2016
Nangako Akong Tumigil
April 2016


Nangako Akong Tumigil

Ang awtor ay naninirahan sa New York, USA.

Hindi ako humuhusay sa pagtugtog ng piyano, kahit ilang taon na akong nagpapraktis. Sabi ng mga magulang ko maaari akong tumigil sa isang kundisyon: Kailangan kong matuto ng 50 himno.

playing piano

Galit akong pumasok ng bahay, basa ng luha ang mga mata pagkatapos ng isa pang hindi kasiya-siyang piano lesson. Ikaapat na taon ko na sa pag-aaral ng piyano, at halos hindi ako lumagpas sa “Twinkle, Twinkle, Little Star.” Sinubukan nang maghanap ng teacher ko ng masasabing maganda tungkol sa nakakainis na pagtugtog ko, pero lumala lang ang pakiramdam ko. Nagbabayad ang mga magulang ko para sa mga piano lesson na ayaw ko at hindi ko inasam.

Gusto kong hayaan ako ng mga magulang ko na tumigil. “Sige na,” pagsusumamo ko. “Gagawin ko ang anuman. Ano ang kailangan kong gawin?”

Matapos nila itong pag-usapan, sabi nila, “Kung matututo ka ng 50 himno, hahayaan ka naming tumigil.”

Nagsimula na akong magpraktis kaagad. Gustung-gusto ko nang tumigil kaya handa akong magdagdag pa ng kaunting oras sa piyano. Ang unang himno na, “Salamat, O Diyos, sa Aming Propeta” (Mga Himno, blg. 15), ay inabot ng halos isang buwan para matugtog ko nang mahusay. Gusto ko pa ring tumigil, kaya patuloy akong nagpraktis.

Isang nakatutuwang bagay ang nangyari: naging mas madaling tugtugin ang mga himno. Mas sumaya ako sa buong linggo. Natagpuan ko ang aking sarili na hinihimig ang mga himno sa buong maghapon at kumakanta ako nang mas malakas sa sacrament meeting.

Sa huli, tumigil ako sa pagsubaybay kung ilang himno na ang alam ko. Nang lalo akong humusay sa pagpipiyano, natanto ko na maaari kong matutuhan nang halos perpekto ang isang bagong himno nang wala pang 30 minuto.

Nang sumahin ko nang lahat ang mga ito sa huli, mahigit 50 himno na ang natutuhan ko. At ayaw ko nang tumigil sa pagtugtog ng piyano. Naging mas tiwala na ako sa kakayahan kong tumugtog at nadama ko ang kapangyarihan ng mga himno sa buhay ko.

Ang mga himno ay parang mga banal na kasulatan; sinasabi nila ang katotohanan. Kapag tumutugtog ako ng mga himno, pakiramdam ko ay ibinababad ko ang sarili ko sa mga banal na kasulatan. Ang pagkatutong tumugtog ng mga himno ay nakatulong sa akin na magkaroon ng patotoo at matuto ng katotohanan. Pinapasadahan ko ang mga salita ng iba’t ibang himno para matulungan akong makaraos sa buong maghapon. Ang pagtugtog ng piyano ay nagpalakas sa aking patotoo at lumikha ng mga oportunidad para sa akin saanman ako magtungo.