Gusto ba Ninyong Lumigaya?
Manatili sa landas ng tipan. Magiging mas madali, mas maligaya, at puno ng kagalakan ang inyong buhay.
Gusto ba ninyong lumigaya? Ano ang nagpapalungkot sa inyo? Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson: “Kung gusto ninyong maging miserable, labagin ang mga kautusan—at huwag magsisi kailanman. Kung gusto ninyong magalak, manatili sa landas ng tipan.”1 Hindi ba simple lamang ang lumigaya? Gumawa lamang ng mga tipan at sundin ang mga iyon sa inyong mga buhay. Rebyuhin natin ang ilang bagay na makatutulong sa atin na manatili sa landas ng tipan at magpapaligaya sa atin.
1. Ano ang Landas ng Tipan?
Ayon kay Elder Dale G. Renlund, “ang katagang landas ng tipan ay tumutukoy sa pagkakasunud-sunod ng mga tipan na naglalapit sa atin kay Cristo at nag-uugnay sa atin sa Kanya. Sa nagbibigkis na tipan na ito, maaari nating matamo ang Kanyang walang-hanggang kapangyarihan. Ang landas ay nagsisimula sa pagsampalataya kay Jesucristo at pagsisisi, na sinusundan ng pagpapabinyag at pagtanggap ng Espiritu Santo.”2 Pinaninibago natin ang mga tipang ito tuwing tumatanggap tayo ng sakramento.
Simula sa tipan sa binyag, gumagawa tayo ng iba pang mga tipan sa buong buhay natin. Muli, sinabi ni Elder Renlund: “Ang landas ng tipan ay humahantong sa mga ordenansa ng templo, tulad ng temple endowment. Ang endowment ay kaloob ng Diyos na mga sagradong tipan na nag-uugnay sa atin nang mas lubusan sa Kanya.”3
2. Kayo ba ay Nasa Landas ng Tipan?
Kung minsan kapag gumagawa tayo ng mga tipan, nabibigo tayong tuparin ang mga iyon. Kapag nangyayari ito, paano kayo makababalik sa landas ng tipan? Hayaan ninyong magbahagi ako ng ilang halimbawa ng pagbalik sa landas ng tipan.
Mahigit isang buwan na ang nakalipas, may natanggap akong isang mensahe mula sa isang returned missionary na naglingkod kasabay namin. Sabi niya: “Kamakailan ay nahirapan ako. Matagal kong pinaglabanan ang pagkabalisa at depresyon araw-araw, at napakahirap niyon. Nadama kong ako ay mag-isa at miserable. Matagal ko nang ipinagdarasal na patnubayan ako ng ating Ama sa Langit para sa kapayapaan at ginhawa sa kaya kong gawin upang malabanan ang paghihirap. … Habang nagdarasal ako, nadama ko ang pahiwatig ng Espiritu na kailangan kong bayaran nang buo ang aking ikapu. … Nadama ko ang Espiritu nang napakatindi at agad kong nadama ang pagnanais na gawin iyon. Sa paghahangad na gawin iyon, nadama ko ang pahiwatig na ‘kung babayaran mo ang iyong ikapu, magiging maayos ang lahat.’ Nagsisikap pa rin akong makadama ng kapayapaan, ngunit may patotoo talaga ako sa ating Tagapagligtas at na sa pamamagitan ng aking pagsunod ay madarama at masusumpungan ko ang kapayapaang hinahanap ko sa aking puso’t isipan. Kamakailan lamang ay nagpasiya akong bumalik sa Simbahan at hangarin ang Espiritu sa lahat ng aking ginagawa.”
Ngayon ay mabuti na ang kalagayan niya. Maaari rin kayong humingi sa Ama sa Langit ng kapayapaan, ngunit maaaring iba ang sagot kaysa sa inaasahan ninyo. Hangga’t hinahangad ninyong makilala ang Tagapagligtas at magdasal sa Ama sa Langit, bibigyan Niya kayo ng sagot na sadyang para sa inyo.
Itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson:
“Ang pinakadakilang aral na matututuhan natin sa mortalidad ay na kapag nagsalita ang Diyos at sumunod tayo, palagi tayong nasa tama.”4
“Kapag sinusunod natin ang mga kautusan, ang buhay natin ay magiging mas masaya, mas ganap, at hindi gaanong kumplikado. Ang mga hamon at problema natin ay mas madaling kayanin, at matatanggap natin ang mga ipinangako [ng Diyos na] pagpapala.”5
Nang tawagin akong bishop, nasa pinakamahirap na sandali ako ng aking buhay. Isa akong bata pang ama noong nasa mga 30 taong gulang ako, ngunit nahirapan ako sa pananalapi dahil sa mga hamon sa pamilya. Hindi ako makahanap ng anumang solusyon, at inakala ko na hindi magwawakas ang mga hamon kailanman. Sagad na ang pagod ko dahil sa pananalapi at sa mga nadarama ko. Nagsimula na rin akong magduda sa aking espirituwal na lakas. Sa mahirap na panahong iyon, binigyan ako ng calling ng aking stake president. Tinanggap ko pa rin ang tungkulin, kahit mahirap iyon.
Ininterbyu rin ng stake president ang aking asawa, ngunit hindi siya makasagot ng oo, at hindi rin siya sumagot ng hindi kundi patuloy na umiyak. Isang buong linggo siyang umiyak, na nagtatanong sa Ama sa Langit, “Bakit ngayon?” at “Kilala ba talaga Ninyo ang bawat indibiduwal?” Wala siyang natanggap na sagot, ngunit sinang-ayunan ako bilang bishop noong sumunod na Linggo. Hindi na niya itinanong ang mga bagay na iyon sa Ama sa Langit kundi sinuportahan ako sa aking calling sa loob ng anim na taon.
Sa araw ng Linggo noong ini-release ako, may narinig na tinig ang aking asawa habang tumatanggap siya ng sakramento. Ibinulong sa kanya ng tinig, “Dahil hirap na hirap kayo sa buhay, tinawag Ko siya bilang bishop upang masuportahan at matulungan kayo.” Sa paggunita sa nakaraang anim na taon, natanto niya na ang lahat ng maraming hamon na tila walang katapusan ay nalunasan na ngayon sa paglipas ng panahon.
Natutuhan namin na kapag iniisip namin na hindi iyon ang tamang panahon upang tumanggap kami ng calling, maaaring iyon ang panahon na kailangang-kailangan namin ang calling na iyon. Tuwing hinihiling sa atin ng Panginoon na maglingkod sa anumang calling, magaan man o mabigat ang calling na iyon, nakikita Niya ang mga pangangailangan natin. Ibinibigay Niya ang lakas na kailangan natin at naghahanda Siyang magbuhos ng mga pagpapala sa atin kapag tapat tayong naglilingkod.
Marami pang ibang bagay na nakagagambala sa atin sa pananatili sa landas ng tipan. Anuman iyon, hindi pa huli ang lahat upang taos-pusong humingi ng tulong sa Ama sa Langit. Itinuro sa atin ni Elder Paul V. Johnson: “Kapag sumusunod tayo kay Satanas, binibigyan natin siya ng kapangyarihan. Kapag sumusunod tayo sa Diyos, binibigyan Niya tayo ng kapangyarihan.”6
Pinatotohanan ni Haring Benjamin sa Aklat ni Mormon: “Ninanais kong inyong isaalang-alang ang pinagpala at maligayang kalagayan ng mga yaong sumusunod sa mga kautusan ng Diyos. Sapagkat masdan, sila ay pinagpala sa lahat ng bagay, kapwa temporal at espirituwal; at kung sila ay mananatiling matapat hanggang wakas, sila ay tatanggapin sa langit upang doon sila ay manahanang kasama ng Diyos sa kalagayan ng walang katapusang kaligayahan.”7
3. Paano Kayo Liligaya sa Pagtupad sa mga Tipan sa Diyos?
Sabi ng asawa ko, ibinibigkis kami ng aming kasal, at dahil diyan, nagagawa niya ang mga bagay na dati’y hindi niya magawa. Halimbawa, noong bata pa siya, hirap siyang lumabas kapag madilim na, ngunit hindi na iyon mahirap dahil sinasamahan ko siya. Maliit siya at hindi niya maabot ang matataas na istante maliban kung gagamit siya ng upuan o hagdan, ngunit kaya kong abutin ang mga bagay sa matataas na istante para sa kanya dahil mas matangkad ako sa kanya. Ganyan kapag nakabigkis tayo sa ating Tagapagligtas. Kapag bumigkis tayo sa Kanya, magagawa natin ang mga bagay na hindi natin magagawa nang mag-isa dahil kaya Niyang gawin ang mga bagay na hindi natin kayang gawin para sa ating mga sarili.
Sabi ni Elder David A. Bednar: “Sa paggawa at pagtupad ng mga sagradong tipan, pinapasan natin ang pamatok at nakikiisa tayo sa Panginoong Jesucristo. Ibig sabihin, inaanyayahan tayo ng Tagapagligtas na umasa at makipagtulungan sa Kanya, kahit lahat ng pagsisikap natin ay hindi katumbas at hindi maihahambing sa Kanya. Kapag tayo ay nagtiwala at nakipagtulungan sa Kanya sa paghatak sa ating pasan sa paglalakbay natin sa buhay na ito, tunay na ang Kanyang pamatok ay malambot at magaan ang Kanyang pasan.”8
Itinuro rin ni Pangulong Nelson:
“Ang paglapit ninyo sa Tagapagligtas ay nangangahulugan na nagagamit ninyo ang Kanyang lakas at nakatutubos na kapangyarihan.”9
“Ang gantimpala sa pagtupad ng mga tipan sa Diyos ay kapangyarihang nagmumula sa langit—kapangyarihang nagpapalakas sa atin upang mas makayanan ang ating mga pagsubok, tukso, at dalamhati. Pinadadali ng kapangyarihang ito ang ating buhay. Ang mga taong nagsasabuhay ng mga nakatataas na batas ni Jesucristo ay nakatatamo ng Kanyang nakatataas na kapangyarihan.”10
“[Ang] pagtupad ng mga tipan ay talagang nagpapadali sa buhay! Bawat taong nakikipagtipan sa mga bautismuhan at sa mga templo—at tinutupad ang mga iyon—ay mas higit na nakatatamo ng kapangyarihan ni Jesucristo.”11
Mahal kong mga kapatid, gusto ba ninyong lumigaya? Manatili sa landas ng tipan. Magiging mas madali, mas maligaya, at puno ng kagalakan ang inyong buhay. Inaanyayahan tayo ng ating Tagapagligtas, “Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nanlulupaypay at lubhang nabibigatan at kayo’y bibigyan ko ng kapahingahan.”12 Siya ang buhay na Cristo. Dinadala Niya ang ating mga pasanin at pinadadali ang ating buhay. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.