Mga Banal na Aral ng Pagiging Magulang
Ang mga magulang ay nakikipagtulungan sa kanilang Ama sa Langit sa paggabay sa kanilang minamahal na mga anak pabalik sa langit.
Nakakarga ka na ba ng bagong panganak na sanggol? May liwanag na nagmumula sa bawat bagong panganak na sanggol na nagdadala ng espesyal na ugnayan ng pagmamahal na makapagdudulot ng kaligayahan sa puso ng kanilang mga magulang.1 Isinulat ng isang Mehikanong manunulat, “Natutuhan ko na kapag pinisil ng isang bagong panganak na sanggol ang daliri ng kanyang ama gamit ang kanyang maliliit na kamay, habambuhay na niya itong hahawakan.”2
Ang pagiging magulang ay isa sa mga hindi matatawarang karanasan sa buhay. Ang mga magulang ay nakikipagtulungan sa kanilang Ama sa Langit sa paggabay sa kanilang minamahal na mga anak pabalik sa langit.3 Ngayon ay nais kong magbahagi ng ilang mga aral sa pagiging magulang na matatagpuan sa mga banal na kasulatan at itinuro ng mga buhay na propeta upang matulungan tayong makapag-iwan ng ating pamana bilang mga magulang.
Paghusayin ang Sarili sa Kultura ng Ebanghelyo
Dapat nating paghusayin ang ating sarili sa kultura ng ebanghelyo kasama ang ating mga pamilya. Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson: “Nararapat para sa mga pamilya na makatanggap ng patnubay mula sa langit. Hindi kaya ng mga magulang na payuhan nang sapat ang kanilang mga anak mula sa mga personal na karanasan, takot, o pagdamay.”4
Bagama’t mahalaga ang ating mga kulturang kinalakhan, paraan ng pagpapalaki sa mga anak, at personal na mga karanasan sa pagiging magulang, ang mga kakayahang ito ay hindi sapat upang matulungan ang ating mga anak na makabalik sa langit. Kailangan natin ng mas mataas na “grupo ng mga pinapahalagahan at … gawain,”5 isang kultura ng pagmamahal at ekspektasyon, kung saan pinakikitunguhan natin ang ating mga anak sa isang “mas dakila at mas banal na paraan.”6 Inilarawan ni Pangulong Dallin H. Oaks ang kultura ng ebanghelyo bilang “isang natatanging pamumuhay, isang grupo ng mga pinahahalagahan at inaasahan at gawain. … Ang kultura ng ebanghelyong ito ay mula sa plano ng kaligtasan, mga utos ng Diyos, at mga turo ng … mga buhay na propeta. Ginagabayan tayo nito sa pagpapalaki ng ating pamilya at sa ating sariling pamumuhay”7
Si Jesucristo ang sentro ng kulturang ito ng ebanghelyo. Ang pagsunod sa kultura ng ebanghelyo sa ating mga pamilya ay mahalaga upang makagawa ng kapaligirang magandang tamnan ng binhi ng pananampalataya upang lumago ito. Upang paghusayin ang sarili, inanyayahan tayo ni Pangulong Oaks “na iwaksi ang anumang tradisyon o gawain [na personal o] ng pamilya na salungat sa mga turo ng Simbahan ni Jesucristo.”8 Mga magulang, ang kahinaan ng ating loob sa pagtatatag ng kultura ng ebanghelyo ay maaaring magbigay ng pagkakataon sa kalaban na magsimulang impluwensyahan ang ating mga tahanan, o mas matindi pa, ang puso ng ating mga anak.
Kapag pinipili nating pangibabawin ang kultura ng ebanghelyo sa ating pamilya, sa pamamagitan ng impluwensiya ng Espiritu Santo,9 ang ating kasalukuyang mga istilo, tradisyon, at gawi bilang mga magulang ay masusuri, maiaayon, mapapadalisay, at mapapahusay.
Gawing Sentro ng Pag-aaral ng Ebanghelyo ang Tahanan
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na ang tahanan ay dapat na maging “sentro ng pag-aaral ng ebanghelyo.”10 Ang layunin ng pag-aaral ng ebanghelyo ay “[palalimin] ang ating pagbabalik-loob sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at [tulungan tayo] na maging lalong katulad Nila.”11 Pag-isipan natin ang tatlong mahahalagang responsibilidad ng mga magulang na inilarawan ng mga propeta at apostol na makatutulong sa atin upang paghusayin ang kultura ng ebanghelyo sa ating mga tahanan.
Una: Malayang Magturo
Itinuro ng Ama sa Langit kay Adan ang tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang doktrina. Itinuro Niya sa kanya na “malayang ituro ang mga bagay na ito sa [kanyang] mga anak.”12 Sa madaling salita, itinuro ng Ama sa Langit kay Adan na ituro ang mga bagay na ito nang hayagan, lubos, at walang pag-aalinlangan.13 Sinasabi sa atin ng mga banal na kasulatan na “pinapurihan nina Adan at Eva ang pangalan ng Diyos, at ipinaalam nila ang lahat ng bagay sa kanilang mga anak na lalaki at babae.”14
Marami tayong naituturo sa ating mga anak kapag nag-uukol tayo ng makabuluhang oras sa kanila. Nagtuturo tayo nang walang pag-aalinlangan kapag tinatalakay natin ang mga sensitibong paksa gaya ng oras na ginugugol sa digital device, gamit ang mga resource na inihanda ng Simbahan.15 Nagtuturo tayo nang hayagan kapag nag-aaral tayo ng mga banal na kasulatan kasama ang ating mga anak gamit ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin at hinahayaan ang Espiritu na magturo.
Pangalawa: Pagpapakita ng Halimbawa ng Pagkadisipulo
Sa aklat ni Juan, mababasa natin na noong tinanong ng ilang Judio ang Tagapagligtas tungkol sa Kanyang mga ginagawa, itinuon sila ni Jesus sa Kanyang huwaran, ang Kanyang Ama. Itinuro Niya, “Hindi makakagawa ng anuman ang Anak sa kanyang sarili kundi ang nakikita niyang ginagawa ng Ama. Sapagkat ang lahat ng mga bagay na kanyang ginagawa ay siya ring ginagawa ng Anak.”16 Mga magulang, anong halimbawa ang kailangan nating ipakita sa ating mga anak? Pagkadisipulo.
Bilang mga magulang, maituturo natin ang kahalagahan na unahin ang Diyos kapag tinatalakay natin ang unang kautusan, ngunit maipapakita natin ito kung isasantabi natin ang mga panggagambala ng mundo at pananatilihing banal ang araw ng Sabbath kada linggo. Maituturo natin ang kahalagahan ng mga tipan sa templo kapag nagsasalita tayo tungkol sa mga doktrina ng selestiyal na kasal, ngunit maipapakita natin ito kapag iginagalang natin ang ating mga tipan at tinatrato ang ating asawa nang may dignidad.
Ikatlo: Mag-anyayang Kumilos
Ang pananampalataya kay Jesucristo ang dapat na maging sentro ng mga patotoo ng ating mga anak, at ang mga patotoong ito ay dapat na matanggap ng bawat bata sa pamamagitan ng personal na paghahayag.17 Upang matulungan ang ating mga anak na magkaroon ng sariling patotoo, hinihikayat natin silang gamitin ang kanilang kalayaang pumili na piliin ang tama18 at ihanda sila na manatili sa landas ng tipan ng Diyos sa habambuhay.19
Makabubuting hikayatin natin ang bawat isa sa mga anak natin na tanggapin ang paanyaya ni Pangulong Nelson na maging responsable sa kanilang sariling patotoo kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo—na pagsikapan ito, paigtingin ito upang ito ay lumago, na puspusin ito ng katotohanan, at huwag itong dungisan ng mga maling pilosopiya ng mga lalaki at babaeng hindi naniniwala.20
Mabuti at Lubos na Nangangalagang Magulang
Ang mga banal na layunin ng Ama sa Langit bilang isang magulang ay ipinaalam sa isang paghahayag na ibinigay kay Moises: “Sapagkat masdan, ito ang aking gawain at aking kaluwalhatian—ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao.”21 Idinagdag ni Pangulong Nelson na, “Gagawin ng Diyos ang lahat ng kaya Niya, maliban sa labagin ang inyong kalayaang pumili, para hindi kayo mawalan ng pinakadakilang mga pagpapala sa buong kawalang-hanggan.”22
Bilang mga magulang, tayo ang mga kinatawan ng Diyos sa pangangalaga sa ating mga anak.23 Kinakailangang gawin natin ang lahat ng ating makakaya upang makalikha ng kapaligiran kung saan madarama ng ating mga anak ang Kanyang banal na impluwensiya.
Hindi kailanman ninais ng Ama sa Langit para sa atin na mga magulang na maupo lamang nang walang ginagawa, na pinapanood ang pagsibol ng espirituwal na buhay ng ating mga anak. Hayaan ninyong ilarawan ko ang ideyang ito tungkol sa lubos na nangangalagang magulang gamit ang sarili kong karanasan. Noong dumadalo ako sa Primary sa isang maliit na branch sa Guatemala, tinuruan ako ng mga magulang ko tungkol sa kahalagahan ng mga patriarchal blessing. Naglaan ng oras ang aking ina para ibahagi ang kanyang karanasan sa pagtanggap ng kanyang itinatanging patriarchal blessing. Itinuro niya sa akin ang doktrinang may kinalaman sa mga patriarchal blessing, at pinatotohanan niya ang mga ipinangakong pagpapala. Ang kanyang lubos na pangangalaga ay nagbigay-inspirasyon sa akin na naising makatanggap ng patriarchal blessing.
Noong ako ay 12 taong gulang, tinulungan ako ng mga magulang kong maghanap ng patriarch. Kinakailangan ito dahil walang patriarch sa district kung saan kami nakatira. Bumiyahe ako papunta sa patriarch sa isang stake na 156 kilometro (97 milya) ang layo. Malinaw kong naaalala noong ipatong ng patriarch ang kanyang mga kamay sa aking ulo upang basbasan ako. Nalaman ko sa pamamagitan ng makapangyarihang espirituwal na pagpapatibay, nang walang duda, na kilala ako ng aking Ama sa Langit.
Para sa isang 12-taong-gulang na batang lalaki mula sa isang maliit na bayan, napakahalaga niyon para sa akin. Bumaling ang aking puso sa aking Ama sa Langit noong araw na iyon dahil sa lubos na pangangalaga ng aking ama at ina, at habambuhay akong magpapasalamat sa kanila.
Itinuro ni Sister Joy D. Jones, dating Primary General President: “Hindi natin maaaring hintaying basta na lamang mangyari ang pagbabalik-loob sa ating mga anak. Ang hindi-sadyang pagbabalik-loob ay hindi alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo.”24 Ang ating pagmamahal at inspiradong mga paanyaya ay magbibigay ng kaibhan sa paraan kung paano gagamitin ng ating mga anak ang kanilang kalayaang pumili. Binigyang-diin ni Pangulong Nelson, “Wala nang iba pang gawain ang hihigit kaysa sa pagiging mabuti at lubos na nangangalagang magulang!”25
Katapusan
Mga magulang, ang mundong ito ay puno ng mga pilosopiya, kultura, at ideyang umaagaw sa pansin ng ating mga anak. Ang malaki at maluwang na gusali ay nanghihikayat araw-araw gamit ang mga napapanahong media channel. “Subalit sa paghahandog ng kanyang Anak,” itinuro ng propetang si Moroni, “ang Diyos ay naghanda ng higit na mabuting paraan.”26
Habang tayo ay nakikipagtulungan sa Diyos sa pamamagitan ng mga tipan at nagiging mga kinatawan Niya sa pangangalaga ng ating mga anak, pababanalin Niya ang ating mga hangarin, bibigyang-inspirasyon ang ating mga turo, at paiigtingin ang ating mga panghihikayat upang “malaman ng ating mga anak kung kanino sila aasa para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan.”27 Sa pangalan ni Jesucristo, amen.