Pagkabigla, Kalungkutan, at Plano ng Diyos
Ang awtor ay naninirahan sa Albania.
Sa kabila ng lubhang nakapanlulumong karanasan ko sa buhay, nadama ko na kasama ko ang Ama sa Langit sa buong paglalakbay ko.
Maagang-maaga iyon noong 2008 nang gisingin ako ni Inay para pumasok sa eskuwela. Talagang masaya ako nang umagang iyon, pero hindi ko alam na iyon ang magiging pinakamasamang araw sa buhay ko o ang huling pagkakataon na makakasama ko siya. Hindi ko tinapos ang lahat ng klase ko noong araw na iyon dahil sinundo ako ng kaibigan ng aming pamilya at sinabi sa akin na nagpakamatay si Inay. Noon ay 12 anyos pa lang ako.
Naisip ko, “Paano akong mabubuhay kung wala si Inay?” Siya ang pinakamatalik kong kaibigan.
Maraming buwan akong umiyak. Ayaw kong pumasok sa eskuwelahan dahil iba ang pakikitungo sa akin ng ibang mga bata at naaawa sila sa akin. Hindi ko alam kung ano ang dapat kong gawin; ang alam ko lang kailangan kong maging matatag para sa lahat.
Isang araw, mga lima o anim na buwan pagkamatay ng nanay ko, nag-iisa ako sa aking silid sa tabi ng bintana, umiiyak, sinisikap na unawain kung bakit ako narito. Bigla akong may narinig na tinig sa aking isipan: “Ikaw ay aking anak; hindi ko hahayaan na magdusa ka.” Alam kong ang Diyos iyon. Pero nagulat ako dahil hindi na ako naniniwala sa Kanya, lalo na’t nadama ko na ang Diyos ang kumuha sa nanay ko. Kahit hindi ko alam kung ano ang ibig Niyang sabihin, nadama ko na ligtas ako.
Pagkaraan ng tatlong taon nagpunta ako sa Rome, Italy, para bisitahin ang tito ko. Lagi niyang ikinukuwento sa akin ang simbahang dinadaluhan niya. Isang araw ng Linggo, isinama niya ako. Lagi kong maaalala ang paglalakad papunta sa pintuan ng simbahan sa unang pagkakataon at nadama ko ang pagmamahal ng Ama sa Langit pagpasok ko. Panatag ang kalooban ko.
Nagsimula akong magsimba tuwing Linggo at nagpunta ako sa bawat aktibidad sa loob ng isang linggo. Gustung-gusto kong kasama ang mga kabataan ng Simbahan. Lalo nila akong pinasasaya. Pareho kami ng iniisip at pinaniniwalaan. Pagkatapos ng tatlong buwan, natapos na ang bakasyon ko at kinailangan ko nang bumalik sa Albania.
Nang makauwi ako, ikinuwento ko sa tatay ko ang nadama ko at kung gaano ako kasaya sa buong panahong iyon. Hindi niya ito nagustuhan. Sinabi niya na hindi na niya ako papayagang magsimba pa o malaman pa ang tungkol dito. Kaya kailangan kong magtiis nang sumunod na tatlong taon hanggang sa mag-18 taong gulang ako. Sa panahong iyon ay maaari na akong magpasiya sa sarili ko at magpabinyag.
Sa panahong ito ay nabiyayaan ako ng maraming tao na nagsasabi sa akin tungkol sa natutuhan nila tuwing Linggo sa simbahan. Isa sa mga taong iyon si Stephanie. Nakatira siya sa Italy nang sumapi sa Simbahan ang tito ko, pero nakauwi na siya sa bahay nila sa Estados Unidos. Naisip ng tito ko na makakabuting magsulatan kami, kaya idinagdag ko siya bilang kaibigan sa Facebook.
Kahit hindi pa kami personal na nagkikita, lagi ko siyang pasasalamatan sa pagtulong sa akin na patatagin ang aking pananampalataya at makaalam pa tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo. Halos tuwing Linggo ay sumusulat siya sa akin at sinasabi sa akin ang lahat ng natututuhan niya sa simbahan at sinasagot ang mga tanong ko. Napakabuti niyang kaibigan sa akin.
Sa huli, pagkaraan ng maraming taon ng pagtitiyaga, nabinyagan ako dalawang araw lamang matapos ang ika-18 kaarawan ko. At hindi nagtagal ibabahagi ko sa aking ina ang kaligayahang nadama ko sa araw na iyon, dahil magpapabinyag ako para sa kanya. Alam kong ipagmamalaki niya ang buhay na aking pinili.
Dama kong pinagpala ako ng Ama sa Langit dahil kasama ko Siya sa buong paglalakbay ko sa napakaraming paraan. Kinailangan ko lang maghintay at magtiyaga dahil may plano Siya para sa akin. Siya ang nagbigay sa akin ng lakas para malampasan ko ang lahat ng hamon na nakaharap ko. Lagi Siyang naroon, at tinutulungan akong maging mas masaya.