Espirituwal na Katatagan: Paggawa ng Isang Barkong Hindi Kayang Palubugin
Mula sa Brigham Young University devotional, Set. 16, 2014. Para sa buong teksto sa Ingles, bisitahin ang speeches.byu.edu.
Kailangan natin ng sapat na espirituwal na katatagan para matagumpay na makapaglayag sa ating mortal na buhay at makabalik nang ligtas sa ating tahanan sa langit.
Noong mga unang taon ng ika-17 siglo, nagpagawa ang hari ng Sweden na si Gustav II Adolf ng isang barkong pandigma na pangangalanang Vasa. Maraming ginamit para magawa ang barko, lalo na ang oak na siyang magbubuo sa barko. Masusing pinamahalaan ni Gustav Adolf ang pagbubuo nito, upang tiyakin na lubos na aangkop ang Vasa sa kanyang inaasahan.
Matapos simulan ang pagbubuo nito, iniutos ni Gustav Adolf na pahabain pa ang Vasa. Dahil nagawa na ang mga suporta ng luwang mula sa mamahaling oak, inutusan ng hari ang mga manggagawa na dagdagan pa ang haba ng barko nang hindi dinaragdagan ang luwang nito. Kahit alam ng mga tagagawa ng barko na hindi kakayanin ng Vasa na ligtas na makapaglayag, nag-atubili silang sabihin sa hari ang isang bagay na alam nilang ayaw nitong marinig. Sumunod sila. Iginiit din ni Gustav Adolf na ang barkong ito ay hindi lamang ordinaryong barkong may isang kubyerta ng mga baril kundi may tatlong kubyerta ng mga kanyon, na ang pinakamabibigat na kanyon ay nasa itaas na kubyerta. Muli, kahit alam nilang mali, sumunod ang mga tagagawa ng barko.
Noong Agosto 10, 1628, nagsimula ang Vasa sa una nitong paglalayag. Matapos lisanin ng Vasa ang daungan, isang malakas na hangin ang humihip sa mga layag nito, at nagsimulang tumikwas ang barko. Hindi nagtagal, “tumagilid ito nang husto at pumasok ang tubig sa mga butas na kinaroroonan ng mga baril hanggang sa dahan-dahan itong lumubog kasama ang layag, mga bandila at lahat na.”1 Ang unang paglalakbay ng Vasa ay mga 4,200 talampakan (1,280 m).
Ang paghahangad ni Gustav Adolf sa isang magarbong simbolo ng kanyang kapangyarihan ay sumira sa disenyo ng sana’y isang kagila-gilalas na barkong naglalayag, ang pinakamalaking barkong pandigma sa panahon nito. Ang pag-aatubili ng mga tagagawa ng barko na magsalita—sa takot nilang magalit ang hari—ang nagkait sa hari ng kanilang kaalaman at kabatiran. Nawala ang pagtuon ng lahat ng sangkot sa mga mithiin ng proyekto: ang protektahan ang Sweden at itaguyod ang interes nito sa ibang bansa. Ang isang barko na tangkang labanan ang mga batas ng pisika ay isang barko lamang na ayaw lumutang.
Para matagumpay tayong makapaglakbay sa ating mortal na buhay, kailangan natin ng sapat na espirituwal na katatagan para harapin ang mga pasalungat na hangin at agos, gawin ang kailangang mga pagbabago sa ating buhay, at bumalik nang ligtas sa ating tahanan sa langit. May mga bagay tayong magagawa upang mapag-ibayo ang ating espirituwal na katatagan. Babanggitin ko ang apat.
Pagsunod sa mga Utos ng Diyos
Ang una ay ang pagsunod sa mga utos ng Diyos. Tulad ng Vasa na saklaw ng mga pisikal na batas, lahat tayo ay saklaw ng mga espirituwal na batas. Walang hindi saklaw nito. Kailangan nating sundin ang mga espirituwal na batas na ito, na tinatawag nating mga utos ng Diyos.
Maaaring mahigpit ang pagsunod sa mga pisikal na batas sa pagbubuo ng barko para kay Gustav Adolf, ngunit hindi sana lumubog ang Vasa bago pa nagsimula ang misyon kung sumunod sila sa mga batas na ito. Sa halip, naging malaya sana ito at nakayanang umagapay upang maisakatuparan ang layon nitong gawin.
Kaya ang pagsunod sa mga batas ng Diyos ay nangangalaga rin sa ating kalayaan, pakikibagay, at kakayahang kamtin ang ating potensyal. Ang mga kautusan ay hindi nilayong higpitan tayo. Bagkus, ang pagsunod ay humahantong sa ibayong espirituwal na katatagan at pangmatagalang kaligayahan.
Tayo ang nagpapasiya kung susunod tayo. Iniutos ni Jesus, “Masdan, naibigay ko na sa inyo ang mga kautusan; samakatwid sundin ninyo ang aking mga kautusan” (3 Nephi 15:10). Gayon lang kasimple. Pagpasiyahan ito. Magpasiya ngayon na maging lubos na masunurin. Walang iba pang higit na magpapaibayo sa espirituwal na katatagan. Walang iba pang makapagbibigay sa atin ng higit na kalayaang isakatuparan ang ating misyon sa buhay.
Pagsunod sa Payo at Habambuhay na Pagkatuto
Ikalawa, kailangan nating bigyang-pansin at sundin ang payo ng pinagkakatiwalaang mga pinagmumulan ng kaalaman at tapat na ipangako sa ating sarili na habambuhay tayong matututo.
Ang isa sa mga panganib ng pagtatamo ng kaalaman ay ang pagmamataas na maaaring dumating kapag inakala natin na napakarami na nating alam kaya wala na tayong dapat pang matutuhan. Nakita na nating lahat ito sa mga taong lubhang nagtitiwala sa kanilang sariling talino. Talagang mahirap turuan ang isang tao na nag-aakalang alam na niya ang lahat.
Dahil alam ito, at nais niyang habambuhay na matuto, sinabi ni Pangulong Henry B. Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “Bata pa ako at marami pa akong dapat matututuhan. Halos lahat ng tao ay may maituturo sa akin.”2 Nang tawagin niya akong maging General Authority, itinuro sa akin ni Pangulong Eyring ang isang mahalagang aral. Sabi niya kapag narinig niya ang kuwento ng isang tao na narinig na niya dati o gumamit siya ng isang talata sa banal na kasulatan na pamilyar sa kanya, itinatanong niya sa sarili, “Bakit binigyang-diin iyan ng Panginoon para sa akin?” at “Ano pa ang dapat kong matututuhan sa kuwento o talatang iyon?” Kung nais nating mapag-ibayo ang ating espirituwal na katatagan, magiging handa tayong matuto at magiging sapat na mapagpakumbaba tayong tatanggap ng patnubay anuman ang ating edad at karanasan.
Tayo talaga ang nagpapasiya. Maaari nating pakinggan at sundin ang payong ibinigay sa atin ng mga pinuno ng Simbahan, lalo na ng mga sinasang-ayunan natin bilang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag; mga magulang; at mga pinagkakatiwalaang mga kaibigan—o hindi. Maaari nating hangarin na habambuhay na matuto—o hindi. Maaari nating pag-ibayuhin ang ating espirituwal na katatagan—o hindi. Kung hindi natin mapag-iibayo ang ating espirituwal na katatagan, magiging katulad tayo ng Vasa—isang bangkang ayaw lumutang.
Paglilingkod sa Iba
Ikatlo, ang ating hayagang pagtutuon, pangangalaga, at paglilingkod sa iba ay nagpapaibayo sa ating espirituwal na katatagan.
Lumilinaw ang kawalang-hanggan kapag nagtuon tayo sa iba sa paghahangad nating tulungan ang mga anak ng Ama sa Langit. Nalaman ko na mas madaling tumanggap ng inspirasyon kapag nagdarasal ako upang malaman kung paano ko matutulungan ang iba kaysa kapag nagdarasal lang ako para sa aking sarili.
Maaari nating paniwalaan na sa hinaharap ay gaganda ang sitwasyon natin para tumulong. Ang totoo, ngayon na ang panahon. Nagkakamali tayo kung iniisip natin na magiging mas madali para sa atin na paglingkuran ang iba kapag nagkaroon tayo ng mas maraming oras, mas maraming pera, o mas maraming anupaman. Anuman ang sitwasyon, tayo ang magpapasiya. Tutulungan ba natin ang iba o hindi? Mabibigo tayo sa isang mahalagang pagsubok sa buhay kung hindi natin ipapasiyang tumulong sa mga nangangailangan. At, kung tutulong nga tayo, pinag-iibayo natin ang ating sariling espirituwal na katatagan.
Pagsalig kay Jesucristo Bilang Ating Pundasyon
Ikaapat, ang huli, at ang pinakamahalaga, nag-iibayo ang ating espirituwal na katatagan ayon sa antas ng pagsalig natin kay Jesucristo bilang ating pundasyon.
Kung wala si Cristo, itataboy tayong parang isang sasakyang-dagat na sinisiklot ng mga alon. Wala tayong kapangyarihan dahil wala tayong layag. Wala tayong katatagan, lalo na kapag may bagyo, dahil wala tayong angkla. Wala tayong direksyon o layunin dahil wala tayong anumang magagamit para makapaggabay. Kailangan nating sumalig kay Cristo bilang ating pundasyon.
Para makaharap, makapanaig, at maging handa para sa mga pasalungat na hangin at agos ng buhay, kailangan nating sundin ang mga utos ng Diyos; maging mapagpakumbaba, handa, at determinadong habambuhay na matuto; maglingkod sa iba; at sumalig kay Jesucristo bilang pundasyon sa ating buhay. Kapag ginawa natin ito mag-iibayo ang ating espirituwal na katatagan. Hindi tulad ng Vasa, makakabalik tayo sa ligtas na daungan, dahil natupad natin ang ating tadhana.