2016
Propesiya at Personal na Paghahayag
April 2016


Mensahe ng Unang Panguluhan

Propesiya at Personal na Paghahayag

youth and children first presidency message sidebars
family watching general conference

Ang tunay na Simbahan ni Jesucristo ay naipanumbalik at nasa lupa ngayon. Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw noon pa man ay pinamumunuan na ng mga buhay na propeta at apostol, na tumatanggap ng palagiang patnubay ng langit.

Ang banal na huwarang ito ay totoo rin noong unang panahon. Nalaman natin sa Biblia: “Tunay na ang Panginoong Dios ay walang gagawin, kundi kaniyang ihahayag ang kaniyang lihim sa kaniyang mga lingkod na mga propeta” (Amos 3:7).

Muling nangusap ang Diyos sa ating panahon, sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Inihayag niya sa pamamagitan ni Propetang Joseph ang ebanghelyo ni Jesucristo sa kabuuan nito. Ipinanumbalik Niya ang Kanyang banal na priesthood kasama ang mga susi nito at lahat ng karapatan, kapangyarihan, at gawain ng sagradong kapangyarihan ng priesthood.

Sa ating panahon, ang mga buhay na propeta at apostol ay may karapatang magsalita, magturo, at mamahala nang may awtoridad mula sa Diyos Ama at sa Panginoong Jesucristo. Sinabi ng Panginoon sa Propeta: “Kung ano ang sinabi ko, ang Panginoon, ay sinabi ko, at hindi ko binibigyang-katwiran ang aking sarili; at bagaman ang kalangitan at ang lupa ay lilipas, ang aking salita ay hindi lilipas, kundi matutupad na lahat, maging sa pamamagitan ng sarili kong tinig o sa tinig man ng aking mga tagapaglingkod, ito ay iisa” (D at T 1:38).

Sa pangkalahatang kumperensya, na dalawang beses sa isang taon, mapalad tayong magkaroon ng pagkakataong marinig ang salita ng Panginoon para sa atin mula sa Kanyang mga lingkod. Isang pribilehiyo ito na walang kapantay ang halaga. Ngunit ang kahalagahan ng gayong pagkakataon ay depende sa pagtanggap natin sa mga salita sa ilalim ng impluwensya ng Espiritu ring iyon na naging daan para maibigay ito sa mga lingkod na iyon (tingnan sa D at T 50:19–22). Tulad ng pagtanggap nila ng patnubay mula sa langit, gayon din natin kailangang tanggapin ito. At kailangang magkaroon din tayo ng espirituwal na pagsisikap.

“Gawin Mo ang Homework Mo”

Maraming taon na ang nakalipas hiniling ng isa sa mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol na basahin ko ang isang mensaheng inihahanda niya para sa pangkalahatang kumperensya. Bagong miyembro lang ako noon ng korum. Karangalan ko na nagtiwala siyang makakatulong ako sa paghahanap ng mga salitang nais ng Panginoon na sabihin niya. Sabi niya sa akin na nakangiti, “Ah, ika-22 draft na ito ng mensahe.”

Naalala ko ang payong ibinigay sa akin ng mapagmahal at mabait na si Pangulong Harold B. Lee (1899–1973) bago iyon na may pagbibigay-diin: “Hal, kung gusto mong makatanggap ng paghahayag, gawin mo ang homework mo.”

Binasa, pinag-isipan, at ipinagdasal ko ang ika-22 draft na iyon. Pinag-aralan ko iyong mabuti sa ilalim ng impluwensya ng Espiritu Santo. Nang ibigay na ng miyembrong iyon ng korum ang kanyang mensahe, nagawa ko na ang homework ko. Hindi ko tiyak kung nakatulong nga ako, pero alam ko na nagbago ako nang marinig ko ang mensahe. Ang mga mensaheng narinig ko ay higit pa sa mga salitang nabasa ko at binigkas niya. Mas nagkaroon ng kahulugan ang mga salita kaysa sa mga nabasa ko sa draft. At para sa akin yata ang mensahe, parang akma ito sa pangangailangan ko.

Ang mga lingkod ng Diyos ay nag-aayuno at nagdarasal para matanggap ang mensaheng laan Niya para ibigay nila sa mga taong nangangailangan ng paghahayag at inspirasyon. Ang natutuhan ko mula sa karanasang iyon, at sa marami pang katulad nito, ay na para makinabang nang husto mula sa pakikinig sa mga buhay na propeta at apostol, kailangan nating pagsumikapan mismong tumanggap ng paghahayag.

Mahal ng Panginoon ang lahat ng tao na maaaring makinig sa Kanyang mensahe, at alam Niya ang nilalaman ng puso at stiwasyon ng bawat isa. Alam niya kung anong pagtutuwid, panghihikayat, at katotohanan ng ebanghelyo ang pinakamainam na makatutulong sa bawat tao para piliin ang kanyang landas tungo sa buhay na walang hanggan.

Kung minsan iniisip nating mga nakikinig at nanonood sa mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya pagkatapos nito, “Ano ang pinaka-naaalala ko?” Inaasam ng Panginoon na ang isasagot ng bawat isa sa atin ay: “Hinding-hindi ko malilimutan ang sandali na nadama ko ang tinig ng Espiritu sa aking puso’t isipan na nagsasabi sa akin kung ano ang magagawa ko para masiyahan ang aking Ama sa Langit at ang Tagapagligtas.”

Maaari nating matanggap ang personal na paghahayag na iyon kapag nakinig tayo sa mga propeta at apostol at nagsikap tayo nang may pananampalataya na matanggap ito, tulad ng sabi ni Pangulong Lee na kaya natin. Alam kong totoo ito dahil naranasan ko na ito at pinatotohanan ito ng Espiritu.