Mga Pagninilay
May Katuturan Ba ang mga Tagubilin?
Isang biyahe sakay ng bisikleta ang nakakumbinsi sa akin na palaging tingnan ang mapa ng buhay na bigay ng Panginoon.
Ilang taon na ang nakararaan naglibot ako sa France sakay ng bisikleta kasama ang kapatid kong babae, ang hipag ko, at ang kanyang anak na babae. Tuwing umaga binibigyan kami ng tatlong pahina ng detalyadong mga tagubilin na gagabay sa amin, kung talagang susundin namin ito, papunta sa aming destinasyon sa araw na iyon. Habang dumaraan kami sa mga ubasan, maaari kaming matagubilinan na “maglakbay nang 165 talampakan (50 m) pahilaga, at saka kumaliwa at maglakbay nang 330 talampakan (100 m).” Mas madalas, ang mga tagubilin ay nagbibigay ng mga palatandaan at pangalan ng kalye.
Isang umaga nagbisikleta kami sa isang kaakit-akit na daan pero di-nagtagal ay natanto namin na hindi na akma ang mga tagubilin sa teritoryong iyon. Mabilis kaming naligaw, kaya nagpasiya kaming bumalik sa huling lugar na alam naming nasa tamang landas kami para tingnan kung saan kami dapat pumunta.
Tama nga, pagdating namin doon, nakita namin ang isang maliit na karatula, na binanggit sa mga tagubilin, na hindi namin nakita. Di-nagtagal nakabalik din kami sa tamang landas, na sumusulong sa pagsunod sa mga tagubilin, na muling nagkakaroon ng katuturan.
Ang karanasan ay nagsilbing isang metaporang sumagot sa mahirap kong tanong: Bakit pa mawawalan ng pananampalataya ang isang tao, samantalang may patotoo naman siya tungkol sa ebanghelyo? Naging malinaw sa akin na kapag nagkamali tayo ng liko (nagkasala) o hindi natin sinunod ang mga utos ng Diyos, nawawalan ng katuturan ang mga tagubilin (ang salita ng Diyos). Ang mapa, wika nga, ay hindi na akma sa teritoryong kinaroroonan natin. Kung hindi tayo gaanong napalayo ng lihis, maaari nating matanto na tayo ang nagkamali at kailangan tayong bumalik (magsisi) o muling mangakong mamuhay ayon sa utos ng Diyos kung saan alam natin na tama ang sinusundan nating landas.
Kadalasan kapag hindi na akma ang mga tagubilin sa ating kinaroroonan, pinagdududahan natin ang mga tagubilin. Sa halip na bumalik, sinisisi natin ang mga tagubilin at lubusan na natin itong tinatalikuran. Sa huli, kapag suko na tayo sa pagsisikap na marating ang ating destinasyon, naliligaw tayo, nagpapagala-gala sa mga landas na tila lubhang kaakit-akit, pansamantala, ngunit hindi tayo ihahantong sa dapat nating patunguhan.
Araw-araw may pagkakataon tayong mag-aral ng mga banal na kasulatan. At tuwing ikaanim na buwan, may pagkakataon tayong manood o makinig sa pangkalahatang kumperensya ng Simbahan. Hindi ba’t ito ang mga panahon na masusuri natin ang ating mga mapa at matitiyak na naroon tayo sa dapat nating kalagyan? Minsan, habang nakikinig ako sa kumperensya, nadama ko na, bagaman hindi tayo perpekto, malalaman natin na nasa tamang landas tayo kung may katuturan ang mga tagubiling ito sa atin.
Tulad ng paghantong natin sa ating destinasyon sa buhay na ito kapag sumunod tayo sa tamang direksyon, masusuri natin ang landas na ating tinatahak sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan at pagsunod sa payo ng mga buhay na propeta at maiaakma natin ito kung kailangan upang makarating tayo, sa bandang huli, sa ating selestiyal na tahanan.Ang awtor, na nanirahan sa Colorado, USA, ay pumanaw noong nakaraang taon.