2016
Kapag Pumasok ang Pornograpiya sa Tahanan—Kailangang Kapwa Mapagaling ang Mag-asawa
April 2016


Kapag Pumasok ang Pornograpiya sa Tahanan—Kailangang Kapwa Mapagaling ang Mag-asawa

Nakita ko mismo na maaaring mapagaling ng kapangyarihan ng Tagapagligtas ang mga mag-asawa kapag nakikibaka ang mga lalaki sa pornograpiya.

husband, wife, and Christ

Mga paglalarawan na ginamitan ng mga modelo

Sa unang anim na buwan ko bilang bishop, ilang mag-asawa na sa aming ward ang lumapit sa akin at lihim na ipinagtapat ang pakikibaka ng lalaki sa pornograpiya. Sa ilang pagkakataon, nahihirapan ang babae sa pagkabiglang malaman kamakailan lang ang mapanirang lihim; ang iba naman ay ilang buwan o taon nang alam ito.

Nahabag ako sa bawat isa sa mga mag-asawang ito at nadama ko ang mapagtubos na kapangyarihan ng Tagapagligtas nang payuhan ko nang regular at maingat ang bawat isa sa mga miyembrong lalaki para tulungan silang “iwagwag ang mga tanikala … na gagapos sa [kanila] nang mahigpit” (2 Nephi 9:45).

Gayuman, marahil ay sumapit ang pinakadakilang mga pagbuhos ng Espiritu nang makausap ko ang kanilang mga misis. Nalaman ko na, samantalang sariwa pa ang sugat ng ilang kababaihan at ang iba naman ay matagal nang lantad dito, tinitiis ng lahat ng kababaihang ito ang malalim na espirituwal na sakit na sanhi ng mga tanong na tulad ng, “Ano ang nagawa ko para hindi siya maakit sa akin?” o “Bakit niya gustong ipalagay na hindi ako ang kasama niya?”

Dahil ang lalaki ang lumabag, madaling madama ng bishop na ang lalaki ang lubhang nangangailangan ng access sa mga susi para mabuksan ang nagpapagaling na kapangyarihan ng Tagapagligtas, ngunit nalaman ko na ang pangangailangang mapagaling ang pasakit at trauma ng babae ay kasinghalaga ng pangangailangan ng lalaki na mapagaling sa kanyang kasalanan at pagkahumaling sa pagnanasa.

Sa kanyang diskurso sa mga Nephita, isinumpa ng propetang si Jacob ang mga lalaki sa di-tapat na pag-uugali nila sa kanilang mga asawa, na “marami sa kanilang mga damdamin ay [naging] labis na mapagmahal at dalisay at maselan sa harapan ng Diyos, kung aling bagay ay kasiya-siya sa Diyos” (Jacob 2:7). Nagpatuloy siya: “Sinaktan ninyo ang mga puso ng inyong mga mapagmahal na asawa … dahil sa inyong masasamang halimbawa sa kanila; at ang mga hinaing ng kanilang mga puso ay nakararating sa Diyos laban sa inyo” (Jacob 2:35). Nasaksihan ko mismo ang mga hinaing na ito. Madalas mangyari ito hindi lamang bunga ng matinding pagdaramdam ng babae sa kataksilang dulot ng paggamit ng pornograpiya ng kanyang asawa kundi bunga rin ng mga salitang mapang-aba at masungit na pag-uugaling madalas lumabas dahil sa paghihirap ng kalooban ng lalaki. Katunayan, karaniwan na sa isang lalaki na nalantad na ang gawi na isisi sa kanyang asawa ang kanyang pag-uugali, na binabanggit ang iba’t ibang nagawa o hindi nagawa ng asawa. Ang malungkot, karaniwan din sa babae na magsimulang tanggapin at paniwalaan pa ang mga paratang na ito.

Isang mag-asawang katulad niyon ang naupo sa aking opisina ilang araw lang matapos ibunyag ng lalaki ang pagkalulong niya sa pornograpiya simula pa noong kabataan niya. Habang nakikinig sa isang Relief Society lesson batay sa mensahe ni Sister Linda S. Reeves sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2014, “Proteksyon Laban sa Pornograpiya—Tahanang Nakatuon kay Cristo,” nakita ng babae sa pamimintas ng kanyang asawa ang marami sa mga ugaling inilarawan ng nagtuturo. Pagkatapos ng lesson, hinarap niya ang kanyang mister at tinanong, at inamin nito ang lihim na napakatagal na nitong itinatago. Ang bumabang pagpapahalaga sa sarili ay pinalala pa ngayon ng matinding hinanakit. Nang una nila akong kausapin, nahirapan silang malaman kung paano pa maipagpapatuloy ang kanilang pagsasama. Tiniyak ko sa kanila na may pag-asa pa, binigyan ko sila ng ilang paunang payo, at saka ko sila inanyayahang bumalik at kausapin ako nang sarilinan.

Kasama ang taimtim na mga panalanging inialay ko sa paghahanda para sa mga pag-uusap na iyon, nirepaso ko rin ang mga mungkahi sa Ministering Resources sa LDS.org, lalo na sa sanggunian sa pagsuporta sa asawa ng mga may problema sa pornograpiya, kung saan nabasa ko ang sumusunod: “Ipadama ang pagmamahal at malasakit mo para sa babae, gayundin sa kanyang asawa. Linawin sa babae na hindi siya mananagot sa paggamit ng pornograpiya o maling pag-uugali ng kanyang asawa at hindi siya inaasahang tiisin ang mapang-abusong pag-uugali nito.”

Nang kausapin ko ang babaeng ito, sinunod ko ang payong ito at dinagdagan ito ng pagtiyak na hindi siya ang dahilan kaya iyon ginawa ng kanyang asawa, ni ang anumang bagay na kanyang nagawa o hindi nagawa, kundi sa halip ay ang sariling pagtatalo ng kalooban ng kanyang asawa. Namasdan ko ang matinding ginhawa at kaaliwan na bumalot sa kanya nang maunawaan niya ang mga salitang ito at madama ang pagpapatibay ng Espiritu na totoo talaga ito. Pagkatapos ng interbyu, itinanong niya kung bibigyan ko siya ng basbas ng priesthood. Natanto ko na ako lang ang mahihingan niya ng gayong basbas, dahil mas gusto niyang ilihim ang kanyang sitwasyon sa pamilya at mga kaibigan.

Para matulungan siyang gumaling, inanyayahan ko ang lalaki na dumalo sa isang local Latter-day Saint addiction-recovery group, at hinikayat ko ang babae na dumalo sa katumbas na grupo para sa mga asawa at mga miyembro ng pamilya. Ikinuwento niya sa akin ang kapanatagang nadama niya nang makausap niya ang iba pang kababaihan na naunawaan ang kanyang pagdurusa at ang pag-asang dulot nito sa kanya na makita ang mga mag-asawang nagdaan sa gayon ding pagsubok at magkasama itong nalagpasan.

Ilang buwan na ngayon ang nakalipas simula nang una kong kausapin ang mag-asawang ito, at nag-ibayo ang aking pagmamahal at malasakit para sa kanila dahil sa marami naming pag-uugnayan. Samantalang nauunawaan ko na sa patuloy na pagtahak nila sa landas ay magkakaroon sila ng mga problema, nagagalak akong malaman na sa bawat nadagdag na buwan ay napalaya ng lalaki ang kanyang sarili mula sa pagnanasa at pornograpiya at nakita niyang nag-ibayo ang pagpapahalaga at tiwala sa sarili ng kanyang asawa, na kitang-kita naman.

Sa mga huling interbyu sa kanila, ang hirap at luha sa nauna naming mga pag-uusap ay napalitan ng madalas na mga ngiti at maging ng tawanan. Ngunit marahil ang pinakamagandang kinahinatnan nito ay ang pag-asa—pag-asa na hindi lamang maaaring magpatuloy ang kanilang pagsasama kundi maaari din itong gumanda at magpadakila.

Alam ko na, sa kasamaang-palad, hindi lahat ng mag-asawa ay dumaranas ng gayong resulta. Ang ilang pagsasama ay maaaring mabigo kapag ang may problema sa pornograpiya ay tumangging magbago. Gayunman, anuman ang landas na piliing tahakin ng lalaki, nalaman ko na ang payo na pagsilbihan ng lalaki ang kanilang asawa ay binigyang-inspirasyon. Umaasa ako na hindi madarama kailanman ng sinumang babae na nasa ganitong sitwasyon na siya ay kinaliligtaan, hinuhusgahan nang mali, o hindi nauunawaan ng kanyang bishop. Ang pagtulong ng bishop ay isang mahalagang daluyan kung saan ipinapakita ng Tagapagligtas ang Kanyang kapangyarihan na lubos na pagalingin ang bawat puso—maging ang mga “nasugatan nang malalim” (Jacob 2:35).

family studying scriptures

Ibaba: Nanlumo nang husto si Kerri nang malaman niya ang hamong kinakaharap ng kanyang asawa ukol sa pornograpiya, ngunit nagkaroon siya ng pag-asa at napagaling sa pamamagitan ni Jesucristo at ng Kanyang Pagbabayad-sala.