“Kabanata 2: Saliksikin ang mga Banal na Kasulatan at Isuot ang Baluti ng Diyos,” Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Pagbabahagi ng Ebanghelyo ni Jesucristo (2023)
“Saliksikin ang mga Banal na Kasulatan at Isuot ang Baluti ng Diyos,” Mangaral ng Aking Ebanghelyo
Kabanata 2
Saliksikin ang mga Banal na Kasulatan at Isuot ang Baluti ng Diyos
Saliksikin ang mga Banal na Kasulatan
Si Jesucristo ang “buhay at ang ilaw ng sanlibutan. Masdan, siya ang salita ng katotohanan at kabutihan” (Alma 38:9; tingnan din sa Juan 1). Ang pag-aaral ng salita ng Diyos sa mga banal na kasulatan ay maghahatid ng kasaganaan sa iyong buhay (tingnan sa John 10:10). Ang Kanyang mga salita ay pupunuin ka—at ang iyong mga tinuturuan—ng liwanag at katotohanan. Ang mga ito ay tutulong sa iyo—at sa mga tinuturuan ninyo—na mamuhay nang matwid at makatanggap ng proteksyon at lakas mula sa Diyos. Ang mga ito ay tutulong sa iyo na makilala Siya at matamasa ang Kanyang pagmamahal, na higit pa sa anumang pagmamahal sa mundo. Pupunuin ng Kanyang salita ang iyong kaluluwa ng kagalakan (1 Nephi 8:11–12; tingnan sa talata 1–34).
Ang mga banal na kasulatan ay kaloob mula sa langit. Isa sa mga dakilang pagpapala ng iyong misyon ay ang pagkakaroon ng naka-iskedyul na oras para mapag-aralan ang mga ito araw-araw.
Ang pag-aaral ng ebanghelyo ay isa sa pinakakapaki-pakinabang na espirituwal na gawain na maaari mong gawin. Napapasigla nito ang isipan at espiritu. Tulad ng itinuro ni Alma, kapag itinanim mo ang salita ng Diyos sa iyong puso, “[liliwanag ang iyong] pang-unawa” at magiging masarap ito sa iyo (Alma 32:28; tingnan din sa Enos 1:3–4). Sa patuloy mong pag-aaral at pagsasabuhay ng salita ng Diyos, ito ay “magkakaugat; at … ito ay magiging isang punungkahoy na sumisibol tungo sa buhay na walang hanggan” (Alma 32:41; tingnan din sa talata 42–43). Lalago ang iyong kaalaman at patotoo sa ebanghelyo. Madaragdagan ang iyong hangarin at kakayahang ibahagi ang ebanghelyo.
Mahalagang matuto mula sa mahusay na guro, pero mahalaga rin na magkaroon ka ng makabuluhang mga karanasan sa pagkatuto mula sa sarili mong pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Totoo rin ito para sa mga taong tinuturuan ninyo.
Maaaring mahirap maunawaan ang mga banal na kasulatan sa simula. Gayunman, kapag matiyaga kang nagsikap na pag-aralan ang salita ng Diyos, madaragdagan ang iyong pang-unawa. Kalaunan ay itatangi mo ang panahong iginugugol mo sa mga banal na kasulatan. Masasabik ka sa mga matututuhan at mararanasan mo.
Ang kaalaman at pagmamahal sa mga banal na kasulatan ay isang pagpapala mula sa iyong paglilingkod bilang misyonero na maaaring mapapasaiyo habambuhay. Kapag naranasan mo ang mga pagpapala ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan sa iyong misyon, nanaisin mong ipagpatuloy ito habambuhay.
“Ang pangunahing layunin ng lahat ng banal na kasulatan ay puspusin ang ating mga kaluluwa ng pananampalataya sa Diyos Ama at sa Kanyang Anak na si Jesucristo—pananampalataya na Sila ay buhay; pananampalataya sa plano ng Ama para sa ating kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan; pananampalataya sa Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo, na nagsakatuparan sa planong ito ng kaligayahan; pananampalatayang maipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo; at pananampalatayang makilala “ang iisang Diyos na tunay, at siyang [Kanyang] sinugo, sa makatuwid baga’y si Jesucristo” (Juan 17:3) (D. Todd Christofferson, “Ang Biyaya ng Banal na Kasulatan,” Liahona, Mayo 2010, 34).
Hangarin ang Espiritu
Ang pag-aaral ng ebanghelyo ay higit pa sa pag-alam ng impormasyon. Ito ay isa ring espirituwal na proseso ng pagsasabuhay ng mga walang-hanggang katotohanan sa pamamagitan ng patnubay ng Espiritu Santo (tingnan sa Jacob 4:8; Doktrina at mga Tipan 50:19–25). Hangarin at magtiwala sa Espiritu na turuan ka habang pinag-aaralan mo ang mga banal na kasulatan. Mangyayari ito sa ayon sa antas ng paghahalintulad mo sa iyong sarili ng banal na kasulatan nang may tunay na layuning kumilos ayon sa natutuhan mo (tingnan sa 1 Nephi 19:23; Moroni 10:4; Joseph Smith—Kasaysayan 1:18).
Ang mapanalanging pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay magbibigay-daan para makatanggap ka ng paghahayag mula sa Espiritu na mangungusap sa iyong puso’t isipan. Pagpapalain ka Niya ng patnubay, inspirasyon, at sagot sa iyong mga katanungan. Sa pamamagitan ng pag-aaral mo ng mga banal na kasulatan, bibigyan ka ng Espiritu Santo ng katatagan at kapanatagan. Bibigyan ka Niya ng kaalaman at pananalig na magpapala sa buhay mo at tutulong sa iyo na pagpalain ang buhay ng iba magpakailanman.
Hanapin ang mga Sagot sa mga Tanong
Bilang misyonero, marami kang maririnig na tanong. Mayroon ka ring sariling mga tanong. Ang pagsasaliksik ng mga banal na kasulatan at iba pang inaprubahang mga sanggunian para makahanap ng sagot sa mga tanong na ito ay isang mabisang paraan ng pag-aaral. Itala sa iyong study journal ang mga tanong at kung ano ang natutuhan at nadama mo.
Gumamit ng tumpak at mapagkakatiwalaang mga sanggunian sa iyong pag-aaral—lalo na ang mga banal na kasulatan, ang mga salita ng mga buhay na propeta, at ang Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Gamitin ang mga sanggunian sa Gospel Library, tulad ng Gabay sa mga Banal na Kasulatan, Bible Dictionary, index ng triple combination, Mga Paksa ng Ebanghelyo, at Gospel Topics essays. Alamin kung aling mga sanggunian ang makukuha sa wika ng mga taong tinuturuan ninyo.
“Ang isang bagay na natutuhan ko sa buhay ay kung gaano kadalas ng Panginoon sinasagot ang ating mga tanong at binibigyan tayo ng payo sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan. … Lumapit tayo sa Panginoon sa panalangin, nagsusumamo para sa tulong o mga sagot; at ang mga sagot na iyon ay darating kapag binuksan natin ang mga banal na kasulatan at sinimulang pag-aralan ang mga ito. Kung minsan para bang ang isang talata na isinulat daan-daan o libu-libong taon na sa nakaraan ay isinulat para masagot mismo ang ating tanong” (M. Russell Ballard, “Be Strong in the Lord, and in the Power of His Might” [Brigham Young University fireside, Mar. 3, 2002], 5, speeches.byu.edu).
Ipamuhay ang Natututuhan Mo
Kapag nadama mo ang galak na nagmumula sa higit na pagkaunawa sa ebanghelyo, gugustuhin mong ipamuhay ang natututuhan mo. Sikaping mamuhay ayon sa iyong natutuhan. Ang paggawa nito ay magpapalakas ng iyong pananampalataya, kaalaman, at patotoo. Ang pagkilos ayon sa iyong natutuhan ay maghahatid ng dagdag at tumatagal na pang-unawa. (Tingnan sa Juan 7:17.)
“Ang totoong doktrina na naunawaan, ay nagpapabago ng ugali at gawi. Ang pag-aaral ng mga doktrina ng ebanghelyo ay mas mabilis na magpapabuti ng pag-uugali kaysa pag-aaral ng pag-uugali” (Boyd K. Packer, “Little Children,” Ensign, Nob. 1986, 17).
Gamitin ang Gospel Library
Ang Gospel Library ay isang online resource na talagang makakatulong sa iyong pag-aaral at pagtuturo. Maging pamilyar sa maraming feature nito. Nakalista sa ibaba ang ilang mga pakinabang ng paggamit ng Gospel Library bilang bahagi ng iyong pag-aaral at pagtuturo.
-
Binibigyan ka nito ng access sa mga banal na kasulatan, mga salita ng mga buhay na propeta, at iba pang mga content ng Simbahan sa maraming wika sa text, audio, at video format.
-
Kapag itinala mo sa Gospel Library ang iyong natututuhan at mga impresyong natatanggap mo, patuloy mong maa-access at magagamit ang impormasyong ito pagkatapos ng iyong misyon.
-
Madali mong maibabahagi ang mga banal na kasulatan, sipi mula sa mga buhay na propeta, at mga video sa mga tinuturuan ninyo.
-
Karamihan sa mga taong tinuturuan at bibinyagan ninyo ay gagamit ng Gospel Library para ma-access ang mga sanggunian ng Simbahan. Maging pamilyar sa mga feature ng Gospel Library para maturuan mo sila kung paano ito gamitin.
Gamitin nang Tama ang Teknolohiya
Ipinagkatiwala sa iyo ng Panginoon at Kanyang mga propeta ang teknolohiya na tutulong sa iyo na isakatuparan ang Kanyang gawain. Matutulungan ka ng teknolohiya na mapagbuti pa ang pag-aaral mo ng banal na kasulatan at ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. May mga digital resource na makatutulong sa inyo na magplano. Makatutulong ang mga ito sa inyong pagtuturo at sa mga pagsisikap ninyong maghanap ng mga taong matuturuan.
Ang matalino at tamang paggamit ng teknolohiya ay makatutulong sa iyo na matupad ang iyong layunin bilang misyonero at mabisang magamit ang oras. Matutulungan ka rin nito na maiwasan ang hindi angkop na mga materyal.
Sundin ang Espiritu kung kailan at paano mo gagamitin ang teknolohiya para mapatatag ang iyong pananampalataya kay Jesucristo at ang pananampalataya ng mga taong pinaglilingkuran at tinuturuan ninyo.
Sundin ang mga Pag-iingat sa Paggamit ng Teknolohiya
Ang apat na pag-iingat na inilarawan sa ibaba ay tutulong sa iyo na magamit ang teknolohiya sa tamang paraan. Ang pagsunod sa mga pag-iingat na ito ay mahalagang paraan na maisusuot mo “ang buong kasuotang pandigma ng Diyos upang kayo’y makatagal laban sa mga pakana ng diyablo.” (Efeso 6:11).
Iayon ang Sarili sa mga Espirituwal na Pahiwatig
Nangako si Nephi, “Kung kayo ay papasok sa daan, at tatanggapin ang Espiritu Santo, iyon ang magbibigay-alam sa inyo ng lahat ng bagay na nararapat ninyong gawin” (2 Nephi 32:5). Binigyan ka ng iyong Ama sa Langit ng dalawang makapangyarihang kaloob na tutulong sa iyo: ang iyong kalayaang moral at ang kaloob na Espiritu Santo. May kakayahan kang piliing sundin ang patnubay ng Espiritu Santo. Mahalaga ang Kanyang patnubay sa pagtulong sa iyo na gumawa ng mabuti habang gumagamit ka ng teknolohiya. Poprotektahan ka nito laban sa masama.
Magtuon sa Iyong Layunin Bilang Misyonero
Sinabi ng Panginoon: “At kung ang inyong mata ay nakatuon sa aking kaluwalhatian, ang inyong buong katawan ay mapupuno ng liwanag, at walang magiging kadiliman sa inyo; at yaong katawan na puno ng liwanag ay nakauunawa sa lahat ng bagay” (Doktrina at mga Tipan 88:67). Ang ibig sabihin ng ituon ang iyong mata sa kaluwalhatian ng Diyos ay lubos kang magtuon sa layunin ng Diyos, na siya ring layunin mo bilang misyonero.
Ang paggamit mo ng teknolohiya ay dapat nakasentro sa iyong layunin. Buksan lamang ang iyong device kapag malinaw mo nang natukoy kung para sa anong layunin ng misyonero mo ito gagamitin. Pagkatapos ay isara ito kapag naisakatuparan mo na ang layuning iyon.
Mas malamang na makakita ka ng di-angkop na content sa internet kapag nagsu-surf ka sa web nang walang partikular na layunin sa isipan.
Maging Disiplinado
Isinulat ni Mormon: “Ako ay disipulo ni Jesucristo, ang Anak ng Diyos. Ako ay tinawag niya na ipahayag ang kanyang mga salita sa kanyang mga tao, upang magkaroon sila ng buhay na walang hanggan” (3 Nephi 5:13). Tulad ni Mormon, ikaw ay disipulo ni Cristo. Ang paglilingkod bilang misyonero ay isang espesyal na oportunidad na mapalalim pa ang iyong pagiging disipulo.
Ang mga salitang disipulo at disiplina ay parehong mula sa salitang ugat na ang ibig sabihin ay “mag-aaral.” Ang ibig sabihin ng pagiging disipulo ay sinisikap mong sundin Siya at sundin ang Kanyang mga kautusan. Ibig sabihin nito ay patuloy kang nag-aaral at nagtuturo tungkol kay Cristo.
Maging disiplinado at gumawa ng mabubuting pasiya kung paano ka gagamit ng teknolohiya. Piliing sundin ang mga pag-iingat. Kapag ikaw ay nakikipag-usap na kaharap ang mga tao, huwag tingnan ang mga mensahe o sagutin ang mga tawag sa telepono. Kontrolin ang paggamit mo ng mga device na ito. Huwag hayaang ang mga ito ang kumontrol sa iyo.
Ipinahayag ng Panginoon, “Siya na tumatanggap ng aking batas at ginagawa ito, siya ay aking tagasunod; at siya na nagsasabing tinanggap niya ito at hindi ito ginagawa, siya ay hindi aking tagasunod” (Doktrina at mga Tipan 41:5). Walang taong perpekto, pero inaasahan ng Panginoon ang patuloy at matiyagang pagsisikap na sundin Siya.
Ang magandang mensahe ng ebanghelyo ay mapapatawad tayo kapag tayo ay nagsisi—at nais ng Panginoon na huwag nating ipagpaliban ang ating pagsisisi (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 109:21). Kapag nagkamali ka, kabilang ang di-angkop na paggamit ng teknolohiya, kaagad na magsisi at magpatuloy na sikaping ipamuhay ang Kanyang batas. Bahagi ito ng pagiging disipulo ni Cristo.
Maging Isa
Sinabi ng Panginoon, “Maging isa; at kung hindi kayo isa kayo ay hindi sa akin” (Doktrina at mga Tipan 38:27). Tulungan ang inyong mission na magkaroon ng kultura ng pagkakaisa, pagtitiwala, pananagutan, at habag upang mapalakas at masuportahan ninyo ang isa’t isa.
Lahat ng misyonero ay dapat maging komportableng humingi ng tulong kapag kailangan. Ang misyonero na matatag sa Espiritu ay makatutulong sa isang nanghihina (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:106). Kung nadarama mong natutukso ka, humingi ng tulong sa iyong kompanyon o mission leader.
Halos lahat ng hamon na may kinalaman sa internet o sa pornograpiya ay nangyayari kapag nag-iisa ka. Gumamit lamang ng device kapag nakikita ninyo ang screen ng isa’t isa. Lakasan ninyo ang inyong loob at magkaroon ng pananagutan sa isa’t isa.
May tiwala ang panginoon sa bawat misyonero na Kanyang tinawag na maglingkod, at kabilang ka rito. Nagbigay Siya ng mga kompanyon at mga lider na tutulong sa pagprotekta at pagsuporta sa iyo. Tulad ng pagsuporta ni Alma sa kanyang kompanyon na si Amulek, sikapin ninyo na palakasin ang isa’t isa (tingnan sa Alma 15:18).
Ano ang Dapat Mong Gawin Kung Nadarama Mong Madali Kang Matangay o Mahina Ka?
Ang pagsunod sa apat na pag-iingat na ito ay nangangailangan ng pagsisikap, disiplina, at pagsasanay. Kahit naging likas na bahagi na ng pag-iisip at pagkilos mo ang mga pag-iingat na ito, darating pa rin ang mga pagkakataon na madarama mo na madali kang matangay sa tukso o mahina ka. Marahil ay hindi maganda ang nakaugalian mong gawain sa teknolohiya bago ka nagmisyon at mahirap na itong iwasan. Ang ilang misyonero ay nagkaroon ng problema sa pornograpiya bago sila tinawag na magmisyon at maaaring matuksong bumalik sa dating nakaugalian.
Ang mga alituntunin sa ibaba ay makatutulong sa iyo na masunod ang mga pag-iingat at mapalakas laban sa tukso:
-
Magkaroon ng kamalayan sa iyong mga naiisip, nadarama, at pag-uugali. Unawain kung paano ka nito mas matatangay sa maling paggamit ng teknolohiya.
-
Piliing kumilos. Tumugon sa mabubuti at makabuluhang mga paraan sa nadarama mo.
-
Matuto, magsisi, at mas magpakabuti. Gamitin ang iyong mga karanasan upang patuloy na matuto at mas magpakabuti.
Hindi mo kailangang daigin ang mga hamon nang mag-isa. Umasa sa lakas na dumarating sa pamamagitan Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas at sa mga tipan na ginawa mo sa Kanya. Alam ng Panginoon ang mga hamong kinakaharap mo, at tutulungan ka Niya sa dakilang gawaing ito.
Ang palaging pag-alaala sa Tagapagligtas ay makatutulong sa iyo na gamitin nang tama ang teknolohiya. Maging tapat sa tiwalang ibinigay Niya sa iyo. Magpasiya na “lumakad nang matwid sa kanyang harapan” (Alma 53:21; tingnan din sa talata 20). Ang pagpapasalamat sa lahat ng ginawa Niya at ng Ama sa Langit para sa iyo ay tutulong sa iyo na piliin ang tama habang ginagamit mo ang mga digital resource.
Ang iyong misyon ay isang magandang pagkakataon para matutuhang gamitin nang tama ang teknolohiya. Ang dedikasyon at mabubuting gawi na matututuhan mo sa iyong misyon ay mapapakinabangan mo habambuhay.
Isuot ang Baluti ng Diyos
Madaragdagan ang kakayahan mong umiwas sa tukso habang pinag-aaralan at ipinamumuhay mo ang mga turo sa mga banal na kasulatan, mga salita ng mga buhay na propeta, Mangaral ng Aking Ebanghelyo, Mga Pamantayan ng Missionary para sa mga Disipulo ni Jesucristo, at mga pag-iingat na inilarawan sa kabanatang ito.
Kapag isinuot mo ang “baluti ng Diyos,” mahihiwatigan mo ang katotohanan sa kamalian. Susuotan mo ang iyong paa ng “ebanghelyo ng kapayapaan.” Ang pagsusuot mo ng “baluti ng katuwiran” ang poprotekta sa iyo. Taglay ang “kalasag ng pananampalataya,” masusugpo mo ang nag-aapoy na mga palaso ng kalaban. Tataglayin mo ang “tabak ng [Kanyang] Espiritu” para maituro ang katotohanan nang may kapangyarihan at awtoridad. Mapatatatag ka laban sa mga makamundong impluwensya na maaaring maging dahilan para ikaw ay mapalayo at mahiwalay sa kabutihan. (Tingnan sa Efeso 6:10–18; tingnan din sa 1 Nephi 8:20, 30; 15:24–25; Helaman 3:29–30; Doktrina at mga Tipan 27:15–18; Joseph Smith—Mateo 1:37; 2 Timoteo 3:15–17.)
Mga Ideya sa Pag-aaral at Pagsasabuhay
Personal na Pag-aaral
-
Subukan ang sumusunod na mga mungkahi para pagbutihin pa ang iyong pag-aaral:
-
Basahin ang mga banal na kasulatan nang may isinasaisip na mga tanong at suliranin.
-
Ibahagi ang natutuhan mo sa ibang mga misyonero at sa mga tinuturuan ninyo. Ang pagpapaliwanag ng doktrina o alituntunin ay makatutulong sa iyo na maalala ito at maging mas malinaw ito sa iyo.
-
Mag-aral ayon sa paksa. Pagtuunan ng pansin ang mga paksang tutulong sa iyo at sa mga taong tinuturuan ninyo.
-
Tanungin ang iyong sarili, “Ano ang sinasabi ng may-akda? Ano ang pangunahing mensahe? Paano ito naaangkop sa akin? Paano kaya nito matulungan ang isang taong tinuturuan namin?”
-
Ilarawan sa iyong isipan o iguhit ang pinag-aaralan mo. Halimbawa, isipin kung ano kaya ang nadama ni Ammon nang tumayo siya sa harap ng hari ng mga Lamanita.
-
Isulat ang pangunahing ideya ng talata sa isang pangungusap o maikling talata.
-
Isaulo ang mga talata sa banal na kasulatan na nagpapaliwanag at sumusuporta sa mga alituntuning itinuturo ninyo.
-
-
Bigyan ng rating ang iyong sarili batay sa sumusunod (1=hindi kailanman, 3=paminsan-minsan, at 5=halos palagi).
-
Lumalakas ang aking pananampalataya at mas nakikilala ko ang Ama sa Langit at si Jesucristo.
-
Iniisip ko ang mga taong tinuturuan ko kapag ako’y nag-aaral.
-
Buong araw kong iniisip ang pinag-aralan ko sa umaga.
-
Sa aking pag-aaral, naiisip ko ang mga ideya na hindi ko naisip noon.
-
Itinatala ko ang mga espirituwal na impresyon at ideya sa tamang lugar.
-
Nananatili akong gising habang nag-aaral.
-
Inaasam ko ang personal na pag-aaral.
-
Inaasam ko ang pag-aaral naming magkompanyon.
Rebyuhin ang iyong mga sagot. Ano ang mahusay mong nagagawa? Paano ka mas bubuti pa? Magtakda ng isa o dalawang mithiin na magpapahusay sa kalidad ng iyong pag-aaral.
-
Pag-aaral ng Magkompanyon at Companion Exchange
-
Sabay na basahin ang ilan sa sumusunod na mga talata. Pag-usapan ang mga pagpapalang nagmumula sa pag-aaral ng salita ng Diyos. Aling mga talata ang higit na makatutulong sa inyong mga tinuturuan?
District Council, mga Zone Conference, at Mission Leadership Council
-
Hilingin sa mga misyonero na magsulat ng isa o dalawang tanong tungkol sa ebanghelyo mula sa kabanata 3. Ang mga tanong na ito ay maaaring personal nilang tanong o mula sa mga taong tinuturuan nila. Anyayahan ang mga misyonero na ibahagi ang kanilang mga tanong sa grupo. Sa bawat tanong, talakayin ang sumusunod:
-
Paaano mapagpapala ang buhay ng misyonero kapag nasagot ang tanong na ito?
-
Paano nito mapagpapala ang buhay ng mga tinuturuan niya?
-
Paano mahahanap ng misyonero ang sagot?
-
-
Hatiin sa ilang grupo ang mga misyonero, at bigyan ang bawat grupo ang isa sa apat na pag-iingat at kaugnay na mga talata sa banal na kasulatan. Anyayahan ang mga misyonero na ibahagi ang natutuhan nila at kung paano nakatulong sa kanila ang mga pag-iingat.
Mga Mission Leader at mga Mission Counselor
-
Paminsan-minsan ay samahan ang mga misyonero sa pag-aaral nilang magkompanyon.
-
Sa mga interbyu o pag-uusap, itanong ang ilan sa mga sumusunod:
-
Anong mga impresyon ang natanggap mo kamakailan sa pag-aaral mo ng banal na kasulatan?
-
Anong kabanata o bahagi ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo ang lubos na nakatulong sa iyo sa nakalipas na dalawang linggo? Paano ito nakatulong sa iyo?
-
Ano ang ginagawa mo sa iyong personal na pag-aaral na nakatutulong sa iyo na matuto?
-
-
Sa mga interbyu, isaalang-alang ang pagrerebyu ng mga pag-iingat sa paggamit ng teknolohiya at pagtatanong sa mga misyonero kung ano ang natututuhan nila habang ipinamumuhay nila ang mga ito.
-
Magbahagi ng mga kaisipan mula sa iyong personal na pag-aaral. Magbahagi ng mga tala mula sa iyong study journal at magpatotoo sa kahalagahan ng pag-aaral ng ebanghelyo.