Mga Senior Moment ng mga Senior Missionary
Isa sa pinakamaiinam na paraan para makagawa ng pambihirang mga alaala ang mga senior couple ay sa pamamagitan ng pagmimisyon nang magkasama.
Kapag may nalimutan ang ating mga kaibigang edad 60 o 70 na, madalas ay pabiro nating tinatawag ang pagkalimot na ito na “senior moment.” Ngunit gusto kong talakayin ang kakaibang uri ng senior moment—isang sandaling lubhang kahanga-hanga kaya ang alaala nito ay magiging panghabampanahon. Ito ang sandali na natatanto ng senior missionary couple na ginagawa nila ang mismong ipinagagawa sa kanila ng Panginoon. Sa gayong di-malilimutang mga sandali natatanto nila na:
-
Habambuhay ang karanasan nilang maibabahagi, at mga talento, kasanayan, at pagkaunawa sa ebanghelyo na magagamit nila para pagpalain ang iba.
-
Ang kanilang halimbawa ay pagpapala sa kanilang mga anak at apo.
-
Habang naglilingkod sila lumilikha sila ng nagtatagal na mga pakikipagkaibigan.
-
Ang kanilang pagsasama bilang mag-asawa ay lalong tumatatag araw-araw.
-
Masarap maglingkod sa Kanyang pangalan.
Nalilikhang mga Sandali
Mga kaibigan kong senior couple, dapat ay nalilikha ang gayong mga sandali para sa marami sa inyo. Isipin ang ikinuwento ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa nagawa ng isang senior couple na naglilingkod sa Chile. Namatay ang magulang ng isa sa mga bata pang elder. Napakalayo ng mission president kaya hindi niya napuntahan kaagad ang missionary.
“Ngunit may isang magiliw [na nasa hustong gulang] na missionary couple na naglilingkod sa lugar na iyon,” sabi ni Elder Holland. “Dumating sila at kinausap ang missionary na iyon at magiliw na inalagaan at inalo siya hanggang sa personal na makarating ang mission president. Marami tayong magagaling na mga bata pang missionary sa ating mga mission, ngunit hindi magagawa ng sinumang batang missionary para sa elder na iyon ang nagawa ng mag-asawang iyon.”1
Ang kasanayang ginamit nila sa sandaling iyon ay simpleng pagpapadama ng habag sa oras ng pangangailangan. Hindi sila nag-alala tungkol sa pagsasalita ng anumang wika maliban sa wika ng pagmamahal na katulad ng kay Cristo. Hindi sila nag-alala tungkol sa nakalagpas na pagdiriwang ng kaarawan ng isang apo o pagbabasbas sa isang sanggol, bagama’t mahalaga ang mga kaganapang iyon. Ang ipinag-alala nila ay ang makapunta sa lugar kung saan sila magagamit ng Panginoon para pagpalain ang buhay ng isa sa Kanyang mga anak. At dahil handa silang gawin ito, hinayaan Niya silang katawanin Siya.
Ang Paglilingkod ay Bihirang Maging Madali
Ang totoo, walang senior missionary na nadadalian sa paglisan sa tahanan. Hindi rin ito naging madali kina Joseph Smith, Brigham Young, John Taylor, o Wilford Woodruff. Sila man ay may mga anak at apo, at mahal nila ang kanilang mga pamilya tulad natin. Ngunit minahal din nila ang Panginoon at ninais nilang maglingkod sa Kanya. Balang-araw maaari nating makilala ang matatag na mga taong ito na tumulong sa pagtatatag ng dispensasyong ito. Kapag nangyari iyon, magagalak tayo na hindi natin hinangad na magtago samantalang dapat ay naglingkod tayo.
Maaaring gustuhing maglingkod ng ilan habang nasa bahay sila. Matapos atakihin si Aase Schumacher Nelson (walang kaugnayan) at masadlak sa wheelchair, nangamba siya na hindi na matutupad ang matagal na niyang pangarap na magmisyon na kasama ng kanyang asawang si Don. Pagkatapos ay kinausap sila ng isang kapitbahay tungkol sa Church-service mission nito sa bishop’s storehouse. Dahil nahikayat, kinausap nila ang isang supervisor sa pasilidad, kinumpleto ang kanilang mga recommendation form, at tinawag na maglingkod nang dalawang araw sa isang linggo sa isang storehouse na malapit sa bahay nila.
“Madaling humiga na lang at isiping, ‘Ah, hindi na ako kailangan,’” sabi ni Aase Nelson. “Pero ngayo’y dama ko na kailangan nga ako. At naging patotoo iyan sa akin.”
Talagang Kailangan Kayo
Kung natutukso kayong isipin na hindi kayo kailangan, tinitiyak ko sa inyo na kailangan kayo. Walang mission president sa Simbahan na hindi gugustuhing magkaroon ng dagdag na mga mag-asawang naglilingkod sa kanyang mission. Pinalalakas ng matatanda ang nakababatang mga elder at sister. Naglalaan sila ng suportang tumutulong sa iba na higit na makapaglingkod sa sarili nilang mga responsibilidad. At naiisip ba ninyo kung gaano kahalaga sa isang lider na ilang taon pa lang naging miyembro ng Simbahan ang malapitan nang madali sa matatagal nang miyembro ng Simbahan? Ang mga senior couple ay kadalasang literal na sagot sa mga dalangin ng mga bishop at branch president.
Hinihikayat namin ang mga mission president na maghanap ng mga mag-asawa para matugunan ang mga pangangailangan sa kanilang mission. Dapat maghanap ang mga bishop ng mga mag-asawang maaaring maglingkod. Nakalista sa LDS.org pages ang mga oportunidad para sa mga senior couple. Ngunit higit sa lahat, maaaring lumuhod ang mga mag-asawa at magtanong sa Ama sa Langit kung panahon na para magkasama silang magmisyon. Sa lahat ng kwalipikasyon, maaaring ang hangaring maglingkod ang pinakamahalaga (tingnan sa D at T 4:3).
Habang labis kong pinupuri ang ginagawa ng mga senior missionary, alam ko na maraming gustong maglingkod ngunit hindi kaya. Ang mga limitasyong dulot ng edad o hindi magandang kalusugan ay nararapat sa makatotohanang pagtaya, katulad ng mahahalagang pangangailangan ng mga miyembro ng pamilya. Kapag maalab ang hangarin subalit may gayong mga limitasyon, maaaring ibang tao ang gumawa nito para sa inyo, at maaaring kayo ang maglaan ng kailangang pondo.
Mga senior couple, sinuman kayo o saanman kayo naroon, ipagdasal sana ninyo ang oportunidad na ito na magkasamang lumikha ng mga senior moment ng mga senior missionary. Tutulungan kayo ng Ama sa Langit na malaman kung ano ang magagawa ninyo.