Pangkalahatang Kumperensya
Ang Alibugha at ang Daan Pauwi
Pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2023


14:32

Ang Alibugha at ang Daan Pauwi

Bagama’t maaaring inilayo kayo ng mga pagpiling ginawa mula sa Tagapagligtas at sa Kanyang Simbahan, ang Dalubhasang Manggagamot ay nakatayo sa daan pauwi, at malugod kayong tinatanggap.

May Isang Tao na May Dalawang Anak na Lalaki

Tinawag ito ng ilan na pinakamagandang maikling kwento na naisalaysay kailanman.1 Dahil isinalin ito sa libu-libong wika sa iba’t ibang panig ng mundo, posible na sa nakalipas na dalawang milenyo, hindi lumulubog ang araw nang hindi nababanggit ang kuwento saanman sa mundo.

Inilahad ito ni Jesucristo na ating Tagapagligtas at Manunubos, na naparito sa mundo “upang hanapin at iligtas ang nawala.”2 Nagsimula Siya sa mga simpleng salitang ito: “May isang tao na may dalawang anak na lalaki.”3

Agad nating nalaman ang tungkol sa isang alitan na nakakabagbag ng puso. Sinabi ng isang anak4 sa kanyang ama na sawa na siya sa buhay niya sa kanilang tahanan. Gusto niyang maging malaya. Gusto niyang talikuran ang kaugalian at mga turo ng kanyang mga magulang. Hinihingi niya ang kanyang parte sa mamanahin—ora-mismo.5

Nakikinita ba ninyo kung ano ang naramdaman ng ama nang marinig niya ito? Nang napagtanto niya na higit sa anupamang bagay, ang gusto ng kanyang anak ay iwan ang pamilya at marahil ay hindi na babalik pa?

Ang Malaking Pakikipagsapalaran

Marahil tuwang-tuwa ang anak sa gagawing pakikipagsapalaran at sa kasabikan. Sa wakas, makapagsasarili na siya. Malaya sa mga alituntunin at patakaran ng kaugalian ng kanyang kabataan, sa wakas ay makapipili na siya para sa sarili nang hindi naiimpluwensyahan ng kanyang mga magulang. Wala nang pagsisisihan. Matatamasa na niya ang tanggapin ng isang komunidad na pareho niya ang takbo ng pag-iisip at mamumuhay ayon sa sarili niyang panuntunan.

Pagdating sa malayong lupain, agad siyang nagkaroon ng mga bagong kaibigan at nagsimulang mamuhay gaya ng pinapangarap niyang buhay noon pa man. Marahil, naging paborito siya nang marami, dahil maluwag siya sa paglustay ng pera. Ang kanyang mga bagong kaibigan—na mga nakikinabang sa kanyang pagiging alibugha—ay hindi siya hinusgahan. Kanilang ipinagdiwang, pinalakpakan, at talagang sinuportahan ang mga pinipili niyang gawin.6

Kung may social media noong panahong iyon, tiyak na napuno na niya ito ng mga animated na larawan ng mga tumatawang kaibigan: #Livingmybestlife! #Neverhappier! #Shouldhavedonethislongago!

Ang Taggutom

Ngunit hindi nagtagal ang kasayahan—bihira iyon. Dalawang bagay ang nangyari: una, naubos ang pera niya, at pangalawa, nagkaroon ng taggutom sa buong lupain.7

Habang lumalala ang mga problema, nataranta siya. Ang dating hindi mapigilan, at galak na galak na tumaya nang malaki, ay hindi na ngayon kayang bumili ng makakain, at walang lugar na matutuluyan. Paano siya makakaraos sa buhay?

Naging galante siya sa mga kaibigan—siya ba ay tutulungan nila ngayon? Nakikita ko siyang humihingi ng kaunting tulong—sa ngayon lang—hanggang sa kaya na niyang tumayong muli sa sarili niyang mga paa.

Sinasabi sa atin ng mga banal na kasulatan, “Walang sinumang nagbibigay sa kanya.”8

Desperadong mabuhay pa, siya ay nakatagpo ng isang magsasaka sa lugar na inupahan siya para magpakain ng baboy.9

Gutom na gutom na ngayon, inabandona at nag-iisa, marahil hindi lubos na maisip ng binata kung paano nangyari na naging ganoon kalubha at kasama ang mga bagay-bagay.

Hindi lamang ang kumakalam na sikmura ang bumagabag sa kanya. Ang kanyang kaluluwa ay gutom. Talagang sigurado siya noon na ang pagsuko sa kanyang mga makamundong pagnanasa ay magpapasaya sa kanya, na hadlang sa kaligayahang iyon ang mga batas ng moralidad. Ngayon, natuto na siya. At kaylaki ng pinagbayaran niya para sa kaalamang iyon!10

Habang tumitindi ang pisikal at espirituwal na pagkagutom, naisip niya ang kanyang ama. Tutulungan ba siya nito pagkatapos ng lahat ng nangyari? Maging ang pinakahamak sa mga tagapagsilbi ng kanyang ama ay may pagkain at masisilungan mula sa mga pagbagyo.

Pero, ang bumalik sa ama niya?

Hindi kailanman.

Ang isiwalat sa kanyang nayon na nilustay niya ang kanyang mana?

Imposible.

Ang harapin ang mga kapitbahay na talagang sinabihan siya na ipinapahiya niya ang kanyang pamilya at dinudurog ang puso ng kanyang mga magulang? Ang bumalik sa dati niyang mga kaibigan matapos ipagyabang na magsasarili na siya?

Hindi ko kakayanin.

Ngunit ang gutom, kalungkutan, at pagsisisi ay hindi talaga mawala—hanggang sa “matauhan siya.”11

Alam na niya ang dapat niyang gawin.

Ang Pagbabalik

Ngayon, bumalik tayo sa ama, ang panginoon ng bahay na nawasak ang puso. Ilang daan, o marahil, ilang libong oras kaya ang ginugol niya sa pag-aalala sa kanyang anak?

Ilang beses kaya niyang pinagmasdan ang mismong daan na tinahak ng anak niya at muling nadarama ang tumatagos na sakit ng kawalan habang lumalakad palayo ang kanyang anak? Ilang panalangin kaya ang inialay niya sa malalim na gabi, na nagsusumamo sa Diyos na maging ligtas ang kanyang anak, na matuklasan niya ang katotohanan, na babalik ito?

At pagkatapos, isang araw, tiningnan ng ama ang mapanglaw na kalsada—ang daan pauwi—at natanaw sa malayo ang isang tao na naglalakad palapit sa kanya.

Posible nga ba?

Bagama’t malayo pa ang indibiduwal, alam agad ng ama na ito ay anak niya.

Patakbo niya itong sinalubong, ikinulong siya sa kanyang mga bisig, at hinalikan siya.12

“Ama,” madamdaming sabi ng anak, sa pananalita na marahil libong beses niyang inensayo, “nagkasala ako laban sa langit at sa iyo. Hindi na ako karapat-dapat na tawaging anak mo. Ang hiling ko lamang ay ituring mo ako na isa sa iyong mga upahang lingkod.”13

Ngunit bahagya na siyang pinatapos ng ama sa pagsasalita. May luha sa kanyang mga mata, iniutos niya sa kanyang mga tagapagsilbi: “Dalhin ninyo rito ang pinakamagandang kasuotan at isuot ninyo sa kanya. Lagyan ninyo ng singsing ang kanyang daliri, at mga sandalyas ang kanyang mga paa. Tayo’y kumain at magdiwang. Bumalik na ang anak ko!”14

Ang Pagdiriwang

Nakasabit sa opisina ko ang isang painting ng German artist na si Richard Burde. Gustung-gusto namin ni Harriet ang painting na ito. Inilalarawan nito ang isang magiliw na tagpo mula sa talinghaga ng Tagapagligtas sa mas malalim na pananaw.

Ang Pagbabalik ng Alibughang Anak, ni Richard Burde.

Bagama’t nagagalak ang lahat sa pagbabalik ng anak, may isang hindi natutuwa—ang kanyang nakatatandang kapatid.15

May kimkim siyang sama-ng-loob.

Naroon siya nang hingin ng kanyang kapatid ang mana nito. Nasaksihan niya mismo ang napakatinding kalungkutang idinulot nito sa kanyang ama.

Magmula nang umalis ang kanyang kapatid, sinikap niyang pagaanin ang pasanin ng kanyang ama. Araw-araw, nagsikap siyang pagalingin ang sugat sa puso ng kanyang ama.

At ngayon ay bumalik ang walang pakundangang anak, at hindi mapigilan ng mga tao na bigyan ng labis na atensiyon ang suwail na kapatid niya.

“Sa maraming taong ito,” sabi niya sa kanyang ama, “kailanma’y hindi kita tinanggihan sa bagay na nais mong gawin ko. Pero sa buong panahong iyon, hindi ka naghanda ng pagdiriwang para sa akin.”16

Sumagot ang mapagmahal na ama, “Mahal kong anak, lahat ng mayroon ako ay sa iyo! Hindi ito tungkol sa pagkukumpara ng mga gantimpala o pagdiriwang. Ito ay tungkol sa pagpapagaling. Ito ang sandaling inaasam natin sa maraming taong ito. Namatay ang kapatid mo at nabuhay siyang muli! Siya ay nawala, ngunit natagpuan na siya ngayon!”17

Isang Talinghaga para sa Ating Panahon

Mahal kong mga kapatid, mahal kong mga kaibigan, tulad ng lahat ng talinghaga ng Tagapagligtas, hindi lamang ito tungkol sa mga taong matagal na panahon nang nabuhay noon. Ito ay tungkol sa inyo at sa akin, ngayon.

Sino sa atin ang hindi lumisan sa landas ng kabanalan, na hangal na nag-aakalang mas liligaya tayo sa sarili nating makasariling paraan?

Sino sa atin ang hindi nakadama ng pagpapakumbaba, nabagbag ang puso, at naging desperado na mapatawad at kaawaan?

Marahil ay iisipin pa ng ilan, “Posible pa kayang bumalik? Habang panahon ba akong may magbabansag sa akin, tatanggihan, at iiwasan ng mga dati kong kaibigan? Mas mabuti pa kaya na manatili na lamang na nawawala? Paano tutugon ang Diyos kung susubukan kong bumalik?”

Sinasagot tayo ng talinghagang ito.

Patakbo tayong sasalubungin ng ating Ama sa Langit, na puspos ng pagmamahal at habag ang Kanyang puso. Yayakapin Niya tayo; ilalagay ang balabal sa ating mga balikat, susuotan ng singsing ang ating daliri, at ng mga sandalyas ang ating mga paa; at magpapahayag, “Magdiriwang tayo ngayon! Sapagkat ang anak ko, na dating patay na, ay muling nabuhay!”

Magsasaya ang langit sa ating pagbabalik.

“[Na]gagalak na may Galak na Hindi Maipaliwanag at Puspos ng Kaluwalhatian”

Maaari ba akong mag-ukol ng ilang sandali ngayon at mangusap sa bawat isa sa inyo?

Anuman ang nangyari sa buhay ninyo, inuulit ko at ipinapahayag ang mga salita ng mahal kong kaibigan at kapwa Apostol na si Elder Jeffrey R. Holland: “Hindi posibleng lumubog kayo nang mas malalim kaysa kayang abutin ng walang hanggang liwanag ng [nagbabayad-salang sakripisyo] ni Cristo.”18

Bagama’t maaaring inilayo kayo ng mga pagpiling ginawa mula sa Tagapagligtas at sa Kanyang Simbahan, ang Dalubhasang Manggagamot ay nakatayo sa daan pauwi, at malugod kayong tinatanggap. At tayo na mga miyembro ng Simbahan ni Jesucristo ay nagsisikap na tularan ang Kanyang halimbawa at yayakapin kayo bilang aming mga kapatid, at aming mga kaibigan. Magkasama tayong magsasaya at magdiriwang.

Ang pagbabalik ninyo ay hindi makababawas sa mga pagpapala ng iba. Sapagkat ang kasaganaan ng Ama ay walang katapusan, at kung ano ang ibigay sa isa ay hindi nakababawas nang kaunti man sa karapatan ng iba pa.19

Hindi ko kayo papaniwalain na madaling gawin ang magbalik. Mapatototohanan ko iyan. Ang totoo, maaari pang ito ang pinakamahirap na desisyong gagawin ninyo.

Ngunit pinatototohanan ko na sa sandaling magpasiya kayong bumalik at lumakad sa landas ng ating Tagapagligtas at Manunubos, ang Kanyang kapangyarihan ay papasok sa inyong buhay at magbabago ito.20

Ang mga anghel sa langit ay magsasaya.

At gayon din kami, na kapamilya ninyo kay Cristo. Kung tutuusin, alam din namin ang pakiramdam ng maging alibugha. Lahat tayo ay umaasa araw-araw sa iisang nagbabayad-salang kapangyarihan ni Cristo. Alam namin ang landas na ito, at sasamahan namin kayo sa inyong paglalakad.

Hindi, hindi magiging malaya ang ating landas mula sa pighati, dalamhati, o lungkot. Ngunit nakarating na tayo hanggang dito “sa pamamagitan ng salita ni Cristo na may hindi matitinag na pananampalataya sa kanya, na umaasa nang lubos sa mga awa niya na makapangyarihang magligtas.” At magkasama tayong “magpa[pa]tuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo, na may ganap na kaliwanagan ng pag-asa, at pag-ibig sa Diyos at sa lahat ng tao.”21 Magkasama tayong “[ma]gagalak na may galak na hindi maipaliwanag at puspos ng kaluwalhatian,”22 sapagkat si Jesucristo ang ating lakas!23

Dalangin ko na marinig ng bawat isa sa atin, sa malalim na talinghagang ito, ang tinig ng Ama na tumatawag sa atin na pumasok sa landas na pauwi—upang magkaroon tayo ng lakas-ng-loob na magsisi, tumanggap ng kapatawaran, at sundan ang landas pabalik sa ating mahabagin at maawaing Diyos. Pinatototohanan ko ito at iniiwan ko ang aking basbas sa inyo, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Matatagpuan sa Lucas 15, ang talinghaga ay isa sa tatlo (ang nawawalang tupa, ang nawawalang isang putol na pilak o barya, at ang nawawalang anak) na naglalarawan sa kahalagahan ng mga nawawalang bagay at ang pagdiriwang na nangyayari kapag natagpuan ang nawala.

  2. Lucas 19:10.

  3. Lucas 15:11.

  4. Marahil ay bata pa ang anak na ito. Hindi siya kasal, na maaaring nagpapahiwatig ng kanyang kabataan, ngunit hindi napakabata pa para hindi niya magawang hingin ang kanyang mana at iwan ang tahanan nang nakuha na niya ito.

  5. Ayon sa batas at tradisyon ng mga Judio, ang nakatatanda sa dalawang anak na lalaki ay may karapatan sa dalawang-ikatlong bahagi ng pamana ng ama. Ang nakababatang anak, kung gayon, ay may karapatan sa ikatlong bahagi. (Tingnan sa Deuteronomio 21:17.)

  6. Tingnan sa Lucas 15:13.

  7. Tingnan sa Lucas 15:14.

  8. Lucas 15:16.

  9. Sa mga Judio, ang mga baboy ay itinuturing na “marumi” (tingnan sa Deuteronomio 14:8) at hindi katanggap-tanggap. Ang matatapat na Judio ay hindi mag-aalaga ng mga baboy, na nagpapahiwatig na ang tagapangasiwa ay isang Gentil. Maaari ding nagpapahiwatig ito kung gaano kalayo ang nilakbay ng batang anak para malayo sa matatapat na Judio.

  10. Itinuro ni Elder Neal A. Maxwell: “Mangyari pa, mas mabuting nagpapakumbaba tayo “dahil sa salita,” kaysa nagpapakumbaba tayo dahil sa mga nangyayari, bagama’t maaaring epektibo rin naman ang huli! (tingnan sa Alma 32:13–14). Ang taggutom ay nagpapatindi sa espirituwal na pagkagutom” (“Ang Malalakas na Hatak ng Mundo,” Liahona, Ene. 2001, 45).

  11. Lucas 15:17.

  12. Tingnan sa Lucas 15:20.

  13. Tingnan sa Lucas 15:18–19, 21.

  14. Tingnan sa Lucas 15:22–24.

  15. Tandaan, natanggap na ng nakababatang anak na lalaki ang kanyang mana. Para sa nakatatanda, ang ibig sabihin niyan ay pag-aari niya ang lahat ng iba pa. Ang pagbibigay ng anumang bagay sa nakababatang anak ay mangangahulugan ng pagkuha mula sa anak na nanatili.

  16. Tingnan sa Lucas 15:29.

  17. Tingnan sa Lucas 15:31–32.

  18. Jeffrey R. Holland, “Ang mga Manggagawa sa Ubasan,” Liahona, Mayo 2012, 33.

  19. Kung ano ang ibigay sa isa ay hindi nakababawas kaunti man sa karapatan ng iba pa. Itinuro ng Tagapagligtas ang doktrinang ito nang ilahad Niya ang talinghaga ng mga manggagawa sa Mateo 20:1–16

  20. Tingnan sa Alma 34:31.

  21. 2 Nephi 31:19–20.

  22. 1 Pedro 1:8.

  23. Tingnan sa Mga Awit 28:7.