Tayo ay Kanyang mga Anak
Tayo ay may iisang banal na pinagmulan at parehong walang hanggan ang potensyal sa pamamagitan ng biyaya ni Jesucristo.
Naaalala ba ninyo ang naranasan ng propetang si Samuel nang isugo siya ng Panginoon sa bahay ni Jesse upang pahiran ng langis ang bagong hari ng Israel? Nakita ni Samuel si Eliab, ang panganay na anak ni Jesse. Si Eliab, ay tila matangkad at may kaanyuan ng isang pinuno. Nakita iyon ni Samuel at kaagad na inakala na ito na ang bagong hari. Ngunit mali pala ang kanyang akala, at itinuro ng Panginoon kay Samuel: “Huwag mong tingnan ang kanyang mukha, o ang taas ng kanyang tindig; … ang tao ay tumitingin sa panlabas na anyo, ngunit ang Panginoon ay tumitingin sa puso.”1
Naaalala ba ninyo ang naranasan ng disipulo na si Ananias nang isugo siya ng Panginoon para basbasan si Saulo? Alam ng lahat ang reputasyon ni Saulo, at narinig na ni Ananias ang tungkol kay Saulo at ang kanyang malupit at walang tigil na pang-uusig sa mga Banal. Nabalitaan ito ni Ananias at kaagad na inakala na marahil ay hindi siya dapat mag-minister kay Saulo. Ngunit mali pala ang kanyang akala, at itinuro ng Panginoon kay Ananias, “Siya’y isang kasangkapang pinili ko upang dalhin ang aking pangalan sa harapan ng mga Hentil at ng mga hari, at ng mga anak ni Israel.”2
Ano ang problema kina Samuel at Ananias sa dalawang pagkakataong ito? Dahil nakita ng kanilang mga mata at narinig ng kanilang mga tainga, hinusgahan nila ang iba batay sa anyo at sabi-sabi ng mga tao.
Nang makita ng mga eskriba at mga Fariseo ang babaeng nahuli sa pangangalunya, ano ang nakita nila? Isang masamang babae, isang makasalanan na dapat patayin. Nang makita siya ni Jesus, ano ang nakita Niya? Isang babae na pansamantalang nagpatangay sa kahinaan ng laman pero maaaring masagip sa pamamagitan ng pagsisisi at ng Kanyang Pagbabayad-sala. Nang makita ng mga tao ang senturion, na may lumpong alipin, ano ang nakita nila? Siguro ang nakita nila ay isang mapanghimasok, isang dayuhan, na dapat kamuhian. Nang makita siya ni Jesus, ano ang nakita Niya? Isang lalaking nag-aalala sa kapakanan ng isang miyembro ng kanyang sambahayan, na hinanap ang Panginoon nang may katapatan at pananampalataya. Nang makita ng mga tao ang babaeng dinudugo, ano ang nakita nila? Marahil isang maruming babae, isang taong hindi kabilang, at dapat itaboy. Nang makita siya ni Jesus, ano ang nakita Niya? Isang maysakit na babae, na nalulungkot at nahihiya dahil sa mga sitwasyong hindi niya kontrolado, na umaasang gumaling at muling mapabilang.
Sa bawat sitwasyon, nakita ng Panginoon ang mga taong ito kung sino sila at alinsunod dito ay nag-minister sa bawat isa. Tulad ng ipinahayag ni Nephi at ng kanyang kapatid na si Jacob:
“Inaanyayahan niya silang lahat na lumapit sa kanya … , maitim at maputi, alipin at malaya, lalaki at babae; at naaalaala niya ang mga di binyagan; at pantay-pantay ang lahat sa Diyos.”3
“Ang bawat nilikha ay magkakasinghalaga sa kanyang paningin.”4
Nawa’y huwag din nating hayaang iligaw tayo ng ating mga mata, tainga, o ng ating takot kundi malaya nating buksan ang ating puso’t isipan at maglingkod nang kusa sa mga nakapaligid sa atin tulad ng ginawa Niya.
Ilang taon na ang nakararaan, ang asawa kong si Isabelle ay tumanggap ng kakaibang assignment sa ministering. Hinilingan siyang bisitahin ang isang matandang balo sa aming ward, isang sister na may mga hamon sa kalusugan at ang kalungkutan ay nagdulot ng kapaitan sa kanyang buhay. Ang kanyang mga bintana ay natatakpan ng mga kurtina; kulob na kulob ang kanyang apartment; ayaw niyang mabisita at nilinaw niya na “wala na akong magagawa para sa sinuman.” Hindi natinag, tumugon si Isabelle, “May magagawa ka pa! May magagawa ka para sa amin kapag pinayagan mo kami na puntahan ka at bisitahin.” At nagpunta nga si Isabelle, nang buong katapatan.
Kalaunan, ang butihing sister na ito ay inopera sa paa, kaya kinailangang palitan ang kanyang mga benda araw-araw, isang bagay na hindi niya kayang gawin nang mag-isa. Sa loob ng ilang araw, nagpunta si Isabelle sa tahanan nito, hinugasan ang mga paa nito, at pinalitan ang mga benda. Wala siyang nakitang kapangitan; wala siyang naamoy na masangsang. Ang nakita lamang niya ay isang magandang anak na babae ng Diyos na nangangailangan ng pagmamahal at malasakit.
Sa paglipas ng mga taon, ako at ang napakaraming iba pa ay napagpala ng kaloob ni Isabelle na makita ang nakikita ng Panginoon. Kayo man ang stake president o ang ward greeter, kayo man ang hari ng England o nakatira kayo sa isang kubo, nagsasalita man ng kanyang wika o ng ibang wika, sinusunod man ninyo ang lahat ng kautusan o nahihirapang sundin ang ilan, pakakainin niya kayo ng pinakamasarap niyang pagkain na nakalagay sa kanyang pinakamamagandang plato. Ang estado ng kabuhayan, kulay ng balat, kultural na pinagmulan, nasyonalidad, antas ng kabutihan, katayuan sa lipunan, o iba pang pagkakakilanlan o titulo ay hindi mahalaga sa kanya. Tumitingin siya gamit ang kanyang puso; itinuturing niyang anak ng Diyos ang lahat ng tao.
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:
“Natutuwa ang kaaway sa mga titulo dahil pinagwawatak-watak tayo ng mga ito at nililimitahan ang paraan ng pag-iisip natin tungkol sa ating sarili at sa isa’t isa. Nakalulungkot kapag mas iginagalang natin ang mga titulo kaysa iginagalang natin ang isa’t isa.
“Ang mga titulo ay maaaring humantong sa panghuhusga at pagkapoot. Anumang pang-aabuso o pagtatangi sa iba dahil sa nasyonalidad, lahi, seksuwal na oryentasyon, kasarian, mga digri sa pag-aaral, kultura, o iba pang makabuluhang mga pantukoy ay masakit sa kalooban ng ating Maykapal!”5
Ang French ay hindi kung sino ako, iyon ay lugar kung saan ako isinilang. Ang puti ay hindi kung sino ako; ito ang kulay ng aking balat, o kawalan ng kulay nito. Ang propesor ay hindi kung sino ako; ito ang trabaho ko para maitaguyod ang aking pamilya. Ang General Authority Seventy ay hindi kung sino ako; ito ang tungkulin kung saan ako naglilingkod sa kaharian sa panahong ito.
“Unang-una sa lahat,” tulad ng ipinaalala sa atin ni Pangulong Nelson, ako ay “anak ng Diyos.”6 Gayon din kayo, at gayon din ang lahat ng ibang tao sa paligid natin. Dalangin ko na mas mapahalagahan natin ang kamangha-manghang katotohanang ito. Binabago nito ang lahat!
Maaaring pinalaki tayo sa iba’t ibang kultura; maaaring iba-iba ang sitwasyon natin sa buhay at sa lipunan; ang ating mortal na pamana, pati na ang ating nasyonalidad, kulay ng balat, gustong pagkain, oryentasyon sa pulitika, atbp. ay maaaring lubhang magkakaiba. Ngunit tayo ay Kanyang mga anak, lahat tayo, walang hindi kasali. Tayo ay may iisang banal na pinagmulan at parehong walang hanggan ang potensyal sa pamamagitan ng biyaya ni Jesucristo.
Ganito ang paliwanag ni C. S. Lewis tungkol dito: “Isang seryosong bagay ang mamuhay sa lipunan ng mga taong maaaring maging mga diyos at diyosa, ang alalahanin na ang pinaka-nakababagot at walang kagana-ganang taong makakausap ninyo ay maaaring isang nilikha na kung makikita ninyo ngayon, ay labis kayong matutukso na sambahin. … Walang mga ordinaryong tao. Kailanman ay wala pa kayong nakausap na karaniwang mortal lamang. Ang mga bansa, kultura, sining, sibilisasyon—ang mga ito ay mortal, at ang buhay nila, para sa atin, ay pansamantala lamang. Ngunit mga imortal na tao ang ating mga kabiruan, katrabaho, pakakasalan, pinagmamalakihan, at pinagsasamantalahan.”7
Ang aming pamilya ay nagkaroon ng pribilehiyong manirahan sa iba’t ibang bansa at kultura; pinagpala ang aming mga anak na makapag-asawa mula sa iba’t ibang etnisidad. Natanto ko na ang ebanghelyo ni Jesucristo ang dakilang tagabalanse. Kung talagang yayakapin natin ito, “ang Espiritu mismo ang nagpapatotoo [sa] ating espiritu na tayo’y mga anak ng Diyos.”8 Ang kamangha-manghang katotohanang ito ay nagpapalaya sa atin, at lahat ng mga titulo at pagkilala na maaaring magpahirap sa atin at sa ating ugnayan sa bawat isa ay “[na]lulon … kay Cristo.”9 Kalaunan nagiging malinaw na tayo, gayundin ang iba, ay “hindi na … mga dayuhan at banyaga, kundi … mga kapwa mamamayan ng mga banal at mga kaanib ng sambahayan ng Diyos.”10
Narinig ko kamakailan na tinawag ito ng branch president ng isa sa aming mga multicultural language unit, tulad ni Elder Gerrit W. Gong, na pagiging kabilang sa tipan.11 Napakagandang konsepto! Kabilang tayo sa isang grupo ng mga tao na nagsisikap na gawing sentro ng kanilang buhay ang Tagapagligtas at ang kanilang mga tipan at masayang ipamuhay ang ebanghelyo. Kaya, sa halip na makita ang isa’t isa sa malabong lente ng mortalidad, tinutulutan tayo ng ebanghelyo na makita ang isa’t isa sa pamamagitan ng perpekto at hindi nagbabagong mga lente ng ating mga sagradong tipan. Sa paggawa nito, sinisimulan nating alisin ang ating mga maling palagay at pagkiling sa kapwa, na tumutulong sa kanila na bawasan ang kanilang mga maling palagay at pagkiling sa atin,12 sa isang napakaganda at mabuting cycle. Tunay ngang sinusunod natin ang paanyaya ng ating mahal na propeta: “Mahal kong mga kapatid, napakahalaga kung paano natin pakitunguhan ang isa’t isa! Napakahalaga kung paano natin kinakausap at pinag-uusapan ang ibang tao sa tahanan, sa simbahan, sa trabaho, at online. Ngayon, hinihiling ko sa atin na makipag-ugnayan sa iba sa mas dakila at mas banal na paraan.”13
Ngayong hapon, sa diwa ng paghahayag na iyan, nais kong idagdag ang aking pangako sa kahanga-hangang mga bata natin sa Primary:
Kung ang lakad mo ay kaiba,
Sa ‘yo’y umiiwas sila,
Ngunit ‘di ako!
Kung kakaiba’ng pagbigkas mo,
Mayro’ng natatawa sa ‘yo,
Ngunit ‘di ako!
Palaging sasamahan ka,
Ipapakitang mahal ka.
‘Di namili si Jesus.
Lahat minahal nang lubos.
At ‘ya’y gagawin! Ya’y gagawin!14
Pinatototohanan ko na Siya na tinatawag nating Ama sa Langit ay tunay na ating Ama, na mahal Niya tayo, na lubos Niyang nakikilala ang bawat isa sa Kanyang mga anak, na lubos Siyang nagmamalasakit sa bawat isa, at na tayong lahat ay talagang pantay-pantay sa Kanya. Pinatototohanan ko na ang pakikitungo natin sa isa’t isa ay tuwirang nagpapakita ng ating nauunawaan at pagpapahalaga sa pinakadakilang sakripisyo at Pagbabayad-sala ng Kanyang Anak, ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Dalangin ko na, tulad Niya, mahalin natin ang iba dahil iyan ang tamang gawin, hindi dahil ginagawa nila ang tama o umaayon sa “tamang” gawin. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.