Siya ang Bishop?
Ang awtor ay naninirahan sa Illinois, USA.
Dahil hindi ako gaanong aktibo sa nakalipas na mga taon, hindi makapaniwala ang isang miyembrong nakakakilala sa akin noon na tinawag akong maging bishop.
Sa isang priesthood executive committee meeting, iniulat ng aming mga full-time missionary na may nakilala silang isang miyembro na wala sa ward ang records. Agad kong nakilala ang pangalan at binanggit ko na iisa ang ward naming dalawa maraming taon na ang nakararaan.
Sabi ng isa sa mga missionary, “Opo, bishop, binanggit niya iyan at medyo nagulat siya na kayo ang bishop.”
Tinanong ko sila, “Ano ang sabi niya?”
Sabi nila gulat na gulat siya at ang sabi’y, “Siya ang bishop?”
Natawa ako at ipinaliwanag ko na ibang-iba ang pagkakilala sa akin ng sister na ito 30 taon na ang nakararaan.
Nang pag-isipan ko ang pangyayaring ito kalaunan, inisip ko kung gaano kalaki ang ipinagbago ng buhay ko sa loob ng mahigit 30 taon ng pagiging miyembro namin ng pamilya ko. Marami akong nakilalang miyembro ng aming ward sa loob ng 20 taon at naglingkod na ako bilang branch president at bishop, pero hindi ako kilala ng sinuman sa mga miyembrong ito 30 taon na ang nakararaan. Bagama’t paminsan-minsan ay nagkukuwento ako ng mga pangyayari sa aking nakaraan para magturo tungkol sa pagsisisi at sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, halos buong ward ay hindi alam kung gaano kagila-gilalas ang naging takbo ng buhay ko sa Simbahan.
Nalaman namin ng pamilya ko ang tungkol sa simbahan noong Mayo 1979, at nalaman ko kaagad na dito kami nabibilang. Nabinyagan kami noong Hunyo, at noong una ay aktibo kaming lahat, ngunit hindi nagtagal tumigil ako sa pagsisimba at nagbalik ako sa dating gawi. Hindi talaga ako nag-alinlangan tungkol sa katotohanan ng ebanghelyo at sa Panunumbalik, pero naisip ko na hindi ako magiging mabuting miyembro ng Simbahan.
Noong 1982, dahil patuloy ang pag-inom ko ng alak, nakipagdiborsyo ang asawa ko, na hindi kailanman tumalikod sa kanyang pananampalataya. Noo’y nakatira ang pamilya ko sa Oklahoma, USA, ngunit nagbalik na ako sa Illinois, USA, kung saan ako lumaki. Dumating ako sa punto na mawawala na sa akin ang kaisa-isang bagay na talagang mahalaga sa akin: ang aking pamilya.
Nagsimula akong lumuhod sa panalangin umaga at gabi sa isang Diyos na hindi ko na tiyak kung mayroon nga o, kung mayroon man, naisip ko na matagal na Niya akong kinalimutan. Subalit tapat akong nanalangin sa loob ng tatlong buwan. Isang madaling araw, habang nagdarasal ako nang taimtim, nilukob ako ng malaking kaginhawan at nalaman ko na ang Diyos ay buhay, na kilala Niya ako, at mahal Niya ako. Nalaman ko rin na hindi na ako iinom ng kahit isang patak na alak.
Nang gabing iyon mismo tinawagan ako ng asawa ko para ipaalam na ipapadala niya sa akin ang mga papeles sa diborsyo para lagdaan ko. Sa pag-uusap na iyon bigla niyang sinabing, “May isang bagay na ibang-iba sa iyo. Hindi ako naniniwala na iinom ka pang muli, at pupunitin ko na ang mga papeles na ito.” Muli kaming nagsama, at pagkaraan ng dalawang taon ay isinilang niya ang ikatlong anak namin.
Ipapalagay ng isang tao na lubos na akong bumalik sa pagiging aktibo sa Simbahan, pero matigas ang ulo ko. Bumalik ako sandali at tumanggap pa ng calling bilang elders quorum instructor. Pero hindi nagtagal ay nadama ko na hindi ko kayang magturo at muli akong naging inactive.
Noong 1991 lumipat kami sa isang maliit na branch. Ilang buwan bago sumapit ang ikawalong kaarawan ng bunsong anak namin, tinanong siya ng asawa ko, na siyang Primary president, kung sino ang gusto niyang magbinyag sa kanya. Siyempre gusto niyang ang tatay niya ang magsagawa ng ordenansa. Sinabi sa kanya ng asawa ko na malamang na hindi mangyari iyon. Hindi niya tinanggap ang sagot na iyon at sinimulang gawing aktibong muli ang kanyang ama. Wala siyang humpay, at hindi naglaon ay natagpuan ko ang aking sarili na naglilingkod bilang Scoutmaster, at kalaunan ay bininyagan at kinumpirma ko ang anak ko.
Ang walong buwan kasunod ng pagiging aktibo kong muli ay makulay. Nabuklod kami bilang pamilya sa Chicago Illinois Temple, at muli akong tinawag na maglingkod bilang elders quorum instructor, bagama’t sa pagkakataong ito ay hindi na ako sumuko. Pagkatapos ay tinawag ako bilang tagapayo sa branch presidency, at limang buwan pagkaraan ay tinawag akong maglingkod bilang branch president. Isang buwan o mahigit pa matapos akong matawag, natatandaan kong naisip ko, “Ako ang branch president?”
Nasabi ko na sa maraming naghihirap na mga Banal sa pagdaan ng mga taon na kung kaya kong umunlad sa ebanghelyo, kaya iyon ng kahit sino. Kailangan lang unawain ang tunay na kapangyarihan ng Tagapagligtas at ng Kanyang Pagbabayad-sala at paggawa ng mga hakbang para lumapit sa Kanya.
Walang hanggan ang pasasalamat ko sa aking asawa at mga anak at sa lahat ng tapat na home teacher, quorum leader, bishop, at iba pang tapat na mga Banal na nagpakita ng magandang halimbawa sa akin. Isang pribilehiyo ang maglingkod sa Panginoon at sa mga Banal sa nakaraang 20 taon na ito. Napagpala ang buhay ko nang higit sa anupamang bagay na maiisip ko.