“Kabanata 7: Aralin ang Wikang Ginagamit sa Iyong Mission,” Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Pagbabahagi ng Ebanghelyo ni Jesucristo (2023)
“Kabanata 7,” Mangaral ng Aking Ebanghelyo
Kabanata 7
Aralin ang Wikang Ginagamit sa Iyong Mission
Espirituwal na Ihanda ang Iyong Sarili
Sabi ng Panginoon, “Ang bawat tao ay maririnig ang kabuuan ng ebanghelyo sa kanyang sariling wika, at sa kanyang sariling salita, sa pamamagitan nila na inordenan sa kapangyarihang ito” (Doktrina at mga Tipan 90:11).
Nakalista sa ibaba ang mga paraan kung paano mo mapatatatag ang iyong pananampalataya na tutulungan ka ng Panginoon na magturo at magpatotoo sa wikang ginagamit sa iyong mission:
-
Maniwala na tinawag ka ng Diyos sa pamamagitan ng isang propeta.
-
Hingin ang tulong ng Diyos sa pamamagitan ng taos-pusong panalangin.
-
Masigasig na mag-aral, magsanay, at gamitin araw-araw ang wika sa iyong mission.
-
Maging karapat-dapat sa paggabay ng Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kautusan at mga pamantayan ng misyonero.
-
Pabanalin ang inyong layunin sa pamamagitan ng pagmamahal sa Diyos at sa Kanyang mga anak at pagnanais na pagpalain sila.
Maging Dedikado at Masigasig
Ang matutuhang magturo nang epektibo sa wikang ginagamit sa iyong mission ay nangangailangan ng masigasig na pagsisikap at mga kaloob ng Espiritu. Huwag magulat kung tila mahirap itong gawin. Ito ay nangangailangan ng panahon. Maging matiyaga sa iyong sarili. Habang itinutuon mo ang iyong sarili sa pag-aaral ng wika, magkakaroon ka ng kinakailangang mga kasanayan para maisakatuparan mo ang iyong layunin bilang misyonero.
Hindi ka nag-iisa sa pag-aaral ng wikang ginagamit sa iyong mission. Tutulungan ka ng Ama sa Langit at ni Jesucristo kapag lumapit ka sa Kanila. Hingin at maging bukas na tanggapin ang tulong ng iyong kompanyon, mga miyembro, mga tinuturuan ninyo, iba pang mga misyonero, at ibang tao.
Makinig na mabuti at gamitin ang wika sa bawat pagkakataon. Huwag matakot na magkamali. Lahat ng nag-aaral ng bagong wika ay nagkakamali. Mauunawaan ng mga tao, at masisiyahan sila sa pagsisikap mong matutuhan ang kanilang wika.
Patuloy na paghusayin ang iyong kasanayan sa wika hanggang sa katapusan ng iyong misyon. Habang humuhusay ka sa pagsasalita sa wikang ito, lalong pakikinggan ng mga tao ang sinasabi mo kaysa pansinin ang paraan ng pagsasalita mo. Mababawasan ang iyong pag-aalala kung paano makipag-usap at mas matutugunan mo ang mga pangangailangan ng iba.
“Umaasa kami … na ang bawat misyonerong nag-aaral ng bagong wika sa pagtuturo ay magpapakahusay rito hangga’t maaari. … At kapag ginawa ninyo ito, ang kakayahan ninyong magturo at magpatotoo ay lalong iinam. Lalo kayong tatanggapin at espirituwal na hahangaan ng [mga taong tinuturuan ninyo]. …
“Huwag makuntento sa iilang mahahalagang salita lamang na ginagamit ng mga misyonero. Sikaping pag-aralan ang lahat ng mapag-aaralan ninyo sa isang wika, at lalo ninyong maaantig ang puso ng mga tao” (Jeffrey R. Holland, satellite broadcast para sa mga misyonero, Ago. 1998).
Patuloy na gamitin ang wikang ginagamit sa iyong mission pagkauwi mo. Marami nang biyayang ibinigay sa iyo ang Panginoon, at maaaring gamitin Niya ang kakayahan mo sa wika balang-araw.
Mag-aral ng Ingles
Kung hindi ka marunong magsalita sa wikang Ingles, dapat mo itong pag-aralan bilang isang misyonero. Pagpapalain ka nito sa iyong misyon at habambuhay. Ang pag-aaral ng Ingles ay magpapala rin sa iyong pamilya.
Para sa iba pang tulong sa pag-aaral ng Ingles, tingnan ang EnglishConnect for Missionaries.
Mga Alituntunin sa Pagkatuto ng Wika
Maging Responsable
Magtakda ng mga mithiin sa pagpapahusay ng iyong kakayahan sa wika, at regular itong baguhin para iakma sa iyong kakayahan. Bumuo ng plano sa pag-aaral ng wika. Gamitin ang wika sa bawat pagkakataon.
Gawing Makabuluhan ang Iyong Pag-aaral
Gamitin ang mga inaaral mo sa sitwasyon sa tunay na buhay at sa mga gawain mo sa araw-araw. Pagtuunan ang pag-aaral ng wika na tutulong sa iyo na masabi ang kailangan mong sabihin.
Sikaping Makipag-usap
Gamitin ang wika sa iyong kompanyon sa abot ng iyong makakaya. Samantalahin ang bawat oportunidad na matututo at makapagpraktis. Halimbawa, maaari mong hilingin sa isang nagbabalik na miyembro o sinumang tinuturuan ninyo na tulungan ka sa pag-aaral ng wika. Wala nang mas mainam pa sa pakikipag-usap sa mga tao na ang katutubong wika ay ang wikang inaaral mo.
Huwag Ikumpara ang Iyong Sarili sa Iba
Huwag ikumpara ang iyong kakayahan sa wika sa kakayahan ng iyong kompanyon o ng ibang misyonero. Ang pagkukumpara ay hahantong sa kapalaluan o panghihina ng loob.
Araling Mabuti ang mga Bagong Konsepto
Regular na rebyuhin ang mga inaral mo, at praktisin ito sa mga bagong sitwasyon. Tutulong ito sa iyo na maalala at magamit ang mga natutuhan mo.
Bumuo ng Plano sa Pag-aaral ng Wika
Ang plano sa pag-aaral ng wika ay nakatutulong kapwa sa mga bagong misyonero at sa mga misyonero na may higit nang karanasan na pagtuunan ang mga magagawa nila sa bawat araw para paghusayin ang kanilang kakayahan sa pagsasalita ng wikang ginagamit sa kanilang mission. Kasama sa plano mo ang gagawin mo sa oras ng pag-aaral ng wika at sa buong maghapon.
Nakasaad sa sumusunod na mga hakbang kung paano ka makagagawa ng isang plano sa pag-aaral ng wika gamit ang proseso sa pagtatakda ng mithiin mula sa kabanata 8. Iakma ang prosesong ito kung kinakailangan.
-
Mapanalanging magtakda ng mga mithiin at gumawa ng mga plano. Magtakda ng mga lingguhan at pang-araw-araw na mithiin para mapahusay ang iyong pangkalahatang kakayahan na makipag-usap at maituro ang ebanghelyo. Isama rito ang mga bagay na nais mong isaulo, tulad ng mga salita, parirala, at mga talata sa banal na kasulatan.
-
Gumawa ng talaan at iskedyul. Magpasiya kung anong mga kagamitan sa pag-aaral ng wika ang makatutulong sa iyo na makamit ang iyong mga mithiin. Kabilang sa mga kagamitan sa pag-aaral ng wika ang mga banal na kasulatan, diksyunaryo, aklat ng gramatika, ang TALL Embark app, at iba pa. Mag-iskedyul ng mga oras kung kailan mo pormal na pag-aaralan at gagamitin ang wika. Halimbawa, maaari kang mag-iskedyul na basahin nang malakas ang ilang bahagi ng Aklat ni Mormon sa loob ng 15 minuto araw-araw sa tanghalian.
-
Kumilos ayon sa mga plano mo. Nais ng Panginoon na tayo ay magsikap, kaya maging masigasig sa pagkamit ng iyong mga mithiin. Protektahan ang iyong oras sa pag-aaral ng wika at ilipat ang iskedyul nito kung may kasabay itong ibang aktibidad.
-
Magrebyu at mag-follow up. Palaging rebyuhin ang iyong plano sa pag-aaral at suriin kung ito ay epektibo. Anyayahan ang iyong kompanyon, mga mission leader, mga miyembro, at iba pa sa iyong area na magmungkahi ng mga paraan kung paano ka pa mas huhusay. Makibahagi sa regular na naka-iskedyul na language assessment para makita ang iyong progreso at makatukoy ng mga paraan kung paano ka pa mas huhusay.
Balansehin ang pag-aaral mo ng wika sa mga pangmatagalang mithiin para sa pagkakaroon ng pundasyon sa wika at sa mga panandaliang mithiin para sa partikular na mga aktibidad at mga tao na inyong tinuturuan.
Sa oras ng pormal na pag-aaral mo ng wika, balansehin ang iyong mga mithiin at mga plano sa mga pangunahing aspekto ng wika na nakasaad sa ibaba. Magpasiya kung ano ang pagtutuunan mo sa buong maghapon.
mga kasanayan sa pakikinig |
mga kasanayan sa pagbabasa |
gramatika o balarila |
mga kasanayan sa pagsasalita |
mga kasanayan sa pagsusulat |
bokabularyo |
Matutong Kasama ng Iyong mga Kompanyon
Tulungan ang iyong mga kompanyon na magtagumpay at magkaroon ng tiwala sa sarili sa pag-aaral ng wikang ginagamit sa inyong mission o ng wikang Ingles. Taos-puso at madalas na purihin ang iyong mga kompanyon at ang iba pang mga misyonero sa kanilang progreso.
Magbigay ng simple at praktikal na feedback nang may kabaitan. Bigyan sila ng maraming pagkakataon na magturo at magpatotoo nang matagumpay. Pansinin kung paano tinulungan ng misyonerong may higit na karanasan ang kanyang kompanyon sa tunay na pangyayaring ito.
Kadarating ko lang sa pangalawang area ko nang sabihin sa akin ng kompanyon ko na ako ang magbibigay ng spiritual thought sa isang appointment sa hapunan. Ang una kong kompanyon ay laging nasisiyahan na magturo, at nasanay ako na maliliit lang na bahagi ng lesson ang itinuturo ko at pagkatapos ay nakikinig na lamang ako.
Sinubukan kong kumbinsihin ang kompanyon ko na dapat siya ang magbigay ng spiritual thought, pero hinikayat niya ako na ako na ang gumawa nito. Sa tulong niya’y nagpraktis ako.
Nang dumating ang sandaling iyon binuksan ko ang aking mga banal na kasulatan at nagbasa mula sa 3 Nephi 5 at 7. Nahirapan ako pero nagawa kong ipaliwanag kung bakit mahalaga para sa akin ang napili kong mga talata, at nakahinga ako nang maluwag pagkatapos. Nang may magtanong, tumingin ako sa kompanyon ko para sa sagot, pero hindi siya nagsalita. Nagulat ako nang nakapagbigay ako ng sagot sa French at naintindihan ito. Lalo akong namangha dahil parang hindi naramdaman ng miyembro na hindi ako komportable sa pakikipag-usap. Nagkaroon ako ng tiwala sa sarili ko at nalaman ko na marunong na rin pala akong magsalita ng French.
Nagdaan ang mga linggo, at patuloy akong pinagturo ng kompanyon ko—kahit na sa tingin ko’y hindi ko ito kayang gawin, at kahit na siguro naiisip niyang baka hindi ko ito kayang gawin. Nadama ko na naging kasangkapan ako ng Ama sa Langit sa halip na isang tahimik lamang na kompanyon.
Pagkatuto sa Kultura at Wika
May malapit na ugnayan ang kultura at wika. Ang pagkaunawa sa kultura ng mga tao ay makatutulong sa iyo na maunawaan kung paano ginagamit ang wika. Ang pagkaunawang ito ay tutulong din sa iyo na maipahayag ang mga natatanging aspekto ng mensahe ng Pagpapanumbalik sa paraang mauunawaan ng mga tao.
Isa sa pinakamahahalagang bagay na magagawa mo para makuha ang tiwala at pagmamahal ng mga tao ay ang paggalang at pagtanggap sa kanilang kultura sa mga angkop na paraan. Ginawa ito ng maraming magigiting na misyonero (tingnan sa 1 Corinto 9:20–23).
Ang Kaloob na mga Wika
Totoo ang mga Kaloob ng Espiritu. Ang kaloob na mga wika at ang pagbibigay-kahulugan sa mga wika ay naipapamalas sa maraming paraan. Kabilang sa mga ito ang pagsasalita, pagkaunawa, at pagbibigay-kahulugan sa mga wika. Ngayon, ang kaloob na mga wika ay kadalasang naipapamalas sa pagtulong ng Espiritu sa mga misyonero na pag-aralan at matutuhan ang wika na gamit sa kanilang mission.
Maipapahayag ng Espiritu Santo ang katotohanan ng iyong patotoo kahit na may hadlang sa wika sa pagitan mo at ng mga tinuturuan mo. Gayundin, maipapaalala sa iyo ng Espiritu Santo ang mga salita at parirala at tutulungan kang maunawaan ang sinasabi ng mga tao mula sa kanilang puso.
Sa kabuuan, hindi mo matatangap ang mga kaloob na ito nang walang pagsisikap. Kailangan mong masigasig na hangarin ang mga ito para pagpalain ang ibang tao (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 46:8–9, 26). Bahagi ng paghahangad sa kaloob na mga wika ang pagsisikap at paggawa ng lahat ng makakaya mo para matutuhan ang wika. Maging matiyaga habang mapanalangin mong inaaral at pinapraktis ang wika. Magtiwala na tutulungan ka ng Espiritu habang nagsusumikap ka. Magkaroon ng pananampalataya na matatanggap mo ang kaloob na mga wika para matulungan ka at ang mga tinuturuan mo.
Kapag nahihirapan kang ipaliwanag nang malinaw ang iyong sarili tulad ng nais mo, tandaan na kaya ng Espiritu na mangusap sa puso ng lahat ng anak ng Diyos. Itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson:
“May isang wika … na karaniwan sa bawat misyonero—ang wika ng Espiritu. Hindi ito natututuhan sa mga teksbuk na isinulat ng mga iskolar, ni hindi ito nakukuha sa pagbabasa at pagsasaulo. Ang wika ng Espiritu ay dumarating sa tao na buong pusong naghahangad na makilala ang Diyos at sumusunod sa Kanyang mga banal na kautusan. Ang kahusayan sa wikang ito ay nagpapahintulot sa isang tao na alisin ang mga hadlang, paglabanan ang mga sagabal, at antigin ang puso ng tao” (“The Spirit Giveth Life,” Ensign, Hunyo 1997, 2).
Mga Ideya sa Pag-aaral at Pagsasabuhay
Personal na Pag-aaral
-
Rebyuhin ang mga materyal sa wika sa Missionary Portal. Tukuyin ang mga materyal na hindi mo pa nagagamit at magtakda ng mithiin na subukan ito sa susunod na mga araw.
-
Sa susunod na district meeting ninyo, tanungin ang isang misyonero na may mas maraming karanasan na mahusay nang magsalita sa wikang ginagamit sa inyong mission kung ano ang ginawa niya para matutuhan ang wika.
Pag-aaral ng Magkompanyon at Companion Exchange
-
Magpraktis na ituro sa isa’t isa ang mga lesson ng misyonero sa wikang ginagamit sa inyong mission. Sa una, ang mga bagong misyonero ay maaaring simple lang magturo, magbahagi ng simpleng patotoo, at bumigkas ng isinaulong mga banal na kasulatan. Habang nadaragdagan ang kanilang tiwala sa sarili at kakayahan, lalo silang makikilahok sa pagtuturo.
-
Rebyuhin ang mga ideya sa kabanatang ito at ang mga materyal sa wika sa Missionary Portal. Talakayin kung aling mga mungkahi ang magagamit ninyo sa pag-aaral ninyong magkompanyon sa susunod na linggo.
-
Hilingin sa kompanyon mo na pakinggan ang iyong pagbigkas at tulungan kang pagbutihin pa ito. Hilingin sa kanya na tandaan ang mga sitwasyon na hindi ka nauunawaan. Gumawa ng listahan ng mga salita, parirala, o gramatika na makatutulong. Ipaliwanag at praktisin kung paano gamitin ang nasa listahan sa darating na mga aktibidad.
-
Aktibong makinig. Gumawa ng plano na maglaan ng oras sa maghapon na aktibong makinig para matukoy ang mga bokabularyo at pagkakaayos ng wika na natutuhan mo. Kapag may narinig kang kataga na iba ang paraan ng pagkabigkas, isulat at praktisin ito.
-
Gumawa ng listahan ng mga bagay na maaaring sabihin ng mga tao sa araw na iyon. Planuhin at praktisin ang mga paraan na maaari kang sumagot.
District Council, mga Zone Conference, at Mission Leadership Council
-
Anyayahang dumalo sa isa sa mga miting na ito ang mga tao na ang katutubong wika ay ang wikang inaaral ninyo. Sabihin sa kanila na tuturuan sila ng mga misyonero sa maliliit na grupo. Sabihin sa mga taong ito na siyasatin at magbigay ng feedback tungkol sa kakayahan sa wika ng mga misyonero.
-
Sabihan agad ang isa o dalawang misyonero na magkuwento tungkol sa kanilang mga tagumpay sa pag-aaral ng wika.
-
Hilingin sa isang misyonero na may mas maraming karanasan na maikling ibahagi ang ilang bahagi ng wika na karaniwang mahirap para sa mga misyonero. Hilingin sa kanya na magbigay ng mga halimbawa ng mabuting paggamit ng wika, at sabihin sa mga misyonero na praktisin ang mga ito.
-
Hilingin sa mga misyonero na lumaki sa bansa ng inyong misyon na ibahagi ang kanilang mga nasasaisip.
Mga Mission Leader at mga Mission Counselor
-
Bigyang-diin ang kahalagahan ng patuloy na pag-aaral ng wika araw-araw.
-
Hikayatin ang mga misyonero na gamitin ang wika sa mission sa abot ng kanilang makakaya.
-
Magbahagi ng isang plano sa pag-aaral ng wika para sa buong mission sa isang maayos na iskedyul sa pag-aaral. Rebyuhin ito sa mga district council meeting.
-
Maghanap ng mga pagkakataong makausap ang mga misyonero sa wikang inaaral nila. Regular na interbyuhin sila gamit ang wikang ito.
-
Humingi sa mga lokal na lider at miyembro ng mga ideya kung paano mapapahusay ng mga misyonero ang kanilang kakayahan sa wika.
-
Magturo sa zone conference o mission leadership council tungkol sa pinakakaraniwang mga pagkakamali na nagagawa ng mga misyonero na nag-aaral ng wika sa inyong mission.
-
Turuan ang mga misyonero tungkol sa mga kaloob ng espiritu.
-
Obserbahan ang mga misyonero kapag nagtuturo sila sa wikang ginagamit sa mission.