Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Huwag Kang Magpaputok!
Hindi ibinigay ang pangalan
Naupo kami ni Bob sa aming police car, at naghintay kung may kakaibang galaw sa lansangan. Dalawang oras na kaming nagbabantay roon matapos maispatan ang kotseng binanggit sa isang police radio alert.
“May nakawang nangyayari,” sabi sa alert. “Dalawang lalaki, parehong armado. Nakita silang nakasakay sa isang kotseng kulay-orange. Sabi ng mga saksi malupit ang mga lalaki at handang makipagbarilan.”
Sunud-sunod ang armadong nakawan sa lugar kamakailan, pero anuman ang gawin namin, paulit-ulit na nakatakas ang mga magnanakaw. Hindi ko na inisip ang mga ito nang makita ko ang dalawang tao na lumabas ng bahay sa madilim na kalye at mabilis na sumakay sa kotseng kulay-orange. Papunta na sila sa direksyon namin.
“Magpadala kayo ng backup unit,” sabi ko. “Pahilaga ang mga suspect mula sa kinaroroonan namin.”
Ang backup namin, na dalawang pulis na hindi nakauniporme at sakay ng isang karaniwang kotse, ay inunahan ang kotse habang nakasunod kami ni Bob. Nang makapasok sa isang tulay ang tatlong sasakyan namin, biglang tumigil ang backup namin nang pahalang sa harap ng kotseng kulay-orange at pumarada kami sa likod nito, at nagipit namin ang mga suspect. Halos agad-agad, tumigil ang kotse at yumuko at nagtago ang dalawang tao sa kotse nila.
“Lumabas kayo ng kotse na nakapatong ang mga kamay sa ulo ninyo!” pag-utos ko nang lumabas ako ng kotse. Walang tumugon.
Habang naghahandang magpaputok, muli kong iniutos, “Lumabas kayo ng kotse na nakapatong ang mga kamay sa ulo ninyo. Ngayon na!”
Biglang tumayo ang drayber at pumihit sa akin. Nakita kong kuminang ang isang nikeladong bagay sa mga kamay niya.
Idinikta ng aking police training at sentido komun na magpaputok para iligtas ang buhay ko. Ngunit sa kabila ng tensyon ng sandaling iyon, may narinig akong tinig. Panatag iyon pero makapangyarihan at malakas: “Huwag kang magpaputok.”
Inasahan kong mabaril anumang sandali, pero hinintay kong maunang magpaputok ang nasa kotse. Sa halip, itinaas ng drayber ang kanyang mga kamay, itinaas sa kanyang ulo ang isang bagay na mukhang baril, at ibinaba ang kanyang mga kamay sa kanyang kandungan.
“Huwag kang kikilos!” sabi ko habang nagmamadali akong nagpunta sa kotse. “Huwag kang gagalaw!”
Parang palabas sa TV ang sandaling iyon—hanggang sa matanto ko na ang matitigas na kriminal sa kotse ay dalawa palang takot na takot na dalagita. Ang inakala kong baril ay seat-belt buckle lang pala.
Hindi naglaon at nalaman namin na ipinahiram pala ng mga dalagita ang kotse sa mga boyfriend nila. Wala silang kaalam-alam kung anong klaseng mga lalaki sila.
“Akala ko patay ka na, Cal!” sabi sa akin ni Bob kalaunan. “Muntik na akong magpaputok. Hindi ko alam kung bakit hindi ko iyon itinuloy.”
Iyon din ang sabi ng dalawang pulis na sakay ng karaniwang kotse, kahit ako lang ang nakarinig sa tinig. Alam ko na kapangyarihan lamang ng langit ang nakapagligtas sa dalawang dalagitang iyon mula sa kamatayan at pumigil sa apat na pulis na makagawa ng malaking pagkakamali. Ang karanasang ito ay nagbigay sa akin ng tiyak na kaalaman na kayang mamagitan at mamamagitan ang ating Ama sa Langit para sa ating kapakanan.