2016
Kapayapaan sa Puso Ko
April 2016


Kapayapaan sa Puso Ko

peace in my heart

Noong otso anyos ako, nakita ko ang propetang si Pangulong David O. McKay (1873–1970). Nagpunta siya para ilaan ang isang bagong gusali ng Simbahan sa Palmyra, New York, USA. Dumalo sa paglalaan ang pamilya ko. Nagdatingan din ang marami pang ibang tao. Sabik kaming lahat na makita ang propeta!

Medyo maliit pa ako, kaya halos wala akong nakita sa kapal ng tao. Ngunit nadama ko pa rin ang pagmamahal ni Pangulong McKay. Sandali ko lang nakita ang puti niyang buhok at maamong mukha. Naisip ko, “Ganito pala ang hitsura ng isang propeta ng Diyos.” Nakabasa na ako tungkol sa mga propeta sa mga banal na kasulatan, pero ito ang unang pagkakataon kong makita nang personal ang isang propeta o sinumang General Authority. Natanto ko na ang mga propeta ay totoong mga tao. At mahal nila tayo! Hindi ko malilimutan ang pagmamahal at kapayapaang nadama ko sa araw na iyon.

Noong 11 taong gulang ako, nagkaroon ako ng isa pang karanasan na nakatulong sa akin na makadama ng kapayapaan sa puso ko. Parating na noon ang stake conference, at kakanta ako sa stake choir. Tuwang-tuwa ako! Nagsuot ako ng magandang puting polo, at pakiramdam ko ay napakaespesyal ko. Ang kinanta namin ay may mga salitang nagmula sa Juan 14:27, “Ang kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo; ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo: hindi gaya ng ibinibigay ng sanglibutan, ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag magulumihanan ang inyong puso, ni matakot man.”

Talagang naantig ang puso ko sa mga salitang iyon, at hindi ko na iyon nalimutan simula noon. Nang kantahin ko ang mga salitang iyon, alam kong totoo iyon. Nadama kong sinabi sa akin ng Espiritu Santo na ang pagsunod kay Jesucristo ay nagpapadama sa atin ng kapayapaan. Simula noon, tuwing may mga hamon ako, pumapasok sa isipan ko ang talatang ito at nagbibigay ito sa akin ng kapayapaan. Ang katotohanang natutuhan ko noong bata pa ako ay nagpala sa buong buhay ko.