Pagsasalin ng Banal na Kasulatan: Sa Wika ng Ating Puso
Ipinapakita ng maraming karanasan ang kamay ng Panginoon sa gawain ng pagsasalin ng Kanyang mga banal na kasulatan.
Ang karanasang ito ay pamilyar sa mga taong nakasama sa pagsasalin ng mga banal na kasulatan mula sa Ingles tungo sa iba pang mga wika. Paulit-ulit itong nangyayari:
Isang batang Armenian na may hawak ng kopya ng Aklat ni Mormon na isinalin kamakailan lang sa kanyang wika ang lumapit sa isang miyembro ng team na tumulong sa pagsasalin: “Salamat po,” sabi niya. “Nabasa ko na po ang Aklat ni Mormon sa Ingles. Nabasa ko na ang Aklat ni Mormon sa wikang Russian. Nabasa ko na ito sa Ukrainian. Pero hindi ko ito lubos na naunawaan hanggang sa mabasa ko ito sa Armenian. Nang basahin ko ito sa Armenian, nagkaroon din ito ng kahulugan sa wakas. Para akong nakauwi.”
Pag-uwi
Kung ang ebanghelyo ni Jesucristo ang ating espirituwal na tahanan, tama lamang na madamang komportable at pamilyar tayo rito. Sa bahay nagpapahinga tayo. Pinangangalagaan natin ang ating sarili. Kinakausap natin ang mga mahal natin sa wikang itinuro sa atin ng ating ina. Ito ang wika ng ating puso, at dahil puso ang kailangang maantig ng ebanghelyo, mahalagang basahin ang mga banal na kasulatan sa wika ng ating puso.
Sinasabi ng Doktrina at mga Tipan na ito ay totoo. Doo‘y inihayag ng Panginoon na sa pamamagitan ng mga susi ng priesthood na hawak ng Unang Panguluhan, “ang bisig ng Panginoon ay ipahahayag sa kapangyarihan sa pagpapaniwala sa mga bansa … sa ebanghelyo ng kanilang kaligtasan.
“Sapagkat mangyayari sa araw na yaon, na ang bawat tao ay maririnig ang kabuuan ng ebanghelyo sa kanyang sariling wika, at sa kanyang sariling salita, sa pamamagitan nila na inordenan sa kapangyarihang ito, sa pamamagitan ng pangangasiwa ng Mang-aaliw, na ibinuhos sa kanila para sa paghahayag ni Jesucristo” (D at T 90:10–11).
Ikinuwento ni Jim Jewell, na nagtrabaho sa scriptures translation team sa headquarters ng Simbahan, kung gaano kapersonal ang pakiramdam sa mga banal na kasulatan kapag isinalin ito sa wika ng puso:
“Sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon sa Sesotho, ang wikang gamit sa Lesotho sa bansang Africa, kinailangan naming makahanap ng tutulong sa amin para masuri ang gawain ng translation team. Tinukoy ng project supervisor na si Larry Foley ang isang miyembro ng Simbahan mula sa Lesotho na nagtapos ng pag-aaral sa Utah State University. Sa Lesotho, Ingles ang gamit sa pagtuturo, kaya ang babaeng ito at ang kanyang mga anak ay nag-aral sa Ingles mula sa unang grado, pero Sesotho ang wikang gamit nila sa bahay.
“Pumayag siyang maging bahagi ng gawain ng pagsasalin. Ang kanyang ebalwasyon sa mga kabanatang ipinadala namin sa kanya ay talagang malaking tulong. Palagi kaming nagpapadala ng partikular na mga tanong tungkol sa bokabularyo at istruktura ng wika kung saan malaking tulong ang kanyang komentaryo. Gayunman, napansin namin na nilagyan niya ng dilaw na highlight ang maraming talata na walang kinalaman sa aming mga tanong. Nang tanungin namin siya tungkol sa naka-highlight na mga talata, sinabi niya: ‘Ah, iyon ang mga talatang lubos na nakaantig sa puso ko na hindi ko lubos na naunawaan noon sa Ingles. Nilagyan ko ng highlight para maibahagi ko ang mga ito sa mga anak ko.’”
Isang Huwaran sa Pagsasalin ng Banal na Kasulatan
Ang pagsasalin ng Biblia ay may mahaba at kagila-gilalas na kasaysayan, simula sa pagsasalin ng mga bahagi ng Lumang Tipan mula sa Hebreo tungo sa wikang Griyego. Kalaunan, ang Biblia ay isinalin mula sa Griyego tungo sa Latin, at mula sa Latin, Hebreo, at Griyego tungo sa wikang Ingles at sa marami pang mga wika.1 Dahil dito, hindi isinasalin ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang Biblia sa iba’t ibang wika kundi ginagamit ang mga bersiyon na tanggap nang awtorisado ng mga Kristiyano na nagsasalita sa mga wikang iyon.2
Karamihan sa gawain ng Simbahan sa pagsasalin ng mga banal na kasulatan ay tungkol sa Aklat ni Mormon (na siyang unang isinalin), Doktrina at mga Tipan, at Mahalagang Perlas. Ang wikang pinagmulan ng salin ng mga aklat na ito ay Ingles, ang wikang ginamit ni Propetang Joseph Smith nang ihayag niya ang mga ito, ang wika ng kanyang puso. Ang prosesong ginamit sa pagsasalin ng mga banal na kasulatan sa mga wikang hindi Ingles ay dapat maging pamilyar sa mga estudyante ng kasaysayan ng Simbahan. Halos katulad ito ng prosesong ginamit ng Propeta sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon sa Ingles.
Si Joseph Smith ay isang mapagpakumbaba at halos hindi nakapag-aral na batang magsasaka. Ngunit taglay niya ang mga katangian at potensyal na kailangan ng Panginoon para maisagawa ang gawaing iyon. Tunay ngang si Joseph at ang kanyang pamilya ay inihanda at inilagay sa tamang lugar para gawin ang mismong gawaing ito.3
Tinulungan din si Joseph—kapwa sa banal at mortal na paraan—sa pagsasalin ng talaan ng mga Nephita. Bumisita ang anghel na si Moroni kay Joseph taun-taon sa loob ng apat na taon bago siya pinayagang kunin ang talaan. Hindi natin alam ang lahat ng itinuro ni Moroni sa Propeta, ngunit ang kanyang mga pagbisita ay mukhang naghanda sa kanya sa espirituwal at sa isipan para sa darating na gawain.4
Inihanda rin nang maaga ng Panginoon ang mga “interpreter” para maisalin ang isang nawalang wika. Inilarawan bilang dalawang malilinaw na bato na nabibigkis ng metal, ang mga ito at isa pang kasangkapang tulad nito na tinatawag na bato ng tagakita ang nakatulong sa Propeta na isalin ang talaan ng mga Nephita sa Ingles. Hindi idinetalye ng Propeta ang proseso; nagpatotoo lang siya na isinalin niya ang Aklat ni Mormon sa pamamagitan ng “kaloob at kapangyarihan ng Diyos.”5
Bukod pa sa tulong ng langit sa kanya, tumanggap ng tulong si Joseph mula sa mga eskriba sa lupa na gumawa ng nakasulat na kopya na sa bandang huli ay na-typeset, nai-print, binayaran, at ipinamahagi ng ibang mga tao sa mundo.
Tulad ng paghahanda at tulong na natanggap noon ni Joseph sa kanyang gawain ng pagsasalin, ang mga inatasang magsalin ng mga banal na kasulatan ngayon ay inihahanda ng Panginoon at tinutulungan sa kanilang gawain—kapwa sa banal at mortal na paraan.
Isang Gawaing Tumatanggap ng Paghahayag
Ang mahirap na proseso ng pagsasalin ay naiimpluwensyahan ng espirituwal na enerhiya na marahil ay pinakamainam na mailalarawan bilang “paghahayag sa pamamagitan ng konseho.” Dalawa o tatlong tao na pinili bilang mga tagapagsalin ang nakikipagtutulungan sa iba sa paggawa nito. May mga superbisor sila sa headquarters ng Simbahan, lokal na mga reviewer o nagrerepaso, isang lexicon bilang reperensya,6 mga gabay sa pagsasalin, computer program, at suporta ng mga lider ng Simbahan hanggang sa Unang Panguluhan. (Tingnan ang kalakip na tsart.) Kapag inaprubahan na ng Unang Panguluhan ang pagsasalin, ang gawain ay ita-typeset, ililimbag, at ipamamahagi. Dahil inihanda sa digital format, naka-post din ito sa LDS.org at sa Gospel Library app.
Ang tulung-tulong na pagsisikap na ito ay kapwa matindi at inspirado. Kasama rito ang masusing pag-uukol ng pansin sa kalidad ng nilalaman at kalidad ng pisikal na format nito kapag natapos na. Maraming pinagdaraanan ang pagrerebyu ng mga pagsasalin, lalo na sa lebel ng mga lider ng Simbahan na naghahangad ng pahintulot ng Panginoon. Susulong lamang ang gawaing pagsasalin kapag inaprubahan na ito. Bagama’t hindi talaga katulad na katulad ng paghahayag ang pagsasalin ni Propetang Joseph Smith sa Aklat ni Mormon, ang proseso ay malinaw na ginabayan ng Panginoon—sa pamamagitan ng Kanyang mga kaloob at ng Kanyang kapangyarihan.
Hindi nito ibig sabihin na perpekto ang isang pagsasalin noong una itong makumpleto. Kadalasan, ang panahong iniuukol at iba pang mga pagrerebyu ng mga nag-aaral ng mga banal na kasulatan ay nangangahulugan na mas tama ang gramatika at bokabularyo o may mga mali sa typesetting o pagbabaybay. Bihirang gumawa ng pagbabago sa paglilinaw ng doktrina. Kapag ginagawa ito, ginagawa ito sa patnubay ng Unang Panguluhan.
Ang Panginoon ang Naglalaan
Itinataguyod din ng Panginoon ang gawain ng pagsasalin sa iba pang mga paraan. Karaniwa’y inirereport ng translation team sa headquarters ng Simbahan na kapag may pangangailangan, ang Panginoon ang naglalaan.
Bilang isa sa maraming halimbawa, nangailangan noon ng isang translator para isalin at irekord ang mga materyal ng Simbahan sa Mam (na hango sa wikang Mayan, na gamit sa Guatemala). Kabilang sa mga unang missionary na tinawag sa Guatemala ang isang elder na ang lolo ay Mam ang gamit na wika. Ang missionary ay lumaki sa isang lungsod at Espanyol lang ang sinasalita. Ngunit gabi-gabi ay nagpapakita sa kanya ang lolo niya sa panaginip at itinuturo sa kanya ang wikang Mam. Ang binatang elder na ito ang naging pangunahing translator ng Mam sa Simbahan.
Kadalasan, ang gawain ng pagsasalin ay may katumbas na malaking personal na sakripisyo. Depende sa katayuang pinansiyal, ang ilang translator ay naglilingkod nang libre at ang iba naman ay binabayaran para magkaroon sila ng panahong ilalaan sa pagsasalin.
Ang lalaking naging isa mga Urdu translator ay nabinyagan sa Simbahan sa Pakistan habang nagtatrabaho siya bilang guro. Dahil sa pagpapabinyag niya, nawalan siya ng trabaho; nawalan siya ng bahay, na inilaan ng paaralan kung saan siya nagturo; at nawala ang pribilehiyo ng kanyang mga anak na makapag-aral. Nilapitan siya ng isang translation supervisor ng Simbahan tungkol sa paglilingkod bilang translator at inalok siya ng katamtamang sahod. Matapos magtrabaho bilang translator sa loob ng ilang buwan, kinausap ng lalaki ang supervisor at nahihiyang hiniling dito na ibili siya ng bagong bolpen. Naubusan na kasi ng tinta ang gamit niya. Noon lamang natuklasan at naitama ng supervisor ang isang pagkakamali na naging dahilan kaya mas mababa ang natatanggap na bayad ng translator kaysa nararapat.
Ngunit nang pagpalain ng Panginoon si Joseph Smith kaya nito natapos ang kanyang pagsasalin, pinagpapala ng Panginoon ang Kanyang mga translator. Halimbawa, ang translator ng Latvian scriptures ay isang abugado na nag-aral ng abugasya sa Russia, kung saan siya na-convert sa ipinanumbalik na ebanghelyo. Sa Latvia noon, nagtatayo siya ng negosyo. Naglilingkod din siya noon bilang branch president. Masyado siyang abala, pero kinailangan siya ng Simbahan at ang galing niya sa Ingles.
Humingi siya ng oras para ipagdasal ang kahilingan dahil ang pagtanggap dito, gaya ng sabi niya sa kinatawan ng Simbahan, ay “mangangahulugan na kakapusin sa pagkain ang aking mga anak.” Matapos magdasal, nagpasiya siyang tanggapin ito ngunit hiniling sa Panginoon na pagpalain siya para magawa niya ang mahirap, nangangailangan ng espirituwalidad, at nakakaubos ng oras na gawain.
Sinimulan niyang agahan nang isang oras ang pagpasok niya sa kanyang law office araw-araw at gamitin ang oras na iyon para isalin ang Aklat ni Mormon. Natapos niya kaagad nang maayos ang karaniwang limang taong proseso ng pagsasalin. Katunayan, isa ito sa mga pinakamabilis na pagsasalin simula nang isalin ni Joseph ang Aklat ni Mormon sa loob ng mga 60 araw.
Marami pang karanasan ang maaaring ikuwento na nagpapakita na pinapatnubayan ng Panginoon ang gawain ng pagsasalin ng Kanyang mga banal na kasulatan. Malinaw na ipinahahayag ng lahat na ito ay Kanyang gawain at malaki ang malasakit Niya tungkol dito. Inihahanda Niya ang mga tao na gawin ang Kanyang gawain. Inihahanda Niya ang mga kasangkapang kailangan nila para mapabilis ang gawain. At binibigyang-inspirasyon at pinagpapala Niya sila habang ginagawa ito.
Ang resulta ay isang mundong pinagyaman ng salita ng Diyos, na ibinigay sa Kanyang mga anak sa wika ng puso.