Paglilingkod sa Simbahan
Salamat sa Paglilingkod Mo
Halimbawa ka ng kababaihan, noon pa mang panahon ng Nauvoo, na naglingkod sa isa’t isa sa pamamagitan ng mapagmahal at inspiradong visiting teaching.
Hindi ko alam ang pangalan mo, edad mo, o anupamang tungkol sa iyo. Ang alam ko lang ay ikaw ang visiting teacher ni Joann, at buong puso kong pinasasalamatan ang iyong tapat na paglilingkod.
Alam ko na ang pagbisita sa isang di-gaanong aktibong babaeng kagaya ni Joann (binago ang pangalan), na manugang ko, ay hindi madali, lalo na’t malamang na hindi niya kayo papasukin. Palagay ko ni ayaw niyang bumisita kayo sa umpisa. Pero sinabi sa akin ni Joann na naging tunay na kaibigan kayo sa kanya, na bumibisita sandali para kumustahin siya at tanggapin siya bilang siya.
Sa loob ng 19 na taon mula nang magpakasal si Joann sa anak ko, ito ang unang pagkakataon na nabanggit niyang may visiting teacher siya. Kamakailan lang ay sinabi niya sa akin kung gaano ka karegular bumisita at na napakamaalalahanin at napakabait mo. Sabi niya ilang beses mo raw siya natulungan noong maysakit siya at nag-alok ka pa nga raw na dalhin ang apo ko sa Young Women.
Sa nakaraang 10 taon, daang milya ang layo ng tirahan niya, ng anak ko, at ng pamilya nila mula sa amin. Ipinagdasal ko na mahalin at pagmalasakitan sila ng iba tulad ng ginagawa ko, at luhaan kong isinamo sa Ama sa Langit na tulungan sila ng iba tulad ng gagawin ko kung malapit lang ang tirahan nila. Sa ikinuwento ni Joann, ikaw ang sagot sa mga dalangin ko.
Kahit hindi sinusunod ni Joann at ng anak ko ang Word of Wisdom at hindi sila nagsisimba, mabubuting tao sila at mahal nila ang kanilang mga anak. Kahit paano’y hindi naimpluwensyahan ng paninigarilyo ni Joann ang pagtingin mo sa kanya. Hindi mo siya hinusgahan nang dahil sa hindi siya nagsisimba. Nakilala mo siya at nalaman mo na isa siyang mapagmahal na ina na gustong pagsimbahin at magtamo ng patotoo ang kanyang anak. At nang operahan si Joann, dinalhan mo siya ng hapunan sa halip na isipin kung siya ang may kasalanan kaya siya nagkasakit.
Nagpapasalamat ako na isa kang halimbawa sa apo ko. Mahahangaan ka niya bilang isang taong nagmamalasakit sa lahat at ginagawa ang lahat para magpakita ng mapagmahal na pag-aalala. Sinabi niya sa akin na isang araw na wala kang kotse, naglakad ka nang mahigit isang milya papunta sa bahay niya kasama ang maliliit mong anak para magdala ng cookies.
Sabi mo raw, “Naalala kita at ang nanay mo at gusto kong makagawa ng isang bagay na magpapasaya sa inyo—dahil lang doon.”
Sana masabi ko sa iyo kung gaano ko pinasasalamatan ang katapatan mo sa iyong tungkulin bilang visiting teacher. Halimbawa ka ng kababaihan, noon pa mang panahon ng Nauvoo, na naglingkod sa isa’t isa sa pamamagitan ng mapagmahal at inspiradong visiting teaching. Naipamalas mo ang paglilingkod at pagmamahal na iyan sa magiliw mong pagbisita sa di-gaanong aktibo kong manugang.
Salamat.