Mga Calling sa Mission
Kabanata 3: Pag-aralan at Ituro ang Ebanghelyo ni Jesucristo


“Kabanata 3: Pag-aralan at Ituro ang Ebanghelyo ni Jesucristo,” Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Pagbabahagi ng Ebanghelyo ni Jesucristo (2023)

“Pag-aralan at Ituro ang Ebanghelyo ni Jesucristo,” Mangaral ng Aking Ebanghelyo

The Baptism of Christ [Ang Pagbibinyag kay Jesucristo], ni Joseph Brickey

Kabanata 3

Pag-aralan at Ituro ang Ebanghelyo ni Jesucristo

Ang mga lesson sa kabanatang ito ay naglalaman ng mahahalagang doktrina, alituntunin, at kautusan ng ebanghelyo ni Jesucristo. Ang mga lesson na ito ang iniatas ng mga buhay na propeta at mga apostol na dapat mong pag-aralan at ituro. Narito ang mga ito para matulungan mo ang ibang tao na malinaw na maunawaan ang doktrina ni Cristo.

Ang unang bahagi ng kabanatang ito ay ang paanyayang magpabinyag. Ang natitirang mga bahagi ng kabanatang ito ay naglalaman ng sumusunod na apat na lesson:

Pag-aralan ang mga banal na kasulatan at pahalagahan ang doktrina sa bawat lesson. Kapag ginawa mo ito, patototohanan ng Espiritu ang mga katotohanang pinag-aaralan mo. Tutulungan ka Niya na malaman kung ano ang sasabihin o gagawin mo para matulungan ang ibang tao na makatanggap ng patotoo tungkol sa katotohanan. (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:85.)

Mas lubos na makikilala ng mga tao ang Tagapagligtas kapag ginagawa nila ang mga paanyaya Niya sa kanila. Magbigay ng mga paanyaya sa bawat lesson, at tulungan ang mga tao na tuparin ang ipinangako nilang gagawin. Kapag tumutupad ang mga tao sa mga pinangako nilang gagawin, nagsisimula na silang ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo at nagiging handa para gumawa ng mga tipan sa Diyos.

Ituro ang lahat ng mga lesson bago at pagkatapos ng binyag. Ang mga full-time na misyonero ang namumuno sa pagtuturo ng mga lesson sa ito sa parehong pagkakataon. Nakikibahagi ang mga ward missionary at ibang mga miyembro kung posible. Tingnan ang kabanata 10 at 13 para sa impormasyon tungkol sa pagsasama ng mga miyembro sa pagtuturo.

Maghandang Magturo

Habang naghahanda kayong magturo, rebyuhin ang impormasyon ng taong tuturuan ninyo sa Preach My Gospel app. Gumawa ng lesson plan ayon sa pangangailagan ng tinuturuan ninyo. Isaalang-alang ang dapat niyang malaman at madama sa inyong teaching visit. Pahuhusayin ng Espiritu ang inyong mga pagsisikap kapag naglalaan kayo ng oras na maghanda at gumawa ng plano.

Narito ang ilang tanong na dapat mapanalangin ninyong isaalang-alang ng iyong kompanyon habang naghahanda kayong magturo.

  • Anong paanyaya ang ibibigay natin para matulungan ang tinuturuan ninyo na pagtibayin ang kanyang pananampalataya kay Cristo at gumawa ng pagbabago? Ang pagbibigay ng mga paanyaya ang paraan ng pagtulong ninyo sa mga tao na magsisi at maranasan ang “kapangyarihan ng Manunubos” (Helaman 5:11). Isaalang-alang ang progreso, sitwasyon, at pangangailangan ng tinuturuan ninyo. Pagkatapos ay samahan ang inyong lesson plan ng isa o higit pang paanyaya.

  • Anong doktrina at mga alituntunin ang makakatulong sa tao para matupad niya ang mga pangakong inanyayahan natin siyang gawin? Mapanalanging tukuyin kung anong doktrina at mga alituntunin ang tutulong sa mga tao na maunawaan kung bakit mahalaga sa kanila at sa Panginoon na matupad nila sa mga ipinangako nilang gawin.

  • Paano natin tutulungan ang tao na matutuhan ang doktrina? Para makapaghanda kayong magturo ng doktrina, ayusin at ibuod ang ituturo ninyo gamit ang mga lesson 1–4. Tukuyin ang mga tanong, banal na kasulatan, halimbawa, at angkop na media na makakatulong sa tinuturuan ninyo na maunawaan ang ituturo ninyo. Tingnan ang kabanata 10 para sa impormasyon kung paano pa ninyo mapapahusay ang inyong pagtuturo.

  • Anong mga pagpapala ang ipinangako ng Diyos sa mga tumatanggap at tumutupad ng mga pangako? Habang pinag-aaralan ninyo ang doktrina, tukuyin ang mga pagpapalang ipinangako ng Diyos. Habang nagtuturo kayo, mangako ng mga pagpapala at patotohanan ang mga ito.

  • Sinu-sinong miyembro ang maaaring makibahagi? Sa inyong lingguhang coordination meeting, tukuyin kung sinu-sinong miyembro ang makatutulong sa inyo na maturuan at masuportahan ang tao. Bago ang lesson, talakayin ang kanilang bahagi sa lesson. Tingnan sa kabanata 10.

  • Ano ang magagawa natin para matulungan ang mga tao na matupad ang kanilang mga pangako pagkatapos nating umalis? Para matulungan ang mga tao na matupad ang kanilang mga pangako, maglaan ng ilang sandali para makontak sila araw-araw. Maghanap ng mga paraan na matutulungan ng mga miyembro ang mga tinuturuan ninyo na matupad ang kanilang mga pangako. Maaaring kabilang sa pagkontak na ito ang pagbabasa ng isang kabanata mula sa Aklat ni Mormon o iba pang banal na kasulatan. Kung hindi tinutupad ng isang tao ang naunang ibinigay na pangakong gagawin, maaaring makabubuting tulungan siyang matupad ito kaysa magbigay ng panibago. Tingnan sa kabanata 11.

  • Paano natin sila mas mahusay na matutulungan sa susunod? Pagkatapos ng bawat pagkakataong makapagturo, suriin ang naging karanasan ng mga taong tinuruan ninyo. Lumago ba ang kanilang pananampalataya kay Cristo? Nadarama ba nila ang Espiritu? Sila ba ay nagsisisi at gumagawa at tumutupad ng mga pangako? Sila ba ay nagdarasal, nagbabasa ng Aklat ni Mormon, at nagsisimba? Gumawa ng mga plano na tulungan sila.

Magturo mula sa Inyong Puso Ayon sa Patnubay ng Espiritu

Nagsasalita sa mga elder at sister, sinabi ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Ang ating layunin ay ituro ang mensahe ng ipinanumbalik na ebanghelyo sa paraang magpapahintulot sa Espiritu na pumatnubay kapwa sa mga misyonero at sa mga tinuturuan. Mahalagang matutuhan ang mga konsepto ng [mga lesson], ngunit hindi dapat ituro ang mga ito sa sauladong paglalahad. Dapat malayang gamitin ng misyonero ang sarili niyang mga salita ayon sa pagggabay ng Espiritu. Hindi niya dapat isaulo ang talakayan, kundi dapat manggaling sa puso at sarili niyang mga salita. Maaaring hindi niya pagsunud-sunurin ang mga lesson, at ituro ito ayon sa inspirasyon, batay sa interes at pangangailangan ng [tao]. Sa pagsasalita ayon sa sarili niyang paniniwala at sariling mga salita dapat siyang magpatotoo sa katotohanan ng kanyang mga itinuturo.”

mga misyonero na nakikipagkilala sa isang lalaki

Magturo at Magbigay ng Paanyaya ayon sa Pangangailangan ng Bawat Tao

Kayo ang bahala kung paano ninyo pinakamainam na maituturo ang mga lesson para matulungan ang mga tao na makapaghandang mabuti para sa binyag at kumpirmasyon. Batay sa pangangailangan ng taong tinuturuan ninyo at sa pantubay na rin ng Espiritu, matutukoy ninyo ang lesson na inyong ituturo, kailan ninyo ito ituturo, at kung gaano katagal ninyo ito ituturo. Halimbawa, kapag nagtuturo sa mga taong walang alam sa Kristiyanismo, maaari kayong magsimula sa pagtulong sa kanila na magkaroon ng ugnayan sa Ama sa Langit at maunawaan ang Kanyang plano (tingnan ang “Pagtuturo sa mga Taong Walang Alam sa Kristiyanismo” sa kabanata 10).

Hayaang gabayan kayo ng Espiritu kung ano ang ibibigay ninyong mga paanyaya sa kanila. Ang tamang paanyaya na ibinigay sa tamang panahon ay maghihikayat sa mga tao na gumawa ng mga bagay na magpapalakas ng kanilang pananampalataya. Ang mga pagkilos na ito ay maaaring humantong sa malaking pagbabago ng puso (tingnan sa Mosias 5:2; Alma 5:12–14).

Magturo ng mga lesson na simple, malinaw, at maikli. Ang mga teaching visit ay karaniwang hindi lumalampas ng 30 minuto, at maaari ninyong turuan ang isang tao sa loob ng 5 minuto.

Karaniwang kailangan ninyo ng ilang pagbisita para maituro ang mga alituntunin sa isang lesson. Madalas na mas mauunawaan ng mga tao ang inyong mensahe kapag kayo ay nagtuturo ng maiikling lesson, madalas na nagtuturo, at paunti-unti lang ang inyong tinuturo.

Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Ano ang iniutos na ituro mo?

Bakit mahalagang pag-aralan ang doktrina sa mga lesson?