Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Ikalawang Pagkakataon
Kaylee Baldwin, Arizona, USA
Noong una ko siyang makilala, hawak ko ang biyolin ko.
Hilahod siyang lumakad palapit sa akin habang naglalakad ako papunta sa kantina, at tumatama ang lalagyan ng biyolin ko sa aking binti.
“Biyolin,” sabi niya habang papalapit siya.
“Opo,” sabi ko.
Noon lang ako nakipag-usap sa isang taong may kapansanan at hindi ko alam kung ano pa ang sasabihin ko. Sinundan niya ako hanggang sa aking mesa at umupo siya sa tabi ko, na nakaturo sa lalagyan ng aking biyolin.
“Biyolin,” muli niyang sinabi.
Binuksan ko ang lalagyan ko at nagningning ang kanyang mga mata. Mabigat ang kamay na kinalabit niya ang mga kuwerdas nito. Kumabog ang puso ko dahil naisip kong baka mapatid ang kuwerdas ng biyolin ko, at maingat kong isinara ang lalagyan. Niyakap niya ako bago siya umalis.
Madalas ko na siyang makita pagkaraan nito.
Tuwing makikita niya ako, niyayakap niya ako at hinahalikan ang tuktok ng ulo ko.
Sa natitirang mga araw sa high school, palagi kong sinisikap na umiwas sa kanya kapag nakikita kong paparating na siya. Kapag nakikita niya ako at niyayakap at binabasa ng halik, pinagbibigyan ko siya na may pilit na ngiti at saka ako mabilis na lumalayo nang walang imik.
“Hay, naku,” bulong ko nang makita ko siya sa huli kong orchestra concert noong high school. Pagkatapos ng concert, lumapit siya sa kinatatayuan ko na kasama ang mga kaibigan ko sa labas ng awditoryum.
Umatras ang mga kaibigan ko nang lapitan niya ako na nakangiti, na bukas ang mga bisig para yumakap.
“William!”
Lumingon ako at nakita ko ang isang babaeng tumatakbo palapit sa amin.
“Sori,” sabi niya, at ikinawit ang kanyang bisig kay William. “Gustung-gusto ni William ang biyolin. Nakiusap siyang dalhin ko siya sa concert na ito ngayong gabi. Halika na, mahal ko.”
Noon ko lamang natanto na hindi ko man lang nalaman ang kanyang pangalan. Nakilala ko si William dalawang taon na ang nakalipas pero maraming oras ang ginugol ko sa pag-iwas sa kanya kaya hindi ko man lamang sinikap na talagang makilala siya. Habang pinagmamasdan ko ang pag-alis ni William at ng kanyang ina, nakadama ako ng matinding kahihiyan.
Pagkaraan ng maraming taon, nang makapag-asawa na ako, nagsilang ako ng isang makisig na batang lalaki na may Down syndrome na pinangalanan naming Spencer. Madalas kong maisip si William kapag nakatingin ako sa anak ko, at naisip ko kung ganoon din ang mararanasan ni Spencer. Iiwasan ba siya ng mga tao dahil sobra siyang makahalik o higpit yumakap? Maiilang ba ang mga kaedad niya dahil sa kanyang mga limitasyon?
Noong apat na buwan na si Spencer, dinala ko siya sa aming lokal na ospital para patingnan sa doktor. Habang ibinababa ko siya sa kotse, nakita ko ang dalawang taong palabas ng ospital. Hindi ako makapaniwala na iyon si William at ang kanyang ina.
“William!” sigaw ko nang malapit na kami, at kumakabog ang puso ko.
“Hi!” Mabagal siyang tumawid sa parking lot, na may maaliwalas na ngiti sa kanyang mukha. Iniabot niya ang kanyang kamay at masigla akong kinamayan.
“Kumusta ka na?” tanong ko sa kanya.
“Biyolin,” sabi niya, habang nagniningning ang kanyang mga mata.
Biyolin. Naalala rin niya ako. “Oo,” napalunok ako habang mangiyak-ngiyak na tumatawa, “Ako ang tumugtog noon ng biyolin.”
Habang nag-uusap kami, may dasal sa aking puso na nagpapasalamat sa magiliw na awa ng mapagmahal na Ama sa Langit na nakakaalam kung gaano ko kagustong makitang muli si William. Nagpapasalamat ako na nakita ako ng Diyos—isang inang nakikibaka sa problema sa kalusugan ng aking anak at nag-aalala sa kanyang kinabukasan—at binigyan ako ng karanasan na nagpaalala sa akin na alam Niya ang nangyayari sa atin.