Pagpreserba ng Tinig ng mga Pinagtipanang Tao sa Bagong Salinlahi
Isa sa ating mga pinakasagradong responsibilidad ang tulungan ang ating mga anak na malaman nang husto at tiyak na si Jesus ang Cristo.
Ang isa sa pinakanakaaantig na sandali sa Aklat ni Mormon ay ang pagdalaw ng nabuhay na mag-uling Tagapagligtas sa templo sa lupaing Masagana. Pagkaraan ng isang araw ng pagtuturo, pagpapagaling, at pagpapatibay ng pananampalataya, itinuon ni Jesus ang pansin ng mga tao sa bagong salinlahi: “Kanyang iniutos na ang kanilang maliliit na anak ay ilapit.”1 Ipinagdasal Niya sila at isa-isang binasbasan. Lubhang nakaaantig ang karanasang ito kaya ilang beses napaluha ang Tagapagligtas mismo.
Pagkatapos, nang magsalita sa madla, sinabi ni Jesus:
“Masdan ang inyong mga musmos.
“At nang sila ay tumingin … kanilang nakitang bumukas ang kalangitan, at nakita nila ang mga anghel na bumababa mula sa langit,” naglilingkod sa kanilang mga anak.2
Madalas kong pag-isipan ang karanasang ito. Malamang na napalambot nito ang puso ng bawat tao! Nakita nila ang Tagapagligtas. Nahawakan nila Siya. Nakilala nila Siya. Tinuruan Niya sila. Binasbasan Niya sila. At minahal Niya sila. Hindi nakapagtataka na pagkaraan ng sagradong kaganapang ito, lumaki ang mga batang ito upang tumulong na magtatag ng isang lipunan ng kapayapaan, kaunlaran, at pagmamahal na tulad ng kay Cristo na nagtagal nang maraming salinlahi.3
Hindi ba napakaganda kung ang ating mga anak ay magkakaroon ng mga karanasang katulad niyon kay Jesucristo—isang bagay na magbibigkis ng kanilang mga puso sa Kanya! Inaanyayahan Niya tayo, tulad ng pag-anyaya Niya sa mga magulang na iyon sa Aklat ni Mormon, na dalhin ang ating mga musmos sa Kanya. Matutulungan natin silang makilala ang kanilang Tagapagligtas at Manunubos na tulad ng mga batang ito. Maipakikita natin sa kanila kung paano matatagpuan ang Tagapagligtas sa mga banal na kasulatan at maitatatag ang kanilang mga pundasyon sa Kanya.4
Kamakailan, itinuro sa akin ng isang mabuting kaibigan ang isang bagay na hindi ko napansin dati tungkol sa talinghaga ng matalinong tao na nagtayo ng kanyang bahay sa ibabaw ng bato. Ayon sa salaysay ni Lucas, nang itatag ng matalinong tao ang pundasyon para sa kanyang bahay, siya ay “humukay [nang] malalim.”5 Hindi iyon isang kaswal o simpleng pagsisikap—pinaghirapan iyon!
Upang maitatag ang ating mga buhay sa Bato na ating Manunubos na si Jesucristo, kailangan nating humukay nang malalim. Inaalis natin ang anumang hindi matatag o hindi kailangan sa ating mga buhay. Patuloy tayong naghuhukay hanggang sa matagpuan natin Siya. At tinuturuan natin ang ating mga anak na ibigkis ang kanilang mga sarili sa Kanya sa pamamagitan ng mga sagradong ordenansa at tipan nang sa gayo’y pagdating ng mga unos at baha sa buhay, at tiyak na darating ang mga iyon, hindi sila gaanong maaapektuhan ng mga ito “dahil sa bato kung saan [sila] nakasandig.”6
Ang ganitong uri ng lakas ay hindi basta-basta nakukuha. Hindi ito naipapasa sa susunod na salinlahi na parang espirituwal na pamana. Kailangang humukay nang malalim ang bawat tao upang matagpuan ang bato.
Matututuhan natin ang aral na ito mula sa isa pang salaysay sa Aklat ni Mormon. Nang ibigay ni Haring Benjamin ang huli niyang mensahe sa kanyang mga tao, nagtipon sila bilang mga pamilya upang pakinggan ang kanyang mga salita.7 Nagbigay ng matibay na patotoo si Haring Benjamin tungkol kay Jesucristo, at lubos na naantig ang mga tao sa kanyang patotoo. Ipinahayag nila:
“[Ang] Espiritu … [ay] gumawa ng malaking pagbabago sa amin, o sa aming mga puso. …
“At kami ay nahahandang makipagtipan sa aming Diyos na gawin ang kanyang kalooban … sa lahat ng nalalabi naming mga araw.”8
Maaaring asahan ng isang tao na ang mga batang musmos na may mga magulang na napakalalim ng pagbabalik-loob ay magbabalik-loob kalaunan at makikipagtipan mismo. Subalit, sa kung anong dahilan na hindi binanggit sa talaan, hindi nagkainteres ang ilan sa kanilang mga anak sa tipan na ginawa ng kanilang mga magulang. Pagkaraan ng ilang taon, “marami sa mga bagong salinlahi ang hindi nakauunawa sa mga salita ni haring Benjamin, na maliliit na bata pa noong panahong siya ay nangusap sa kanyang mga tao; at hindi sila naniwala sa kaugalian ng kanilang mga ama.
“Hindi sila naniwala sa mga nasabi na hinggil sa pagkabuhay na mag-uli ng mga patay, ni hindi sila naniwala hinggil sa pagparito ni Cristo. …
“At sila ay tumangging magpabinyag; ni ang sumapi sila sa simbahan. At sila ay mga taong nahihiwalay ayon sa kanilang pananampalataya.”9
Nakalulungkot isipin! Para sa bagong salinlahi, hindi sapat ang pananampalataya kay Jesucristo na maging “kaugalian ng kanilang mga ama.” Kailangan nilang manampalataya mismo kay Cristo. Bilang mga pinagtipanang tao ng Diyos, paano natin maitatanim sa mga puso ng ating mga anak ang isang hangaring gumawa at tumupad ng mga tipan sa Kanya?
Maaari tayong magsimula sa pagsunod sa halimbawa ni Nephi: “Nangungusap tayo tungkol kay Cristo, nagagalak tayo kay Cristo, nangangaral tayo tungkol kay Cristo, nagpopropesiya tayo tungkol kay Cristo, at sumusulat tayo alinsunod sa ating mga propesiya, upang malaman ng ating mga anak kung kanino sila aasa para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan.”10 Ang mga salita ni Nephi ay nagpapahiwatig ng isang matibay at patuloy na pagsisikap na turuan ang ating mga anak tungkol kay Cristo. Maaari nating tiyaking maririnig ng bagong salinlahi araw-araw ang tinig ng mga pinagtipanang tao at hindi tuwing Linggo lamang.11
Ang tinig ng mga pinagtipanang tao ay matatagpuan sa sarili nating patotoo. Matatagpuan ito sa mga salita ng mga buhay na propeta. At nakapreserba ang mga ito nang mabuti sa mga banal na kasulatan. Doon makikilala ng ating mga anak si Jesus at matatagpuan ang mga sagot sa kanilang mga tanong. Doon nila matututuhan para sa kanilang mga sarili ang doktrina ni Cristo. Doon sila makasusumpong ng pag-asa. Ihahanda sila nito sa habambuhay na paghahanap sa katotohanan at pamumuhay sa landas ng tipan.
Gusto ko ang payong ito mula kay Pangulong Russell M. Nelson:
“Saan tayo maaaring pumunta para pakinggan Siya?
“Maaari tayong magbasa ng mga banal na kasulatan. Nagtuturo ito sa atin tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo, ang kalawakan ng Kanyang Pagbabayad-sala, at ang dakilang plano ng kaligayahan at kaligtasan ng ating Ama. Ang araw-araw na masigasig na pag-aaral ng salita ng Diyos ay mahalaga para sa espirituwal na kaligtasan lalo na sa tumitinding ligalig sa panahong ito. Kapag nagpapakabusog tayo sa mga salita ni Cristo araw-araw, ang mga salita ni Cristo ay sasabihin sa atin kung paano tumugon sa mga paghihirap na hindi natin inakalang dadanasin natin.”12
Paano ba mailalarawan ang pagpapakabusog sa mga salita ni Cristo at pakikinig sa Kanya? Ito ay kung ano ang pinakamainam para sa inyo! Maaaring ito ay pagtitipon ng inyong pamilya upang mapag-usapan ang mga bagay na itinuro sa inyo ng Espiritu Santo sa pag-aaral ninyo ng mga banal na kasulatan gamit ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin. Maaaring ito ay pagsama sa inyong mga anak bawat araw upang magbasa ng ilang talata mula sa mga banal na kasulatan at pagkatapos ay paghahanap ng mga pagkakataong talakayin ang natutuhan ninyo habang magkakasama kayo. Alamin lang kung ano ang mainam para sa inyo at sa inyong pamilya; pagkatapos ay subukang pagbutihin pa iyon bawat araw.
Pag-isipan ang kabatirang ito mula sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas: “Kung titingnan nang paisa-isa, tila walang gaanong naisasakatuparan ang isang home evening, sesyon sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan, o pag-uusap ng tungkol sa ebanghelyo. Ngunit ang naipong maliliit at mga simpleng pagsisikap, na patuloy na inulit-ulit sa paglipas ng panahon, ay maaaring maging mas mabisa at mas nagpapalakas kaysa sa paminsan-minsang matindihang pagtuturo o pagtuturo ng mahalagang lesson. … Kaya huwag sumuko, at huwag mag-alala tungkol sa pagsasakatuparan ng isang dakilang bagay sa tuwina. Magpatuloy lang sa iyong pagsisikap.”13
Isa sa ating mga pinakasagradong responsibilidad ang tulungan ang ating mga anak na malaman nang husto at tiyak na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng buhay na Diyos, ang kanilang personal na Tagapagligtas at Manunubos, na namumuno sa Kanyang Simbahan! Hindi natin maaaring hayaang hindi marinig o matahimik ang ating patotoo tungkol sa Kanya.
Maaaring madama ninyo na hindi kayo nababagay sa tungkuling ito, ngunit hindi ninyo dapat madama na nag-iisa kayo. Halimbawa, ang mga ward council ay awtorisadong mag-organisa ng mga teacher council meeting para sa mga magulang. Sa mga quarterly meeting na ito, maaaring magtipon ang mga magulang upang matuto mula sa mga karanasan ng isa’t isa, mag-usap-usap kung paano nila patatatagin ang kanilang mga pamilya, at matutuhan ang mga pangunahing alituntunin ng pagtuturo na tulad ni Cristo. Ang miting na ito ay dapat ganapin sa ikalawang oras ng simba.14 Ito ay pinamumunuan ng isang miyembro ng ward na pinili ng bishop at sumusunod sa format ng mga regular na teacher council meeting, gamit ang Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas bilang pangunahing sanggunian.15 Mga bishop, kung ang inyong ward ay hindi kasalukuyang nagdaraos ng mga teacher council meeting para sa mga magulang, makipagtulungan sa inyong Sunday School president at ward council upang makapag-organisa kayo.16
Mahal kong mga kaibigan kay Cristo, mas mahusay ang ginagawa ninyo kaysa inaakala ninyo. Ipagpatuloy lang ninyo iyan. Nakamasid, nakikinig, at natututo ang inyong mga anak. Habang tinuturuan ninyo sila, malalaman ninyo ang tunay nilang pagkatao bilang mga minamahal na anak ng Diyos. Maaari nilang makalimutan sandali ang Tagapagligtas, ngunit ipinapangako ko sa inyo, hinding-hindi Niya sila kalilimutan! Ang mga sandaling iyon na nangungusap sa kanila ang Espiritu Santo ay mananatili sa kanilang mga puso’t isipan. At balang araw ay uulitin ng inyong mga anak ang patotoo ni Enos: Alam ko na makatarungan ang aking mga magulang, “sapagkat tinuruan [nila] ako … sa pag-aalaga at pagpapayo ng Panginoon—at purihin ang pangalan ng aking Diyos dahil dito.”17
Tanggapin natin ang paanyaya ng Tagapagligtas at dalhin natin ang ating mga anak sa Kanya. Kapag ginawa natin ito, makikita nila Siya. Mahahawakan nila Siya. Makikilala nila Siya. Tuturuan Niya sila. Babasbasan Niya sila. At, o, mamahalin Niya sila nang husto. At, o, mahal na mahal ko Siya. Sa Kanyang banal na pangalan na Jesucristo, amen.