Mga Tanong at mga Sagot
“Pinagtatawanan ako sa paaralan dahil LDS ako. Alam kong kailangan kong manindigan sa paniniwala ko, pero napakahirap! Paano ako magkakaroon ng sapat na tapang?”
Tama ka na kailangan mo ang lakas-ng-loob na harapin ang sitwasyong ito. Kunsabagay, iniutos ni Jesucristo, “Bumangon at magliwanag, nang ang inyong liwanag ay maging isang sagisag sa mga bansa” (D at T 115:5). Ngunit ang magkaroon ng tapang na hayaang magliwanag ang iyong ilaw ay maaaring nangangahulugan o hindi na magsalita ka laban sa mga nangungutya sa iyo.
Anuman ang sitwasyon, maaari mong tulutang maging inspirasyon sa iyo ang oposisyon na magpakabuti pa. Habang pinagsusumikapan mong palakasin ang iyong patotoo, maaari kang magkaroon ng tahimik na katapangang tutulong sa iyo na magsalita o patuloy lang na gawin ang tama, kahit mangutya ang iba.
Nakakagalit ang matudyo, ngunit tandaan na maaari mong ipagdasal na mapuspos ka ng pag-ibig sa kapwa upang madama ng iba ang pag-ibig ni Cristo sa pamamagitan mo (tingnan sa Moroni 7:48). Dahil kakaiba ang bawat sitwasyon, hangarin ang patnubay ng Espiritu upang malaman kung paano tumugon sa paraan ni Cristo sa bawat pagkakataon.
Depende sa sitwasyon, pinakamainam sigurong kausapin nang sarilinan ang mga taong pinagtatawanan ka o huwag na lang pansinin ang kanilang mga pag-alipusta habang patuloy mong ipinamumuhay ang iyong mga paniniwala. Kung hindi interesadong makinig ang iba sa sasabihin mo, maaaring ang iyong halimbawa ng kabaitan, pagpapatawad, at katapatan ang pinakamagandang mensaheng maihahatid mo.
Magpakita ng Tunay na Katapangan
Ang mga taong pinagtatawanan ka ay maaaring hindi tumigil nang dahil lamang sa naglakas-loob kang patigilin sila, ngunit maaaring tumigil sila kapag nagpakatapang kang mamuhay ayon sa tunay mong pagkatao—isang Banal sa mga Huling Araw. Bago mo pa malaman, sasang-ayunan ng ating Ama sa Langit ang ginagawa mo, na sana’y magmulat ng kanilang mga mata sa ipinanumbalik na ebanghelyo sa buhay mo.
Bright U., edad 17, Imo State, Nigeria
Humanap ng Lakas sa mga Bagay na Mahalaga
Ang panalangin at pag-aayuno ay mahalaga dahil tutulungan ka ng mga ito na harapin ang mga pambibiro at hamon sa paaralan, katulad ni Jesucristo na hinarap ang maraming pangungutya noong narito Siya sa lupa. Tutulungan ka ng mga ito na mas mahalin at pagpasensyahan ang mga tao.
Walter C., edad 15, Jaén, Peru
Magabayan sa pamamagitan ng Panalangin
Sa loob ng matagal na panahon ako lang ang miyembro sa paaralan namin. Parang naintindihan naman ako ng pinakamatatalik kong kaibigan, pero pinagtawanan ako ng iba pang mga kaibigan ko sa paaralan. Isang araw ipinagdasal at nadama ko ang pangangailangang kausapin ang isa sa kanila na naghikayat sa iba na pagtawanan ako. Ipinaliwanag ko na hindi ako galit sa kanya, pero hiniling kong igalang niya ako tulad ng gusto niyang igalang siya. Matapos marinig ang pag-uusap namin, lagi na akong ipinagtanggol ng isa sa mga guro ko kapag nakita niyang may nangyari. Alam ko na sasaiyo ang Panginoon kapag kinausap mo ang mga taong ito.
Shanela S., edad 14, Pangasinan, Philippines
Palakasin ang Iyong Patotoo
Una, magkaroon ng tunay na patotoo tungkol sa mga katotohanang nais mong ibahagi sa iba. Pagkatapos ay mahalin ang mga taong pinagtatawanan ka at huwag makipagtalo, dahil ang pagtatalo ay hindi sinusuportahan ng Diyos kailanman (tingnan sa 3 Nephi 11:29). Ang pinakamahalaga, sikaping mapasaiyo ang Espiritu sa tuwina. Tutulungan ka ng Espiritu na maging mas mapagmahal at matapang, at gagawing mas makapangyarihan ang iyong mga salita.
Julia F., edad 19, Hesse, Germany
Mahalin ang Iyong mga Kaaway
Napasok din ako sa gayong mga sitwasyon. Kung ikaw ay may pananampalataya at mapagpakumbaba, bibiyayaan ka ng lakas at pananampalatayang kailangan upang “ibigin [mo] ang [iyong] mga kaaway, at idalangin [mo] ang sa [iyo’y] nagsisiusig” (Mateo 5:44). Hihikayatin kitang saliksikin ang mga banal na kasulatan para sa mga sagot kung paano maging malakas. Manalangin kapag nadama mong nag-iisa ka sa iyong pananampalataya. Sabi sa Mga Taga Roma 8:31, “Ano ang ating sasabihin sa mga bagay na ito? Kung ang Dios ay kakampi natin, sino ang laban sa atin?” Nasa panig mo ang Diyos! Lahat ay posible.
Reagan T., edad 15, Utah, USA
Huwag Kang Matakot
Mas madalas na magsalita tungkol sa iyong relihiyon o sadyang gawin ang mga bagay para mabanggit ito. Napasok ako sa ganitong sitwasyon at isinulat ko, “Gustung-gusto Ko ang Pagiging LDS” sa backpack ko. Sa paggawa nito, nagkaroon ako ng maraming pagkakataong maging missionary at ipinakita ko sa mga tao na hindi ako takot na ipaalam sa kanila na LDS ako. Anuman ang gawin mo, huwag silang hayaang makaligalig sa iyo. Ipagdasal sila at ang sarili mo. Hindi magtatagal at makikita mo na kung nakatuon ka sa pagliligtas ng mga kaluluwa ng iba, hindi ka magiging ganoon katakot na ipaalam sa kanila ang katotohanan ng ebanghelyo ng ating Ama.
Savanna P., edad 14, Texas, USA
Ang Tapang ng Ating mga Paniniwala
“Kadalasa’y mahirap maging kakaiba at manindigang mag-isa sa karamihan. Natural lang na matakot sa maaaring isipin o sabihin ng iba. Nakapapanatag ang mga salita sa awit: ‘Ang Panginoon ay aking liwanag at ang aking kaligtasan; kanino ako matatakot? ang Panginoon ay katibayan ng aking buhay; kanino ako masisindak?’ [Awit 27:1]. Kapag itinuon natin ang ating buhay kay Cristo, mapapalitan ng tapang ng ating mga paniniwala ang ating mga pangamba.”
Pangulong Thomas S. Monson, “Maging Huwaran at Liwanag,” Liahona, Nob. 2015, 88.
Susunod na Tanong
“Paano ko malalaman na dinidinig ng Diyos ang aking mga dalangin?”
Isumite ang iyong sagot at, kung nais mo, isang retrato na high-resolution bago sumapit ang Mayo 1, 2016, sa liahona.lds.org, sa pamamagitan ng e-mail sa liahona@ldschurch.org, o sa pamamagitan ng koreo (tingnan ang address sa pahina 3).
Ang sumusunod na impormasyon at pahintulot ay dapat isama sa inyong email o liham: (1) buong pangalan, (2) kapanganakan, (3) ward o branch, (4) stake o district, (5) nakasulat na pahintulot mo, at, kung wala ka pang 18 anyos, ang nakasulat na pahintulot ng iyong magulang (tinatanggap ang email) na ilathala ang iyong sagot at larawan.
Ang mga sagot ay maaaring i-edit para paikliin o linawin pa ito.