Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Puntahan Mo Siya at Tulungan
Thomas Robbins, California, USA
Nakapila ako sa isang gasolinahan. Sa harapan ko, isang ina na may dalawang maliliit na anak ang humingi ng $3 na halaga ng gasolina at dalawang vanilla ice cream cone.
Sa unang tingin nakita ko na kapos sila. Walang sapin sa paa ang mga bata at gula-gulanit ang suot nila.
Narinig ko ang kalansing ng tila walang-katapusang barya nang ilagay ito ng babae sa counter para bayaran ang binili niya.
Matapos kong bayaran ang gasolina, lumabas ako at sumulyap sa kotse ng ina. Mas lumang modelo iyon na malamang na magastos na sa gasolina.
Naawa ako sa inang ito ng dalawang bata, pero pinaandar ko ang motorsiklo ko at umalis na ako.
Wala pang isang minuto akong gumagaygay sa highway, narinig ko ang isang tinig: “Puntahan mo siya at tulungan.” Dalawang beses dumating ang pahiwatig.
Umiling-iling ako, na iniisip na malamang na nakaalis na siya. Ano naman ang sasabihin ko sa kanya?
Malinaw na dumating ang tinig sa ikatlong pagkakataon: “Puntahan mo siya at tulungan!”
Pumihit ako pabalik sa gasolinahan, na iniisip ang sasabihin kung sakaling naroon pa nga siya.
Pagdating ko, nakita kong nakabukas ang mga pintuan ng kotse niya. Nakaupo siya sa driver’s seat, at masayang kinakain ng dalawang anak niya ang ice cream nila.
Nag-alay ako ng maikling panalangin, na hinihiling sa Ama sa Langit kung ano ang dapat kong sabihin. Sinabi sa akin ng tinig ding iyon, “Magpakilala ka at itanong mo kung kailangan niya ng tulong.” Lumapit ako sa kotse niya at nagpakilala. Ikinuwento ko sa kanya na naisip kong tanungin siya kung kailangan niya ng tulong.
Nagsimula siyang umiyak at sinabing, “Katatapos ko lang manalangin kay Jesus, at hiniling kong magsugo Siya ng taong tutulong sa akin.”
Nasagot ng Ama sa Langit ang kanyang panalangin. Pinapunuan ko ang kanyang tangke ng gasolina at ibinigay sa kanya ang numero ng telepono ng isang tao sa aming elders quorum na naghahanap ng mga gustong magtrabaho noon. Hindi ko alam kung ano ang nangyari sa bata pang inang ito pagkatapos niyon, pero nagpapasalamat ako na sinunod ko ang pahiwatig na tulungan siya.