Kahit MahiyainKa
Magtiwala sa Panginoon, at pagpapalain ka Niya sa mga pagsisikap mong ibahagi ang ebanghelyo.
Noong bagong mission president ako sa Brazil, ininterbyu ko ang ilang Elder. Hiniling ko sa isa na ipakilala niya sa akin ang kanyang sarili.
“Napakamahiyain ko po,” wika niya. Nag-alala siya na hadlang ang pagkamahiyain niya sa kanyang paglilingkod.
Itinanong ko, “Palagay mo ba matutulungan ka pa rin ng Panginoon na maging mabuting missionary sa kabila niyon?”
“Naniniwala ako na kayang gawin ng Panginoon ang anuman.”
“Kung gayo’y hayaan mo Siyang tulungan ka. Kaya mo kayang gawin iyan?”
“Kaya po,” wika niya.
Kailangan kong aminin na habang papalayo siya, naisip ko, “Sana nga.”
Lumipas ang mga linggo at hindi nagtagal ay dumating ang mga missionary ding iyon para muling ma-interbyu. Sa pagkakataong ito sinabi ng kompanyon ng mahiyaing elder, “President, hindi ko alam kung ano ang sinabi ninyo sa kanya, pero nakagawa ito talaga ng kaibhan. Humusay siyang makipag-usap sa tao.” Kaya inaasam kong makausap siyang muli.
Pagdating niya sa opisina ko, tiningnan niya ang kanyang mga paa.
“May magandang balita po ako,” wika niya. “Mahiyain pa rin po ako, pero hiniling ko sa Panginoon na tulungan ako. Pagkatapos ay binuksan ko ang aking bibig at nagsimula akong magsalita. At alam ninyo? Lagi ko na pong ginagawa iyan ngayon. Hindi ko matandaan ang sinasabi ko. Ang hindi kapani-paniwala ay gusto po iyon ng mga tao. Nadarama nila ang Espiritu. Inuunawa po nila ako at ang sasabihin ko sa kanila.”
Namangha akong makita kung paano nagbago ang missionary na ito nang magtiwala siya sa Panginoon. Naging malaking kasangkapan siya sa paghahatid ng kaligayahan sa maraming tao.
Pagdaig sa Takot
Kapag nagbahagi tayo ng ebanghelyo, kung minsa’y kinakabahan tayo. Ngunit tulad ng ipinamalas ng mahiyaing missionary na ito, gagabayan tayo ng Panginoon kung magtitiwala tayo sa Kanya. Ipapaalam sa atin ng Espiritu Santo ang ating sasabihin (tingnan sa 2 Nephi 32:2–3), at kapag nadama ng mga tao ang Espiritu, kadalasa’y tumutugon sila sa positibong paraan. Maraming naaakit sa ating pinaniniwalaan at gusto nilang malaman pa ang iba.
Malaking Kagalakan
May patotoo ako na gagabayan tayo ng Ama sa Langit sa mga pagsisikap nating ibahagi ang ebanghelyo, at sa prosesong iyan ay makadarama tayo ng malaking kagalakan. Katunayan, ang kagalakang iyan ay sasaatin hindi lang ngayon kundi maging sa daigdig na darating. (Tingnan sa D at T 18:16.) Magandang dahilan iyan para gumawa ng isang bagay na hindi komportable sa iyo, kahit mahiyain ka.