2016
Pagpapahalaga sa mga Pagpapala sa Madagascar
April 2016


Mga Profile ng Young Adult

Pagpapahalaga sa mga Pagpapala sa Madagascar

Sa kabila ng kaguluhan sa pulitika at kahirapan sa ekonomiya sa kanyang bansa, umasa si Solofo sa mga pagpapalang dulot ng pamumuhay ng ebanghelyo.

lemur and baobab tree

Mga larawang kuha: itaas mula kay Solofo Ravelojaona; ibaba © iStock/Thinkstock

Matapos makunan ang asawa sa unang pagbubuntis nito na labis nilang ikinalungkot, nadama ni Solofo Ravelojaona na nasagot ang kanilang mga dalangin nang magdalantao itong muli pagkaraan ng isang taon. Itinuturing nila ng kanyang asawang si Hary Martine ang pagsilang ng kanilang anak na babae bilang isa sa kanilang pinakamalalaking pagpapala. Paliwanag ni Solofo, “Dahil hiniling namin sa Diyos at ibinigay Niya siya sa amin, binigyan namin siya ng isang pangalan na ang ibig sabihin sa Malagasy ay ‘Kasagutan ng Diyos.’”

Solofo with his daughter

Si Solofo, na isang young adult na taga-Madagascar, ay patuloy na naniniwala na sinasagot ng Diyos ang mga dalangin at sa tamang panahon ay pinagpapala ang matatapat. “Mahirap ang buhay,” sabi ni Solofo, “at kapag hindi nakukuha ng mga tao ang gusto nila, nagtatanong na sila ng, ‘Bakit nangyari ito sa akin?’ Maaari silang lumayo sa Simbahan o pagdudahan nila ang kanilang paniniwala sa Diyos. Ngunit kapag ipinamuhay natin ang ebanghelyo at binasa ang mga banal na kasulatan, mas madali ang buhay. Kapag totoong ipinamuhay ninyo ang ebanghelyo, makikita ninyo talaga ang mga pagpapala.”

Dahil nakatira sa isang bansa na may mabibigat na problema, tulad na lang ng matinding kahirapan, kawalan ng katatagan ng gobyerno, mahinang imprastraktura, at mga kalamidad, maliwanag kung bakit nasabi ni Solofo na mahirap ang buhay. Ngunit para sa kanya, ang mga pagpapalang dulot ng pamumuhay ng ebanghelyo ay mas nakalalamang kaysa anumang hirap. “Ni hindi ko makayang bilangin ang mga pagpapalang natatanggap ko, basta’t ipinamuhay ko ang ebanghelyo,” sabi niya.

Dahil bago pa lang ang Simbahan sa Madagascar (ang unang branch ay inorganisa noong 1990), ayon kay Solofo ang pinakamahirap na bagay sa pagiging miyembro ay ang mga tsismis at maling palagay ng mga tao tungkol sa Simbahan. Sabi ni Solofo, tulad ng pangitain ni Lehi tungkol sa punungkahoy ng buhay, “maaaring hindi lubos na matanggap ng mga tao ang ebanghelyo dahil nahihiya sila sa kanilang mga kaibigan at natatakot na baka itakwil sila ng kanilang pamilya.” Ang ipinagkaiba ni Solofo, sabi niya, ay na, “hindi ko ito ikinahiya kailanman. Ipinamumuhay ko ang ebanghelyo, at gusto ko itong ibahagi palagi sa mga kasamahan ko sa trabaho, kahit hindi talaga interesado ang ilan sa kanila.” Madalas niyang ibahagi ang kanyang simpleng patotoo, kaya tuloy tinawag siyang “pastor” ng mga katrabaho niya.

Solofo and Hary Martine

Sa gitna ng kaguluhan sa ekonomiya at pulitika, umaasa sina Solofo at Hary Martine sa mga pagpapalang dulot ng kanilang mga tipan sa templo (ikinasal sila sa Johannesburg South Africa Temple isang taon matapos silang magmisyon—siya sa Uganda, at si Hary Martine sa Madagascar), at sa kanilang tiwala sa Panginoon. “Nasa akin ang ebanghelyo, at Diyos na ang bahala sa akin,” paliwanag ni Solofo. Makakaasa siya sa kanyang matibay na patotoo dahil nananalig na siya sa “mga kasagutan ng Diyos.”