Pangkalahatang Kumperensya
Anong Laki ng Inyong Kagalakan
Pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2023


13:48

Anong Laki ng Inyong Kagalakan

Inaanyayahan ko kayo ngayon na dalhin ang inyong kaalaman at karanasan, pati na rin ang inyong mga patotoo na subok na ng panahon, at maglingkod sa misyon.

Minamahal kong mga kapatid, nais kong talakayin ngayon ang tungkol sa pagtitipon ng Israel, ang tinawag ni Pangulong Russell M. Nelson na “ang pinakamahalagang nangyayari sa mundo ngayon. Walang maikukumpara sa laki, walang maikukumpara sa halaga, at sa kadakilaan nito.”1

Ang pagtitipon na ito ang pinakapatunay na “ang kahalagahan ng mga kaluluwa ay dakila sa paningin ng Diyos.”2 Ganoon lang iyon kasimple. Tinitipon natin ang mga anak ng Diyos sa mga huling araw na ito upang ang mga “dakilang pagpapala [ay maibuhos] sa kanilang mga ulo”3 at matanggap nila ang mga pangako ng “mga kayamanan ng kawalang-hanggan.”4 Kung kaya’t upang matipon ang Israel, kailangan natin ng mga missionary—higit pa sa kasalukuyang naglilingkod.5 Ngayon, nangungusap ako sa mga dalubhasang nakatatanda sa Simbahan na maaaring maglingkod bilang mga missionary. Kailangan kayo ng Panginoon. Kailangan namin kayo sa New York at Chicago, Australia at Africa, Thailand at Mexico, at sa lahat ng lugar.

Balikan natin ang taong 2015. Bagong tawag lang ako noon sa Korum ng Labindalawang Apostol. Ang isa sa mga kahanga-hangang responsibilidad namin bilang mga Apostol ay ang pagtatakda kung saan maglilingkod ang mga missionary. Nagkaroon ako ng pagkakataong makibahagi sa prosesong ito bilang Pitumpu,6 ngunit ngayon bilang Apostol, nadama ko ang buong bigat ng responsibilidad na ito. Nagsimula ako sa mapanalanging paglalagay ng napakaraming nakababatang elder at sister, nang paisa-isa, sa mga mission sa buong mundo. Pagkatapos ay sa mga senior couple naman. 10 lang ang nasa listahan. Hindi masyadong marami. Nagulat ako kaya tinanong ko ang aking kasama na mula sa Missionary Department, “Ilan ba ang kailangan natin ngayong linggo upang mapunan ang mga kahilingan?”

Tugon niya, “300.”

Hinding-hindi ko malilimutan ang malungkot na sandaling iyon: 10 mag-asawa para sa 300 kahilingan.

Hinikayat ni Pangulong Russell M. Nelson ang mga mag-asawa na “lumuhod … at magtanong sa Ama sa Langit kung panahon na para … magmisyon [sila].”7 Sa lahat ng kwalipikasyon, sinabi niya, “ang hangaring maglingkod ang pinakamahalaga.”8

Tulad ng sinabi sa banal na kasulatan, “Kung ikaw ay may mga naising maglingkod sa Diyos ikaw ay tinatawag sa gawain.”9 Ang gawaing iyon ay patungkol sa batas ng pag-ani. Mababasa natin sa Juan, “Ang naghahasik at ang umaani ay magkasamang magalak.”10

Nakita kong natupad ang batas ng pag-ani sa aking sariling pamilya.

Ilang taon na ang nakaraan, binisita ko ang aking pamilya nang hilingin sa akin ng bishop na magbigay ako ng pangwakas na mensahe sa sacrament service.11 Nang pababa na ako mula sa pulpito, isang babae ang lumapit sa akin kasama ang kayang pitong anak at ipinakilala niya ang kanyang sarili bilang si Sister Rebecca Guzman.

Tanong niya, “Elder Rasband, kilala po ba ninyo sina Rulon at Verda Rasband?”

Ako ay natuwa at sumagot, “Mga magulang ko sila.”

Malamang alam na ninyo kung saan ito papunta. Nang may pahintulot ni Rebecca, na narito ngayon sa Conference Center, ibabahagi ko ang kwento ng kanyang pamilya.12

Sina Sister Verda at Elder Rulon Rasband.

Ang mga magulang ko na sina Elder Rulon at Sister Verda Rasband ay naglingkod bilang senior couple sa Florida Fort Lauderdale Mission.13 Sila ay naglibot upang magbahagi ng ebanghelyo at ginabayan ng Diyos na kumatok sa pinto ng bahay ni Rebecca. Tinedyer lang siya noon at mahilig makinig sa musika ng mga Osmond, lalo na ng kaibigan naming si Donny—na kasama natin ngayon.14 Pinakinggan niya ang kanilang mga interbyu sa media at napag-alaman niya na sila ay mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. May nadama siyang kakaiba sa kanila, at iinisip na baka dahil ito sa kanilang relihiyon, naggugol si Rebecca ng dalawang taon upang saliksikin ang mga paniniwala ng Simbahan sa silid-aklatan ng paaralan. Kaya nga noong may mukhang mabait na mag-asawang kumatok sa pinto ng kanyang pamilya at nagpakilala bilang mga missionary na Banal sa mga Huling Araw, nagulat siya.

“Ang sabi ng aking ina ay paalisin sila,” isinulat kalaunan ni Rebecca, “ngunit ang sabi ng puso ko ay ‘Huwag.’ Tiningnan ko ang kanilang mga mukha at nakadama ako ng labis na sigla at pagmamahal. Ang alaalang ito ay nagdadala pa rin ng mga luha sa aking mga mata at ng matinding damdamin sa aking puso.”15

Pinapasok sila ni Rebecca, at ang mga magulang ko na missionary ay nagbahagi ng mensahe sa kanya, sa kanyang dalawang nakababatang kapatid na babae, at, sa kabila ng pagtutol nito, sa kanyang ina.

Inilarawan sa akin ni Rebecca: “Parehong mahusay ang mga magulang mo sa pagpapaliwanag sa anumang tanong na mayroon kami. Naaalala ko pa rin ang kanilang mga mukha na tila napaliligiran ng liwanag. Palagi naming niyayakap ang iyong ina bago siya umalis, at palagi niyang tinitiyak na matulungan ang aking ina na madamang siya ay kumportable at iginagalang. Palaging may kislap sa mga mata ng iyong ama habang tinuturuan niya kami tungkol kay Jesucristo. Sinubukan niyang isali ang aking ama sa mga talakayan, at kalaunan ay nakumbinsi niya ito. Ang aking ama ay tagapagluto sa isang lokal na country club at nagsimula siyang magluto ng mga hapunan para sa iyong mga magulang, pati na ang paborito ng iyong ama na key lime pie.”16

Nang hilingin nina Elder at Sister Rasband kay Rebecca at sa kanyang pamilya na basahin ang Aklat ni Mormon, tinapos ito ni Rebecca sa loob ng limang araw. Nais niyang mabinyagan kaagad, ngunit hindi pa handa ang ibang miyembro ng kanyang pamilya. Makalipas ang apat na buwan, nakiusap si Rebecca na siya ay mabinyagan at mapaanib sa tunay na Simbahan. Naalala pa niya, “Alam ng bawat hibla ng aking kaluluwa na ito ay totoo.”17 Noong ika-5 ng Abril 1979, bininyagan ng mga missionary ang 19 na taong gulang na si Rebecca, ang kanyang ina, at ang kanyang dalawang kapatid na babae. Saksi ang aking ama sa binyag.

Nang makilala ko si Rebecca at ang kanyang pamilya sa simbahan, nagpakuha kami ng litrato kasama ang kanyang pamilya. Ipinakita ko ito sa aking matandang ina, at inilapit niya ito sa kanyang puso. Pagkatapos, sabi niya sa akin, “Ronnie, isa ito sa pinakamasayang araw ng aking buhay.”

Ang mga Guzman, ang mga Rasband, at ang mga Osmond.

Ang tugon ng aking ina ay nagpapahiwatig ng tanong sa ating mga nakatatanda: “Ano ang ginagawa ninyo sa bahaging ito ng inyong buhay?” Napakaraming bagay ang nagagawa ng mga senior missionary na hindi kayang gawin ng iba. Kayo ay pambihirang puwersa para sa kabutihan, dalubhasa sa Simbahan, at handang manghikayat at sumagip ng mga anak ng Diyos.

Maaaring iniisip ng ilan sa inyo: “Ngunit paano naman ang mga maiiwan naming apo? Hindi kami makadadalo sa mahahalagang kaganapan ng pamilya at mga kaarawan at mangungulila kami sa mga kaibigan at maging sa aming mga alagang hayop.” Kung itatanong ko sa aking ina bakit sila nagmisyon ni Itay, alam kong ito ang sasabihin niya: “May mga apo kami. Gusto kong malaman nila na kami ng iyong ama ay nagmisyon, gusto naming magbigay ng halimbawa para sa aming mga inapo, at kami ay pinagpala, lubos na pinagpala.”

Sa pagbisita ko sa mga mission sa buong mundo, nakita ko ang kamangha-manghang paglilingkod ng ating hukbo ng mga senior missionary. Malinaw na sila ay masaya sa paggawa ng “kalooban ng Panginoon” at sa pagging abala sa “gawain ng Panginoon.”18

Para sa ilan, at umaasa kami na libu-libo sa inyo, ang paglilingkod bilang full-time missionary sa ibang panig ng mundo ang tamang lugar para sa inyo.19 Para naman sa iba, mas mainam ang paglilingkod sa isang Church-service mission sa inyong tahanan. Dahil sa mga problema sa kalusugan at iba pang mga kalagayan, may iilan sa inyo na hindi kayang maglingkod. Nauunawaan namin ang mga sitwasyong iyon, at umaasa ako na maghahanap kayo ng mga paraan upang masuportahan ang mga naglilingkod. Sundin ang payo ng propeta at manalangin upang malaman kung ano ang nais ng Panginoon na gawin ninyo.

Hinihingi ng mga mission sa buong mundo ang inyong tulong. Sinabi ni Pangulong Nelson tungkol sa ating mga senior missionary, “Sila’y masisigla, matatalino, at handang magtrabaho.”20

Sa mission field, mayroon kayong napakaraming pagkakataon: maaari kayong maglingkod sa mga mission office o templo, magpalakas ng mga nakababatang missionary, magpatatag ng maliliit na branch, maglingkod sa mga FamilySearch center o sa mga historic site, magturo ng institute, magbigay ng humanitarian service, makipagtulungan sa mga young adult, tumulong sa mga employment center o sa mga sakahan ng Simbahan. Ang impormasyon tungkol sa mga partikular na paraan kung paano kayo maglilingkod, kung ano ang pinakamainam para sa inyo, kung saan kayo kailangan, at kung paano kayo maghahanda ay matatagpuan sa website na “Senior Missionary.”21 Maaari rin ninyong kausapin ang inyong bishop o branch president.

Marami nang mag-asawa ang natawag ko na maglingkod at nakita ko kung paano napuno ng Liwanag ni Cristo ang kanilang mga mukha.22 Pag-uwi nila, sinasabi nila na mas napalapit sila sa Panginoon at sa isa’t isa, nadama nila na napasakanila ang Espiritu ng Panginoon, at nalaman nila na may nagawa silang kaibhan.23 Sino ba ang ayaw niyan?

Ang pagmimisyon ay maaaring maging pinakadakilang kabanata sa buhay ng isang mag-asawa. Marahil ang magandang pamagat para rito ay “Ako [ay] Kailangan ng Diyos.”24 Maaaring mapunta kayo sa lugar na hindi ninyo kilala; gayunman, maipadarama sa inyo ng kapangyarihan ng Espiritu na parang nasa tahanan pa rin kayo.

Ang aking mga magulang at ang sampu-sampung libong returned missionary couple ay nagpahayag ng patotoo tungkol sa kagalakang natagpuan nila sa gawaing misyonero. Sinabi ng Panginoon sa banal na kasulatan sa mga huling araw, “At kung mangyayaring kayo ay gagawa nang buo ninyong panahon sa pangangaral ng pagsisisi sa mga taong ito, at magdala, kahit isang kaluluwa sa akin, anong laki ng inyong kagalakang kasama niya sa kaharian ng aking Ama!”25

Si Isaias ay nagbigay ng patulang paglalarawan tungkol sa kahulugan ng paglilingkod sa “bukid” ng mission. Sinasabi sa atin ng banal na kasulatan na “ang bukid ay ang sanlibutan.”26 Isinulat ng sinaunang propetang ito, “Sapagkat kayo’y lalabas na may kagalakan, at papatnubayang may kapayapaan. Ang mga bundok at ang mga burol sa harapan ninyo ay magbubulalas ng pag-awit, at ipapalakpak ng lahat ng punungkahoy sa parang ang kanilang mga kamay.”27 Ang mga bundok, burol, bukid, at punungkahoy ay maaaring ihalintulad sa mga mission president, bishop, district leader, miyembro, at yaong mga naghahanap ng katotohanan ngunit “hindi nila alam kung saan ito matatagpuan.”28 Sila ay magpapatotoo na may malaking epekto ang mga senior missionary sa kanilang patotoo tungkol sa ating Tagapagligtas at Manunubos na si Jesucristo.

Bilang Apostol ng Panginoong Jesucristo, inaanyayahan ko kayong maglingkod bilang missionary sa pagtitipon ng Israel at marahil ay maglingkod muli. Kailangan namin kayo—kailangan namin kayo. Nagpapasalamat kami sa inyong mga nakatatanda para sa mga buhay na mayroon kayo at sa mga halimbawang ipinakita ninyo sa inyong mga tahanan, ward, at stake. Inaanyayahan ko kayo ngayon na dalhin ang inyong kaalaman at karanasan, pati na rin ang inyong mga patotoo na subok na ng panahon, at maglingkod sa misyon. Dalangin ko na sa susunod na uupo ako at magbibigay ng mga assignment sa mga senior couple, daan-daan na sa inyo ang sabik na naghihintay para sa inyong tawag na maglingkod.

Ipinapangako ko rin na kapag kayo ay naglingkod, madarama ninyo ang pagmamahal ng Panginoon sa inyong buhay, makikilala ninyo Siya, makikila Niya kayo, at “anong laki ng inyong kagalakan.”29 Ang inyong matapat na paglilingkod kay Jesucristo ay maghihikayat at magpapala sa inyong pamilya, mga apo, at mga apo sa tuhod. Ang “kapayapaan at pag-ibig ay pa[sa]saganain”30 sa kanilang mga buhay sa mga taon na darating. Pangako. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Russell M. Nelson, “Pag-asa ng Israel” (pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan, Hunyo 3, 2018), Gospel Library.

  2. Doktrina at mga Tipan 18:10.

  3. 3 Nephi 10:18.

  4. Doktrina at mga Tipan 78:18.

  5. Ang Simbahan ay mayroong 71,000 full-time missionary sa 414 mission sa iba’t ibang panig ng mundo mula North at South America hanggang Europe at Africa, Asia, at Australia/Oceania. Mayroong 34,000 senior Church-service missionary. (Missionary Department data, Set. 2023.)

  6. Tingnan sa Ronald A. Rasband, “Ang Banal na Tawag ng Isang Misyonero,” Liahona, Mayo 2010, 52–53.

  7. Russell M. Nelson, “Mga Senior Moment ng mga Senior Missionary,” Liahona, Abr. 2016, 27.

  8. Russell M. Nelson, “Matatandang Misyonero at ang Ebanghelyo,” Liahona, Nob. 2004, 81.

  9. Doktrina at mga Tipan 4:3.

  10. Juan 4:36.

  11. Ako ay nasa New York, USA, upang dumalo sa binyag ng aking apong si Brooklyn at sa pagbabasbas ng aking apong si Ella, Abril 2006.

  12. Liham mula kay Rebecca Guzman para kay Elder Ronald A. Rasband, Set. 8, 2009.

  13. Ang aking mga magulang ay naglingkod sa Florida Fort Lauderdale Mission noong 1979.

  14. Ang pamilya Osmond ay isang sikat na grupo ng mang-aawit sa Amerika na kilala sa kanilang mga pop na awitin. Naabot ng grupo ang tuktok ng kasikatan noong kalagitaan ng dekada 70, nagtatanghal sa mga variety show sa telebisyon. Nagpatuloy sina Donny at Marie sa kanilang karera sa telebisyon at entablado, habang ang kanilang mga kapatid na lalaki ay nagtanghal bilang mga country artist sa loob ng maraming dekada sa Branson, Missouri.

  15. Liham mula kay Rebecca Guzman, Set. 8, 2009.

  16. Liham mula kay Rebecca Guzman, Set. 8, 2009.

  17. Liham mula kay Rebecca Guzman, Set. 8, 2009.

  18. Doktrina at mga Tipan 64:29.

  19. Maraming paraan upang makapaglingkod bilang senior missionary, at ang mga mag-asawa o mga senior sister ay maaaring magsabi ng kanilang mga kagustuhan tungkol sa paglilingkod pati na kung full-time or Church-service assignment. Sa huli, ang propeta ng Simbahan ang nagbibigay ng tawag para sa full-time na paglilingkod. Mga stake president ang nagbibigay ng mga Church-service assignment. Ang paglilingkod ay maaaring tumagal nang 6 na buwan hanggang 23 buwan, at ang mga senior missionary ay mas may mga pagpipilian at ang kanilang paglilingkod ay hindi kasimbigat ng sa mga nakababatang missionary. Tingan sa seniormissionary.ChurchofJesusChrist.org.

  20. Russell M. Nelson, “Matatandang Misyonero at ang Ebanghelyo,” Liahona, Nob. 2004, 79

  21. Tingan sa seniormissionary.ChurchofJesusChrist.org.

  22. Tingnan sa Alma 5:14. Ang “mukha” ay mailalarawan bilang salamin ng espirituwal na pag-uugali at lagay ng isipan ng isang indibiduwal.

  23. Tingnan sa Judas 1:22; Mosias 4:20.

  24. Tingnan sa “Tutungo Ako Saanman,” Mga Himno, blg. 171.

  25. Doktrina at mga Tipan 18:15.

  26. Ipinaliwanag ng Panginoon, “Ang bukid ay ang sanlibutan … ang anihan ay ang katapusan ng sanlibutan” (Mateo 13:38–39).

  27. Isaias 55:12.

  28. Doktrina at mga Tipan 123:12.

  29. Doktrina at mga Tipan 18:15.

  30. Judas 1:2.