Patotoo ni Ethan
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
Tila lahat ay may patotoo maliban kay Ethan.
“Dinggin, dinggin. Bubulong ang Espiritu. Dinggin, dinggin ang Kanyang tinig” (Children’s Songbook, 106).
Umupo si Ethan sa sharing time at minasdan ang pagpapatotoo ng matalik niyang kaibigang si Sam. Naghihintay naman si Sarah sa turno niyang magsalita. Ikinuwento ni Sam ang isang proyekto sa paglilingkod na ginawa niya. May patotoo raw siya tungkol sa paglilingkod. Nagpatotoo si Sarah tungkol sa mga pamilya. Nagpatotoo rin ang guro ni Ethan. Nagsalita siya tungkol sa gawain sa templo. Lahat sila ay nagpatotoo na ang Simbahan ay totoo. Tila lahat ay may patotoo maliban kay Ethan.
“Saan kaya ako may patotoo?” pag-iisip ni Ethan.
Ginunita niya na ilang taon na ang nakalilipas nang mabinyagan sila ng kanyang mga kaibigan. Nagbigay ng mensahe ang guro niya sa Primary na si Sister Calder tungkol sa Espiritu Santo.
“Ang Espiritu Santo ay pag-aalabin ang puso ninyo. Ipapaalam Niya sa inyo kung ano ang totoo,” sabi niya. “At ganyan ka nagtatamo ng patotoo tungkol sa pinaniniwalaan mo.”
Sinikap ni Ethan na gawin ang tama para madama niya ang Espiritu Santo. Nagbasa siya ng mga banal na kasulatan at nanalangin. Ngunit hindi pa nag-alab ang kanyang damdamin na tulad ng sinasabi ng mga tao. Ibig bang sabihin ay wala siyang patotoo?
Nakintal ang tanong na ito sa isipan ni Ethan buong maghapon kinabukasan. Iniisip pa rin niya ito nang mag-skateboarding sila ni Sam paglabas ng eskuwela. Inisip niya kung paano niya matatanong si Sam tungkol dito.
“Uy, Sam,” tanong ni Ethan sa wakas, “natakot ka ba nang magpatotoo ka kahapon?”
Umibis ng skateboard niya si Sam at naglakad papunta sa damo. “Hindi naman,” sabi nito, habang nakaupo. “Nakapagpatotoo na ako sa family night namin noong gabi bago iyon.”
Tinabihan siya ni Ethan at kinandong ang kanyang skateboard. “Pero paano mo nalaman na may patotoo ka?”
“Nagdasal ako at gumanda ang pakiramdam ko tungkol dito.”
Dahan-dahang tumango si Ethan at pinaikot ng kamay ang isang gulong. Kahit paano ay gusto rin niyang madama iyon.
Nang gabing iyon, nang madilim at tahimik na ang bahay, lumuhod si Ethan sa tabi ng kanyang kama para manalangin.
“Ama sa langit,” sabi niya, “tulungan po ninyo akong magkaroon ng patotoo. Tulungan po Ninyo akong malaman na ang Simbahan ay totoo. Alam ko po na si Joseph Smith ay isang propeta. At na ang Aklat ni Mormon ay totoo.”
Sa kalagitnaan ng kanyang panalangin, tumigil si Ethan. Nag-isip siya sandali. Pagkatapos ay tinanong niya ang sarili, “Teka, may alam na ba ako?”
At pagkatapos ay nilukob siya ng tahimik at payapang damdamin. Hindi iyon isang makapangyarihan at maalab na pakiramdam. Ngunit alam na ni Ethan, iyon ang Espiritu Santo.
May pumasok sa isipan ni Ethan: “Alam kong alam ko.” At habang iniisip niya ito, natanto niya na nadama na niya ang payapang damdaming ito noon.
Tuwing magbabasa siya ng Aklat ni Mormon, maganda at tama ang pakiramdam niya. Ngayo’y alam na niya na ang damdaming iyon ay ang Espiritu Santo na nagpapatotoo sa kanya. Nang magsimba siya at maganda at tama ang pakiramdam niya roon, ang Espiritu Santo rin iyon. Nagkakaroon na siya ng patotoo!
Hindi na niya kailangang malaman ang lahat ngayon. Pero alam na niya na ang Espiritu Santo ay totoo at makakatulong sa kanya na patatagin ang kanyang patotoo.
Muling nanalangin si Ethan. Ngunit sa pagkakataong ito ay para magpasalamat.