Elder Ronald A. Rasband: Mahusay na Lider, Debotong Ama
Si Ron Rasband ay hindi kailanman nag-alinlangan na maglilingkod siya sa isang full-time mission. Ang tanging tanong ng 19-anyos habang binubuksan ang kanyang tawag sa misyon ay saan siya maglilingkod.
“Ang tatay ko ay nagmisyon sa Germany. Ang kuya ko ay nagmisyon sa Germany. Ang magiging bayaw ko ay nagmisyon sa Germany,” paggunita niya. “Akala ko sa Germany ako mapupunta.”
Ngunit may ibang plano ang Panginoon. Sa halip, tinawag si Ron sa Eastern States Mission, na nakahimpil sa New York City, USA. Medyo nakadama ng pagkabigo, dinala niya ang kanyang mission call sa kanyang silid, lumuhod sa tabi ng kanyang kama, nagdasal, binuklat ang kanyang banal na kasulatan, at nagsimulang magbasa:
“Masdan, at narito, ako ay maraming tao sa lugar na ito, sa mga pook sa paligid; at isang pintuan ang bubuksan sa mga lugar sa paligid dito sa silangang lupain.
“Samakatwid, ako, ang Panginoon, ay pinayagan kayong magtungo sa lugar na ito; sapagkat sa gayon ito kapaki-pakinabang sa akin para sa kaligtasan ng mga kaluluwa” (D at T 100:3–4; idinagdag ang diin).
Kaagad, pinagtibay ng Espiritu Santo kay Ron na ang pagtawag sa kanya sa Eastern States Mission ay hindi isang pagkakamali.
“Mula sa pagkasiphayo ay nagkaroon ako ng una sa marami kong impresyon sa banal na kasulatan na dito ako nais mapunta ng Panginoon,” paggunita niya. “Iyan ay mahalagang espirituwal na karanasan para sa akin.”
Ang kanyang misyon sa Eastern States ang una sa ilang tungkulin sa Simbahan na magdadala sa kanya sa maraming lugar na hindi niya inakalang mapupuntahan niya. At sa bawat tungkulin—bilang guro, bishop, high councilor, mission president, miyembro ng Pitumpu, Senior President ng Pitumpu, at Apostol ng Panginoong Jesucristo—tinanggap ni Elder Ronald A. Rasband ang kalooban ng Panginoon at patuloy na umasa sa Kanyang Espiritu habang naglilingkod siya sa mga anak ng Diyos.
Isinilang sa Butihing mga Magulang
Sa kanyang unang mensahe bilang Apostol ni Jesucristo, ipinahayag ni Elder Rasband ang taos-pusong pasasalamat sa kanyang mga ninuno. “Isinilang ako sa butihing mga magulang at pinalaki sa ebanghelyo,” sabi niya, “at sila rin anim na henerasyon na ang nakararaan.”1
Ang kanyang inang si Verda Anderson Rasband, ay mapagmahal na pinuno na nagturo sa batang si Ron na mahalin ang banal na kasulatan. Ang kanyang ama, si Rulon Hawkins Rasband, ay matapat na priesthood holder na huwaran ng kasipagan.
Isinilang sa Salt Lake City, Utah, USA, noong Pebrero 6, 1951, si Ronald A. (Anderson) Rasband ang tanging anak sa pagsasama ng kanyang mga magulang. Kapwa sila may unang asawa at nagdiborsyo, at si Ron ay lumaki sa ilalim ng karagdagang pangangalaga ng dalawang kuya at ate.
“Siya ay kumbinasyon ng aming mga magulang, kaya mahal na mahal namin siya,” sabi ng ate niyang si Nancy Schindler. “Hindi kailanman pumayag si Ron na magkatabi sina Inay at Itay kung wala siya sa gitna nila.”
Si Ron ay mabuting bata, pero inaamin niya na may kapilyuhan siya.
“Hindi lang minsan lumapit kay Inay, na stake Primary president noon, ang mga guro ko sa [Primary], at sinabing, ‘Makulit ang Ronnie Rasband na iyan,’” sabi niya. “Ngunit hindi sila kailanman sumuko sa pag-aalaga sa akin. Mahal na mahal nila ako at lagi akong iniimbitang bumalik sa klase.”2
Ang kabataan ni Ron ay nakasentro sa Simbahan—mga pulong ng ward, party sa ward, hapunan ng ward, at ward sports team. Kapag hindi siya abala sa Cottonwood First Ward meetinghouse, may iba’t iba pa siyang trabaho, gumagawa ng aktibidad sa Scouting, at kasama ang mga kaibigan. Sa tahanan, ang oras ng pamilya ay nakasentro sa banal na kasulatan, mga laro, at gawaing-bahay.
“Itinuro sa akin ni Itay kung ano ang pagtatrabaho sa pamamagitan ng kanyang halimbawa,” sabi niya. “Tinuruan akong magtrabaho ni Inay sa pag-uutos sa akin na gawin ito.”
Ang tatay ni Ron ay nagmamaneho ng delivery truck ng tinapay, gumigising nang alas-4:00 n.u. at gabing-gabi nang umuuwi. Ang kanyang ina ay lumagi sa tahanan para alagaan ang mga bata, nag-aambag sa kita ng pamilya sa pamamagitan ng paggawa at pagtitinda ng mga porcelane lace doll.
Ang angking kakayahan ni Ron na mamuno, magbigay ng gawain sa iba, at tapusin ang mga gawain—na nakatulong nang malaki sa kanyang propesyon at mga responsibilidad sa Simbahan—ay talagang kapaki-pakinabang na noon pa man.
“Si Ron ang tagatabas ng damo sa bakuran,” paggunita ng kanyang ate. Ngunit si Ron, tulad ni Mark Twain sa Tom Sawyer, ay may paraan para mahikayat ang kanyang mga kaibigan na tumulong.
“Pagtanaw ko sa labas, nakikita ko ang kanyang matalik na kaibigan na nagtatabas ng damo para sa kanya,” sabi ni Nancy. “Sa susunod na linggo isa pang kaibigan niya ang nagtatabas ng damo. Nakaupo lang siya sa balkon sa harapan at tumatawa at binibiro sila habang ginagawa nila ang kanyang gawain.”
Kinakapos noon sa pera ang mga magulang ni Ron, pero nasa kanila ang ebanghelyo. “Hindi kami nagkaroon ng maraming pera,” paggunita ni Ron, “pero hindi nito naapektuhan ang kaligayahan ko.”
Pinagkakatiwalaang mga Kaibigan at Lider
Habang lumalaki, si Ron ay nabiyayaan ng mabubuting kaibigan at mapagkakatiwalaang mga lider ng priesthood, kabilang na ang kanyang kinagisnang stake president sa loob ng 14 na taon—James E. Faust (1920–2007), na kalaunan ay naglingkod sa Korum ng Labindalawang Apostol at sa Unang Panguluhan. Ang pamilya ni Ron ay naging malapit kay Pangulong Faust at sa kanyang pamilya. “Lagi niyang sinasabing isa ako sa kanyang mga bata sa Cottonwood dahil tumulong siya sa pagpapalaki sa akin,” sabi niya.
Hindi nagkaroon si Ron ng pagkakataon na sumali sa mga isports sa paaralan dahil lagi siyang may trabaho, pero naglalaan siya ng panahon para sa habambuhay na matatapat na kaibigan.
“Noon pa man hanga na ako kay Ron sa kung sino siya, pero hindi siya perpekto,” sabi ng kababata niyang si Kraig McCleary. Nakangiting sinabi pa niya, “Sabi ko sa kanya na kung mapupunta siya sa langit, makakapunta rin ako dahil pareho lang kami ng ginawa noon.”
Si Ron ay umalis papuntang misyon noong unang bahagi ng 1970, pero iniisip noon ni Kraig na ipagpaliban ang pagmimisyon hanggang sa matapos ang panahon ng pangangaso sa taglagas. Noon siya tinawagan ni Ron mula sa kanyang misyon.
“Hindi ko alam kung paano siya napayagang tumawag, pero pinagsabihan niya ako dahil hindi ako sabik sa pagmimisyon,” sabi ni Brother McCleary. “Siyempre, hindi ko na ipinagpaliban ito.”
Ang tawag ni Ron sa kanyang misyon ay “napakagandang” karanasan. “Biniyayaan ako ng Panginoon ng maraming himala, ng mga karanasan na nagpapalakas ng pananampalataya,” sabi niya. “Ang misyon ko ay malaking tulong sa espirituwal na buhay ko.”
Ginugol ni Ron ang bahagi ng kanyang misyon sa Bermuda Islands. Ang kanyang mission president, si Harold Nephi Wilkinson, ay mga “tuwid na missionary” lamang ang ipinadadala doon dahil paminsan-minsan lang siyang makabisita roon.
“Kami lang talaga ang bahala, pero walang problema si president sa amin,” paggunita ni Ron. “Ginagawa namin ang trabaho namin.”
Ang “Pangarap na Babae” ng Delta Phi
Nang makatapos sa kanyang misyon noong 1972, nakapagtrabaho si Ron, nag-enrol sa University of Utah sa taglagas na iyon, at sumali sa Delta Phi Kappa, isang fraternity para sa mga returned missionary. Sa mga aktibidad ng fraternity, hindi niya maiwasang hindi mapansin ang kaakit-akit na dalagang si Melanie Twitchell. Si Melanie ay isa sa mga nahalal na miyembro ng Delta Phi na “mga pangarap na babae,” na tumulong sa mga aktibidad ng paglilingkod ng fraternity.
Tulad ni Ron, si Melanie ay mula sa aktibong pamilyang Banal sa mga Huling Araw. Ang kanyang ama, na opisyal sa militar, at ang kanyang ina ay hindi kailanman hinayaang maging dahilan para hindi makapagsimba ang madalas na paglipat ng pamilya.
Humanga si Melanie sa kabaitan, kagandahang-loob, at kaalaman sa ebanghelyo ni Ron. “Sinabi ko sa sarili ko, ‘Kahanga-hanga talaga siya kaya ayos lang kahit hindi ko siya makadeyt. Gusto ko lang na maging matalik niyang kaibigan.’”
Habang tumitibay ang kanilang relasyon, pinagtibay ng Espiritu ang kanyang mga impresiyon kay Ron at ang katapatan nito sa Panginoon. Hindi nagtagal ang kanilang pagkakaibigan ay nauwi sa tinatawag ni Melanie na “storybook, fairytale romance.”
Sinasabi ni Elder Rasband na si Melanie ay talagang para sa kanya. “Si Melanie ay kapantay ko sa katapatan at pamana sa ebanghelyo. Naging matalik kaming magkaibigan, at noon ko siya tinanong kung magpapakasal siya sa akin.”
Sila ay ikinasal noong Setyembre 4, 1973, sa Salt Lake Temple. Mula noon, sabi niya, ang kanyang “di-makasariling kabiyak hanggang kawalang-hanggan … [ay natulungan akong] mahubog na parang luad ng magpapalayok para maging mas mahusay na disipulo ni Jesucristo. Ang pagmamahal at suporta niya, at ng aming 5 anak, ng mga asawa nila, at ng aming 24 na apo, ay nagpapalakas sa akin.”3
“Tayo Na”
Habang naglilingkod bilang elders quorum president ng kanyang married student ward, nakilala ni Ron si Jon Huntsman Sr., ang high council adviser ng ward. Kaagad humanga si Jon sa paraan ng pamamalakad ni Ron sa korum.
“Kahanga-hanga ang kanyang husay sa pamumuno at organisasyon,” paggunita ni Elder Huntsman, na naglingkod bilang Area Seventy mula 1996 hanggang 2011. “Naisip ko na hindi pangkaraniwan sa isang binata na nasa kolehiyo pa ang magpatakbo ng isang korum sa gayong paraan.”
Sa loob ng ilang buwan, nakita ni Jon kung paano isinagawa ni Ron ang mga ideya sa pagkumpleto niya ng mga tungkulin sa priesthood. Nang buksan ang senior marketing position sa kumpanya ni Jon—na magiging Huntsman Chemical Corporation—napag-isip niya na taglay ni Ron ang mga kasanayang gusto niya at inalok sa kanya ang trabaho. Nagsimula ang posisyon nang sumunod na linggo sa Ohio, USA.
“Sinabi ko kay Melanie, ‘Hindi ako titigil sa pag-aaral at lilipat,’” paggunita ni Ron. “Buong buhay akong nagtrabaho para magtapos sa kolehiyo, at malapit ko nang makamit ang aking mithiin.”
Ipinaalala ni Melanie kay Ron na ang pagkakaroon ng magandang trabaho ang dahilan kaya siya nag-aaral.
“Ano ang ipinag-aalala mo?” tanong niya. “Alam ko kung paano mag-impake at maglipat. Noon ko pa ito ginagawa. Patatawagin kita sa nanay mo gabi-gabi. Tayo na.”
Hindi nagkamali si Jon sa pagtitiwala kay Ron. Sa ilalim ng pagtuturo ni Jon, mabilis na umangat si Ron sa lumalaking kumpanya, at naging pangulo at chief operating officer nito noong 1986. Palagi siyang naglalakbay para sa kumpanya—kapwa sa lokal at internasyonal. Sa kabila ng kanyang abalang iskedyul, sinikap ni Ron na umuwi kapag Sabado’t-Linggo. At kapag nagbibiyahe siya, paminsan-minsan ay may kasama siyang miyembro ng pamilya.
“Kapag nasa bahay siya, talagang ipinadarama niya sa mga bata na sila ay espesyal at minamahal,” sabi ni Melanie. Dumalo siya sa kanilang mga aktibidad at isports na sinalihan nila hangga’t maaari. Sinabi ni Jenessa MacPherson, isa sa apat na anak na babae ng mag-asawa, na dahil sa mga tungkulin sa Simbahan ng kanyang ama ay hindi nila makatabi ito sa mga miting sa Simbahan.
“Nagtatalo kami kung sino ang makakatabi niya sa simbahan dahil bibihira siyang naroon,” sabi niya. “Naaalala ko nang hawakan ko ang kanyang mga kamay at iniisip na, ‘Kung matutularan ko lamang siya, matatahak ko ang tamang landas at magiging higit na katulad ng Tagapagligtas.’ Siya ang idolo ko noon pa man.”
Ginugunita ng anak nilang si Christian ang masasayang alaala ng “oras na magkasama silang mag-ama.” Marami silang naging mga kaibigan dahil sa madalas na paglilipat ng pamilya, sabi niya, “pero ang tatay ko ang pinakamatalik kong kaibigan”—isang mahilig na manalong kaibigan.
Kung siya man ay naglalaro ng basketball kasama ni Christian, naglalaro ng board game kasama ng kanyang mga anak na babae, o nangingisdang kasama ng pamilya at mga kaibigan, gustung-gusto ni Ron ang manalo.
“Sa aming paglaki, hindi niya hahayaang manalo ang kahit sino,” sabi ni Christian. “Kailangan naming paghirapan ito, pero mas nakabuti ito sa amin. At ganito rin ang ginagawa niya sa kanyang mapagmahal na mga apo.”
Sa paglipas ng mga taon, napuna ng pamilya ni Ron kung paanong sa paglilingkod niya sa Simbahan ay lalong nadagdagan ang kanyang kakayahang magpakita ng pagmamahal at pagkahabag, magpahayag ng nadarama ng Espiritu, at bigyang-inspirasyon ang iba na gawin ang lahat ng kanilang makakaya. Matapos isilang ang apo nina Ron at Melanie na si Paxton, ang pamilya ay lalong umasa sa espirituwal na lakas at suporta ni Ron.
Si Paxton, na isinilang na may kakaibang genetic disorder, ay puno ng problema sa kalusugan na sumubok sa pamilya sa pisikal, emosyonal, at espirituwal. Tinawag ni Elder Rasband ang karanasan kasunod ng pagsilang ni Paxton na “napakahirap [na] pagsubok para matuto ng mahahalagang aral na may kaugnayan sa mga kawalang-hanggan.”4
Sa loob ng tatlong taon ng buhay ni Paxton sa lupa—kung kailan maraming tanong at kakaunti ang sagot—si Elder Rasband ay nagsilbing espirituwal na haligi, na umakay sa kanyang pamilya sa paghugot ng lakas mula sa kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
Nang ibalita ang kanyang bagong tungkulin, ang ilang miyembro ng pamilya at mga kaibigan ay hindi na nagulat. “Kami na lubos na nakakikilala sa kanya,” sabi ni Christian, “ay nagtaas ng aming mga kamay nang sang-ayunan siya bilang Apostol.”
“Hahayo Ako at Maglilingkod”
Noong 1996, sa edad na 45, kasalukuyang matagumpay si Ron sa trabaho nang dumating ang tawag na maglingkod bilang mission president ng New York New York North Mission. Tulad ng mga Apostol noon, “pagdaka’y iniwan [niya] ang [kanyang] mga lambat” (Mateo 4:20).
“Wala pang isang saglit ang pagtanggap sa tawag,” sabi ni Elder Rasband. Sinabi niya sa Panginoon, “Gusto po Ninyo akong maglingkod, hahayo ako at maglilingkod.”
Taglay ni Ron ang malaking aral na natutuhan niya sa kanyang propesyonal na karanasan: “Ang mga tao ay mas mahalaga kaysa anupaman.”5 Taglay ang kaalamang iyan at ang kanyang hinasang mga kasanayan sa pamumuno, handa na siyang magsimula sa full-time na paglilingkod sa kaharian ng Panginoon.
Para kina Ron at Melanie ang gawaing misyonero sa New York City ay kapwa puno ng hamon at nagpapasigla. Mabilis si Ron sa pagbibigay ng responsibilidad sa mga missionary—nabibigyang-inspirasyon ang kanilang katapatan, at pagtuturo, tinutulungan, at pinasisigla sila habang ginagawa ito.
Noong 2000, sa loob lamang ng walong buwan matapos makumpleto nina Ron at Melanie ang kanilang misyon, si Ron ay tinawag sa Pitumpu, kung saan ang kanyang paghahanda, karanasan, at maraming talento ay nagpala sa Simbahan. Bilang miyembro ng Pitumpu, naglingkod siya bilang tagapayo sa Europe Central Area Presidency, tumutulong sa pangangasiwa ng gawain sa 39 na bansa. Bagama’t nilisan niya ang kolehiyo mahigit 40 taon na ang nakalipas, nananatili siyang seryosong estudyante, tinatanggap ang patuloy na pagtuturo mula sa kanyang nakatatandang mga Kapatid habang pinamamahalaan niya ang North America West, Northwest, at tatlong Area sa Utah; naglingkod bilang Executive Director ng Temple Department; at naglingkod sa Panguluhan ng Pitumpu, na nakikipagtulungang mabuti sa Labindalawa.
Kamakailan, napansin ni Elder Rasband, “Malaking karangalan at pribilehiyo para sa akin ang maging pinakabago sa Labindalawa at matuto mula sa kanila sa bawat paraan at sa bawat pagkakataon.”6
“Ang Nalaman Nila, ay Alam Ko”
Dalawang painting ang nakasabit sa opisina ni Elder Rasband. Ang isa ay mga Mormon missionary na nagtuturo sa isang pamilya sa Denmark noong mga 1850s. Ang pangalawa ay sa missionary noon na si Dan Jones na nangangaral habang nasa gilid ng isang balon sa British Isles. Ang mga painting (kanang itaas) ay nagpapaalala kay Elder Rasband tungkol sa kanyang sariling ninuno.
“Ibinigay ng naunang mga pioneer na ito ang lahat-lahat para sa ebanghelyo ni Jesucristo at para mag-iwan ng pamana sa susunod nilang mga inapo.7 Ang nagtulak sa mga ninuno ni Elder Rasband para sumulong sa gitna ng kahirapan at pang-uusig ang higit na nagpapagindapat sa kanya sa kanyang bagong tungkulin: ang kaalaman at tiyak na patotoo sa Panginoon at sa Kanyang gawain.
“Napakarami kong dapat matutuhan sa bago kong tungkulin,” sabi niya. “Nakadarama ako ng lubos na pagpapakumbaba tungkol diyan. Ngunit may isang aspeto ng aking tungkulin na kaya kong gawin. Maaari akong maging saksi ‘ng pangalan ni Cristo sa buong daigdig’ (D at T 107:23). Siya ay buhay!”8
Bilang apo-sa-tuhod ng mga pioneer, dagdag pa niya: “Ang nadama nila ay nadarama ko rin. Ang nalaman nila, ay alam ko.”9
At ang inaasahan nila para sa kanilang mga inapo ay makikita sa buhay, mga turo, at paglilingkod ni Elder Ronald A. Rasband, na sumusunod sa kanilang halimbawa at gumagalang sa kanilang pamana sa paghayo niya bilang isa sa mga natatanging saksi ng Panginoon.