Mga Calling sa Mission
Kabanata 3: Ang Paanyayang Mabinyagan at Makumpirma


“Kabanata 3: Ang Paanyayang Mabinyagan at Makumpirma,” Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Pagbabahagi ng Ebanghelyo ni Jesucristo (2023)

“Ang Paanyayang Mabinyagan at Makumpirma,” Mangaral ng Aking Ebanghelyo

Kabanata 3

Ang Paanyayang Mabinyagan at Makumpirma

Come into the Fold of God [Mapabilang sa Kawan ng Diyos], ni Walter Rane

Pinagbatayang Doktrina

Tayong lahat ay mga anak ng Ama sa Langit. Pumarito tayo sa lupa upang magkaroon ng oportunidad na matuto, umunlad, at maging higit na katulad Niya upang makabalik tayo sa Kanyang piling (tingnan sa Moises 1:39). Hindi tayo magiging katulad Niya o makakabalik sa Kanya nang walang tulong mula sa langit. Ipinadala ng Ama sa Langit ang Kanyang Anak na si Jesucristo upang magbayad-sala para sa atin at kalagin ang mga gapos ng kamatayan (tingnan sa 3 Nephi 27:13–22).

Matatanggap natin ang nagbabayad-salang kapangyarihan ni Cristo kapag tayo ay nagkaroon ng pananampalataya sa Kanya tungo sa pagsisisi, pagpapabinyag, pagtanggap ng Kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng kumpirmasyon, at pagtitiis hanggang sa wakas. Ang pagtupad ng tipan sa binyag ang unang hakbang upang maibigkis ang ating sarili sa Diyos nang sa gayon ay magawa ng Espiritu Santo na linisin, palakasin, at baguhin ang ating pagkatao. Ang pagdanas ng ganitong nakapagpapabanal na impluwensya ay tinatawag na espirituwal na pagsilang na muli. (Tingnan sa 2 Nephi 31:7, 13–14, 20–21; Mosias 5:1–7; 18; 27:24; 3 Nephi 27:20; Juan 3:5.)

Ang espirituwal na pagsilang na muli ay nagsisimula kapag tayo ay nabinyagan sa tubig at ng Espiritu. Ang binyag ay isang ordenansang naghahatid ng kagalakan at pag-asa. Kapag tayo ay nabinyagan nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu, magkakaroon tayo ng bagong simula sa buhay na taglay ang nagtataguyod na kapangyarihan ng Diyos. Pagkatapos nating mabinyagan at makumpirma, patuloy tayong mapalalakas sa pamamagitan ng karapat-dapat na pagtanggap ng sakramento. (Tingnan sa 2 Nephi 31:13; Mosias 18:7–16; Moroni 6:2; Doktrina at mga Tipan 20:37.)

Pagbibigay ng Paanyaya

Ayon sa paggabay ng Espiritu, anyayahan ang mga tao na magpabinyag at magpakumpirma. Maaari itong mangyari sa anumang lesson.

Ituro ang doktrina ng binyag at tulungan ang mga tao na maunawaan ang doktrina ni Cristo (tingnan sa lesson 3). Ituro ang kahalagahan ng at kagalakang nagmumula sa tipan ng binyag, pagtanggap ng kapatawaran ng mga kasalanan, at pagtanggap ng Kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng kumpirmasyon.

Ihanda ang mga tao para sa paanyayang mabinyagan sa pamamagitan ng pagtiyak na nauunawaan nila ang itinuturo ninyo at ang tipan na gagawin nila. Ang tipan sa binyag ay ang mga sumusunod:

  • Maging handang taglayin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo.

  • Sundin ang mga kautusan ng Diyos.

  • Paglingkuran ang Diyos at ang ibang tao.

  • Magtiis hanggang wakas. (Tingnan sa lesson 4.)

Maaari ninyong ibahagi ang sumusunod:

“Kapag tayo ay nabinyagan, pinapatunayan natin sa ‘harapan ng [Diyos] na [tayo] ay nakikipagtipan sa kanya, na siya ay [ating] paglilingkuran at susundin ang kanyang mga kautusan.’ Kapag ginawa natin ang tipang ito, nangangako Siya na ‘kanyang [ibubuhos] nang higit na masagana ang kanyang Espiritu sa [atin]’ (Mosias 18:10).”

Ang inyong paanyaya sa isang tao na magpabinyag ay dapat tiyak at malinaw. Maaari ninyong sabihin:

“Susundan mo ba ang halimbawa ni Jesucristo sa pamamagitan ng pagpapabinyag sa isang taong naordenan para maisagawa ang ordenansang ito? Tutulungan ka namin na maghanda para sa binyag. Sa palagay namin ay magiging handa ka sa [petsa]. Ihahanda mo ba ang iyong sarili na mabinyagan sa araw na iyon?”

Tulad ng iba pang mga paanyayang ibinibigay ninyo, mangako na ang mga tao ay makatatanggap ng dakilang mga pagpapala kapag tinanggap nila ang inyong paanyaya na magpabinyag at tinupad nila ang kaugnay na mga tipan. Ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa mga pagpapalang ito.

Ituro na hindi katapusan ang binyag at kumpirmasyon. Sa halip, ang mga ito ay mga bahagi lamang ng landas sa pagbabalik-loob na naghahatid ng lubos na pag-asa, kagalakan, at kapangyarihan ng Diyos sa buhay ng tao (tingnan sa Mosias 27:25–26). Pagkatapos mabinyagan at makumpirma ng mga tao, makakaasa sila na pababanalin sila ng Espiritu habang sumusulong sila sa landas ng tipan.

Kung maaari, anyayahan ang mga tinuturuan ninyo na dumalo sa isang serbisyo sa binyag at sa sacrament meeting kung saan kukumpirmahin ang isang tao.

Mga Ideya para sa Paanyayang Mabinyagan

Isaalang-alang ang pagbabasa ng tala sa banal na kasulatan tungkol sa pagpapabinyag ni Jesus (tingnan sa Mateo 3:13–17). Maaari ninyong ipapanood ang Bible video na nagpapakita ng binyag ng Tagapagligtas o ang Book of Mormon video na nagpapakita ng isinasagawang pagbibinyag ng mga disipulo ng Tagapagligtas.

Maaari din ninyong basahin ang tala ni Nephi tungkol sa binyag ni Jesus (tingnan sa 2 Nephi 31:4–12). Ang pagbabasa ng mga tala tungkol sa binyag ni Jesucristo ay maaaring magpalakas sa mga tinuturuan ninyo.

Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Pag-aralan ang sumusunod na mga banal na kasulatan:

Sumulat ng buod ng natutuhan mo.