“Kabanata 13: Makiisa sa mga Lider at Miyembro para Itatag ang Simbahan,” Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Pagbabahagi ng Ebanghelyo ni Jesucristo (2023)
“Kabanata 13,” Mangaral ng Aking Ebanghelyo
Kabanata 13
Makiisa sa mga Lider at Miyembro para Itatag ang Simbahan
Ang mga missionary ay nakikipagtulungan sa mga lokal na lider at miyembro para makahanap ng mga taong tuturuan at akayin ang mga taong ito sa Tagapagligtas. Nagkakaisa kayo sa inyong pagmamahal sa Diyos at sa Kanyang mga anak. Palalawakin Niya ang inyong mga pagsisikap hanggang sa makabuo kayo ng pagkakaisa sa mga lokal na lider at miyembro. Gawing mahalagang bahagi ng inyong mga mithiin at plano ang pakikipagtulungan sa kanila.
Habang kinikilala at minamahal ninyo ang mga lokal na lider at miyembro, makakakita kayo ng mga paraan kung paano sila masusuportahan sa kanilang mga calling at pagsisikap sa gawaing misyonero. Ialok ang inyong mga kaloob at talento para sila ay mapasigla at mapalakas.
Ipinapaliwanag ng kabanatang ito kung paano kayo maaaring makipagtulungan sa mga miyembro sa pagbabahagi ng ebanghelyo at pagpapalakas sa mga bago at nagbabalik na miyembro. Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang kabanata 23 ng Pangkalahatang Hanbuk.
Bumuo ng Magandang Ugnayan sa mga Lokal na Lider at Miyembro
Ang mga lokal na lider at miyembro ng Simbahan ay katuwang ninyo sa gawain ng Diyos. Bumuo ng magandang ugnayan sa kanila na tutulong sa inyo na magtulungan sa paghahatid ng ipinanumbalik na ebanghelyo sa mga anak ng Ama sa Langit. Pagpapalain ka ng mga ugnayang ito habambuhay.
Bumuo ng tiwala at tunay na pagkakaibigan sa mga lokal na lider at miyembro. Bisitahin sila at kilalanin ang kanilang mga pamilya, pinagmulan, interes, at karanasan sa Simbahan. Maging tunay na interesado sa kanilang buhay.
Bisitahin sila nang may layunin. Ipakita na sabik kayong maghanap at magturo ng mga tao. Igalang ang kanilang oras at iskedyul.
Kapag bumibisita o nagtuturo kayo ng ebanghelyo sa kanilang tahanan, hangaring palakasin ang kanilang pananampalataya. Mapanalanging hangaring makasama ang Espiritu. Ibahagi ang inyong mga karanasan sa gawaing misyonero sa inyong area.
Suportahan ang mga Lokal na Lider sa Kanilang mga Tungkulin
Ang ilang mga leadership calling ay mayroong responsibilidad sa gawaing misyonero. Ang pag-unawa sa mga responsibilidad na ito ay tutulong sa inyo na masuportahan ang mga lider na ito. Ang sumusunod na mga paliwanag ay mula sa kabanata 23 ng Pangkalahatang Hanbuk.
Stake president: Nagtataglay ng mga susi ng priesthood sa stake para sa pagbabahagi ng ebanghelyo at pagpapalakas ng mga bago at nagbabalik na miyembro. Siya at ang kanyang mga counselor ang namamahala sa mga pagsisikap na ito sa pangkalahatan.
Bishopric: Nakikipagtulungan sa elders quorum presidency at Relief Society presidency sa pamumuno sa mga pagsisikap ng ward sa pagbabahagi ng ebanghelyo at pagpapalakas ng mga bago at nagbabalik na miyembro.
Elders quorum presidency at Relief Society presidency: Namumuno sa pang-araw-araw na mga pagsisikap ng ward na ibahagi ang ebanghelyo at palakasin ang mga bago at nagbabalik na miyembro. Sila ay nagtutulungan na pamunuan ang mga pagsisikap na ito kasama ang ward council, sa pakikipagtulungan sa bishop. Tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 8.2.3 at 9.2.3.
Ward mission leader (kung may tinawag): Pinag-uugnay ang gawain ng mga miyembro at lider ng ward, mga ward missionary, at mga full-time missionary. Kung walang tinawag na ward mission leader, isang miyembro ng elders quorum presidency ang gaganap sa tungkuling ito. Tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 23.5.3.
Regular na itanong sa iyong sarili,“Ako ba ay isang pagpapala para sa mga lokal na lider?” Palaging isipin kung paano ka makatutulong.
Lingguhang mga Coordination Meeting
Ang pakikipag-ugnayan sa mga lokal na lider—pati na sa mga kabataang lider—ay mahalaga sa pagkakaisa ninyo sa gawaing misyonero. Kung may tinawag na ward mission leader, siya ang nangangasiwa sa lingguhang mga coordination meeting. Kung walang tinawag na ward mission leader, ang miyembro ng elders quorum presidency na gumaganap sa tungkuling ito ang siyang mangangasiwa sa miting.
Sa maikli at di-pormal na mga miting na ito, pinag-uugnay ninyo ng mga lokal na lider ang mga pagsisikap sa pagbabahagi ng ebanghelyo at pagpapalakas sa mga bago at nagbabalik na miyembro (tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 23.4). Ang mga miting ay maaaring idaos nang personal o online. Ang pakikipag-ugnayan ay maaari ding gawin sa iba pang paraan sa buong linggo, tulad ng pagtawag sa telepono, text, at email.
“Ang pagkakaroon ng pagkakaisa sa pagsisikap at pinagtutuunan kung saan ang mga plano at mithiin ng mga misyonero ay nakaayon sa mga plano at mithiin ng ward ay makatutulong nang malaki sa pagsasakatuparan ng gawain ng pagtitipon ng Israel” (Quentin L. Cook, “Purpose and Planning,” mission leadership seminar, Hunyo 25, 2019).
Maghanda para sa Lingguhang Coordination Meeting
Suportahan ang mga lider ng ward sa pamamagitan ng pagiging handa sa pagdalo sa lingguhang coordination meeting. Bago ang miting, maglaan ng oras sa pag-aaral ninyong magkompanyon para talakayin kung paano kayo epektibong makikibahagi.
Panatilihing updated ang inyong mga record sa Preach My Gospel app para makuha ng mga lider ang pinakabagong impormasyon tungkol sa mga taong tinuturuan ninyo. Maghandang magbigay ng report tungkol sa mga takdang-gawain mula sa nakaraang miting.
Makibahagi sa Lingguhang Coordination Meeting
Ang layunin ng lingguhang mga coordination meeting ay pagtuunan ng pansin ang mga pangangailangan ng mga indibiduwal. Sa miting na ito, magbigay ng mungkahi kung paano ninyo masusuportahan ang mga miyembro ng ward, pati na ang mga kabataan, sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga indibiduwal.
Karaniwang tinatalakay sa lingguhang coordination meeting ang sumusunod na apat na paksa:
Paano natin matutulungan ang mga taong tinuturuan? Mga paksang maaaring talakayin:
-
Sinu-sinong miyembro ang maaaring makibahagi sa mga lesson sa darating na linggo? Paano ninyo sila aanyayahang makibahagi?
-
Ano ang mga hamon sa mga taong tinuturuan? Paano makatutulong ang mga miyembro?
-
Anu-ano ang mga pangangailangan ng mga taong may naka-iskedyul na petsa ng binyag? Nakapagplano na ba para sa binyag? (Tingnan sa “Ang Serbisyo sa Binyag” sa kabanata 12.)
Paano natin matutulungan ang mga bagong binyag? Mga paksang maaaring talakayin:
-
Sinu-sino ang mga wala pang isang taong miyembro ng Simbahan na dumadalo sa sacrament meeting? Paano natin matutulungan ang mga hindi dumadalo?
-
Sinu-sino ang mga bagong miyembro na may mga kaibigan sa ward? Paano makatutulong ang mga ministering brother at ministering sister? Paano makatutulong ang mga korum at klase ng mga kabataan?
-
Sinu-sino ang mga bagong miyembro na may mga takdang-gawain o calling?
-
Paano natin matutulungan ang mga bagong miyembro na magsimulang magsaliksik tungkol sa kanilang mga yumaong ninuno upang maisagawa para sa mga ito ang mga ordenansa sa templo? Mayroon bang temple recommend ang mga bagong miyembro? Kung may malapit na templo, paano natin sila matutulungang makapunta sa templo at magsagawa ng mga ordenansa para sa mga ninunong ito?
-
Alin sa mga lesson sa kabanata 3 ang kailangan pang iturong muli? Paano makikibahagi ang mga miyembro?
-
Rebyuhin ang progreso sa Ang Aking Landas ng Tipan ng bawat bagong miyembro.
Paano natin matutulungan ang mga nagbabalik na miyembro? Mga paksang maaaring talakayin:
-
Sinu-sino ang mga miyembrong may kapamilya na hindi miyembro na maaaring bisitahin at turuan ng mga misyonero?
-
Sinu-sinong nagbabalik na miyembro ang maaaring bisitahin at turuan ng mga misyonero?
-
Sinu-sinong nagbabalik na miyembro ang may mga kaibigan sa ward at may angkop na pagkakataong maglingkod?
-
Paano natin matutulungan ang mga miyembrong ito?
Paano tayo makakahanap ng mas maraming taong tuturuan? Mga paksang maaaring talakayin:
-
Paano natin matutulungan ang mga indibiduwal, pati na ang mga kabataan, at mga pamilya na isabuhay ang mga alituntunin ng pagmamahal, pagbabahagi, at pag-aanyaya? (Tingnan sa “Makiisa sa mga Miyembro” sa kabanata 9.)
-
Paano natin matutulungan ang mga miyembro, pati na ang mga lider sa Primary, na anyayahan ang kanilang mga kaibigan sa mga aktibidad ng ward?
Suportahan ang Plano ng Ward sa Pagbabahagi ng Ebanghelyo
Ang ward council ay gumagawa ng isang simpleng plano sa pagbabahagi ng ebanghelyo (tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 23.5.6). Alamin ang planong ito. Sa lingguhang mga coordination meeting, maghanap ng mga paraan para matulungan ang mga lider na makamit ang kanilang mga mithiin. Regular na ipaalam sa mga lider ang tungkol sa mga ginagawa ninyo para masuportahan ang mga miyembro sa pagbabahagi ng ebanghelyo.
Kung inanyayahan kayo na dumalo sa ward council meeting, maghandang magbigay ng maikling update tungkol sa progreso ng mga tinuturuan ninyo at sa anumang takdang-gawain na natanggap ninyo (tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 29.2.5). Samantalahin ang pagkakataong ito para makuha ang kumpiyansa at tiwala ng mga lider ng ward.
Iakma ang Inyong mga Pagsisikap sa mga Pangangailangan ng Inyong Area
Kailangan ninyong umakma sa natatanging mga pangangailangan ng bawat ward o branch. Maaari kayong maglingkod sa isang maliit na branch o sa isang young single adult ward, o maaari kayong maglingkod sa mahigit sa isang ward. Ang ilang mga lider ay may maraming karanasan at ang iba naman ay kakaunti lang ang karanasan. Ang ilang mga lider ay mas maraming oras kaysa sa iba.
Maghanap ng mga paraan para makatulong sa mga lokal na lider. Maaari nila kayong hilingan na tumulong na suportahan ang mga miyembro sa kanilang mga ministering assignment. Maaari nila kayong hilingan na hikayatin ang mga bagong miyembro na anyayahan ang kanilang mga kaibigan na magsimba. Maaari kayong makapagbigay ng makabuluhang mga ideya tungkol sa gawaing misyonero habang inaaral ng mga lider at miyembro ang mga paraan sa pagbabahagi ng ebanghelyo.
Sa mga lugar kung saan bago pa lamang ang Simbahan, maaaring hilingin sa inyo ng mga lider ng branch na tulungan ang mga bagong miyembro na maunawaan kung paano inorganisa ng Panginoon ang Kanyang Simbahan.
Ang inyong paglilingkod kasama ng mga lider ay maaaring magkakaiba sa iba’t ibang lugar, pero ang lahat ng mga aktibidad na ito ay mahalaga sa pagpapala ng mga indibiduwal at pagtatatag ng Simbahan ng Panginoon.
Tulungan ang mga Miyembro at Lider na Magmahal, Magbahagi, at Mag-anyaya
Hikayatin ang mga miyembro na ibahagi ang ebanghelyo sa normal at natural na mga paraan. Ang Pangkalahatang Hanbuk ay nagbibigay ng tagubilin at mga video na tutulong sa mga miyembro at lider na magawa ito sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng mga alituntunin ng pagmamahal, pagbabahagi, at pag-aanyaya (tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 23.1.1, 23.1.2, at 23.1.3). Palaging isaisip ang mga alituntuning ito habang kayo ay naglilingkod kasama ng mga lider.
Kayo ay magiging pagpapala sa mga lider kapag sinuportahan ninyo ang kanilang mga pagsisikap sa gawaing ito. Ang kanilang halimbawa naman ay tutulong sa mga miyembro na mas makilahok sa pagbabahagi ng ebanghelyo at pagpapalakas sa mga bago at nagbabalik na miyembro.
Tingnan ang “Makiisa sa mga Miyembro” sa kabanata 9 para sa mga ideya tungkol sa pagsuporta sa mga miyembro sa kanilang mga pagsisikap na ibahagi ang ebanghelyo.
Suportahan ang mga Lokal na Lider sa Pagpapalakas sa mga Bagong Miyembro
Kapag ang mga tao ay nabinyagan at nakumpirma, sila ay nagiging “mga kapwa mamamayan ng mga banal at mga kaanib ng sambahayan ng Diyos” (Efeso 2:19; tingnan din sa 1 Corinto 12:12–27). Makipagtulungan sa mga lokal na lider sa pagtulong sa mga bagong miyembro na “mapangalagaan ng mabuting salita ng Diyos, upang mapanatili sila sa tamang daan, … umaasa lamang sa mga gantimpala ni Cristo” (Moroni 6:4).
“Ang mga bagong miyembro ay dumarating sa Simbahan nang may sigla sa mga bagay na natagpuan nila. Dapat nating palaguin ang siglang iyan. … Maaaring ipakilala ng mga misyonero ang mga taong tinuturuan nila at mga bagong miyembro sa matatapat na miyembro na kakaibigan, makikinig, gagabay, at malugod silang tatanggapin sa simbahan bago pa man sila mabinyagan. … Habang tayo ay [nagmiminister] sa mga tutungo sa tubig ng binyag, makikita natin ang mas marami pang anak ng Diyos na magtitiis hanggang wakas at tatanggap ng buhay na walang hanggan (Ulisses S. Soares, “Convert Retention,” mission leadership seminar, Hunyo 25, 2018).
Tulungan ang mga Bagong Miyembro na Dumalo sa Sacrament Meeting
Mayroon kayong mahalagang tungkulin na tulungan ang mga bagong miyembro na magsimba. Makipagtulungan sa mga lider para matiyak na matutulungan ninyo o ng mga miyembro ng ward na makapagsimba ang mga bagong miyembro. Ang key indicator na nagpapakita kung dumalo sa sacrament meeting ang isang bagong miyembro ay tutulong sa inyo at sa mga lider ng ward na malaman kung kailangan niya ng karagdagang paghihikayat.
Ang mga bagong miyembro ay malamang na magpatuloy na dumalo sa sacrament meeting at tumanggap ng sakramento kapag mayroon silang mga kaibigan sa ward. Tulungan silang madama na sila ay kabilang, lalo na sa unang taon nila sa ebanghelyo. (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:106, 108.)
Muling Ituro ang mga Lesson sa Kabanata 3
Tulungan ang mga bagong miyembro na patuloy na palakasin ang kanilang pananampalataya sa Tagapagligtas na si Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo. Ang mga katotohanan at alituntunin ng ebanghelyo ay nagiging mas matibay na bahagi ng buhay ng mga bagong miyembro habang patuloy silang natututo sa pamamagitan ng Espiritu.
Pagkatapos ng kumpirmasyon, muling ituro ang mga lesson ng misyonero. Kayo ang mangunguna sa pagtuturong ito. Gayunman, makipag-ugnayan sa mga lider ng ward upang makabahagi sa pagtuturong ito ang mga ward missionary o iba pang miyembro. Ang muling pagtuturo ng mga lesson sa kabanata 3 ay mahalagang paraan para matulungan ang mga bagong miyembro na “mapangalagaan ng mabuting salita ng Diyos” (Moroni 6:4). Habang kayo ay nagtuturo, hikayatin ang mga bagong miyembro na tuparin ang mga pangako sa mga lesson.
Magbasa ng mga banal na kasulatan kasama ng mga bagong miyembro, lalo na ang Aklat ni Mormon, at magturo ng mga alituntunin ng ebanghelyo. Tulungan silang ibahagi ang ebanghelyo sa kanilang mga kaibigan at kapamilya. Ang bawat bagong miyembro ay may partikular na mga pangangailangan, at matutulungan ninyo sila na madamang may nagmamahal sa kanila at sila ay malugod na tinatanggap.
Report ng Pag-unlad sa Landas ng Tipan at Ang Aking Landas ng Tipan
Tulad ninyo, ang mga lokal na lider ay mayroong mga materyal para sa kanilang mga pagsisikap sa gawaing misyonero. Ang isa sa mga ito ay ang report ng Pag-unlad sa Landas ng Tipan, na makikita sa Member Tool app o sa Leader and Clerk Resources. Ang report na ito ay tumutulong sa mga lokal na lider na makita ang mahahalagang karanasan na kailangan ng isang tao para magpatuloy sa pag-unlad sa landas ng tipan bago at pagkatapos ng binyag.
Ang Aking Landas ng Tipan ay isang materyal na tutulong sa mga miyembro na “[manatiling] nakaangkla sa [kanilang] pananampalataya kay Jesucristo at maging komportable sa Simbahan” (Ang Aking Landas ng Tipan, iv). Ipinaaalam nito sa mga bagong miyembro ang mga aktibidad at oportunidad, tulad ng family history at pagtulong sa mga yumaong ninuno na matanggap ang mga sagradong ordenansa sa templo. Hikayatin ang mga lokal na miyembro na gabayan ang mga bagong miyembro sa mga karanasang ito. Magbigay ng tulong kapag hiningi ito sa inyo.
Suportahan ang mga Lokal na Lider sa Pagpapalakas sa mga Nagbabalik na Miyembro
Pinipili ng ilang miyembro na tumigil sa pakikibahagi sa Simbahan. Sinisikap ng mga lokal na lider at iba pang miyembro na makabuo ng matibay na ugnayan sa kanila at matulungan sila. Sinabi ng Tagapagligtas:
“Sa mga yaon kayo ay patuloy na maglilingkod; sapagkat hindi ninyo alam kung sila ay magbabalik at magsisisi, at lalapit sa akin nang may buong layunin ng puso, at pagagalingin ko sila; at kayo ang magiging daan ng pagdadala ng kaligtasan sa kanila” (3 Nephi 18:32).
Maaaring hilingin sa inyo ng mga lokal na lider na tulungan ang mga nagbabalik na miyembro na patatagin ang kanilang pananampalataya. Ang mga takdang-gawaing ito ay karaniwang sa mga pamilya na hindi lahat ay miyembro. Mapanalanging isaalang-alang kung paano ninyo maaanyayahan ang Espiritu sa tahanan ng mga nagbabalik na miyembro habang itinuturo ninyo sa kanila ang mga alituntunin ng ebanghelyo at inaanyayahan ninyo silang kumilos. Magpakita ng pagdamay at pagkahabag sa kanilang mga alalahanin.
Kung pinapayagan ng sitwasyon, ituro ang ebanghelyo sa mga taong nasa tahanan ng nagbabalik na miyembro na hindi pa nabibinyagan. Ang inyong pagmamahal at suporta ay makatutulong sa kanila na mapalalim ang kanilang pananampalataya kay Cristo at madagdagan ang kanilang hangaring gumawa at tumupad ng mga tipan.
Makipagtulungan sa mga lokal na lider kapag naglilingkod kayo sa mga nagbabalik na miyembro. Ang mga pagsisikap na ito ay magkakaroon ng nagtatagal na epekto sa mga indibiduwal at sa lokal na kongregasyon.
Mga Ideya sa Pag-aaral at Pagsasabuhay
Personal na Pag-aaral
-
Gamitin ang Preach My Gospel app para gumawa ng mga plano na makausap ang mga bago at kababalik lang na miyembro na binabago ang kanilang buhay at nagsisimba. Ano ang nakatulong sa kanila nang lubos? Sa iyong study journal, isulat ang naisip mo tungkol sa kanilang karanasan. Ano ang natutuhan mo na makatutulong sa iyo na mapaglingkuran ang mga tinuturuan ninyo?
-
Pag-aralan ang 2 Nephi 31:18–20, Alma 26:1–7, Alma 32:32–43, at Moroni 6. Isulat ang natutuhan mo mula sa mga talatang ito tungkol sa pagpapalakas sa mga bagong miyembro.
Pag-aaral ng Magkompanyon at Companion Exchange
-
Basahin at talakayin ang kabanata 23 sa Pangkalahatang Hanbuk. Paano ninyo masusuportahan ang mga lokal na lider sa kanilang mga responsibilidad?
-
Sa lingguhang mga coordination meeting, tanungin ang mga lider ng ward kung may mga nagbabalik na miyembro sa inyong area na nais nilang bisitahin ninyo ngayong linggo. Sa pagbisita ninyo sa kanila, hangaring palakasin ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo.
-
Tukuyin ang lahat ng mga nabinyagan at nakumpirma sa nakalipas na isang taon. Rebyuhin ang mga record ng isa sa mga ito at talakayin kung paano kayo makikipagtulungan sa mga lider sa susunod na lingguhang mga coordination meeting para matulungan ang taong ito. Itala ang inyong mga natutuhan at mga mungkahi sa Preach My Gospel app. Ulitin ito para sa lahat ng bagong miyembro sa inyong area.
District Council, mga Zone Conference, at Mission Leadership Council
-
Anyayahan ang isang bishop o iba pang lider ng ward na magsalita tungkol sa pagpapalakas ng mga bago at nagbabalik na miyembro. Hilingin sa taong ito na bigyang-diin kung paano makatutulong ang mga misyonero.
-
Talakayin ang mga talinghaga ng nawawalang tupa, nawawalang piraso ng pilak, at ang alibughang anak (tingnan sa Lucas 15). Anyayahan ang mga misyonero na ibahagi ang natutuhan nila at kung paano ito naaangkop sa gawaing misyonero.
Mga Mission Leader at mga Mission Counselor
-
Makipagtulungan sa mga lokal na lider para mahikayat silang tulungan ang mga bagong miyembro na:
-
Maordenan sa isang katungkulan sa priesthood (para sa mga lalaki sa angkop na edad).
-
Mabigyan ng mga ministering brother (at mga ministering sister para sa kababaihan).
-
Makatanggap ng temple recommend para mabinyagan sa templo para sa kanilang mga yumaong ninuno.
-
Maihanda ang pangalan ng isang yumaong ninuno na dadalhin sa templo.
-
Makatanggap ng isang takdang-gawain o calling na maglingkod sa kanilang ward o branch.
-
-
Sa pakikipagtulungan sa stake president, turuan ang mga lokal na lider kung paano magdaos ng epektibong lingguhang mga coordination meeting.
-
Paminsan-minsang mag-follow up sa mga bagong miyembro para malaman kung kumusta sila at kung paano makatutulong ang mga misyonero at mga miyembro.
-
Anyayahan ang mga bagong miyembro na makipag-usap sa mga misyonero at ibahagi ang kanilang mga karanasan sa Simbahan.