Ikapu: Pagbubukas ng mga Bintana ng Langit
Bumubukas ang mga bintana ng langit sa maraming paraan. Magtiwala sa oras ng Panginoon; palaging dumarating ang mga pagpapala.
Habang ako ay nasa South America nitong nakaraan, ibinahagi sa akin ni Brother Roger Parra mula sa Venezuela ang sumusunod na karanasan:
“Noong 2019, ang Venezuela ay naapektuhan ng mga problemang nagdulot ng malakihang pagkawala ng kuryente sa loob ng limang araw.
“Kaguluhan at pagkaligalig ang naghari sa mga kalye, at maraming tao ang naging desperado dahil sa kakulangan ng pagkain.
“Ang iba ay nagsimulang magnakaw sa mga tindahan ng pagkain, sinisira ang lahat ng nadaanan nila.
“Bilang may-ari ng isang maliit na panaderya, labis akong nag-alala para sa aming negosyo. Bilang isang pamilya, nagdesisyon kaming ipamigay ang lahat ng pagkain sa aming panaderya sa mga taong nangangailangan.
“Sa gitna ng isang napakadilim na gabi, naglipana ang kaguluhan sa buong kapaligiran. Ang inaalala ko lamang ay ang kaligtasan ng aking mahal na asawa at mga anak.
“Pagpatak ng madaling araw ay nagtungo ako sa aming panaderya. Sa kasamaang-palad, ang lahat ng kalapit na tindahan ng pagkain ay sinira ng mga magnanakaw, ngunit laking gulat ko, ang aming panaderya ay buo pa rin. Walang nasira. Mapagkumbaba kong pinasalamatan ang aking Ama sa Langit.
“Pagkauwi ko, sinabi ko sa aking pamilya ang pagpapala at proteksyon ng Diyos.
“Ang laki ng pasasalamat nilang lahat.
“Ang panganay kong anak na lalaki na si Rogelio, na 12 taong gulang lamang, ay nagwikang, ‘Itay! Alam ko po kung bakit naproteksyunan ang ating tindahan. Palagi kayong nagbabayad ng ikapu ni Mama.’”
Pagwawakas ni Brother Parra: “Ang mga salita ni Malakias ay sumagi sa aking isipan. ‘Aking sasawayin ang mananakmal alang-alang sa inyo, kaya’t hindi nito sisirain ang mga bunga ng inyong lupa’ [Malakias 3:11]. Lumuhod kami at malugod na nagpasalamat sa aming Ama sa Langit para sa Kanyang himala.”1
Subukin Ninyo Ako Ngayon
Ang lahat ng mayroon tayo at ang lahat ng kung sino tayo ay mula sa Diyos. Bilang mga disipulo ni Cristo, kusang-loob tayong nagbabahagi sa yaong mga nasa paligid natin.
Sa lahat ng ibinibigay sa atin ng Panginoon, inutusan Niya tayong ibalik sa Kanya at sa Kanyang kaharian sa lupa ang 10 porsyento ng ating kita. Ipinangako Niya sa atin na kapag tayo ay tapat sa ating mga ikapu, Kanyang “bubuksan … ang mga bintana ng langit, at ibubuhos … ang isang pagpapala na walang sapat na kalalagyan.”2 Nangako Siyang poprotektahan Niya tayo mula sa kasamaan.3 Ang mga pangakong ito ay siguradung-sigurado,4 kaya sinabi ng Panginoon, “Subukin ninyo ako ngayon,”5 isang pariralang hindi makikita saanmang banal na kasulatan maliban kapag sinisipi ang Malakias.
Bumubukas ang mga bintana ng langit sa maraming paraan. Ang ilan ay temporal ngunit marami ang espirituwal. Ang ilan ay simple at madaling hindi mapansin. Magtiwala sa oras ng Panginoon; palaging dumarating ang mga pagpapala.
Nalulungkot tayo kasama ng yaong mga nahihirapang matugunan ang mga pangangailangan ng buhay. Kamakailan ay naghandog ang Simbahan ng 54 milyong US dollars upang makapagbigay ng tulong sa mga nangangailangang bata at ina sa buong mundo.6 At sa pamamagitan ng mga handog ninyo mula sa inyong buwanang pag-aayuno, ang ating mga butihing bishop ay lingguhang tumutulong sa libu-libong nangangailangan ng mga temporal na bagay gaya ng pagkain sa kanilang mga mesa, damit sa kanilang mga likuran, at tirahan sa ibabaw ng kanilang mga ulunan. Ang natatanging permanenteng solusyon sa kahirapan ng mundong ito ay ang ebanghelyo ni Jesucristo.7
Isang Pagsubok sa Pananampalataya
Nagbabala si Apostol Pablo na ang karunungan ng tao ay nakauunawa ng mga bagay na tungkol sa tao ngunit nahihirapang umunawa ng mga bagay na tungkol sa Diyos.8 Sinasabi ng mundo na ang ikapu ay tungkol sa pera, ngunit ang sagradong batas ng ikapu ay isa talagang pagsubok sa ating pananampalataya. Ang pagiging tapat sa ating mga ikapu ay isang paraan upang maipakita ang ating kahandaan na unahin ang Panginoon sa ating mga buhay, higit pa sa ating mga alalahanin at kagustuhan. Nangangako ako sa inyo na kapag nagtiwala kayo sa Panginoon, ang mga pagpapala mula sa langit ay susunod.
Sinabi ni Jesus na ibigay “kay Cesar ang kay Cesar at sa Diyos ang sa Diyos.”9 Ang nabuhay na mag-uling Tagapagligtas ay humiling sa mga Nephita na isulat sa kanilang talaan ang Kanyang mga pangakong matatagpuan sa Malakias.10 Sa panahon natin, muling pinagtibay ng Panginoon ang banal na batas ng ikapu, ipinapahayag: “Ito ang magiging pasimula ng pagbibigay ng ikapu ng aking mga tao. At [sila] ay magbabayad ng ikasampung bahagi ng lahat ng kanilang tinubo taun-taon; at ito ay mananatiling batas sa kanila magpakailanman.”11
Malinaw na itinuro ng Panginoon kung paano dapat ibigay ang ikapu, sinasabing, “Dalhin ninyo ang buong ikasampung bahagi sa kamalig,”12 na nangangahulugang dalhin ang mga ikapu sa Kanyang ipinanumbalik na kaharian, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.13 Itinuro Niya na ang paggamit sa mga sagradong ikapu na ito ay mapanalanging pagpapasiyahan ng lupon ng Unang Panguluhan, Korum ng Labindalawang Apostol, Presiding Bishopric, “at ng sarili kong tinig sa kanila, wika ng Panginoon.”14
Ang mga Sagradong Pondo ng Panginoon
Ang mga sagradong pondo na ito ay hindi pag-aari ng mga lider ng Simbahan. Ang mga ito ay pag-aari ng Panginoon. Labis na nalalaman ng Kanyang mga tagapaglingkod ang sagradong katangian ng kanilang nasasakupan.
Inalala ni Pangulong Gordon B. Hinckley ang karanasan niya noong bata pa siya: “Noong bata pa ako ay may itinanong ako sa aking ama … hinggil sa paggastos sa mga pondo ng Simbahan. Ipinaalala niyang obligasyon kong ibinigay ng Diyos na bayaran ang aking mga ikapu at handog. Kung gagawin ko ito, [sabi ng aking ama,] ang ibinigay ko ay hindi na sa akin. Pag-aari na ito ng Panginoon, kung kanino ko ito ibinigay.” Idinagdag ng kanyang ama: “Kung anumang gawin ng mga awtoridad ng Simbahan dito ay hindi [mo] na dapat alalahanin, [Gordon]. Sila na ang mananagot sa Panginoon, na siyang hihingi ng ulat mula sa kanila.”15
Lubos naming nadarama ang bigat ng “[pananagutan] sa Panginoon.”
Ang Inyong mga Bukas-Palad na Ikapu at Handog
Mula sa mga bukas-palad na ikapu at handog na ibinigay ninyo sa Panginoon, nitong nakaraang taon ay higit sa isang bilyong US dollars ang ginamit upang pagpalain ang yaong mga nangangailangan.16
Sa ating natatanging responsibilidad na dalhin ang ipinanumbalik na ebanghelyo sa buong mundo, mayroon tayong mahigit 71,000 missionary na naglilingkod sa 414 misyon.17 Dahil sa inyong mga ikapu at handog, ang mga missionary, anuman ang pinansyal na estado ng kanilang mga pamilya, ay maaaring makapaglingkod.
Ang mga templo ay itinatayo sa buong mundo sa pambihirang bilang. Sa kasalukuyan, mayroong 177 templo na nakabukas, 59 ang kasalukuyang ginagawa o nire-renovate, at 79 pa ang nakaplano at idinidisenyo na.18 Ang inyong mga ikapu ay nagbibigay-daan upang madala ang mga pagpapala ng templo sa mga lugar na tanging ang Panginoon lamang ang makakikita.
Mayroong mahigit 30,000 kongregasyon na gumagamit ng libu-libong chapel at iba pang pasilidad sa 195 na bansa at mga teritoryo.19 Dahil sa inyong tapat na ikapu, naitataguyod ang Simbahan sa malalayong lugar na maaaring hindi ninyo mapupuntahan para sa mga matwid na Banal na maaaring hindi ninyo makikilala.
Kasalukuyang sinusuportahan ng Simbahan ang limang institusyon ng mataas na pagkatuto.20 Ang mga ito ay nagseserbisyo sa mahigit 145,000 estudyante. Isang daan at sampung libong klase ang naituturo kada linggo sa ating mga seminary at institute.21
Ang mga pagpapalang ito at marami pang iba ay dumarating nang masagana mula sa mga bata at matatandang tapat na nagbabayad ng ikapu, anuman ang kanilang kalagayang pang-ekonomiya.
Ang espirituwal na kapangyarihan ng banal na batas ng ikapu ay hindi nasusukat sa halaga ng perang iniambag, dahil kapwa ang masagana at maralita ay inuutusan ng Panginoon na ibigay ang 10 porsyento ng kanilang kita.22 Ang kapangyarihan ay nagmumula sa ating pagtitiwala sa Panginoon.23
Ang karagdagang kasaganaan ng Panginoon na inihahatid sa pamamagitan ng inyong mga bukas-palad na ikapu ay nakapagpapalago sa mga pondo ng Simbahan, nagbibigay ng oportunidad na maisulong ang gawain ng Panginoon sa mga bagay na hindi pa natin nagawa noon. Ang lahat ay nalalaman ng Panginoon, at sa takdang panahon, makikita nating matutupad ang Kanyang mga sagradong layunin.24
Ang mga Pagpapala ay Dumarating sa Maraming Paraan
Ang mga pagpapala ng ikapu ay dumarating sa maraming paraan. Noong 1998, sinamahan ko ang dating si Elder Henry B. Eyring sa isang malaking miting ng Simbahan sa Utah area na ngayon ay tinatawag na Silicon Slopes, isang komunidad na sagana sa inobasyon sa teknolohiya. Panahon iyon ng lumalaking kasaganaan, at nagbabala si Elder Eyring sa mga Banal tungkol sa pagkukumpara ng mayroon sila sa iba at paghahangad ng higit pa. Palagi kong naaalala ang kanyang pangako na kapag sila ay nagbayad ng tapat na ikapu, mawawala ang kanilang pagnanais sa mga materyal na pag-aari. Sa loob ng dalawang taon, bumagsak ang industriya ng teknolohiya. Marami ang nawalan ng trabaho, at maraming kumpanya ang nahirapan sa panahon na ito ng pagbabago sa pananalapi. Ang yaong mga sumunod sa payo ni Elder Eyring ay napagpala.
Ang kanyang pangako ay nagpaalala sa akin ng isa pang karanasan. Nakilala ko ang 12 taong gulang na si Charlotte Hlimi malapit sa Carcassonne, France, noong 1990 habang naglilingkod ako bilang isang mission president. Ang mga Hlimi ay isang matapat na pamilyang may walong anak na nakatira sa isang apartment. Mayroon silang larawan ng Tagapagligtas at ng propeta sa dingding. Sa interbyu para sa kanyang patriarchal blessing, tinanong ko si Charlotte kung nagbabayad siya ng tapat na ikapu. Sumagot siya, “Opo, President Andersen. Itinuro sa akin ng aking ina na mayroong mga temporal na pagpapala at espirituwal na pagpapalang darating sa pagbabayad ng ating ikapu. Itinuro sa akin ng aking ina na kung palagi kaming magbabayad ng aming ikapu, wala na kaming hahangarin pa. At President Andersen, wala na kaming hinahangad pa.”
Nang bigyan niya ako ng pahintulot na ibahagi ang kanyang kwento, nagkomento si Charlotte, na ngayon ay 45 taong gulang at nabuklod na sa templo: “Ang aking patotoo tungkol sa ikapu ay talagang tunay noon pa man, at mas malakas pa ito ngayon. Labis kong ipinagpapasalamat ang kautusang ito. Habang patuloy ko itong ipinamumuhay, mas pinagpapala ako.”25
Balang araw, ang bawat isa sa atin ay matatapos sa ating paglalakbay sa lupa. Dalawampu’t limang taon na ang nakararaan, ilang araw bago mamatay ang aking biyenang si Martha Williams dahil sa kanser, nakatanggap siya ng isang maliit ng tseke sa koreo. Agad niyang sinabihan ang asawa kong si Kathy na ibigay ang checkbook niya upang mabayaran ang kanyang ikapu. Dahil ang kanyang ina ay masyado nang mahina at hindi na halos makapagsulat, itinanong ni Kathy kung maaaring siya na lamang ang magsulat ng tseke para sa kanya. Tumugon ang kanyang ina, “Hindi, Kathy. Gusto kong gawin ito nang mag-isa.” At mahina niyang idinagdag, “Nais kong maging tama sa harap ng Panginoon.” Ang isa sa mga huling bagay na ginawa ni Kathy para sa kanyang ina ay ang ibigay ang kanyang sobre ng ikapu sa kanyang bishop.
Ang Mahalagang Gawain ng Diyos
Aking mga kapatid, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay “[naipakita] mula sa pagkakatago,”26 nagdadala ng mga kahanga-hangang pagpapala sa buong mundo. Mayroong yaong mga susuporta sa atin pasulong at mayroong yaong mga hindi. Iniisip ko ang mga salita ng matalinong si Gamaliel, na, noong narinig ang mga himala nina Apostol Pedro at Juan, nagbigay-babala sa konseho ng Jerusalem:
“Hayaan ninyo [ang mga taong ito]; sapagkat kung … ang gawang ito ay mula sa tao, ito’y mawawasak.
“Ngunit kung ito’y sa Diyos, hindi ninyo sila makakayang wasakin. Baka matagpuan pa kayong nakikipaglaban sa Diyos.”27
Kayo at ako ay bahagi ng mahalagang gawain ng Diyos dito sa lupa. Hindi ito mawawasak kundi patuloy na uusad sa buong mundo, inihahanda ang daan para sa pagbabalik ng Tagapagligtas. Pinatototohanan ko ang sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson: “Sa mga darating na araw, masasaksihan natin ang mga pinakadakilang pagpapakita ng kapangyarihan ng Tagapagligtas na hindi pa nasasaksihan ng mundo kailanman. Mula ngayon hanggang sa oras ng Kanyang pagbalik … , magkakaloob Siya ng napakaraming pribilehiyo, pagpapala, at himala sa matatapat.”28
Ito ang aking saksi. Si Jesus ang Cristo. Ito ang Kanyang banal na gawain. Siya ay muling paparito. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.