2016
Mga Senior Missionary: Kailangan, Pinagpala, at Minamahal
April 2016


Mga Senior Missionary: Kailangan, Pinagpala, at Minamahal

Ang paglilingkod bilang mag-asawang missionary ay maaaring mas madaling gawin, hindi magastos, at mas masaya kaysa iniisip ninyo.

the Malmroses serving in Ghana

“Puwede ba kayong pumunta at tumulong?”

Ito ang tanong na sinagot na noon nina Gerald at Lorna Malmrose ng Washington, USA. Pumayag sila nang tanungin sila ng kanilang dating bishop, na mission president noon, kung maaari silang maglingkod na kasama niya sa West Indies. Muli silang pumayag nang tawagin sila ng kanilang stake president na gampanan ang isang service mission sa headquarters ng Simbahan sa Salt Lake City, Utah, USA, na ukol sa mga computer at human resources.

Nang tumawag ulit ang dati nilang bishop at mission president na si Reid Robison, sa pagkakataong ito bilang president ng missionary training center sa Accra, Ghana, itinanong niya kung muling tutulong ang mga Malmrose.

“Alam namin na maaari kaming magtiwala sa Panginoon,” sabi ni Elder Malmrose. “Kaya’t nagpasiya kaming muling magtiwala sa Kanya.” Pumayag sila, sinulatan ang kanilang mga recommendation form, natanggap ang kanilang tawag, at hindi nagtagal ay nasa Ghana na sila.

Paglilingkod Bilang Mag-asawa

Ang karanasan ng mga Malmrose ay nagpapakita ng ilang alituntunin tungkol sa mga senior couple na naglilingkod sa misyon na maaaring hindi nauunawaan ng marami:

  • May dalawang uri ng misyon. (1) Ang Pangulo ng Simbahan ay tumatawag ng mga senior couple na maglilingkod mula sa kanilang sariling tahanan o malayo sa tahanan. (2) Ang stake president ay tumatawag ng mga Church-service missionary couple para punan ang part-time na pangangailangan ng lugar o ng rehiyon, mula 8 hanggang 32 oras bawat linggo. Sila ay karaniwang naninirahan sa kanilang lugar at naglilingkod ngunit kung minsan ay maaaring maglingkod sa lugar na malayo sa kanilang tahanan.

  • Ang mga mission president ay hinihikayat na maghanap ng mga mag-asawang makakatugon sa mga pangangailangan sa kanilang mission, at maaaring sabihin ng mag-asawa kung saan nila gustong maglingkod. “Hindi namin sinasabi na maaaring piliin ng mga mag-asawa ang kanilang sariling missionary assignments,” paliwanag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol. “Ang tawag ay tawag pa rin. … [Ngunit] kinakausap namin ang ating mga senior couple tungkol sa gusto nilang paglilingkod, at ibinibigay ang lahat ng konsiderasyon at pinapayagan silang maglingkod kung saan at paano nila gustong maglingkod.”1

  • Pinapayuhan ng mga mission president ang mga mag-asawa kung paano nila pinakamainam na magagamit ang kanilang mga talento at kakayahan. “Para maging lubos na makabuluhan ang karanasan bilang senior couple,” sabi ni President Robison, “kailangang may pagkakataon kayong gawin ang mga bagay na gustung-gusto ninyong gawin at kung saan kayo may kasanayan na dama ninyong makakatulong.”

Halimbawa, alam ni President Robison na marunong ng French si Elder Malmrose, na makakatulong dahil French ang gamit ng maraming African. “Parang nakinita ko na makakatulong siya sa pag-aasikaso ng biyahe at pagkuha ng mga visa,” sabi ni President Robison. “Pero nang naroon na siya, nahiwatigan ko na hindi iyon ang kanyang tunay na interes. Kaya inanyayahan ko siyang gamitin ang nalalaman niya sa computer. Dahil sa kanya nakatipid kami ng maraming oras.” Tinutulungan din ni Elder Malmrose ang mga missionary, lalo na ang mga marunong ng French, na ihanda ang mga pangalan at isagawa ang gawain sa templo para sa kanilang pamilya. Si Sister Malmrose, na isang certified medical assistant, ay naatasang makipagtulungan sa mission doctor at nurse.

Naghahanda Siya ng Paraan

Tulad ng mga Malmrose, natutuklasan ng iba pang mga mag-asawa na kapag nagtiwala sila sa Panginoon, naghahanda Siya ng paraan. Iyan ang nangyari kina Alvin at Corazon Rieta ng Kawit, Cavite, sa Pilipinas.

the Rietas serve in the Philippines

“Dalawang taon bago kami nagdesisyong maglingkod, sinimulan naming planuhin na nang maigi ang gagawin namin sa negosyo ng aming pamilya,” paliwanag ni Elder Rieta. “Ang aming anak na lalaki at anak na babae ay nakatapos na sa kolehiyo at maaari na silang humalili sa amin, pero inisip namin kung sino ang lulutas sa mga problema sa negosyo at kung ano ang magiging reaksyon ng mga kliyente namin sa aming mga plano.”

Nag-alala rin si Sister Rieta na maiiwan niya ang kanyang tumatanda nang ina. “Natakot ako na baka mawala siya sa amin habang nasa malayo kami,” sabi niya. “Nadama ko rin na parang hindi ko kaya ang hamong magturo ng ebanghelyo.”

Kinausap nila ang kanilang bishop at ang isang mag-asawa na naglingkod kamakailan lang sa Davao. “Lahat sila ay nagbigay ng malakas na patotoo na gagabayan ng Panginoon ang bawat mag-asawa na malaman kung paano ayusin ang mga bagay na maiiwan sa kanilang tahanan, ang kanilang pamilya, at ang pondo para sa kanilang misyon,” sabi ni Sister Rieta.

“Habang naghahangad kami ng patnubay,” sabi ni Elder Rieta, “naglaho ang aming pangamba—naging maayos ang takbo ng aming negosyo sa kabila ng mga pagsubok, nagalak at sumuporta ang mga kliyente, at lalong nagkalapit-lapit ang aming pamilya sa pag-aasikaso sa aming maysakit na ina. Naunawaan na namin na talagang tutulungan kami ng Panginoon.”

Ang mga Rieta ay naglilingkod ngayon sa mga miyembro at sumusuporta sa mga lider sa Philippines Cagayan de Oro Mission.

Marami Kayong Maaaring Gawin

Iniisip ng ilang mag-asawa ang tungkol sa pisikal na mga limitasyon, pero hindi ito iniisip nina Keith at Jennilyn Mauerman ng Utah, USA. Ilang taon na ang nakararaan, apat na buwan matapos silang ikasal sa Los Angeles California Temple, nagsundalo si Keith at ipinadala sa labanan. Bilang airborne squad leader, nauna siya sa iba pang mga sundalo sa paglalakad nang biglang sumabog ang isang bombang nakabaon sa lupa. Naputulan siya ng dalawang paa. Nang makauwi na siya, nagmamadaling lumapit sa kanya si Jennilyn.

“Alam ko na hindi ako dapat mag-alala,” sabi ni Keith, “dahil walang hanggan ang aming kasal. Buo ang suporta sa akin ng aking asawa. Inaalalayan pa rin niya ako araw-araw.”

the Mauermans serving in military relations

Nang magretiro si Sister Mauerman, nagpasiya silang magmisyon. Pero magiging problema ba si Elder Mauerman na naputulan ng dalawang paa? “Laging may mga bagay na hindi ko kayang gawin,” sabi niya, “pero napakaraming bagay akong maaaring gawin, alam naming magkakaroon ng lugar para sa amin.”

Habang kinukumpleto ang kanilang recommendation forms, nilagyan niya ng tsek ang isang kahon na nagsasaad na naglingkod siya sa militar. Hindi nagtagal nakatanggap sila ng tawag mula sa Church Military Relations. “Mayroon akong ID card na magagamit para makapasok kami sa mga base-militar, kaya humingi sila ng pahintulot sa amin para mairekomenda kami sa isang military relations mission.”

Ang mga Mauerman ay tinawag na maglingkod sa isang base-militar sa North Carolina, USA. Paggunita ni Elder Mauerman: “Nakasaad sa karatula sa gate na, ‘Fort Bragg, Home of the Airborne.’ Nang batiin kami ng mga guwardiya gamit ang airborne motto na ‘All the Way!’ iyon ang unang pagkakataon na narinig ko ito sa loob ng maraming taon. Panatag na panatag ako, kahit na noon lang ako nakapasok sa Fort Bragg. Alam ko na ang aming mission call ay lapat na lapat at na iniisip ako ng Panginoon.”

“Nagturo kami ng mga lesson tungkol sa pagiging self-reliant at pagbangon matapos dumanas ng pagsubok at tungkol sa pagpapatatag ng pagsasama ng mag-asawa,” sabi ni Sister Mauerman. “Noong una ayaw naming ikuwento ang buhay namin, ngunit natuklasan namin na ang pagbabahagi nito ang gumawa ng lahat ng kaibhan. Tiningala kami ng mga sundalo at ng kanilang mga asawa at sinabing, ‘Kung magagawa ninyo, magagawa rin namin ito.’”

Ang mga Mauerman ay nagkaroon ng magandang karanasan sa North Carolina kaya hiniling nilang maglingkod na muli. Ngayon ay naglalakbay sila nang mga 40 milya (64 km) mula sa kanilang tahanan sa Orem papunta sa Salt Lake City nang dalawang beses sa isang linggo para maglingkod sa opisina ng Church Military Relations. Tinuturuan din nila ang mga senior couple sa missionary training center sa Provo, kung saan natutuklasan nila na sa bawat grupo ay mayroong isang taong nalampasan ang mga balakid para makapaglingkod.

Mga Wikang Pandaigdigan

Nang matawag sa Brazil Cuiabá mission, nag-alala sina Randy at Lou Ellen Romrell ng Utah. Bagama’t naglingkod si Elder Romrell sa Brazil noong binata pa siya, hindi na niya masyadong alam ang wikang Portuguese. At hindi marunong ng Portuguese si Sister Romrell. Gayunman, ang pag-aaral at pagsisikap ay nakatulong para muling magamit ni Elder Romrell ang Portuguese at para matuto si Sister Romrell. Gayundin ang ukulele.

“Hindi ko planong dalhin ito,” sabi ni Sister Romrell, “pero nadama ni Elder Romrell ang inspirasyon, at kamangha-manghang makita ang nagawa nito. Habang nagtuturo kami sa mga investigator at inaasikaso ang muling pagpapaaktibo at pag-fellowship, nakakatuwang gamitin ito para mapakanta ng mga himno ang mga tao. Natutuhan namin ang wika, at malakas ang diwang hatid ng mga himno.”

the Romrells playing a ukulele

Kahit nagsisimula pa lang siyang matuto ng Portuguese, mahusay na siya sa musika. “Pinag-iisa ng musika ang mga tao,” sabi niya. “Kahit hindi ko nauunawaan ang lahat ng sinasabi nila kapag bumibisita kami, kapag kumakanta kami, nagkakaroon kami ng koneksyon.” Nang anyayahang magsalita sa paaralan tungkol sa pista-opisyal ng mga Amerikano na Thanksgiving, kumanta ang mga Romrell ng mga himno ng pasasalamat—sa saliw ng ukulele. At gamit din ni Sister Romrell ang isang mas karaniwang instrumento, ang piyano, para saliwan ang mga himno sa simbahan.

At ang Portuguese? “Kahit hindi ka mahusay magsalita nito, nakakatulong ang matuto ng ilang salita,” sabi niya. “Ang simpleng pagsasabi ng hello at pagbati sa mga tao ay malayo na ang nararating. Ipaalam mo sa kanila na natututo ka. Gawin itong simple at umasa sa Espiritu.” At ang Espiritu, siyempre pa, ay isa pang wika na kayang maunawaan ng lahat ng tao.

Paglilingkod sa Tahanan

Sina Paul at Mar Jean Lewis ng Utah ay nakapaglingkod na sa tatlong misyon nang magkasama (Palmyra New York Temple; Hong Kong China Temple; at Croatia, Serbia, at Slovenia sa mga seminary at institute). Naghahanda silang maglingkod sa isa pa nang tanungin sila ng kanilang stake president, “Handa ba kayong maglingkod dito mismo sa sarili nating stake, sa pagsuporta sa mission na nakasasakop sa atin?”

the Lewises serving at home

“Bago kami rito, kaya napakagandang pagkakataon,” sabi ni Sister Lewis. “Kasama naming naglilingkod ang mga batang elder at sister, malapit kami sa mission president, nagpupunta kami sa mga district at zone meeting, at nakikipagtulungan kami sa mga ward mission leader.” Binibisita rin nila ang mga investigator at mga di-gaanong aktibo.

“Marami na kaming nakilalang mabubuting tao na hindi sana namin nakilala kung hindi kami nagmisyon,” sabi ni Sister Lewis, “pati na ang ilan na nalihis ng landas. Ang makita silang magbalik, tumanggap ng mga ordenansa, at magpunta sa templo ay isang napakagandang pagpapala.”

“Maraming mag-asawa, kapag iniisip nila ang tungkol sa pagmimisyon, ang nag-alala kung ano ang gagawin nila sa bahay at kotse nila o ano ang mami-miss nila sa kanilang pamilya,” sabi ni Elder Lewis. “Nakatira pa rin kami sa bahay namin at gamit ang sarili naming kotse. Hinihikayat kaming dumalo sa mga aktibidad ng pamilya, basta hindi ito sagabal sa mga responsibilidad ng missionary. At nakapunta pa kami nang isilang ang isang apo.”

Mga Pagpapala sa Pamilya

Sa kabilang banda, sinabi nina Jill at Kent Sorensen, na tagaroon din sa stake na iyon, na ang isa sa pinakamaiinam na paraan para mapalakas ang kanilang pamilya ay maglingkod nang malayo sa tahanan. Sabi ni Sister Sorensen, “Isa sa mga pangunahing dahilan ng mga mag-asawa sa hindi pagpunta sa misyon ang mga apo, mga anak na may pamilya na at naghihirap, mga anak na nagdadalantao, mga magulang na matatanda na—kahit ano. Prayoridad ang pamilya, at nangungulila ka sa kanila araw-araw. Ngunit ang pagmimisyon ay may napakagandang mensahe na mahalaga rin ang gawaing misyonero.”

Bukod pa rito, napuna ni Elder Sorensen na, “napakaraming paraan para makipagbalitaan ngayon na maaari mo silang kumustahin sa lahat ng oras.”

Ang buhay missionary ng mga Sorensen ay nagsimula tatlong taon na ang nakalipas, nang hilingin ng kanilang bishop na magdaos sila ng mga buwanang fireside para sa mga mag-asawang nag-iisip na magmisyon. “Matapos itong pag-usapan palagi,” sabi ni Sister Sorensen, “nagmisyon na rin kami!” Natanggap nila ang tawag na maglingkod sa Cook Islands, kung saan naglingkod ang mga lolo’t lola ni Jill 50 taon na ang nakararaan.

the Sorensons teaching Bible classes

Ngayon, kabilang sa iba pang mga tungkulin, hinihilingan silang magturo ng mga klase ukol sa Biblia sa mga paaralan.

“Itinuturo namin si Cristo bilang bato,” sabi ni Elder Sorensen. “Binibigyan namin ang mga estudyante ng maliliit na bato at hinihikayat silang manatiling matatag na gaya ng bato kay Cristo. Ngayon saanman kami magpunta, sinasabi ng mga tao, ‘Kasintigas ng bato!’ kapag nakikita nila kami.”

Halina’t Tumulong

Kung iniisip ninyong maglingkod sa full-time mission o sa Church-service mission, lahat ng mag-asawang ito ay itatanong sa inyo ang itinanong ni Pangulong Robison kina Gerald at Lorna Malmrose: “Puwede ba kayong pumunta at tumulong?” At sasabihin nila sa inyo na, anuman ang maging partisipasyon ninyo, nakatitiyak kayo sa pangakong ito: Kailangan kayo, makapag-aambag kayo, at kayo ay pagpapalain at mamahalin.

Tala

  1. “Elder Jeffrey Holland: LDS Church Desperately Needs More Senior Missionaries,” Deseret News, Set. 14, 2011, deseretnews.com.