Ang Bahaging para sa Atin
Pinagpala sa Pagsunod sa Batas ng Ikapu
Sabrina T., São Paulo, Brazil
Noong bata pa ako, maraming pinagdaanang pinansyal na pagsubok ang aming pamilya na tumagal hanggang mga 10 taong gulang na ako. Walang makitang ibang trabaho si Itay, kaya nagtinda-tinda siya sa lansangan at napakaliit ng kita niya. Nanatili sa bahay si Inay para alagaan ako at ang nakababata kong kapatid.
Ngunit kahit marami kaming mahihirap na karanasan, may patotoo kami tungkol sa pagbabayad ng ikapu at iba pang mga handog. Tapat naming binayaran ang aming ikapu buwan-buwan at hindi kami kinulang sa anuman. Natitiyak namin na patuloy kaming pinagpala dahil sa walang-hanggang kabaitan ng Panginoon at dahil tinutupad Niya ang Kanyang mga pangako kapag sinusunod natin ang Kanyang mga utos.
Sa wakas ay natapos din ang aming pinansyal na pagsubok. Ang mga pagpapalang ibinigay sa amin ng Panginoon sa huling ilang taon na ito ay kamangha-mangha.
Alam ko na para sa mga taong tapat magbayad ng ikapu at nagbabayad ng kanilang mga handog nang may pagmamahal na may mithiing pagpalain ang buhay ng iba, hindi sila kukulangin at may mas mabuting bagay na mangyayari, katulad ng nangyari sa pamilya namin. Madaragdagan ang mga pagpapala. Alam ko ito. Ipinamuhay ko ito.
Matapat sa Lahat ng Bagay
Alivsi H., Jalisco, Mexico
Sa pagsisimula ng bawat semestre sa paaralan, nakakakuha kami ng libreng set ng mga produktong may isang notebook, isang adyenda, at kung anu-anong sampol na produkto. May isang taon na pumila ako para kunin ang set ko at natanto ko na malaking tulong sa akin ang sampol na nakuha ko.
Sa pagtatapos ng araw, nakita ko na nagbibigay sila ng dalawang sampol ng iisang produkto. Madaling pumila ulit at kumuha ng pangalawang set, at nagpasiya akong gawin ito. Tutal, libre naman ang mga ito, at kailangan ko ang produktong iyon.
Nagdaan ako sandali sa banyo, kung saan nakakita ako ng isang cell phone na di-sinasadyang naiwan ng isang bata. Isa iyon sa mga pinakahuling modelo, at kawawala lang ng cell phone ko noong nakaraang linggo. Pero ni hindi ko inisip na itago iyon. “Pagnanakaw iyan,” sabi ko sa sarili ko.
Pagkatapos, papunta sa pangalawang set ko ng mga libreng produkto, natanto ko na katulad din iyon ng pagnanakaw ng cell phone dahil kakailanganin kong magsinungaling at sabihing wala pa ako nito.
Nagpapasalamat ako sa munting karanasang ito na nagturo sa akin ng malaking aral. Ibinigay ko sa awtoridad ang cell phone at umuwi na isang notebook, isang adyenda, at isang sampol na produkto lamang ang dala, ngunit masaya ang pakiramdam sa pagiging matapat sa lahat ng bagay, gaano man iyon kaliit.