Piso para Ama sa Langit
Ang awtor ay naninirahan sa North Carolina, USA.
“Ang mga utos sa t’wina’y sundin! Dito ay ligtas tayo at payapa” (Aklat ng mga Awit Pambata, 68).
Nginuya ni Ana ang huling kagat niya ng tortilla. Malambot iyon at masarap. Gustung-gusto ni Ana ang mga tortilla ng lola niya. Iyon ang pinakamasarap na parte ng almusal.
Pinanood ni Ana ang lola niyang si Abuela sa paghuhugas ng mga pinggan.
Parang pangkaraniwan lang ang umagang iyon. Ngunit may isang bagay na kakaiba.
Kadalasan ay namamalengke si Abuela para bumili ng pagkain. Pero hindi ngayon. Ngayon ay walang perang pambili ng pagkain.
“Ano ang kakainin namin bukas?” naisip ni Ana.
Pagkatapos ay naalala ni Ana. Alam niya kung saan mayroong kaunting pera! Kagabi nakita niyang naglagay si Abuela ng kaunting pera sa maliit na puting tela.
“Abuela, nalimutan na po ba ninyo? May pera tayong pambili ng pagkain.”
“Anong pera?” tanong ni Abuela.
Tumakbo si Ana para kunin ang pera. Inalog niya ang maliliit na supot ng mga barya. Kling! Kling!
Ngumiti si Abuela. “Iyan ang ikapu natin, Ana. Sa Kanya ang perang iyan. ”
“Pero ano po ang kakainin natin bukas?” tanong ni Ana.
“Huwag kang mag-alala,” sabi ni Abuela. “Nananalig ako na tutulungan tayo ng Ama sa Langit.”
Kinaumagahan ibinigay ni Abuela kay Ana ang huling tortillang mais. Pagkatapos ay naupo siya sa kanyang upuan. Nagtahi siya ng mga pulang bulaklak sa isang damit at nagkuwento tungkol sa kabataan niya. Mukhang hindi siya nag-aalala.
Pagkatapos ay narinig ni Ana ang isang katok. Nagmamadaling binuksan niya ang pinto.
“Tiyong Pedro!”
“Naramdaman ko na dapat ko kayong bisitahing dalawa,” sabi ni Tiyong Pedro. Naglagay siya ng tatlong supot sa ibabaw ng mesa. Ang isa ay may harinang mais para sa mga tortilla. Ang isa naman ay may karne. Ang isa pa ay may mga sariwang gulay mula sa palengke.
“Ah, ang bait ng anak ko,” sabi ni Abuela. “Igagawa ko kayo ng pinakamasarap kong meatball soup!”
“Ang sopas po ninyo ang pinakamasarap sa buong mundo,” sabi ni Tiyong Pedro.
Tumawa si Ana at pumalakpak.
Pagkatapos ay huminto siya. May gusto siyang malaman. “Abuela, alam ba ninyong darating ngayon si Tiyong Pedro? Kaya ba hindi kayo nag-aalala?”
“Hindi,” sabi ni Abuela. “Kapag nagbabayad ako ng ikapu, nananalig ako na bibiyayaan ako ng Ama sa Langit. At biniyayaan nga Niya ako!”
Niyakap ni Ana si Abuela. Pakiramdam niya ay siya ang pinakamasayang babae sa buong Mexico. Nanalig sila ni Abuela sa Ama sa Langit. Ngayo’y hindi siya makapaghintay na kainin ang masarap na sopas ni Abuela!