Pangkalahatang Kumperensya
Ang Ating Kasama sa Tuwina
Pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2023


18:5

Ang Ating Kasama sa Tuwina

Kayo at ako ay may oportunidad na laging makasama ang Espiritu Santo.

Mahal kong mga kapatid, sa kumperensyang ito nabiyayaan tayo ng napakaraming paghahayag. Ang mga tagapaglingkod ng Panginoong Jesucristo ay nangusap at mangungusap ng mga salita ng katotohanan, panghihikayat, at patnubay.

Naantig ako ng mga patotoong ibinigay sa kumperensyang ito na nagsasalita sa atin nang personal ang Panginoon sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Kapag nagdarasal tayo at pagkatapos ay sinusunod ang mga pahiwatig ng Espiritu, nagkakaroon tayo ng dagdag na kabatiran at biyaya upang magabayan tayo sa lalong mas mahihirap na panahon sa hinaharap.

Muli nating narinig ang babala ni Pangulong Russell M. Nelson na “sa darating na mga araw, hindi magiging posible na espirituwal na makaligtas kung walang patnubay, tagubilin, at nakapagpapanatag na impluwensya ng Espiritu Santo.”1

Dahil sa babalang ito mula sa propeta ay nag-isip ako kung ano ang maituturo ko sa aking mga anak, apo, at apo-sa-tuhod tungkol sa kung paano makatatanggap ng mahalagang gabay na iyon para sa mahihirap na panahong pagdaraanan nila.

Kaya ang mensaheng ito ngayon ay maikling liham para sa aking mga inapo na maaaring makatulong sa kanila kapag wala na ako sa nakasasabik na mga araw sa hinaharap. Nais kong malaman nila kung ano ang nalaman ko na makakatulong sa kanila.

Mas naunawaan ko na kung ano ang nararapat nilang gawin para mapasakanila ang palagiang impluwensya ng Espiritu Santo sa kanilang panahon. At nadama ko na mangusap ngayon tungkol sa aking personal na karanasan sa pag-anyaya sa Espiritu Santo, sa abot ng aking makakaya, na maging kasama ko sa tuwina. Ang dalangin ko ay mahikayat ko sila.

Uumpisahan ko sa pagsabi sa kanila na isipin at ipagdasal ang tungkol sa mga anak ni Helaman, sina Nephi at Lehi, at ang iba pang mga tagapaglingkod ng Panginoon na nagpagal kasama nila. Dumanas sila ng matinding oposisyon. Naglingkod sila sa isang masamang lugar at kinailangang harapin ang matitinding panlilinlang. Mabibigyan ako ng lakas-ng-loob, at kayo rin, ng isang talatang ito mula sa talaan ni Helaman:

“At sa ikapitumpu at siyam na taon ay nagkaroon ng labis na sigalutan. Subalit ito ay nangyari na, na sina Nephi at Lehi, at marami sa kanilang mga kapatid na nakaaalam hinggil sa tunay na aral ng doktrina, na nakatatanggap ng maraming paghahayag sa araw-araw, anupa’t sila ay nangaral sa mga tao, hanggang sa mawakasan nila ang kanilang sigalutan sa taon ding yaon.”2

Ang salaysay na ito ay nakahihikayat sa akin, at makahihikayat ito sa inyo. Ang mga anak ni Helaman ay tinuruan at pinatnubayan ng magkakasunod na karanasan sa Espiritu Santo. Tiniyak nito sa akin na matuturuan tayo ng Espiritu at matututo sa Kanya nang taludtod sa taludtod, tumatanggap ng kinakailangan natin, at pagkatapos kapag handa na tayo, mas marami pa tayong matatanggap.

Nahikayat din ako ng salaysay tungkol kay Nephi na inutusang bumalik sa Jerusalem para kunin ang mga lamina ni Laban. Maaalala ninyo ang pinili niyang gawin. Sinabi niya, “Hahayo ako at gagawin ang mga bagay na ipinag-uutos ng Panginoon.”3

Ang karanasan ni Nephi sa paggabay ng Espiritu Santo sa atas na iyon ay nagbigay sa akin ng lakas-ng-loob nang maraming beses nang atasan ako na gawin ang mga gawain na alam kong mula sa Panginoon pero tila hindi ko pa nagawa noon at mahihirapan akong gawin.

Maaalala ninyo ang sinabi ni Nephi tungkol sa kanyang karanasan: “At noon ay gabi; at pinapagtago ko [ang aking mga kapatid] sa labas ng mga pader. At matapos nilang maitago ang sarili, ako, si Nephi, ay gumapang na papasok sa lunsod at nagtungo sa tahanan ni Laban.”

Isinalaysay pa niya, “At ako ay pinatnubayan ng Espiritu, nang sa simula ay hindi pa nalalaman ang mga bagay na nararapat kong gawin.”4

Nahikayat ako nang malaman ko na si Nephi ay patuloy na pinatnubayan ng Espiritu hanggang gumabi sa paggawa ng iniutos ng Panginoon.

Kailangan natin, at kakailanganin ninyo, ang palagiang patnubay ng Espiritu Santo. Ngayon, hinahangad natin ito, pero alam natin mula sa karanasan na hindi madaling matamo ito. Bawat isa sa atin ay nakakaisip at nakakapagsalita at nakakagawa ng mga bagay sa ating buhay araw-araw na nagpapalayo sa Espiritu.

Kapag nangyayari iyan, at mangyayari iyan, maaaring madama natin na hindi nalulugod sa atin ang Panginoon. At maaari tayong matuksong isipin na nag-iisa tayo. Mahalagang maalala ang tiyak na pangako na natatanggap natin tuwing Linggo kapag tayo ay nagsisisi at tumatanggap ng sakramento: “Nang sa tuwina ay mapasakanila ang kanyang Espiritu upang makasama nila.”5

Kung nadarama ninyo ang impluwensya ng Espiritu Santo ngayon, maituturing ninyong katibayan ito na nagkakaroon ng epekto ang Pagbabayad-sala sa inyong buhay.

Tulad ng sinabi ni Elder Jeffrey R. Holland: “Sa tuwing darating sa atin ang napakahirap na mga sandaling ito ng pagsubok, hindi tayo dapat magpadaig sa takot at isiping pinabayaan na tayo ng Diyos o na hindi Niya pinakikinggan ang ating mga panalangin. Talagang naririnig Niya tayo. Talagang nakikita Niya tayo. Talagang minamahal Niya tayo.”6

Ang katiyakang iyan ay nakatulong sa akin. Kapag nadarama kong malayo ako sa Panginoon, kapag tila naaantala ang mga sagot sa aking mga panalangin, natutuhan kong sundin ang payo ni Pangulong Nelson na suriin ang aking buhay para sa mga pagkakataong magsisi. Ipinapaalala niya sa atin, “Ang araw-araw na pagsisisi ay landas patungo sa kadalisayan, at ang kadalisayan ay nagdadala ng kapangyarihan.”7

Kung nahihirapan kayong madama ang Espiritu Santo, makabubuting pag-isipan ninyo kung may anumang bagay na maaari ninyong pagsisihan at makatanggap ng kapatawaran dito.8 Makapagdarasal kayo nang may pananampalataya para malaman ang dapat gawin upang maging malinis at sa gayon ay maging mas karapat-dapat na makasama sa tuwina ang Espiritu Santo.

Kung nais ninyong makasama ang Espiritu Santo, kailangang hangarin ninyo ito para sa tamang mga kadahilanan. Ang mga layunin ng Panginoon ang dapat na maging mga layunin ninyo. Kung masyadong makasarili ang mga layunin ninyo, mahihirapan kayong matanggap at madama ang mga pahiwatig ng Espiritu.

Ang mahalaga para sa akin at sa inyo ay naisin ang ninanais ng Tagapagligtas. Ang dapat na dahilan sa mga layunin natin ay ang dalisay na pag-ibig ni Cristo. Ang ating mga panalangin ay kailangang “Ang tanging naisin ko ay ang ninanais Ninyo. Masunod nawa ang kalooban Ninyo.”

Sinisikap kong maalala ang sakripisyo ng Tagapagligtas at ang pagmamahal Niya sa akin. Pagkatapos, kapag nagdarasal ako sa Ama sa Langit upang magpasalamat, nakadarama ako ng pagmamahal at katiyakan na naririnig ang mga panalangin ko at matatanggap ko ang anumang pinakamainam para sa akin at sa mga taong mahal ko. Pinalalakas nito ang aking patotoo.

Sa lahat ng bagay na pinatototohanan ng Espiritu Santo, ang pinakamahalaga para sa atin ay si Jesus ang Cristo, ang buhay na Anak ng Diyos. Ipinangako ng Tagapagligtas, “Kapag dumating na ang Mang-aaliw, na aking susuguin sa inyo mula sa Ama, ang Espiritu ng katotohanan, na mula sa Ama, siya ang magpapatotoo tungkol sa akin.”9

Maraming taon na ang nakalipas nakatanggap ako ng tawag sa telepono mula sa isang nag-aalalang ina. Sinabi niya na lumipat na ang kanyang anak na babae sa lungsod na malayo sa kanyang tahanan. Nahiwatigan niya sa maikling pag-uusap nila ng kanyang anak na may nangyayaring hindi tama. Humingi siya ng tulong sa akin.

Nalaman ko kung sino ang home teacher ng kanyang anak. Masasabi mo sa katawagan [home teacher] na napakatagal nang nangyari ito. Tinawagan ko siya. Bata pa siya. Gayunpaman sinabi niya sa akin na sila ng kanyang kompanyon sa home teaching ay kapwa nagising sa gabi na hindi lang nag-aalala sa anak na iyon kundi dahil din sa inspirasyong nadama nila na gagawa ito ng mga desisyong maghahatid ng lungkot at pagdurusa. Sa inspirasyon lamang na iyon ng Espiritu, pinuntahan nila ito.

Noong una ayaw nitong sabihin sa kanila ang kanyang sitwasyon. Dama ang inspirasyon, nakiusap sila sa kanya na magsisi at piliin ang landas ng Panginoon para sa kanya. Natanto [ng anak na babae], naniniwala ako na iyon ay sa pamamagitan ng Espiritu, na ang tanging paraan para malaman nila ang tungkol sa kanyang buhay ay mula sa Diyos. Humingi ng tulong sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas ang nag-aalalang ina. Ang Espiritu Santo ay isinugo sa mga home teacher na iyon dahil handa silang maglingkod sa Panginoon. Sinunod nila ang payo at pangako na matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan:

“Punuin din ang iyong sisidlan ng pag-ibig para sa lahat ng tao, at sa sambahayan ng pananampalataya, at puspusin ng kabanalan ang iyong mga iniisip nang walang humpay; sa gayon ang iyong pagtitiwala ay lalakas sa harapan ng Diyos; at ang doktrina ng pagkasaserdote ay magpapadalisay sa iyong kaluluwa gaya ng hamog mula sa langit.

“Ang Espiritu Santo ang iyong magiging kasama sa tuwina, at ang iyong setro ay hindi nagbabagong setro ng kabutihan at katotohanan; at ang iyong pamamahala ay magiging walang hanggang pamamahala, at sa walang sapilitang pamamaraan ito ay dadaloy sa iyo magpakailanman at walang katapusan.”10

Pinatototohanan ko na tinutupad ng Panginoon ang Kanyang pangako. Ang Espiritu Santo ay isinusugo sa matatapat at nakipagtipang mga miyembro ng Simbahan ni Jesucristo. Ngayon, magiging natatangi ang inyong mga karanasan, at gagabayan kayo ng Espiritu sa paraang angkop sa inyong pananampalataya at kakayahan na tumanggap ng paghahayag para sa inyo at para sa mga taong mahal ninyo at pinaglilingkuran. Taos-puso kong idinadalangin na mas tumibay ang inyong pagtitiwala.

Nagpapatotoo ako na buhay ang Diyos Ama. Mahal Niya kayo. Naririnig Niya ang lahat ng inyong panalangin. Si Jesucristo ay talagang nanalangin sa Ama na isugo ang Espiritu Santo upang gabayan, panatagin, at patotohanan ang katotohanan sa atin. Ang Ama at Kanyang Pinakamamahal na Anak ay nagpakita kay Joseph Smith sa kakahuyan. Isinalin ni Propetang Joseph Smith ang Aklat ni Mormon sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos.

Ipinanumbalik ng mga sugo ng langit ang mga susi ng priesthood. Si Pangulong Russell M. Nelson ang propeta ng Diyos para sa buong mundo.

Bilang saksi ni Jesucristo, alam ko na Siya ay buhay at pinamumunuan Niya ang Kanyang Simbahan. Kayo at ako ay may pagkakataong makasama sa tuwina ang Espiritu Santo at mapagtitibay sa atin ang mga katotohanang iyon kapag inaalala at minamahal natin ang Tagapagligtas, nagsisisi, at hinihiling na mapasapuso natin ang Kanyang pagmamahal. Dalangin ko na matamo natin ang pagpapalang iyan at makasama natin ang Espiritu Santo ngayon at sa araw-araw ng ating buhay. Mahal ko kayo. Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.