“Kabanata 11: Tulungan ang mga Tao na Gumawa at Tumupad ng mga Pangako,” Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Pagbabahagi ng Ebanghelyo ni Jesucristo (2023)
“Kabanata 11,” Mangaral ng Aking Ebanghelyo
Kabanata 11
Tulungan ang mga Tao na Gumawa at Tumupad ng mga Pangako
Pagsisisi, Tapat na Pangako, at Pagbabalik-loob
Bilang misyonero at disipulo ni Jesucristo, hangad mo ang kaligtasan ng mga kaluluwa (tingnan sa Mosias 28:3). Ang Panginoon ay “makapangyarihang magligtas” sa mga taong tumutupad sa mga tipan na ginawa nila sa pamamagitan ng pagtanggap ng kinakailangang ordenansa ng priesthood, simula sa binyag (tingnan sa 2 Nephi 31:19). Ang pagbibigay ng mga paanyaya at pagtulong sa mga tao na tumupad ng mga pangako ay maghahanda sa kanila sa binyag.
Ang mga tao ay maliligtas kung sila ay magsisisi (tingnan sa Helaman 5:11). Ang pagsisisi ay ang lubos at taos-pusong pagbaling kay Jesucristo. Ang tapat na pangako ay mahalagang bahagi ng pagsisisi. Kapag inanyayahan mo ang mga tao na gumawa ng mga tapat na pangako bilang bahagi ng iyong pagtuturo, hinihikayat mo sila na magsisi.
Ang ibig sabihin ng tapat na pangako ay ang pagpiling gawin ang isang bagay at pagpatuloy itong gawin. Ang patuloy na pagkilos ayon sa mga katotohanan ng ebanghelyo ay humahantong sa pagbabalik-loob.
Ang pagbabalik-loob ay ang pagbabago ng paniniwala, puso, at buhay ng isang tao para matanggap at masunod ang kalooban ng Diyos. Ito ay ang tapat na desisyon na maging disipulo ni Cristo. Ang pagbabalik-loob ay nangyayari kapag ang mga tao ay sumampalataya kay Cristo, nagsisi sa kanilang mga kasalanan, nabinyagan, tinanggap ang Kaloob na Espiritu Santo, at nagtiis hanggang wakas. Tinukoy ng Panginoon at ng Kanyang mga propeta ang pagbabagong ito bilang espirituwal na muling pagsilang (tingnan sa Juan 3:3–5; Mosias 27:25–26).
Ginawang posible ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ang pagbabalik-loob, at ang Espiritu Santo ang nagsasakatuparan ng malaking pagbabagong ito ng puso (tingnan sa Mosias 5:2; Alma 5:12–14).
Ang pagbabalik-loob ay isang proseso, hindi isang pangyayari. Ang pagtulong sa mga tao na magbalik-loob kay Jesucristo ay nasa sentro ng iyong layunin bilang misyonero. Ayon sa paggabay ng Espiritu, aanyayahan mo ang mga tao na gumawa ng mga pangako na tutulong sa kanila na umunlad sa espirituwal at madama ang impluwensya ng Espiritu Santo sa kanilang buhay. Pagkatapos ay susuportahan mo ang mga tao sa pagtupad sa mga tapat na pangakong ginawa nila. Tutulungan mo silang kumilos nang may pananampalataya tungo sa patuloy na pagbabago (tingnan sa Mosias 6:3).
Ang mga taong tumutupad ng mga pangako bago ang binyag ay mas malamang na gagawa at tutupad ng mga sagradong tipan sa hinaharap. Kapag tinuturuan mo ang mga tao na tumupad sa mga pangako, tinuturuan mo sila na tumupad sa mga tipan. Ang paggawa at pagtupad sa mga tipan ay kinakailangang bahagi ng ebanghelyo ni Jesucristo at ng plano ng Diyos para sa Kanyang mga anak.
Ang kabanatang ito ay naglalaman ng mga tuntunin para sa pagbibigay ng mga paanyaya, pagbibigay ng mga pangakong pagpapala, pagbabahagi ng iyong patotoo, at pagtulong sa mga tao na tuparin ang kanilang mga pangako upang makalapit sila sa Tagapagligtas at maligtas.
Magbigay ng mga Paanyaya
Bilang isang kinatawan ni Jesucristo, aanyayahan mo ang mga tao na sundin Siya at tanggapin ang kagalakang nagmumula sa Kanyang ebanghelyo. Aanyayahan mo silang gumawa ng patrikular na mga bagay na magpapalakas ng kanilang pananampalataya kay Cristo. Pagkatapos ay susuportahan mo sila sa pagtupad nila sa kanilang mga pangako.
Ang mga paanyaya at pangako ay mahalaga dahil sa sumusunod na paraan:
-
Ang mga ito ay tumutulong sa mga tao na maipamuhay ang mga alituntuning natutuhan nila para madama nila ang nagpapatibay na patotoo ng Espiritu.
-
Ang pagtupad sa mga pangako ay isang paraan para maipakita ng mga tao na sila ay nagsisisi (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:37).
-
Ang pagsisisi ay tumutulong sa mga tao na maranasan ang kapayapaan at kagalakang nagmumula sa pagpapatawad ng Diyos. Matatanggap din nila ang dagdag na tulong mula sa Diyos para sa kanilang mga kinakaharap na hamon.
-
Ang pagtupad sa mga pangako ay naghahanda sa mga tao na gumawa at tumupad sa mga sagradong tipan.
-
Maipapakita mo ang iyong pagmamahal sa mga tao at ang iyong pananampalataya sa mga pangako ng Diyos sa pamamagitan ng pagtulong sa mga tao na tuparin ang kanilang mga pangako.
Mag-anyaya Ayon sa Paggabay ng Espiritu
Hangarin ang patnubay ng Espiritu sa kung anong mga paanyaya ang ibibigay at kung kailan ang mga ito ibibigay. Isipin kung anong turo o doktrina, na kapag naunawaan nang mabuti, ang tutulong sa isang tao na tanggapin ang iyong paanyaya. Ang tamang paanyaya na ibinigay sa tamang panahon ay maghihikayat sa mga tao na gumawa ng mga bagay na magpapalakas ng kanilang pananampalataya. Ang mga pagkilos na ito ay maaaring humantong sa malaking pagbabago ng puso (tingnan sa Mosias 5:2; Alma 5:12–14).
Ang mga paanyayang ibinibigay mo ay maaaring maliit lamang, tulad ng pagbabasa ng isang kabanata ng banal na kasulatan o pagdalo sa sacrament meeting. O maaaring malalaking paanyaya ang mga ito tulad ng pagpapabinyag. Ang mga paanyaya ay dapat naaangkop sa kung nasaan na ang isang tao sa kanyang espirituwal na paglalakbay.
Ang mga paanyayang may paggabay ng Espiritu ay hahantong sa karagdagang mga paanyaya na tutulong sa tao na umunlad sa espirituwal (tingnan sa 2 Nephi 28:30; Doktrina at mga Tipan 93:12–13). Tanungin ang iyong sarili, “Anong mga pangako ang tinutupad ng tao? Ano ang kailangan niyang sunod na gawin para umunlad?”
Pakinggan ang mga kausap o tinuturuan mo. Ayon sa narinig at nadama mo, hangarin ang patnubay ng Espiritu kung anong mga paanyaya ang tutulong sa bawat tao na sumulong tungo sa paggawa ng mga sagradong tipan.
Mga Alituntunin sa Pagbibigay ng mga Paanyaya
Ang pagbibigay ng paanyaya ay nangangailangan ng pananampalataya kay Cristo. Magkaroon ng pananampalataya na pagpapalain Niya ang mga tao kapag tinanggap at ginawa nila ang iyong mga paanyaya.
Ang mga tao ay mas malamang na magbago kapag inanyayahan mo silang kumilos ayon sa isang katotohanan ng ebanghelyo at tinulungan mo silang makita kung paano sila pagpapalain ng pagbabagong ito. Ang pagbabagong gagawin nila ay nakabatay sa kung gaano nila nadarama ang Espiritu at nararanasan ang kagalakang nagmumula sa pagsasabuhay ng ebanghelyo ni Jesucristo.
Tuwing nakikipag-ugnayan ka sa mga tao, nang personal man o online, isaalang-alang kung anong paanyaya ang tutulong sa kanila na mapalakas ang kanilang pananampalataya kay Cristo at madama ang Espiritu. Kung minsan ito ay simple lang na tulad ng muling pakikipagkita sa inyo o pagdalo sa isang aktibidad sa Simbahan.
Habang naghahanda kayong magturo ng lesson, isaalang-alang ang mga pangangailangan at progreso ng bawat tao. Tiyakin na ang inyong lesson plan ay mayroong isa o higit pang mga paanyaya na tutulong sa tao na umunlad.
Mag-ingat na huwag magbigay ng napakaraming paanyaya nang sabay-sabay. Kailangan ng isang tao ng panahon para kumilos, umunlad, at matuto mula sa bawat paanyaya.
Maging matapang ngunit huwag maging mapamilit sa pag-anyaya sa mga tao na gumawa ng mga pangako (tingnan sa Alma 38:12). Igalang ang kalayaang pumili ng mga tao.
Maging Mabait at Malinaw sa Pagbibigay ng Paanyaya
Ang paanyaya ay kadalasang ibinibigay sa pamamagitan ng pagtatanong kung gagawin ba ng tao ang isang bagay, at nangangailangan ng sagot na oo o hindi. Maging mabait, partikular, at malinaw sa pagbibigay ng iyong mga paanyaya. Ang mga ito ay dapat na anyayahan o akayin ang mga tao na gumawa ng pangakong kikilos nang may pananampalataya kay Jesucristo.
Bagama’t magkakaiba ang paanyayang ibibigay mo sa bawat tao, isaalang-alang ang mga sumusunod na halimbawa:
-
Ang pagsisimba ay nagbibigay ng panahon at lugar para masamba ninyo ang Panginoon at madama ang Kanyang Espiritu. Matutulungan rin kayo nito na maging bahagi ng isang kumunidad na magbibigay sa inyo ng suporta habang gumagawa kayo ng mga pagbabago para mas mapalapit sa Tagapagligtas. Sasamahan ba ninyo kami sa pagdalo sa sacrament meeting ngayong Linggo?
-
Ngayong natalakay na natin ang kahalagahan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan, babasahin ba ninyo ang [isang partikular na mga talata ng banal na kasulatan]? Isusulat ba ninyo ang anumang impresyon o tanong na mayroon kayo? Maaari nating talakayin ang inyong mga ideya sa susunod nating pagkikita.
-
Tinalakay na natin ang buhay ng Tagapagligtas at Kanyang mga kautusan. Susundin ba ninyo ang Kanyang halimbawa at magpapabinyag sa Kanyang Simbahan at gumawa ng mga pangako sa Kanya? (Tingnan ang “Ang Paanyayang Mabinyagan at Makumpirma” sa kabanata 3)
-
Nagpahayag kayo ng interes sa pagkakaroon ng mas matibay na ugnayan sa Diyos. Mananalangin ba kayo nang may pananampalataya sa susunod na mga araw para maranasan ninyo ang mga pagpapala na nagmumula sa panalangin?
-
Mayroon kaming video na sa palagay namin ay makakatulong sa inyo. Maaari ba naming ipakita ito sa inyo o ipadala ang link nito sa inyo? Panonoorin ba ninyo ito? Maaari ba namin kayong kontakin bukas para malaman kung ano ang palagay ninyo rito?
Sundin ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo habang isinasaalang-alang mo ang mga natural na paraan para maging mabait, partikular, at malinaw ang pagbibigay mo ng mga paanyaya.
Pangakuan ng mga Biyaya ang mga Tao
Nangako ang Diyos na pagpapalain tayo kapag sinunod natin ang Kanyang mga kautusan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 130:20–21). Ang mga taong sumusunod sa mga kautusan at nananatiling tapat “ay [pinagpapala] sa lahat ng bagay” at “ma[na]nahanang kasama ng Diyos sa kalagayan ng walang katapusang kaligayahan” (Mosias 2:41).
Habang inaanyayahan mo ang mga tao na gumawa ng mga pangako, banggitin sa kanila ang mga pagpapalang matatanggap nila kapag tinupad nila ang kanilang mga pangako. Matutukoy mo ang marami sa mga pagpapalang ito sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan, mga turo ng mga propeta sa mga huling araw, at mga lesson sa kabanata 3. Isipin din ang mga pagpapalang natanggap mo. Mapanalanging magpasiya kung anong mga pagpapala ang ipapangako mo sa bawat tao kapag nagbigay ka ng mga paanyaya.
Kapag inaanyayahan ang isang tao na ipamuhay ang isang kautusan, ituro ang sumusunod:
-
Ipinapakita natin ang ating pagmamahal sa Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kautusan (tingnan sa John 14:15).
-
Sa pagsunod sa mga kautusan, ipinapakita natin sa Diyos na nagtitiwala tayo sa Kanya (tingnan sa Mga Kawikaan 3:5–6).
-
Ang mga pagpapala ng Diyos ay kapwa espirituwal at temporal (tingnan sa Mosias 2:41).
-
Ang pinakadakilang pagpapala ng Diyos ay ang buhay na walang hanggan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 14:7).
-
Kapag taos-puso tayong nananalangin at kumikilos nang may pananampalataya, tutulungan tayo ng Diyos na maisakatuparan ang mga bagay na iniutos Niyang gawin natin (tingnan sa 1 Nephi 3:7).
-
Tinutupad ng Diyos ang Kanyang mga pangako na pagpapalain tayo ayon sa Kanyang paraan at panahon (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:68).
Ang mga tao ay madalas na makaranas ng oposisyon sa pagsunod sa mga kautusan. Suportahan ang mga tinuturuan ninyo, at tiyakin sa kanila na pagpapalain sila ng Diyos kapag sinikap nilang gawin ang Kanyang kalooban. Tulungan silang maunawaan na ang oposisyon ay pagkakataong umunlad sa pamamagitan ng pagpiling sundin si Cristo kahit na ito ay mahirap gawin (tingnan sa 2 Nephi 2:11, 13–16).
Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland, “May mga biyayang dumarating kaagad, kung minsa’y huli na, kung minsa’y hindi na dumarating hangga’t hindi kayo nakapupunta sa langit; subalit para sa mga yumayakap sa ebanghelyo ni Jesucristo, darating ito” (“Dakilang Saserdote ng mga Mabubuting Bagay na Darating,” Liahona, Ene. 2000, 42).
Ibahagi ang Iyong Patotoo
Ibahagi ang iyong patotoo tuwing ikaw ay nagbibigay ng mga paanyaya at mga pangakong pagpapala. Ibahagi kung paano ka napagpala nang isabuhay mo ang alituntunin na itinuturo mo. Ibahagi ang iyong patotoo na ang alituntunin ay maghahatid ng pagpapala sa buhay ng tao kapag ipinamuhay niya ito.
Ang iyong taos-pusong patotoo ay magbibigay-daan para madama ng mga tao ang pagpapatibay ng Espiritu Santo sa katotohanan. Ito ay maghihikayat sa kanila na tanggapin ang mga paanyayang ibibigay mo.
Para sa karagdagang impormasyon, tingnan sa “Ibahagi ang Iyong Patotoo” sa kabanata 10.
Tulungan ang mga Tao na Tuparin ang Kanilang mga Pangako
Kapag tinanggap ng mga tao ang inyong mga paanyaya na gumawa ng isang bagay, mag-follow up para matulungan silang matupad ang kanilang mga pangako. Tinutulungan ninyo ang mga tao na magkaroon ng pananampalataya kay Cristo. Ang tungkulin ninyo ay tulungan silang mapalakas ang kanilang pananamapalataya at hangaring lubusang magbalik-loob. Huwag lang basta anyayahan ang mga tao na magbago; suportahan sila na magawa ito.
Ang mga tao ay tatanggap ng pagsaksi ng Espiritu kapag sila ay sumampalataya at nagsisi sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kautusan. Ang pagsaksing ito ay kadalasang hindi dumarating “hangga’t hindi natatapos ang pagsubok sa [kanilang] pananampalataya” (Eter 12:6). Huwag magulat kung magkakaroon ng mga oposisyon. Planuhin kung paano ninyo sila tutulungan na malampasan ang pagsubok para matanggap nila ang pagsaksi ng Espiritu. Makapagbibigay din ng suporta ang ibang miyembro ng Simbahan.
Madalas na madama ng mga tao ang impluwensya ng Espiritu kapag kasama ka nila. Bigyang-diin ang kahalagahan ng pananalangin, pagbabasa ng mga banal na kasulatan, at paggawa ng mga paanyaya ninyo sa kanila upang madama nila ang impluwensya ng Espiritu kahit hindi ka nila kasama.
Ang pagtupad sa mga pangako ay naghahanda sa mga tao na makibahagi sa mga ordenansa at gumawa ng mga tipan sa landas ng habambuhay na pagbabalik-loob. Ang inyong mga pagsisikap ay tutulong sa kanila na “[maipakita] sa pamamagitan ng kanilang mga gawa” ang kanilang hangaring sundin si Jesucristo (Doktrina ng mga Tipan 20:37).
Magplano na Saglit Silang Makontak Araw-araw
Ang pagtulong sa mga tao na tumupad ng mga pangako ay nagsisimula sa inyong unang pagbisita at pagtuturo sa kanila. Sabihan sila na itala ang kanilang pangako sa kanilang phone, kalendaryo, o sa anumang bagay na iniwan ninyo sa kanila.
Tanungin kung kayo o isang miyembro na sumama sa pagtuturo ay maaaring saglit silang kontakin araw-araw sa pagitan ng mga teaching visit. Ipaliwanag na ang layunin ng mga pagkontak na ito ay suportahan sila, at ilarawan ang ilang paraan na gagawin mo ito. Ang mga pagkontak na ito ay isang paraan para maisabuhay ang alituntunin sa Doktrina at mga Tipan 84:106.
Tukuyin ang pinakamabisang paraan ng pagkontak, tulad ng saglit na pagbisita, pagtawag sa telepono, text, o mensahe sa social media. Ang teknolohiya ay nag-aalok ng maraming opsiyon para sa pagbibigay ng karagdagang mga paalala at suporta.
Hikayatin at Tulungan ang mga Tao sa Inyong Araw-Araw na Pagkontak
Sa bawat paanyaya na ibinibigay ninyo, maglagay ng mga tala sa Preach My Gospel app kung anong follow up ang gagawin sa susunod na araw. Habang pinaplano ninyo ang susunod na araw, hangarin ang patnubay ng Espiritu kung paano ninyo tutulungan ang mga tao na matupad ang kanilang mga pangako.
Gawing positibo at nakahihikayat ang araw-araw na pagkontak ninyo sa mga tao. Ipagdasal sila. Magpakita ng pagmamahal at pang-unawa habang tinutulungan ninyo silang matupad ang kanilang mga pangako. Sagutin ang mga tanong at tulungan silang malampasan ang mga hamon. Kung mayroong oras, sabay magbasa mula sa Aklat ni Mormon. Magbahagi ng kaugnay na media ng Simbahan, kabilang ang mga musika na ginawa ng Simbahan na maaaring makahikayat sa kanila. Igalang ang kanilang oras at mga kagustuhan.
Ipakilala sila sa iba pang miyembro ng Simbahan. Kung angkop, hilingin sa mga miyembro na tulungan ang mga tao na tuparin ang kanilang mga pangako (tingnan sa kabanata 10).
Purihin ang mga tao na nagsisikap na matupad ang kanilang mga pangako. Tulungan silang makita kung paano nalulugod ang Panginoon sa kanilang mga pagsisikap. Binabago ng mga taong ito ang kanilang buhay, na nangangailangan ng maraming pagsisikap at pagtitiyaga. Tulungan silang matukoy ang mga pagpapalang natatanggap nila. Magpahayag ng kumpiyansa na kaya nilang magtagumpay.
Magpakita rin ng pagmamahal kung hindi tinutupad ng mga tao ang kanilang mga pangako. Mag-alok na suportahan sila sa araw-araw ninyong pagkontak sa kanila. Halimbawa, kung tinanggap ng isang tao ang paanyayang basahin ang isang kabanata sa Aklat ni Mormon pero hindi pa niya ito nagagawa, imungkahi na basahin ninyo ito nang magkasama. Tulungan ang tao na matuklasan sa pamamagitan ng kanyang karanasan kung paano siya pagpapalain ng pagtupad sa mga pangako.
Maaaring kailanganin ng mga tao ng ilang subok para matupad ang isang pangako, at maaaring kailangan ninyo ng ilang pagbisita para matulungan sila. Talakayin kung paano nila malalampasan ang mga pagsubok na humahadlang sa kanila sa pagtupad sa mga pangako. Maging mapagpasensya at magbigay ng suporta, huwag mamintas o manghusga.
Anyayahan ang Impluwensya ng Espiritu Santo sa Araw-araw Ninyong Pagkontak
Kapag nag-follow up kayo sa mga tao, hilingin sa kanila na ibahagi ang kanilang karanasan sa pagtupad ng mga pangako. Tanungin kung ano ang natutuhan at nadama nila. Tutulong ito sa kanila na makilala ang impluwensya ng Espiritu sa kanilang buhay at tutulungan silang matukoy ang susunod nilang gagawin.
Sa pagkontak ninyo sa mga tao bawat araw, ang isang mahalagang layunin ninyo ay ang anyayahan ang impluwensya ng Espiritu Santo sa kanilang buhay. Tulungan silang makilala kung ano ang pakiramdam ng Espiritu kapag hindi ninyo sila kasama. Ang araw-araw ninyong pagkontak ay dapat magpalakas sa mga espirituwal na damdamin na nadama nila noong tinuturuan ninyo sila. Sila ay magbabalik-loob kapag nadama nila ang kapangyarihan at impluwensya ng Espiritu Santo.
Magpakita ng Pagmamahal
Ang proseso ng pagbabalik-loob ay nakasentro sa pagmamahal na tulad ng kay Cristo (tingnan sa 4 Nephi 1:15). Hangarin ang kaloob na pag-ibig sa kapwa-tao. Ang pagpapakita ng taos-pusong pagmamahal ay tutulong sa mga tao na madama ang Espiritu sa kanilang buhay. Ang pagpapahayag mo ng iyong pagmamahal ay makatutulong din sa kanila na tanggapin ang mga paanyaya at tuparin ang mga pangakong hahantong sa pagbabalik-loob.
Habang minamahal at tinuturuan mo ang iba, lalalim ang iyong personal na pagbabalik-loob sa Tagapagligtas.
Ang pagtulong sa isang tao na magbalik-loob ay isang sagradong gawain. Magkakaroon ka ng walang-hanggang kagalakan kapag inilaan mo ang iyong sarili sa gawaing ito at sa paglilingkod sa iba (tingnan sa Mateo 10:39; Mosias 2:17; Alma 27:17–18; Docktrina at mga Tipan 18:10–16).
Nais ng Panginoon na ang mga Tao ay Pumarito at Manatili
Ang gawaing misyonero ay may pinakamalaking epekto kapag ang mga tao ay gumagawa at tumutupad ng mga pangako na ipamuhay ang ebanghelyo at manatiling aktibo sa Simbahan habambuhay. Hindi sapat na maging miyembro lang sila ng Simbahan. Nais ng Panginoon na sila ay pumarito at manatili (tingnan sa Juan 15:16). Ituon ang inyong pagtuturo sa layuning ito. Para matanggap ang lahat ng mga pagpapalang inihanda ng Ama sa Langit para sa kanila, ang mga miyembro ay dapat patuloy na ipamuhay ang ebanghelyo sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kautusan at pagtupad sa mga tipan na ginawa nila habang sila ay nananatiling aktibo sa Simbahan.
Itinuro ni Nephi: “Matapos na kayo ay mapasamakipot at makitid na landas, itatanong ko kung ang lahat ay nagawa na? Masdan, sinasabi ko sa inyo, Hindi; … kinakailangan kayong magpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo … at [kung kayo ay magtitiis] hanggang wakas, masdan, ganito ang wika ng Ama: Kayo ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan” (2 Nephi 31: 19–20).
Ibigay ang lahat ng makakaya ninyo para tulungang maging karapat-dapat ang mga tao para sa “buhay na walang hanggan, kung aling kaloob ay pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos” (Doktrina at mga Tipan 14:7).
Mga Ideya sa Pag-aaral at Pagsasabuhay
Personal na Pag-aaral
-
Pumili ng isang kautusan mula sa lesson 4. Maghanap at magtala ng mga talata sa banal na kasulatan at mga sipi mula sa mga propeta sa mga huling araw na naglalarawan sa mga pangakong pagpapala na nauugnay sa kautusang ito. Isipin ang mga pagpapalang natanggap mo sa pagsunod sa kautusang ito, at isulat ito sa iyong journal.
-
Sa pakikipag-ugnayan mo sa iyong pamilya o ibang tao, tanungin sila kung paano sila pinagpala ng pagsunod sa isang partikular na kautusan (halimbawa, pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath, pagsunod sa batas ng ikapu, o pagsunod sa isang kautusan na nahihirapang sundin ng isang taong tinuturuan ninyo).
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong para matulungan kang matukoy kung anong aspekto ang kailangan mong pagbutihin pa sa pagbibigay ng paanyaya. Gumawa ng mga plano para mas bumuti.
-
Alam ba ng mga tao na mahal ko sila?
-
May tiwala ba ako na sila ay tatanggap ng mga pagpapala kapag ginawa nila ang aming mga paanyaya?
-
Nagbibigay ba ako ng sapat na panahon at atensyon sa pagkontak sa mga tao araw-araw para tulungan silang tuparin ang kanilang mga pangako?
-
Ang aming mga lesson plan ba ay mayroong mga paanyayang kumilos?
-
Pag-aaral ng Magkompanyon at Companion Exchange
-
Rebyuhin ang mga paanyaya sa isa sa mga lesson ng misyonero. Para sa bawat imbitasyon, sagutin ang mga sumusunod na tanong:
-
Anong mga pagpapala ang ipinangako ng Panginoon sa mga tumutupad sa pangakong ito?
-
Paano makatutulong sa pagpapalakas ng pananampalataya at patotoo ng mga tao ang pagsunod sa alituntuning ito?
-
Paano matutulungan ng pangakong ito ang mga tao na magsisi at maging higit na sensitibo sa Espiritu?
-
-
Mula sa mga tool ninyo sa pagpaplano, gumawa ng isang listahan ng mga tao na nakontak ninyo sa nakaraang dalawang araw. Isali dito ang mga tinuturuan ninyo at mga miyembro.
-
Para sa bawat tao, isulat ang mga paanyaya na ibinigay ninyo at mga pangakong ginawa nila.
-
Isaalang-alang kung anong mga paanyaya ang maaari sana ninyong ibinigay.
-
Talakayin kung bakit may mga taong gumawa ng mga pangako at may mga tao namang hindi gumawa ng pangako.
-
Ano ang gagawin ninyo para mag-follow up sa mga paanyayang ito?
-
District Council, mga Zone Conference, at Mission Leadership Council
-
Talakayin ang mga epektibo at malikhaing ideya sa araw-araw na pagkontak sa mga taong tinuturuan ninyo. Gaano kaepektibo ang pakikipagtulungan ng mga misyonero sa mga miyembro? Ano ang kapaki-pakinabang na mga naka-print o digital na media? Ano ang maaari ninyong gawin kapag wala sa bahay ang tao o kaya’y masyado silang abala para makipagkita sa inyo?
-
Talakayin ang mga paraan kung paanong epektibong naituro ng mga misyonero ang mga kautusan sa mga lesson 4.
Mga Mission Leader at mga Mission Counselor
-
Kung maaari, samahan ang mga misyonero habang nagtuturo sila. Tulungan silang magtuon sa pagtulong sa mga tao na gumawa at tumupad ng mga pangako.
-
Hikayatin ang mga priesthood leader, lider ng mga organisasyon, at mga miyembro ng ward na kontakin araw-araw ang mga taong tinuturuan ng mga misyonero—kung pumayag ang mga tao sa pagkontak na ito.