2016
Mga Bantay sa Tore
April 2016


Mga Bantay sa Tore

watchmen on the tower

Mga Bantay

Ang mga bantay ay mga sundalong nakadestino sa isang pader o sa isang tore para magmatyag at magbabala kapag may paparating na panganib. Binabayaran sila para protektahan ang mga lungsod gayundin ang mga ubasan, bukirin, o pastulan.

Uri ng mga Tore

Ang mga tore sa mga kuta o pader ng lungsod ay karaniwang itinatayo sa mga pintuang-bayan o sa mga sulok (tingnan sa II Mga Cronica 26:9). Ang mga tore kapwa sa pintuang-bayan at sa sulok ay mataas ang kinalalagyan para matanaw ang paparating na panganib at maiwasan ang mga pagsalakay ng kaaway (tingnan sa II Mga Cronica 26: 15).

Ang mga moog o matataas na tore ay karaniwang mga freestanding structure na itinayo sa mataas na lupa o sa ibang magagandang lokasyon. Kung minsan ay sapat ang laki ng mga ito para maging huling kanlungan ng buong populasyon ng lungsod kapag sinasalakay sila noon (tingnan sa Mga Hukom 9:46–52).

Ang mga tore sa mga ubasan, bukirin, o pastulan ay maliliit na gusaling itinayo para protektahan ang mga pananim at kawan ng mga baka mula sa mga magnanakaw at hayop (tingnan sa II Mga Cronica 26:10; Isaias 5:2; 27:3). Kadalasan, may isang silid sa ibaba nito na pinagtataguan ng mga kasangkapan.

Mga bantay sa tore:

Mataas ang kinalalagyan. Bilang tinawag at awtorisadong mga lingkod ng Diyos, ang mga propeta ay nakahiwalay sa mundo, mas malapit sa Kanya, at pinapayagang makita ang mga bagay mula sa mas makalangit na pananaw.

Nakikita ang mga bagay na hindi nakikita ng iba. “Maaaring malaman ng tagakita ang mga bagay na nakalipas na, at gayon din ang mga bagay na mangyayari pa lamang, at sa pamamagitan nila ay ipahahayag ang lahat ng bagay, o, sa lalong maliwanag, ang mga lihim na bagay ay maipaaalam, at ang mga nakatagong bagay ay malalagay sa liwanag, at ang mga bagay na hindi pa nalalaman ay ipaaalam nila, at ang mga bagay rin na hindi sana malalaman ay maipaaalam nila” (Mosias 8:17).

Laging nagmamatyag. Ang mga propeta ay may banal na tungkuling bigyan tayo ng babala tungkol sa nagbabantang mga panganib, at patuloy nilang gagawin ito anuman ang opinyon ng mga tao o mga kalakaran sa lipunan.

Nagbababala tungkol sa mga bagay kahit malayo pa ito. “Binabatikos ng isang propeta ang kasalanan at inihahayag niya ang kahihinatnan nito. Isa siyang tagapangaral ng kabutihan. May mga pagkakataon na ang mga propeta ay binibigyang-inspirasyon na maghayag ng mangyayari sa hinaharap para sa kapakinabangan ng sangkatauhan” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Propeta,” lds.org/scriptures/gs).

Nag-aalok ng kaligtasan at proteksyon. Sa pagsunod sa mga babala ng propeta, magkakaroon tayo ng kaligtasan at maiiwasan natin ang mga kalamidad na maaaring dumating sa atin, sa bawat isa o sa pangkalahatan, kung hindi tayo susunod.