan, na nagsasabing inyong taglayin ang pangalan ni Cristo, na aking pangalan? Sapagkat sa pangalang ito kayo tatawagin sa huling araw;

“At sinuman ang magtataglay ng aking pangalan, at magtitiis hanggang wakas, siya rin ay maliligtas sa huling araw.”1

Itinuro sa atin ni Pangulong Russell M. Nelson na “kasama sa pagtataglay natin ng pangalan ng Tagapagligtas ang pagpapahayag at pagsaksi sa iba—sa ating mga salita at gawa—na si Jesus ang Cristo.”2

Bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, tayo ay biniyayaan at binigyan ng pribilehiyo na tumayo bilang mga saksi ng Panginoon at ng Kanyang pangalan saanman tayo naroon.3 Habang sinisikap nating mamuhay ayon sa ebanghelyo ni Jesucristo, ang ating pagkilos ay magiging buhay na patotoo ng ating Tagapagligtas at ng Kanyang pangalan. Bukod pa rito, tayo ay sumasaksi kay Cristo sa ating salita sa pamamagitan ng pagbabahagi sa iba ng ating pinaniniwalaan, nadarama, at nalalaman tungkol kay Jesucristo.

Kapag mapagpakumbaba nating ibinabahagi ang ating patotoo sa Panginoon sa pamamagitan ng ating salita at gawa, pagtitibayin ng Espiritu Santo4 sa mga taong may tunay na layunin, bukas na puso, at may pagkukusang isipan na si Jesus nga ang Cristo.5

Nais kong ibahagi ang dalawang nagbibigay-inspirasyong halimbawa na naganap kamakailan kung saan ipinakita ng mga miyembro sa Diyos na tinataglay nila sa kanilang sarili ang pangalan ni Jesucristo sa pamamagitan ng pangungusap tungkol sa Kanya at pagbibigay ng dalisay na pagsaksi tungkol sa Panginoon sa mga pulong sa Simbahan.

Unang halimbawa: Noong nagpunta kami ng asawa kong si Elaine sa Espanya noong 2022, nagsimba kami sa isang maliit na unit ng Simbahan doon. Habang nakaupo ako sa may pulpito at ang asawa ko naman ay nakaupo kasama ng kongregasyon, napansin kong may katabi siyang matandang babae. Nang matapos ang sacrament meeting, nilapitan ko si Elaine at hiniling na ipakilala niya ako sa bago niyang kaibigan. Ipinakilala niya ako at sinabi na ang babaeng ito na hindi miyembro ng Simbahan ay halos dalawang taon nang nagsisimba. Nang marinig ko ito, tinanong ko ang babaeng ito na may takot sa Diyos kung ano ang dahilan bakit siya patuloy na dumadalo sa ating mga pulong sa loob ng mahabang panahon. Magiliw na sumagot ang babae, “Gusto kong pumupunta rito dahil nangungusap kayo tungkol kay Cristo sa inyong mga pulong.”

Malinaw na ang mga miyembro ng Simbahan sa unit na iyon sa Espanya ay nangungusap, nagtuturo, at nagpapatotoo tungkol kay Cristo sa kanilang mga pulong.

Pangalawang halimbawa: Pagkatapos kong maglingkod sa Brazil Area, nagkaroon ako ng bagong assignment na maglingkod sa headquarters ng Simbahan. Nang lumipat kami sa Salt Lake City sa katapusan ng Hulyo ngayong taon, kami ay nagsisimba sa aming bago at napakagandang ward. Ang isa sa mga pulong na dinaluhan namin ay ang fast and testimony meeting. Pagkatapos mapitagang tanggapin ang sakramento, ang mga miyembro ay isa-isang tumayo at nagbahagi ng taos-pusong patotoo tungkol sa Tagapagligtas. Ang pulong ay nakasentro kay Jesucristo, at talagang nadama namin ang Espiritu. Napatatag ang aming espiritu, at napalakas ang aming pananampalataya. Kung ang mga kaibigan ng Simbahan, na tapat na naghahanap ng katotohanan, ay nasa pulong na iyon, makikilala nila na ito ang Simbahan ni Jesucristo.

Isang pagpapalang makita na ang mga pulong natin sa Simbahan ay napakagagandang pagkakataon para tayo ay magpatotoo tungkol kay Cristo at maipahayag sa Diyos na nagagalak tayo na taglayin sa ating sarili ang pangalan ng Kanyang Anak.

Ngayon, hayaan ninyo akong magbahagi ng napakagandang halimbawa ng pagtataglay natin ng pangalan ni Jesucristo sa pagpapatotoo natin tungkol sa Kanya sa ating mga kilos.

Nitong nakaraang Agosto, sinamahan ko si Elder Jonathan S. Schmitt sa open house ng Feather River California Temple sa Yuba City. Nagkaroon ako roon ng pagkakataong maging gabay ng mga grupo sa kanilang paglilibot sa templo. Kabilang sa isa sa mga grupo ang miyembro ng Simbahan na si Virgil Atkinson at ang kanyang pitong mga kaibigan na iba ang relihiyon. Bago matapos ang kanilang pagbisita, habang nasa loob ng sealing room ng templo, naging emosyonal si Brother Atkinson at ipinahayag niya ang kanyang pagmamahal sa kanyang mga kaibigan na nagpunta sa templo noong araw na iyon. Pagkatapos niyang gawin ito, isang babae sa grupo ang agad na tumayo at nagsabing, “Mahal naming lahat si Virgil. Hindi niya ipinilit ang kanyang relihiyon sa amin. Pero hindi niya rin ito ikinahihiya. Ipinamumuhay niya lang ang kanyang pinaniniwalaan.”

Sa loob ng maraming taon, ang pamumuhay ni Brother Atkinson na tulad ng kay Cristo ay nagsilbing makapangyarihang patotoo sa kanyang mga kaibigan. Ang kanyang halimbawa ay isang matibay na patunay na tinataglay niya sa kanyang sarili ang pangalan ni Cristo.

Sa huli, hayaan ninyong ibahagi ko ang isang aral na natutuhan ko tungkol sa kung paano natin tinataglay sa ating sarili ang pangalan ni Cristo at nagpapatotoo tungkol sa Kanya sa pamamagitan ng paggamit ng tamang pangalan ng Simbahan.

Sa kanyang mensaheng pinamagatang “Ang Tamang Pangalan ng Simbahan” sa pangkalahatang kumperensya noong 2018, sinabi ng buhay na propeta ng Diyos na si Pangulong Nelson: “Ito ay isang pagtatama. Ito ay utos ng Panginoon. Hindi si Joseph Smith ang nagbigay ng pangalan sa Simbahang ipinanumbalik sa pamamagitan niya; hindi rin si Mormon. Ang Tagapagligtas mismo ang nagsabing, ‘Sapagkat sa ganito tatawagin ang aking simbahan sa mga huling araw, maging Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw’ [Doktrina at mga Tipan 115:4].”6

Nilisan natin ang pangkalahatang kumperensya noong araw na iyon na nangangako at determinadong sundin ang propeta at mula noon ay gamitin ang inihayag na pangalan ng Simbahan. Talagang binantayan ko ang aking sarili at tiniyak na ginagamit ko ang tamang pangalan ng Simbahan. Sa unang ilang pagkakataon, talagang kinailangan kong mag-ingat na mabuti at hindi hayaan ang sarili ko na bumalik sa dati. Pagkatapos ng mga unang pagtatangka, naging mas komportable na ako sa paggamit ng inihayag na pangalan ng Simbahan. Aaminin ko na maraming beses ko ring sinabi nang mabilis ang pangalan ng Simbahan. Nag-alala ako na hindi papansinin ng mga tao ang buong pangalan ng Simbahan at baka isipin nilang masyado itong mahaba.

Gayunman, kalaunan ay napagtanto ko na ang sadyang paggamit sa buong pangalan ng Simbahan ay nagbigay sa akin ng mahahalagang pagkakataong mangusap tungkol sa pangalan ni Jesucristo at sa katunayan ay magpatotoo tungkol sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagbanggit ng Kanyang pangalan sa pangalan ng Kanyang Simbahan. Napansin ko rin na kapag ginagamit ko ang tamang pangalan ng Simbahan sa ibang tao, mas madalas kong maalala si Jesucristo at madama ang impluwensya Niya sa aking buhay.

Sa pagsunod sa propeta, matututo tayong mas madalas na magpatotoo tungkol kay Jesucristo sa pamamagitan ng paggamit ng tamang pangalan ng Simbahan, nang sa gayon ay mas lubos nating mataglay sa ating sarili ang pangalan ng Panginoon.

Ngayong umaga ng Sabbath, nagagalak akong magpatotoo na si Pangulong Nelson ang buhay na propeta ng Diyos at na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang ipinanumbalik na Simbahan ni Cristo. Mapagpakumbaba akong sumasaksi sa Anak ng Diyos at sa Kanyang kabanalan. Siya ang Panganay at Bugtong na Anak ng Diyos, ang ating Tagapagligtas at Manunubos, ang Emmanuel.7 Sa pangalan ni Jesucristo, amen.