Mensahe sa Visiting Teaching
Mga Anak na Babae ng Ating Amang Walang Hanggan
Mapanalanging pag-aralan ang materyal na ito at hangaring malaman kung ano ang ibabahagi. Paano mapag-iibayo ng pag-unawa sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” ang inyong pananampalataya sa Diyos at pagpapalain ang mga pinangangalagaan ninyo sa pamamagitan ng visiting teaching? Para sa iba pang impormasyon, magpunta sa reliefsociety.lds.org.
Itinuturo sa atin ng mga banal na kasulatan na “tayo ay lahi ng Dios” (Ang Mga Gawa 17:29). Tinukoy ng Diyos si Emma Smith, asawa ni Propetang Joseph Smith, na “aking anak” (D at T 25:1). Itinuturo sa atin ng pagpapahayag tungkol sa pamilya na bawat isa sa atin ay “minamahal na espiritung … anak na babae ng mga magulang sa langit.”1
“Sa buhay [bago pa ang buhay sa mundo], nalaman natin ang tungkol sa ating walang-hanggang pagkakakilanlan bilang babae,” sabi ni Carole M. Stephens, unang tagapayo sa Relief Society general presidency.
“Hindi binago ng ating paglalakbay sa buhay sa lupa ang mga katotohanang iyon.”2
“Alam ng inyong Ama sa Langit ang inyong pangalan at batid ang inyong kalagayan,” sabi ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol. “Naririnig Niya ang inyong mga panalangin. Nalalaman Niya ang inyong mga inaasam at pangarap, pati na ang inyong mga kinatatakutan at kabiguan.”3
“Kabilang at kailangan tayo sa pamilya ng Diyos,” sabi ni Sister Stephens. “Magkakaiba ang mga pamilya sa lupa. At bagama’t ginagawa natin ang lahat para bumuo ng matatag na tradisyonal na pamilya, ang pagiging miyembro ng pamilya ng Diyos ay hindi batay sa anumang uri ng status o kalagayan sa buhay—may asawa man o wala, may anak o wala, mayaman o mahirap, kilala man o hindi sa lipunan, o kahit na ang status na ipino-post natin sa social media.”4
Karagdagang mga Banal na Kasulatan
Jeremias 1:5; Mga Taga Roma 8:16; Doktrina at mga Tipan 76:23–24
Mula sa Ating Kasaysayan
Sa kanyang salaysay tungkol sa Unang Pangitain,5 pinatotohanan ni Propetang Joseph Smith ang maraming katotohanan—kabilang na ang katotohanan na alam ng ating Ama sa Langit ang ating pangalan.
Nahirapang malaman ng batang si Joseph kung aling simbahan ang sasapian at natagpuan niya ang patnubay sa Santiago 1:5. Ipinasiya ni Joseph na magtanong sa Diyos.
Isang umaga ng tagsibol noong 1820, nagtungo siya sa kakahuyan para magdasal ngunit agad siyang sinunggaban ng isang madilim na kapangyarihan. Ganito ang isinulat niya:
“Sa sandaling ito ng labis na pangamba, ako ay nakakita ng isang haligi ng liwanag na tamang-tama sa tapat ng aking ulo, higit pa sa liwanag ng araw, na dahan-dahang bumaba hanggang sa ito ay pumalibot sa akin.
“Hindi pa natatagalan nang ito’y lumitaw na natuklasan kong naligtas na ang aking sarili mula sa kaaway na gumapos sa akin. Nang tumuon sa akin ang liwanag, nakakita ako ng dalawang Katauhan, na ang liwanag at kaluwalhatian ay hindi kayang maisalarawan, nakatayo sa hangin sa itaas ko. Ang isa sa kanila ay nagsalita sa akin, tinatawag ako sa aking pangalan, at nagsabi, itinuturo ang isa—Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:16–17).