“Kabanata 5: Gamitin ang Kapangyarihan ng Aklat ni Mormon,” Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Pagbabahagi ng Ebanghelyo ni Jesucristo (2023)
“Kabanata 5,” Mangaral ng Aking Ebanghelyo
Kabanata 5
Gamitin ang Kapangyarihan ng Aklat ni Mormon
Ang Aklat ni Mormon, kasama ang Espiritu, ang pinakamabisa mong kasangkapan sa pagbabalik-loob. Ang aklat na ito ay isang sinauna at sagradong talaan na isinulat para hikayatin ang lahat ng tao na si Jesus ang Cristo (tingnan sa pahina ng Pamagat ng Aklat ni Mormon). Tulad ng pangalawang pamagat nito, ang Aklat ni Mormon ay “isa pang tipan ni Jesucristo.” Ito ay isang matibay na katibayan na tinawag ng Diyos si Joseph Smith na maging isang propeta at sa pamamagitan niya ay ipanumbalik ang ebanghelyo ni Jesucristo.
Ang Aklat ni Mormon ay ang Saligang Bato ng Ating Relihiyon
Itinuro ni Propetang Joseph Smith na ang Aklat ni Mormon “ang saligang bato ng ating relihiyon” (pambungad sa Aklat ni Mormon). Sa isa pang pagkakataon, sinabi niya na: “Alisin ninyo ang Aklat ni Mormon at ang mga paghahayag, at nasaan ang ating relihiyon? Wala” (Mga Turo ng ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith 2007, 227).
Ang arko ay isang matatag na arkitektural na istrukturang yari sa tabas-palakol na mga piraso na nakahilig sa isa’t isa. Ang gitnang piraso, o ang saligang bato, ay karaniwang mas malaki kaysa sa ibang piraso at pinatatatag nito ang kinalalagyan ng iba pang mga bato.
Sinabi ni Pangulong Ezra Taft Benson na ang Aklat ni Mormon ang saligang bato ng ating relihiyon sa tatlong kadahilanan:
Saksi ni Cristo. “Ang Aklat ni Mormon ay ang saligang bato sa ating patotoo kay Jesucristo, na Siya Mismong batong panulok ng lahat ng ginagawa natin. Pinatototohanan nito ang Kanyang katunayan nang may kapangyarihan at kalinawan.”
Kabuuan ng doktrina. “Ipinahayag mismo ng Panginoon na ang Aklat ni Mormon ay naglalaman ng ‘kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo’ [Doktrina at mga Tipan 20:9; 27:5]. … Makikita natin sa Aklat ni Mormon ang kabuuan ng mga doktrinang iyon na kailangan sa ating kaligtasan. At ang mga ito ay itinuturo nang malinaw at simple nang sa gayon matutuhan maging ng mga bata ang paraan ng kaligtasan at kadakilaan.”
Saligan ng patotoo. “Tulad ng arko na babagsak kung aalisin ang saligang bato, gayon din naman na ang buong Simbahan ay tatayo o babagsak [na kasama ng] katotohanan ng Aklat ni Mormon. … Kung totoo ang Aklat ni Mormon … kailangang tanggapin ng tao ang mga pahayag ng Panunumbalik.” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Ezra Taft Benson [2014], 151, 153, 150.)
Sa pamamagitan ng pagkakaroon ng patotoo na ang Aklat ni Mormon ay salita ng Diyos, malalaman natin na si Joseph Smith ay isang propeta. Sa pamamagitan niya, ipinanumbalik ng mga sugo ng langit ang awtoridad ng priesthood ng Diyos. Binigyan ng Diyos si Joseph ng awtoridad na iorganisa ang Simbahan ni Jesucristo. Nagpapatuloy ang paghahayag sa ating panahon sa pamamagitan ng mga buhay na propeta.
Ang Aklat ni Mormon ay Mahalaga sa Personal na Pagbabalik-loob
Ang isang mahalagang bahagi ng pagbabalik-loob ay ang pagtanggap ng pagtotoo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo na ang Aklat ni Mormon ay totoo. Kapag taos-puso mo itong binasa at pinag-aralan, madarama mo na pinalalakas nito ang iyong kaluluwa. Ang mga salita nito ay magbibigay-liwanag sa iyong pananaw sa buhay, sa plano ng Diyos, at kay Jesucristo (tingnan sa Alma 32:28). Manalangin tungkol sa aklat nang may tunay na layunin at pananampalataya kay Cristo. Kapag ginawa mo ito, ikaw ay makatatanggap ng patotoo sa pamamagitan ng Espiritu Santo na ito ay salita ng Diyos (tingnan sa Moroni 10:4–5).
Ang iyong sariling patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon ay maaaring humantong sa matibay at matatag na pananampalataya sa kapangyarihan nito na tulungan ang iba na magbalik-loob. Tulungan ang mga taong tinuturuan ninyo na matukoy ang kaliwanagan na nadarama nila habang taos-puso nila itong binabasa. Bigyang-diin ang makapangyarihang pagsaksi nito kay Jesucristo. Hikayatin sila na manalangin para makatanggap sila ng sarili nilang patotoo na ang aklat na ito ay totoo.
Ang paghikayat sa mga tao na hangaring makatanggap ng pagsaksi mula sa Espiritu Santo tungkol sa Aklat ni Mormon ay dapat isa sa mga layunin ng inyong pagtuturo. Mababago ng Aklat ni Mormon ang kanilang buhay magpakailanman.
Gamitin ang Aklat ni Mormon para Ituro ang Ebanghelyo ni Jesucristo
Sinabi ni Propetang Joseph Smith na “ang Aklat ni Mormon ang pinakatumpak sa anumang aklat sa mundo” (pambungad sa Aklat ni Mormon). Pinatototohanan nito si Cristo at malinaw na itinuturo ang Kanyang doktrina (tingnan sa 2 Nephi 31; 32:1–6; 3 Nephi 11:31–39; 27:13–22). Itinuturo nito ang kabuuan ng Kanyang ebanghelyo. Ang mga pangunahing alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo na itinuturo sa Aklat ni Mormon ang daan patungo sa masaganang buhay.
Gamitin ang Aklat ni Mormon bilang pangunahin ninyong sanggunian sa pagtuturo ng ipinanumbalik na ebanghelyo. Nakalista sa sumusunod na chart ang ilang katotohanan sa Aklat ni Mormon na inyong ituturo.
Lesson ng Misyonero sa Kabanata 3 |
Doktrina |
Mga Reperensya |
---|---|---|
Lesson ng Misyonero sa Kabanata 3 Ang Mensahe ng Pagpapanumbalik ng Ebanghelyo ni Jesucristo | Doktrina Ang katangian ng Diyos, ang ministeryo at Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, pagtalikod, Pagpapanumbalik, Joseph Smith, awtoridad ng priesthood | Mga Reperensya |
Lesson ng Misyonero sa Kabanata 3 Ang Plano ng Kaligtasan ng Ama sa Langit | Doktrina Ang “dakilang plano ng Diyos na Walang Hanggan,” kabilang ang Pagkahulog nina Adan at Eva, ang Pagbabayad-sala ni Jesucriesto, ang Pagkabuhay na Mag-uli, at ang Paghuhukom | Mga Reperensya |
Lesson ng Misyonero sa Kabanata 3 Ang Ebanghelyo ni Jesucristo | Doktrina Pananampalataya kay Cristo, pagsisisi, binyag, ang kaloob na Espiritu Santo, at pagtitiis hanggang wakas | Mga Reperensya |
Lesson ng Misyonero sa Kabanata 3 Pagiging mga Disipulo ni Jesucristo Habambuhay | Doktrina Mga ordenansa tulad ng binyag, kumpirmasyon, ordenasyon sa priesthood, at ang sakramento | Mga Reperensya |
Ang Aklat ni Mormon ay Nagpapatotoo kay Cristo
Ang pangunahing layunin ng Aklat ni Mormon ay magpatotoo kay Jesucristo. Pinagtitibay nito ang katotohanan ng Kanyang buhay, misyon, pagkabuhay na mag-uli, at kapangyarihan. Itinuturo nito ang totoong doktrina tungkol kay Cristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala.
Ang ilang propeta na ang mga isinulat ay naingatan sa Aklat ni Mormon ay personal na nakita si Cristo. Nakita ng kapatid ni Jared, ni Nephi, at ni Jacob ang premortal na Cristo. Maraming tao ang naroon noong magministeryo ang Tagapagligtas sa mga Nephita (tingnan sa 3 Nephi 11–28). Kalaunan ay nakita nina Mormon at Moroni ang nabuhay na mag-uling Cristo (tingnan sa Mormon 1:15; Eter 12:39).
Kapag binasa at nanalangin ang mga tao tungkol sa Aklat ni Mormon, mas makikilala nila ang Tagapagligtas at madarama nila ang Kanyang pagmamahal. Titibay ang kanilang patotoo sa Kanya. Malalaman nila kung paano lumapit sa Kanya at maligtas. (Tingnan sa 1 Nephi 15:14–15.)
“Ang Aklat ni Mormon ay nagbibigay ng ganap at lubos na mapaniniwalaang kaalaman tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo na matatagpuan [saan man]. Itinuturo nito kung ano ang tunay na kahulugan ng ipanganak na muli. … Alam natin kung bakit tayo narito sa lupa. Ito at ang iba pang mga katotohanan ay mas mabisa at nakahihikayat na itinuro sa Aklat ni Mormon kaysa alinmang aklat. Ang buong kapangyarihan ng ebanghelyo ni Jesucristo ay nasa Aklat ni Mormon” (Russell M. Nelson, “Ang Aklat ni Mormon: Ano Kaya ang Buhay Ninyo Kung Wala Ito?” Liahona, Nob. 2017, 62).
Personal na Pag-aaral o Pag-aaral ng Magkompanyon
Ang Aklat ni Mormon ay isinulat para “sa ikahihikayat ng [lahat ng tao] na si Jesus ang Cristo” (pahina ng pamagat ng Aklat ni Mormon). Nakalista sa ibaba ang ilan sa mga kabanata ng Aklat ni Mormon na nagpapatotoo sa buhay, mga turo, at ministeryo ni Jesucristo. Pumili ng mga kabanatang babasahin mo sa kabuuan ng iyong misyon.
Bukod pa rito, isipin ang mga pangangailangan ng mga taong tinuturuan ninyo. Gumawa ng mga plano na basahin kasama nila ang ilan sa mga kabanata para mapalawak ang kanilang kaalaman at mapalakas ang kanilang patotoo sa Tagapagligtas.
Pahina ng pamagat at pambungad |
Ipaliwanag nang mabuti ang layunin ng aklat. |
Sina Lehi at Nephi ay nagpatotoo tungkol sa Tagapagligtas. | |
Sina Lehi at Jacob ay nagpatotoo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala. | |
Itinuro ni Nephi ang doktrina ni Cristo. | |
Nagpatotoo si Haring Benjamin tungkol kay Cristo. | |
Nagpatotoo si Alma tungkol sa Tagapagligtas. | |
Naranasan ni Alma ang nagbabayad-salang kapangyarihan ni Cristo. | |
Inanyayahan ng Tagapagligtas ang mga tao na lumapit sa Kanya. | |
Itinuro ng Tagapagligtas sa mga Nephita ang tungkol sa Ama at sa Kanyang doktrina. | |
Itinuro ng Tagapagligtas ang Kanyang ebanghelyo. | |
Itinuro nina Eter at Moroni na ang pananampalataya kay Jesucristo ay isang alituntunin ng pagkilos at kapangyarihan. | |
Itinuro ni Moroni ang tungkol sa dalisay na pag-ibig ni Cristo at Kanyang Pagbabayad-sala. | |
Inanyayahan ni Moroni ang lahat na lumapit kay Cristo at maging ganap sa Kanya. |
Tinutulungan Tayo ng Aklat ni Mormon na Mapalapit sa Diyos
Tungkol sa Aklat ni Mormon, sinabi ni Propetang Joseph Smith na “ang isang tao ay malalapit sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tuntunin nito, nang higit kaysa sa pamamagitan ng alin mang aklat” (pambungad sa Aklat ni Mormon). Sa pamamagitan ng patuloy na pagtuturo at pag-anyaya sa mga tao na ipamuhay ang mga alituntuning nasa Aklat ni Mormon, matutulungan mo silang magkaroon ng pananampalataya kay Jesucristo at lalong mapalapit sa Diyos.
Ang Aklat ni Mormon ay tumutulong sa isang tao na magkaroon ng patotoo at makatanggap ng personal na paghahayag. Gamitin ang Aklat ni Mormon para tulungan ang mga tao na magkaroon ng mga espirituwal na karanasan, lalo na ng pagsaksi mula sa Espiritu Santo na ang mismong aklat ay salita ng Diyos.
Bigyan ng prayoridad sa iyong pagtuturo ang mga talata mula sa Aklat ni Mormon. Ang mga ito ay mayroong kapangyarihang magpabalik-loob sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Kapag nagtuturo ka ng ebanghelyo gamit ang Aklat ni Mormon, ang iyong pagtuturo ay aantig sa puso’t isipan ng mga tao.
Itinuro ni Pangulong Gordon B. Hinckley na “ang mga taong mapanalanging binasa [ang Aklat ni Mormon], mayaman man sila o mahirap, may pinag-aralan o wala, ay umunlad sa ilalim ng kapangyarihan nito.” Itinuro pa niya:
“Walang pag-aalinlangan kong ipinapangako sa inyo na kung mapanalangin ninyong babasahin ang Aklat ni Mormon, kahit ilang beses na ninyo ito nabasa, higit ninyong madarama sa inyong mga puso ang Espiritu ng Panginoon. Lalong magiging matibay ang inyong desisyon na sundin ang kanyang mga kautusan, at lalong lalakas ang inyong patotoo tungkol sa katotohanan na buhay ang Anak ng Diyos” (“The Power of the Book of Mormon,” Ensign, Hunyo 1988, 6).
Sinasagot ng Aklat ni Mormon ang mga Tanong ng Kaluluwa
Ang pagbabasa ng Aklat ni Mormon nang may patnubay ng Espiritu ay tutulong sa mga tao na makahanap ng mga sagot o inspirasyon para sa kanilang mga personal na tanong—o sa mga tanong ng kaluluwa. Tulungan ang mga tao na makita kung paano sinasagot ng Aklat ni Mormon ang mga tanong tungkol sa buhay.
Ang ilan sa mga tanong na ito ay nakalista sa ibaba, pati na ang mga sagot mula sa Aklat ni Mormon.
-
Mayroon bang Diyos? Sino ang Diyos? (Mosias 4:9; Alma 18:24–40; 22:4–23; 30:44)
-
Kilala ba ako ng Diyos at may malasakit ba Siya sa akin? Paano ko madarama ang Kanyang pagmamahal? Paano ko madarama na malapit ako sa Kanya? (2 Nephi 26:24; Mosias 4:9–12; Enos 1:1–12; Alma 18:32; Moroni 10:32–33)
-
Ano ang layunin ng buhay? (2 Nephi 2:25; Alma 34:32)
-
Bakit mahirap kung minsan ang buhay? Paano ako makakahanap ng lakas sa mahihirap na panahong ito? (1 Nephi 17:3; 2 Nephi 4:20–21; Alma 36:3; Eter 12:27)
-
Paano ako makakahanap ng kapayapaan sa panahon ng kaguluhan? (Mosias 24:13–15; Helaman 5:47)
-
Paano ako magiging mas masaya? (Mosias 2:41; Alma 22:15–16)
-
Paano ako magiging mas mabuting tao? (Mosias 26:30–31; Alma 5:12–13; 7:23–24; Eter 12:27)
-
Paano ko madarama ang pagpapatawad ng Diyos? (Enos 1:2–8; Alma 36:17–21)
-
Ano ang mangyayari sa akin kapag namatay ako? (2 Nephi 9:3–6, 11–13; Alma 11:42–44; 40:11)
Ang Aklat ni Mormon ay nagbibigay rin ng patnubay tungkol sa iba pang mahahalagang tanong, tulad ng:
-
Paano ako makatutulong sa espirituwal na kapakanan ng aking pamilya? (1 Nephi 1:1; 8:36–38; Mosias 2:5–6; 4:14–15; 3 Nephi 18:21)
-
Paano ko matutulungan ang aking mga anak na magkaroon ng lakas na labanan ang tukso? (1 Nephi 15:23–25; Helaman 5:12; 3 Nephi 18:15, 18–21, 24–25)
-
Paano makatutulong sa akin na magkaroon ng masaya at masaganang buhay ang pagsunod sa mga kautusan ng Diyos? (2 Nephi 2:25–28; 4:35; Mosias 2:41; 4 Nephi 1:15–18)
“Dapat malaman ng mga misyonero kung paano gamitin ang Aklat ni Mormon para masagot ang kanilang sariling mga tanong, nang sa gayon ay mabisa nila itong magagamit sa pagtulong sa iba na gawin din ito. … Dapat nilang isapuso ang kapangyarihan ng Aklat ni Mormon sa pagtuturo ng ipinanumbalik na ebanghelyo, una sa personal na pagsasabuhay nito at pagkatapos ay sa pagbabahagi nito sa kanilang mga tinuturuan” (Dallin H. Oaks, “Counsel for Mission Leaders,” seminar para sa mga bagong mission leader, Hunyo 25, 2022).
Sinusuportahan ng Aklat ni Mormon at ng Biblia ang Isa’t Isa
Sinabi ng Panginoon na “[ituro ang] mga alituntunin ng aking ebanghelyo, na nasa Biblia at Aklat ni Mormon, na kung saan ang kabuuan ng ebanghelyo” (Doktrina at mga Tipan 42:12). Ang mga Banal sa mga Huling Araw ay “Naniniwala … na ang Biblia ay salita ng Diyos hangga’t ito ay nasasalin nang wasto” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:8; tingnan din sa 1 Nephi 13:29). Ang Biblia ay isang banal na kasulatan. Ang Aklat ni Mormon ay isa pang banal na kasulatan na katulad ng Biblia na naglalaman ng kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo.
Sinusuportahan at pinagtitibay ng Biblia at ng Aklat ni Mormon ang isa’t isa (tingnan sa Ezekiel 37:16–17; 1 Nephi 13:40; Mormon 7:8–9). Ang dalawang aklat na ito ng mga banal na kasulatan ay kapwa tinipong mga turo na itinala ng mga sinaunang propeta. Nakatala sa Biblia ang pakikipag-ugnayan ng Diyos sa mga tao sa Silangang Hating-Globo sa loob ng libu-libong taon. Nakatala naman sa Aklat ni Mormon ang pakikipag-ugnayan ng Diyos sa mga tao sa lupain ng sinaunang Amerika sa loob ng mahigit isang libong taon.
Ang pinakamahalaga ay nagtutulungan ang Biblia at Aklat ni Mormon sa pagpapatotoo kay Jesucristo. Pinatutunayan ng Biblia ang tala tungkol sa kapanganakan, ministeryo sa lupa, at Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas—pati na ang kanyang kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli. Ang Aklat ni Mormon ay naglalaman ng mga propesiya tungkol sa kapanganakan at misyon ng Tagapagligtas, mga turo tungkol sa Kanyang Pagbabayad-sala, at tala tungkol sa Kanyang ministeryo sa lupain ng Amerika. Pinagtitibay at pinapalawak ng Aklat ni Mormon ang patotoo ng Biblia na si Jesus ang Bugtong na Anak ng Diyos at ang Tagapagligtas ng mundo.
Ang Biblia at ang Aklat ni Mormon ay kapwa nagtuturo ng batas ng mga pagsaksi: “Anumang [salita] ay dapat pagtibayin ng dalawa o tatlong saksi” (2 Corinto 13:1; tingnan din sa 2 Nephi 11:2–3). Nang naaayon sa batas na ito, ang dalawang banal na kasulatan na ito ay nagpapatotoo kay Jesucristo (tingnan sa 2 Nephi 29:8).
Tulungan ang mga Tao na Basahin at Maunawaan ang Aklat ni Mormon
Ang mga hindi nagbabasa o hindi nauunawaan ang Aklat ni Mormon ay mahihirapang tumanggap ng patotoo na ito ay totoo. Matutulungan ninyo sila na maunawaan ang aklat sa pamamagitan ng pagbabasa kasama nila. Magbasa habang kayo ay nagtuturo, sa mga follow-up na pagbisita, o sa pamamagitan ng teknolohiya. Maaari din ninyong hilingin sa mga miyembro na samahan sila sa pagbabasa. Ang panonood ng isang video ng Aklat ni Mormon at pagkatapos ay pagbabasa ng kaugnay na mga kabanata ay maaaring makatulong nang malaki.
Magdasal at humingi ng tulong habang pumipili kayo ng mga talata na tutugon sa mga alalahanin at pangangailangan ng mga tao. Basahin at talakayin ang maiikling bahagi, tulad ng 1 Nephi 3:7 o Mosias 2:17. Basahin at talakayin din ang mas mahahabang bahagi o buong kabanata, tulad ng 2 Nephi 31, Alma 7, o 3 Nephi 18. Hikayatin ang mga tao na basahin ang Aklat ni Mormon mula sa umpisa, kabilang ang mga patotoo ng Tatlo at Walong Saksi at ang patotoo ng Propetang si Joseph Smith.
Isaalang-alang ang sumusunod na mga mungkahi habang binabasa ninyo ang Aklat ni Mormon kasama ng ibang tao:
-
Manalangin bago magbasa. Humingi ng tulong para maunawaan nila ito. Manalangin na patototohanan sa kanila ng Espiritu Santo na ito ay totoo.
-
Maghalinhinan sa pagbabasa. Magbasa sa bilis na komportable sila. Ipaliwanag ang di-pamilyar na mga salita at parirala.
-
Paminsan-minsang huminto para talakayin ang inyong binabasa.
-
Ipaliwanag ang konteksto at impormasyon sa likod ng bawat talata, tulad ng sino ang nagsasalita, ano ang katangian ng tao, at ano ang sitwasyon. Kung may naaangkop na video ng Aklat ni Mormon, isaalang-alang ang pagpapalabas nito.
-
Tukuyin ang mahahalagang mensahe o doktrina na dapat nilang bigyang-pansin.
-
Ibahagi ang inyong patotoo at angkop na mga nasasaisip, damdamin, at personal na mga karanasan.
-
Magturo ng doktrina nang direkta mula sa mga salita ng mga propeta sa Aklat ni Mormon. Makatutulong ito na madama ng mga tao ang espirituwal na kapangyarihan ng aklat.
-
Tulungan ang mga tao na “ihalintulad” sa kanilang buhay ang mga binabasa nila (1 Nephi 19:23). Tulungan silang makita kung paano nauugnay sa kanilang personal na buhay ang mga banal na kasulatan.
Habang ginagamit ninyo ang mga alituntuning ito, matutulungan ninyo ang mga tao na magkaroon ng kakayahan at hangarin na basahin ang Aklat ni Mormon sa kanilang sarili. Bigyang-diin na ang pagbabasa ng aklat araw-araw ay mahalaga para sa kanilang paghahanda sa binyag at habambuhay na pagbabalik-loob.
Umasa sa pangako sa Moroni 10:3–5. Hikayatin ang mga tao na taos-pusong basahin ang Aklat ni Mormon at manalangin nang may tunay na layunin para malaman nila na ito ay totoo. Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng tunay na layunin ay ang pagiging handang kumilos sa sagot na matatanggap nila sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Ang bawat tao na taos-pusong nagbabasa at nananalangin nang may tunay na layunin tungkol sa Aklat ni Mormon ay malalaman ang katotohanan nito sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.
Dapat palagi mo ring isagawa ang pangakong ito para mapalakas ang sarili mong patotoo sa Aklat ni Mormon. Ang iyong patotoo ay magbibigay sa iyo ng kumpiyansa na ang mga taong ipamumuhay ng pangakong ito ay makatatanggap ng patotoo na ang aklat ay salita ng Diyos.
Mga Ideya sa Pag-aaral at Pagsasabuhay
Personal na Pag-aaral
-
Basahin ang 2 Nephi 2; 9; 30; 31; 32. I-highlight ang bawat pagtukoy kay Jesucristo. Gumawa ng listahan ng iba’t ibang pangalan at titulo para kay Cristo na ginamit sa mga kabanatang ito. Markahan ang mga salitang Siya mismo ang nagsabi. I-highlight ang Kanyang mga katangian at pagkilos.
-
Sa araw-araw mong pagbabasa ng Aklat ni Mormon, itala sa iyong study journal ang mga talatang may espesyal na kahulugan sa iyo. Isulat kung paano mo maipamumuhay ang mga ito.
-
Isulat sa iyong study journal kung ano ang nadama mo noong una kang nakatanggap ng espirituwal na patotoo na totoo ang Aklat ni Mormon.
-
Isulat ang sumusunod na tatlong tanong sa iyong study journal. Sa kabuuan ng misyon mo, magdagdag ng mga sagot sa mga tanong na ito.
-
Ano kaya ang magiging buhay mo kung wala ang Aklat ni Mormon?
-
Ano kaya ang hindi ko malalaman kung wala ang Aklat ni Mormon?
-
Ano kaya ang hindi ko matatanggap kung wala ang Aklat ni Mormon?
-
-
Basahin ang Sermon sa Bundok sa Mateo 5–7 at ang sermon ni Cristo sa templo sa 3 Nephi 12–14. Paano nakatulong ang mga ito sa iyo na mas maunawaan ang mga turo ng Tagapagligtas?
-
Pag-aralan ang bawat pagkakataon sa Aklat ni Mormon na tumutukoy sa isang taong nananalangin. Isulat sa iyong study journal ang natutuhan mo tungkol sa panalangin mula sa Aklat ni Mormon.
-
Mula sa mga chapter heading ng Mosias 11–16, isulat ang buod ng itinuro ni Abinadi. Pagkatapos ay basahin ang mga kabanatang ito at lawakan ang iyong buod.
-
Mula sa mga chapter heading ng Mosias 2–5, isulat ang buod ng itinuro ni Haring Benjamin. Pagkatapos ay basahin ang mga kabanatang ito at lawakan ang iyong buod.
Pag-aaral ng Magkompanyon at Companion Exchange
-
Magkasama ninyong basahin ang mga talata sa Aklat ni Mormon. Ibahagi kung ano ang natutuhan at nadama ninyo. Talakayin kung paano ninyo ito isasabuhay.
-
Magkasama ninyong basahin ang Alma 26 at 29. Ibahagi ang nadarama ninyo tungkol sa inyong misyon. Isulat ang nadarama ninyo sa inyong study journal.
-
Basahin ang Alma 37:9 at pag-usapan kung gaano kahalaga kay Ammon at sa mga kapwa niya misyonero ang mga banal na kasulatan. Maghanap ng mga talata na naglalarawan kung paano nila ginamit ang mga banal na kasulatan.
-
Basahin ang Alma 11–14, na ang isa sa inyo ay gaganap sa papel ni Alma o Amulek at ang isa naman ay gaganap sa papel ng mga kaaway. Talakayin kung paano sinagot ng mga misyonero na ito ang mahihirap na tanong.
District Council, mga Zone Conference, at Mission Leadership Council
-
Magpraktis na gamitin ang Aklat ni Mormon sa bawat paraan na binanggit sa mga pangunahing bahagi ng kabanatang ito.
-
Ilista ang mga tanong ng mga taong tinuturuan ninyo. Ipaliwanag sa isa’t isa kung paano ninyo sasagutin ang mga tanong na ito gamit ang Aklat ni Mormon.
-
Magkasama ninyong basahin ang mga talata sa Aklat ni Mormon. Ibahagi ang inyong kaalaman, damdamin, at patotoo.
-
Magpraktis na gamitin ang Aklat ni Mormon para pagtibayin ang mensahe ng Pagpapanumbalik.
-
Anyayahan ang mga misyonero na magbahagi ng mga karanasan kung saan natulungan ng Aklat ni Mormon ang kanilang mga tinuturuan sa proseso ng pagbabalik-loob.
-
Hilingin sa mga misyonero na magbahagi ng paborito nilang mga talata sa Aklat ni Mormon na nakatulong na masagot ang isang katanungan ng kaluluwa.
-
Anyayahan ang isang miyembro na convert na ibahagi ang papel na ginampanan ng Aklat ni Mormon sa kanyang pagbabalik-loob.
Mga Mission Leader at mga Mission Counselor
-
Turuan ang mga misyonero kung paano gamitin ang Aklat ni Mormon para pagtibayin ang katotohanan ng mensahe ng Pagpapanumbalik.
-
Basahin ang 1 Nephi 1 kasama ng mga misyonero at ihambing ito sa karanasan ni Joseph Smith.
-
Bigyan ang mga misyonero ng bagong paperback na kopya ng Aklat ni Mormon. Anyayahan sila na basahin at markahan ang aklat nang dalawang beses sa susunod na dawala o tatlong transfer period.
-
Sa unang pagbabasa, sabihin sa kanila na markahan ang lahat ng tumutukoy o nagpapatotoo kay Jesucristo.
-
Sa ikalawang pagbabasa, sabihin sa kanila na markahan ang doktrina at mga alituntunin ng ebanghelyo.
Anyayahan ang mga misyonero na ibahagi ang natutuhan at nadama nila. Inilarawan ni Elder Ronald A. Rasband kung paano siya naapektuhan ng Aklat ni Mormon bilang isang misyonero:
-
“Ang aking pagbabasa ay hindi lamang para markahan ang mga talata sa banal na kasulatan. Sa bawat pagbabasa ng Aklat ni Mormon, mula harap hanggang likod, napuspos ako ng matinding pagmamahal sa Panginoon. Nadama ko ang malalim na nakaugat na pagsaksi sa katotohanan ng Kanyang mga turo at kung paano naaangkop ang mga iyon ‘sa araw na ito.’ Ang aklat na ito ay bagay sa pamagat nito, ‘Isa pang Tipan ni Jesucristo.’ Sa pag-aaral na iyon at sa espirituwal na pagsaksing natanggap, naging isang missionary ako na nagmamahal sa Aklat ni Mormon at isang disipulo ni Jesucristo” (“Sa Araw na Ito,” Liahona, Nob. 2022, 25).
-
Anyayahan ang mga misyonero na ibahagi sa iyo ang mga talata sa Aklat ni Mormon na naging mahalaga sa kanilang buhay.
-
Tukuyin ang mga katanungan ng kaluluwa na mayroon ang mga tao sa inyong mission. Anyayahan ang mga misyonero na maghanap ng mga talata sa Aklat ni Mormon na makatutulong na masagot ang mga tanong na ito.