Pangkalahatang Kumperensya
Para sa Kapakanan ng Inyong mga Inapo
Pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2023


10:15

Para sa Kapakanan ng Inyong mga Inapo

Huwag maging mahinang kawing sa magandang tanikalang ito ng pananampalataya na inyong sinimulan, o natanggap, bilang isang pamana. Maging malakas na kawing.

Ilang taon na ang nakararaan, noong ako ay naglilingkod sa South America Northwest Area at nakatira sa Peru, nagkaroon ako ng isang magandang karanasang nais kong ibahagi sa inyo.

Nangyari ito nang ako ay pauwi na mula sa abalang Sabado’t Linggo ng pagtupad ng mga tungkulin. Matapos makumpleto ang mga proseso ng immigration sa airport, nakita ko ang isang magiliw na taxi driver na naghihintay sa akin mula sa taxi service na palagi naming sinasakyan. Dinala niya ako sa kanyang kotse, at umupo ako sa likuran, na handa nang magpahinga at magkaroon ng payapang biyahe pauwi. Matapos magmaneho nang ilang kanto, nakatanggap ng tawag ang drayber mula sa kanyang supervisor at sinabi sa kanyang maling taxi ang nasakyan ko. Ibang kotse ang nakareserba para sa akin, at sinabihan siya ng supervisor na ibalik ako sa airport kung nais kong magpalit ng kotse. Sinabi ko sa kanyang hindi na ito kailangan at maaari na kaming magpatuloy. Matapos ang ilang minuto ng katahimikan, tiningnan niya ako sa kanyang rearview mirror at nagtanong, “Isa po kayong Mormon, ‘di po ba?”

Matapos ang magandang tanong na iyon, alam kong tapos na ang aking oras ng katahimikan. Hindi ko maiwasang isipin kung saan kami dadalhin ng tanong niya.

Nalaman kong ang pangalan niya ay Omar, ang pangalan ng asawa niya ay Maria Teresa, at mayroon silang dalawang anak—si Carolina, edad 14, at si Rodrigo, edad 10. Si Omar ay miyembro na ng Simbahan mula pa noong bata siya. Aktibo ang kanyang pamilya, ngunit dumating ang puntong tumigil ang mga magulang niya sa pagsisimba. Lubusan nang hindi naging aktibo si Omar noong siya ay 15. Siya ay 40 taong gulang na noong nagkakilala kami.

Sa sandaling iyon ko naisip na hindi mali ang nakuha kong taxi. Hindi ito nagkataon lamang! Sinabi ko sa kanya kung sino ako at nasa taxi niya ako dahil tinatawag siya ng Panginoon na bumalik sa kanyang kawan.

Pagkatapos ay napag-usapan namin ang mga panahong siya at ang kanyang pamilya ay mga aktibong miyembro pa ng Simbahan. Mayroon siyang magagandang alaala ng mga sandali sa mga family home evening at ilang mga awitin sa Primary. Pagkatapos ay tahimik siyang umawit ng ilang salita sa “Ako ay Anak ng Diyos.”1

Matapos kunin ang kanyang tirahan, phone number, at pahintulot na ibahagi ang mga ito sa kanyang bishop, sinabi ko sa kanyang hahanap ako ng paraan upang makapunta sa chapel sa kanyang unang araw ng pagbabalik sa simbahan. Natapos namin ang biyahe mula sa airport pauwi sa aking tahanan, gayundin ang munting biyahe namin pabalik sa kanyang nakaraan, at naghiwalay na kami.

Matapos ang ilang linggo, tumawag ang bishop niya sa akin at sinabing pinaplano ni Omar na dumalo sa isang partikular na araw ng Linggo. Sinabi ko sa kanyang darating ako. Noong Linggo na iyon, naroon si Omar kasama ang kanyang anak na lalaki. Hindi pa interesado ang kanyang asawa at anak na babae. Matapos ang ilang buwan, tumawag muli ang kanyang bishop sa akin, sa pagkakataong ito sinabi niyang bibinyagan ni Omar ang kanyang asawa at dalawang anak, at inanyayahan niya akong dumalo. Narito ang larawan noong Linggong iyon kung kailan sila nakumpirmang miyembro ng Simbahan.

Si Elder Godoy kasama ang pamilya ni Omar noong Linggo na sila ay nakumpirma.

Noon ding Linggo na iyon, sinabi ko kay Omar at sa kanyang pamilya, na kung handa na sila, sa loob ng isang taon ay ikararangal kong gawin ang kanilang pagbubuklod sa Lima Peru Temple. Narito ang larawan ng ‘di-malilimutang sandaling iyon para sa amin, kinunan matapos ang isang taon.

Si Elder Godoy kasama ang pamilya ni Omar sa templo.

Bakit ko ibinabahagi sa inyo ang mga karanasang ito? Ibinabahagi ko ito para sa dalawang layunin.

Una, upang makausap ang mabubuting miyembro na sa anumang dahilan ay napalayo na mula sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Pangalawa, upang makausap ang mga miyembrong nagsisimba ngayon na maaaring hindi masyadong nagiging tapat sa kanilang mga tipan tulad ng dapat na gawin nila. Sa parehong sitwasyon, ang mga henerasyon sa hinaharap nila ang naaapektuhan, at ang mga pagpapala at mga pangako na nakalaan para sa kanilang mga inapo ay nanganganib.

Simulan natin sa unang sitwasyon, mabubuting miyembro na nilisan ang landas ng tipan, tulad ng nangyari sa aking kaibigang Peruvian na si Omar. Nang tanungin ko siya kung bakit siya nagdesisyong bumalik, sinabi niyang dahil iyon sa nadama nilang mag-asawa na mas magiging mas masaya ang buhay ng kanilang mga anak sa ebanghelyo ni Jesucristo. Nadama niyang napapanahon nang bumalik sa simbahan alang-alang sa kanilang mga anak.

Napakalungkot na makakilala ng mga hindi aktibong miyembro o hindi miyembro ng Simbahan na minsang tinamasa ang ebanghelyo sa kanilang pamilya at nawala ito dahil sa desisyon ng kanilang mga magulang o lolo’t lolang tumigil sa pagsisimba. Ang desisyong iyon ay maaaring magkaroon ng epekto sa kanilang mga inapo habambuhay!

Ang kanilang mga anak at mga apo ay hindi nasasaklawan ng proteksyon at mga pagpapala ng ebanghelyo ni Jesucristo sa kanilang mga buhay. Ang mas nakapanlulumo pa, nawala sa kanila ang mga pangako ng isang walang-hanggang pamilya na naroon noon. Ang desisyon ng isa ay nakaapekto sa buong tanikala ng mga inapo. Isang pamana ng pananampalataya ang nasira.

Gayunman, tulad ng alam natin, anumang bagay na nasira ay maaaring maiayos sa pamamagitan ni Jesucristo. Sa kadahilanang ito, mangyaring pakinggan ang paanyayang ito ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ngayon, kung umalis kayo sa landas, inaanyayahan ko kayong lahat [nang] may buong pag-asa sa aking puso na bumalik kayong muli. Anumang problema, anumang hamon ang inyong hinaharap, may lugar para sa inyo [rito], sa Simbahan ng Panginoon. Kayo at ang mga henerasyong hindi pa isinisilang ay mapagpapala ng inyong mga pagkilos ngayon na bumalik sa landas ng tipan.”2

Ngayon, pag-usapan natin ang ikalawang sitwasyon, mga miyembrong nagsisimba ngayon na maaaring hindi kasintapat na gaya ng dapat nilang gawin. Tulad ng epekto ng mga desisyon ng kahapon sa mga bagay na nangyayari ngayon, ang mga desisyon ngayon ay makaaapekto sa hinaharap natin at sa hinaharap ng ating mga kapamilya.

Itinuro sa atin ni Pangulong Dallin H. Oaks:

Ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ay naghihikayat sa atin na pag-isipan ang hinaharap. … Nagtuturo ito ng magagandang ideya tungkol sa hinaharap na gagabay sa mga ginagawa natin ngayon.

“Sa kabilang banda, tayong lahat ay may mga taong kilala na nakatuon lamang sa kasalukuyan: nagpapakasasa ngayon, nagpapakasaya ngayon, at hindi iniisip ang hinaharap.

“… Kapag gumagawa tayo ng mga desisyon ngayon, dapat lagi nating itinatanong, ‘Saan ito hahantong?’”3 Hahantong ba sa kaligayahan ngayon at sa walang-hanggan ang mga desisyon natin ngayon o dadalhin tayo ng mga ito sa kalungkutan at luha?

Maaaring isipin ng ilan, “Hindi natin kailangang magsimba kada Linggo,” o “Magbabayad kami ng ikapu kapag nakaluwag-luwag na,” o “Hindi ko susuportahan ang mga lider ng Simbahan sa paksang ito.”

“Ngunit,” sabi nila, “alam naming totoo ang Simbahan at hinding-hindi kami lilisan sa ebanghelyo ni Jesucristo.”

Sila na may kaisipang gaya nito ay hindi napagtatanto ang negatibong epekto ng “maligamgam” na uri ng pagiging miyembro sa buhay nila at sa buhay ng kanilang mga inapo. Ang mga magulang ay maaaring manatiling aktibo, ngunit malaki ang panganib na mawala ang kanilang mga anak—sa buhay na ito at sa walang-hanggan.

Hinggil sa kanila na hindi makatatanggap ng selestiyal na kaluwalhatian kasama ang kanilang mga pamilya, sinabi ng Panginoon, “Sila ang mga yaong hindi matatatag sa pagpapatotoo kay Jesus, dahil dito, hindi nila natamo ang putong ng kaharian ng ating Diyos.”4 Ito ba ang gusto natin para sa atin o sa ating mga anak? Hindi ba’t dapat tayong maging mas matatag at bawasan ang pagiging maligamgam alang-alang sa atin at sa ating mga inapo?

Nagsalita rin si Pangulong M. Russell Ballard tungkol sa katulad na suliranin:

Para sa ilan, ang paanyaya ni Cristo na maniwala at manatili ay mahirap pa rin. … Ang ilang alagad ay nahihirapang unawain ang isang partikular na patakaran o turo ng Simbahan. Ang iba naman ay nakatuon sa ating kasaysayan o sa mga pagkakamali ng ilang miyembro at mga lider, noon at ngayon. …

“… Ang desisyon na ‘hindi na magsisama’ sa mga miyembro ng Simbahan at sa hinirang na mga pinuno ng Panginoon ay may matagalang epekto na hindi palaging nakikita sa ngayon.”5

Isang napakalungkot na pamanang ipapasa—at sa anong dahilan? Anuman ito, hindi ito sapat upang balewalain ang mga negatibong epektong magagawa nito para sa mga henerasyon sa hinaharap.

Mahal kong mga kapatid, kung pinagdaraanan ninyo ang isa sa dalawang sitwasyong nabanggit ko sa mensaheng ito, mangyaring muling suriin ang inyong mga kinikilos. Alam ninyong mayroong plano para sa atin sa buhay na ito. Alam ninyong ang mga pamilya ay maaaring maging walang-hanggan. Bakit inilalagay ninyo sa alanganin ang sa inyo? Huwag maging mahinang kawing sa magandang tanikalang ito ng pananampalataya na inyong sinimulan, o natanggap, bilang isang pamana. Maging malakas na kawing. Panahon na upang gawin ninyo ito, at matutulungan kayo ng Panginoon.

Mula sa kaibuturan ng aking puso, inaanyayahan ko kayong pag-isipan ito, na tingnan ang hinaharap at tanungin ang sarili kung “saan ito hahantong,” at, kung kinakailangan, maging sapat ang katatagan upang makayanang ibahin ang inyong landas alang-alang sa inyong mga inapo. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.