Mga Calling sa Mission
Kabanata 10: Magturo upang Magpatibay ng Pananampalataya kay Jesucristo


“Kabanata 10: Magturo upang Magpatibay ng Pananampalataya kay Jesucristo,” Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Pagbabahagi ng Ebanghelyo ni Jesucristo (2023)

“Kabanata 10,” Mangaral ng Aking Ebanghelyo

Sermon on the Mount [Ang Sermon sa Bundok], ni Harry Anderson

Kabanata 10

Magturo upang Magpatibay ng Pananampalataya kay Jesucristo

Pag-isipan Ito

  • Paano ako makapagtuturo sa pamamagitan ng Espiritu?

  • Paano ako magtuturo mula sa mga banal na kasulatan?

  • Paano ko dapat ibahagi ang aking patotoo kapag nagtuturo?

  • Paano ko paplanuhin at maiaakma ang aking pagtuturo para matugunan ang mga pangangailangan ng mga tao?

  • Paano ako makapagbibigay ng mas magagandang tanong at magiging mas mabuting tagapakinig?

  • Paano ko matutulungan ang mga tao na mahanap ang mga sagot sa kanilang mga tanong at makatanggap ng patnubay at lakas?

Ikaw ay tinawag para ituro ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo sa lahat ng taong tatanggap sa iyo. Ang pagtuturo ay mahalaga sa lahat ng ginagawa mo. Kapag umasa ka sa tulong ng Panginoon, nangako Siya:

“At sinuman ang tatanggap sa inyo, naroroon din ako, sapagkat ako ay magpapauna sa inyong harapan. Ako ay papasainyong kanang kamay at sa inyong kaliwa, at ang aking Espiritu ay papasainyong mga puso, at ang aking mga anghel ay nasa paligid ninyo, upang dalhin kayo” (Doktrina at mga Tipan 84:88).

Manalangin, mag-aral, at magpraktis para mas humusay ang iyong kakayahang magturo. Gamitin ang mga alituntunin sa kabanatang ito at sa iba pang kabanata ng aklat na ito. Masigasig na hangarin ang kaloob na kakayahang magturo para mapagpala mo ang ibang tao at maluwalhati ang Diyos. Tutulungan ka ng Panginoon na magturo nang may kapangyarihan at awtoridad kapag masigasig kang lumalapit sa Kanya at inaaral ang Kanyang salita.

Sikaping Magturo Tulad ng Pagtuturo ng Tagapagligtas

Noong Kanyang ministeryo dito sa lupa, naglibot si Jesus na “nagtuturo … , [nangangaral] … , at nagpapagaling” (Mateo 4:23). Nagturo Siya sa maraming lugar—sa mga sinagoga, sa mga tahanan, at habang naglalakbay. Nagturo Siya sa harap ng maraming tao at sa paisa-isang pakikipag-usap. Ang ilan sa Kanyang mabisang mga pakikipag-usap ay napakaikli o sa hindi karaniwang sitwasyon. Nagturo Siya sa pamamagitan ng Kanyang kilos at mga salita.

Tinuruan ng Tagapagligtas ang bawat tao ayon sa kanilang natatanging mga pangangailangan. Halimbawa, noong naglingkod Siya sa isang lumpo, pinatawad Niya ang mga kasalanan nito at pinagaling ito (tingnan sa Marcos 2:1–12). Noong naglingkod naman Siya sa babaeng nangalunya, pinrotektahan Niya ito at inanyayahang huwag nang magkasalang muli (tingnan sa Juan 8:2–11). Noong kausap Niya ang isang mayamang lalaki na naghahangad ng buhay na walang hanggan, “minahal [Niya]” ito kahit hindi tinanggap ng lalaki ang Kanyang paanyayang sumunod sa Kanya (Marcos 10:21; tingnan sa talata 17–21).

Mapaghuhusay mo pa ang iyong pagtuturo sa pamamagitan ng pag-aaral kung paano nagturo ang Tagapagligtas. Halimbawa, minahal Niya ang Ama at ang mga tinuturuan Niya. Palagi Siyang nananalangin. Nagturo siya mula sa mga banal na kasulatan. Espirituwal Siyang naghanda. Nagbigay Siya ng mga inspiradong tanong. Inanyayahan Niya ang mga tao na kumilos nang may pananampalataya. Inihalintulad Niya ang mga alituntunin ng ebanghelyo sa pang-araw-araw na buhay.

Ang paghahangad na makapagturo na tulad ng Tagapagligtas ay isang panghabambuhay na hangarin. Paunti-unti mo itong matatanggap habang sinusunod mo Siya (tingnan sa 2 Nephi 28:30; Eter 12:41).

“Hangaring Matamo ang Aking Salita”

Para maituro ang ebanghelyo ni Jesucristo, kailangan mong malaman ang pangunahing doktrina at mga alituntunin nito. Kailangan mo rin ng espirituwal na kaalaman at pagpapatibay sa mga katotohanan ng ebanghelyo. Sinabi ng Panginoon, “Huwag hangaring ipahayag ang aking salita, kundi hangarin munang matamo ang aking salita.”

Ang ibig sabihin ng “matamo” ang salita ng Panginoon ay ang pag-aaral at pagtatanim nito sa iyong puso. Kapag ginawa mo ito, nangako Siya, “At pagkatapos ay kakalagan ang iyong dila; pagkatapos, kung iyong nanaisin, mapapasaiyo ang aking Espiritu at ang aking salita, oo, ang kapangyarihan ng Diyos sa ikahihikayat ng mga tao” (Doktrina at mga Tipan 11:21).

babae na nagmamarka ng banal na kasulatan

Sinabi rin ng Panginoon na “papagyamanin sa inyong mga isipan tuwina ang mga salita ng buhay” (Doktrina at mga Tipan 84:85). Kapag pinagyaman mo sa iyong isipan ang mga salita ng Panginoon, magkakaroon ka ng higit na kaalaman at mas malakas na patotoo. Ang hangarin at kakayahan mong ituro ang ebanghelyo ay lalakas din. (Tingnan sa Jacob 4:6–7; Alma 32:27–42; 36:26; 37:8–9.)

Mapanalanging hangarin at pagyamanin sa iyong isipan ang salita ng Panginoon sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan, mga salita ng mga buhay na propeta, at mga lesson sa kabanata 3.

Magturo sa Pamamagitan ng Espiritu

Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay “ang kapangyarihan ng Diyos para sa kaligtasan ng bawat sumasampalataya” (Roma 1:16). Dahil dito, ang mensahe ng Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ay kailangang ituro sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos—ang kapangyarihan ng Espiritu Santo.

Napakahalaga na magkaroon ka ng mga kasanayan sa pagtuturo. Mahalaga rin na matutuhan mo ang doktrina at mga alituntuning itinuturo mo. Gayunman, kapag nagtuturo ka ng mga espirituwal na katotohanan, hindi ka lang dapat umasa sa sarili mong kakayahan at kaalaman.

Ang mga espirituwal na katotohanan ay itinuturo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Sinabi ng Panginoon, “ At ang Espiritu ay ibibigay sa inyo sa pamamagitan ng panalangin nang may pananampalataya; at kung hindi ninyo natanggap ang Espiritu kayo ay hindi magtuturo” (Doktrina at mga Tipan 42:14; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 50:13–14, 17–22).

Ang Ibig Sabihin ng Pagtuturo sa Pamamagitan ng Espiritu

Kapag nagtuturo ka sa pamamagitan ng Espiritu, nananalangin ka na matanggap ang kapangyarihan ng Espiritu Santo sa iyong pagtuturo. Nananalangin ka rin na tatanggapin ng mga tao ang mga katotohanan sa pamamagitan ng Espiritu. Ang mga tao ay maaaring mahikayat dahil sa ilang katotohanan, ngunit para sila ay magbalik-loob, kailangan nilang magkaroon ng mga karanasan sa Espiritu (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 8:2–3).

Ihanda ang iyong sarili na maging daan para makapagturo ang Espiritu. Isipin ang Espiritu Santo bilang iyong kompanyon sa pagtuturo.

Umasa sa Espiritu para malaman mo kung ano ang iyong sasabihin. Ipapaalala Niya sa iyo ang doktrina na iyong natutuhan. Tutulungan ka Niya na planuhin at baguhin ang iyong ituturo ayon sa mga pangangailangan ng mga tao.

Kapag nagturo ka sa pamamagitan ng Espiritu, dadalhin Niya ang iyong mensahe sa puso ng mga tao. Kukumpirmahin Niya ang iyong mensahe kapag nagpatotoo ka. Ikaw at ang mga tatanggap ng iyong turo sa pamamagitan ng Espiritu ay mapapasigla, mauunawaan ninyo ang isa’t isa, at sama-sama kayong magagalak. (Tingnan sa 2 Nephi 33:1; Doktrina at mga Tipan 50:13–22.)

Pangulong Ezra Taft Benson

“Ang Espiritu ang tanging pinakamahalagang elemento sa gawaing ito. Sa pagtulong ng Espiritu sa pagganap mo sa iyong tungkulin, makagagawa ka ng mga himala para sa Panginoon habang nasa misyon. Kung wala ang Espiritu, hindi ka magtatagumpay kahit kailan anuman ang iyong talino at kakayahan” (Ezra Taft Benson, seminar para sa mga bagong mission president, 25 Hunyo 1986).

Ang Pangako ng Iyong Calling

Ikaw ay tinawag at na-set apart na “mangaral ng aking ebanghelyo sa pamamagitan ng Espiritu, maging ang Mang-aaliw na isinugo upang magturo ng katotohanan” (Doktrina at mga Tipan 50:14). Kung minsan ay maaaring kabahan ka o madama mong hindi mo ito kayang gawin. Marahil ay nag-aalala ka na hindi sapat ang iyong kaalaman o na wala kang sapat na karanasan.

Tinawag ka ng iyong Ama sa Langit, na lubusang nakakakilala sa iyo, dahil sa maihahandog mo bilang tapat na tagasunod ni Jesucristo. Hindi ka Niya pababayaan. Magtiwala na pahuhusayin ng Espiritu ang iyong mga kakayahan at ituturo ang katotohanan sa mga handang makinig dito.

Elder Neil L. Andersen

Sinabi ni Elder Neil L. Andersen: “Habang pinag-isipan kong magmisyon, nakadama ako ng labis na kakulangan sa kakayahan at paghahanda noon. Naaalala kong idinalangin ko ito, ‘Ama sa Langit, paano po ako makakapagmisyon kung kaunti lang ang alam ko?’ Naniniwala ako sa Simbahan, pero kakaunti ang espirituwal na kaalaman ko. Habang nagdarasal ako, may nadama ako: ‘Hindi mo alam ang lahat, pero sapat na ang alam mo!’ Ang katiyakang iyon ay nagbigay sa akin ng tapang na gawin ang susunod na hakbang para magmisyon”(“Sapat na ang Alam Ninyo,” Liahona, Nob. 2008, 13).

Anyayahan ang Espiritu sa Pagsisimula Ninyong Magturo

Ang mga unang sandali na kasama ninyo ang mga tao ay napakahalaga. Maging tapat at magalang. Magpakita ng taos-pusong interes at pagmamahal. Hangaring makuha ang kanilang tiwala. Ang isang paraan na makukuha ninyo ang tiwala ng mga tao ay kapag nadama nila ang Espiritu kapag kasama nila kayo.

Magbigay ng ilang simpleng tanong para matulungan kayong malaman ang kanilang pinagmulan at ang mga inaasahan nila sa mga pagbisita ninyo. Makinig na mabuti.

Bago kayo magsimula, anyayahan ang lahat ng naroon na sumama sa lesson. Hikayatin sila na alisin ang mga bagay na nakakagambala sa lesson upang madama ninyo ang Espiritu ng Panginoon.

Ipaliwanag na nais ninyong simulan at tapusin ang bawat lesson sa panalangin. Imungkahi na kayo ang magbigay ng pambungad na panalangin. Manalangin nang simple at taos-puso na pagpalain ng Diyos ang mga taong tinuturuan ninyo sa bawat aspekto ng kanilang buhay. Manalangin na madama nila ang katotohanan ng mga ituturo ninyo. Tandaan na “ang panalangin ng taong matuwid ay makapangyarihan at mabisa” (Santiago 5:16).

Magtiwala sa kapangyarihang magpabalik-loob ng Espiritu Santo. Sa patnubay ng Espiritu, maaari kayong magbahagi ng mga kaisipang tulad ng sumusunod sa pagsisimula ng inyong pagtuturo:

  • Ang Diyos ay ang ating mapagmahal na Ama sa Langit. Lahat tayo ay magkakapatid. Nais Niya na tayo ay makaranas ng kagalakan.

  • Lahat tayo ay may kinakaharap na mga hamon at problema. Anuman ang pinagdaraanan ninyo, matutulungan kayo ni Jesucristo at ng Kanyang mga turo. Matutulungan Niya kayo na magkaroon ng kapayapaan, pag-asa, pagpapagaling, at kaligayahan. Matutulungan kayo ni Jesus na magkaroon ng dagdag na lakas para sa mga hamon ng buhay.

  • Lahat tayo ay nagkakamali, na nagiging dahilan para makadama tayo ng pagkabagabag ng konsiyensya, kahihiyan, at panghihinayang. Ang mga damdaming ito ay mawawala lamang kapag tayo ay nagsisi at humingi ng kapatawaran sa Diyos. Sa pamamagitan lamang ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo tayo lubos na mapapagaling mula sa ating mga kasalanan.

  • Kami ay magiging gabay ninyo para malaman ninyo mismo sa inyong sarili ang katotohanan ng aming mensahe. Aanyayahan namin kayong gumawa ng ilang mga bagay, tulad ng pagbabasa, pananalangin, at pagsisimba. Ang aming tungkulin ay tulungan kayong magawa ang mga paanyayang ito at ipaliwanag ang mga pagpapalang matatanggap ninyo. Huwag kayong mahiyang magtanong sa amin.

  • Tinawag kami ng propeta ng Diyos para ibahagi ang nalalaman namin. Alam naming ang aming mensahe ay totoo.

  • Tuturuan namin kayo kung paano gumawa ng mga tipan, o mga espesyal na pangako, sa Diyos. Ang mga tipan na ito ay maglalapit sa inyo sa Diyos at magiging daan para makatanggap kayo ng kagalakan, lakas, at espesyal na mga pangako mula sa Kanya.

  • Matututuhan ninyo kung paano gumawa ng mga pagbabago sa inyong buhay at sundin si Jesucristo at ang Kanyang mga turo. Ang isang mahalagang turo ni Jesucristo, at ang unang tipan na ginagawa natin, ay ang sundin ang Kanyang halimbawa na mabinyagan sa pamamagitan ng wastong awtoridad (tingnan sa Juan 3:5; Doktrina at mga Tipan 22).

mga misyonero na nananalangin

Bago magturo ng isang lesson, magbigay muna ng simpleng buod ng mga ituturo ninyo. Tulungan ang mga tao na makita na may kabuluhan ito sa kanila. Halimbawa, maaari ninyong sabihin na, “Kami ay narito upang ibahagi ang mensahe na itinatag ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan sa mundo ngayon at tumawag Siya ng mga buhay na propeta para gabayan tayo.” O maaari ninyong sabihin na, “Kami ay narito para tulungan kayong malaman na mahal kayo ng Diyos at mayroon Siyang plano para sa inyong kaligayahan.”

Lahat ng tao ay makikinabang sa pagtanggap at pagsasabuhay ng ebanghelyo ni Jesucristo. Maaaring pinagpala na ng Ama sa Langit ng mahalagang espirituwal na paghahanda ang mga taong nahanap ninyo (tingnan sa Alma 16:16–17).

Ang pag-anyaya sa Espiritu at pagbabahagi ng katotohanan sa unang pagkikita ninyo ay tutulong sa mga tao na makilala kayo bilang mga lingkod ng Panginoon.

Personal na Pag-aaral o Pag-aaral ng Magkompanyon

Gamitin ang mga mungkahi sa bahaging ito para praktisin ang iba’t ibang paraan ng pagsisimula ng isang lesson.

Gamitin ang mga Banal na Kasulatan

Ang mga banal na kasulatan ng Simbahan ang inyong pangunahing sanggunian sa pagtuturo ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Maraming dahilan kung bakit mahalagang gamitin ang mga banal na kasulatan bilang batayan ng inyong pagtuturo. Halimbawa:

  • Inaanyayahan ng mga banal na kasulatan ang Espiritu Santo sa iyong pagtuturo (tingnan sa Lucas 24:13–32).

  • Ang mga banal na kasulatan ay may higit na malakas na bisa sa isipan ng mga tao kaysa ano pa mang bagay (tingnan sa Alma 31:5).

  • Sinasagot ng mga banal na kasulatan ang mga tanong ng kaluluwa (tingnan sa kabanata 5; tingnan din sa 2 Nephi 32:3; Jacob 2:8).

  • Ang mga banal na kasulatan ay nagbibigay ng awtoridad at bisa sa inyong itinuturo.

  • Sinabi ng Panginoon at ng Kanyang mga propeta na ganito ang gawin natin (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 42:12, 56–58; 71:1).

Sa paggamit ng mga banal na kasulatan sa inyong pagtuturo, matutulungan ninyo ang ibang tao na magsimula sa kanilang pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Mahihikayat silang pag-aralan ang mga banal na kasulatan kapag nakikita nila ang inyong pagmamahal sa mga ito. Ipakita kung paano makatutulong sa kanila ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan na matutuhan ang ebanghelyo at madama ang pagmamahal ng Diyos. Magbigay ng mga halimbawa kung paano sila matutulungan ng mga banal na kasulatan na mahanap ang mga sagot sa kanilang mga tanong at makatanggap ng patnubay at lakas.

Ilaan ang inyong sarili sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan para epektibo kayong makapagturo mula rito (tingnan sa kabanata 2). Mas huhusay ang kakayahan ninyong magturo mula sa mga banal na kasulatan kapag pinag-aralan ninyo ang mga ito araw-araw nang personal at bilang magkompanyon.

Tulungan ang mga tao na magkaroon ng pananampalataya kay Jesucristo sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan, lalo na ang Aklat ni Mormon. Maaaring makatulong ang sumusunod na mga mungkahi.

isang grupo na nag-aaral ng banal na kasulatan

Ipakilala ang Banal na Kasulatan

Maikling ilarawan ang kwento sa likod ng talata. Ipinapakita ng sumusunod na mga halimbawa ang ilang paraan kung paano maipapakilala ang isang banal na kasulatan:

  • “Sa kasaysayan ni Joseph Smith, ibinahagi sa atin ni Joseph sa kanyang sariling mga salita kung ano ang nangyari noong nagpunta siya sa kakahuyan para manalangin. Sabi niya, ‘Ako ay nakakita ng isang haligi ng liwanag …’”

  • “Sa talatang ito, tinuruan ni propetang Alma ang mga tao na maralita na manampalataya sa salita ng Diyos. Inihambing niya ang salita ng Diyos sa isang binhi na maaaring itanim sa ating puso. Maaari ba ninyong simulang basahin ang talata … ?”

Basahin ang mga Talata

Basahin nang malakas ang talata o hilingin sa taong tinuturuan ninyo na basahin ito nang malakas. Maging sensitibo sa mga nahihirapang magbasa. Kung nahihirapan silang maunawaan ang talata, basahin ito na kasama nila at ipaliwanag kung kailangan. Bigyang-kahulugan ang mahihirap na salita o parirala. O bigyan sila ng simpleng talatang babasahin. Anyayahan sila na hanapin ang partikular na mga ideya sa talata.

Ipamuhay ang mga Banal na Kasulatan

Sinabi ni Nephi, “inihahalintulad ko sa amin ang lahat ng banal na kasulatan, upang ito ay maging para sa aming kapakinabangan at kaalaman” (1 Nephi 19:23). Ang ibig sabihin ng “inihahalintulad” ay isabuhay ang mga banal na kasulatan.

Ihalintulad ang mga banal na kasulatan sa mga tinuturuan ninyo sa pamamagitan ng pagpapakita sa kanila kung paano naaangkop sa kanilang personal na buhay ang mga kwento at mga alituntunin. Halimbawa:

  • “Tulad mo, ang mga tao ni Alma ay mayroong mabibigat na pasanin, na halos hindi na nila kayang pasanin. Ngunit noong sila ay sumampalataya at nanalangin, pinalakas sila ng Diyos upang makayanan nila ang kanilang mga hamon. Pagkatapos ay iniligtas Niya sila mula sa kanilang mga paghihirap. Tulad ng ginawa Niya sa mga taong ito, alam ko na tutulungan ka ng Diyos sa iyong mga pinagdaraanan …” (tingnan sa Mosias 24.)

  • “Ang tagubilin ni Alma sa mga tao sa mga tubig ng Mormon ay naaangkop sa atin ngayon. John, handa ka bang … ?” (Tingnan sa Mosias 18.)

Turuan ang mga tao kung paano “ihalintulad” ang mga banal na kasulatan sa kanilang sarili. Kapag natuklasan nila kung paano naaangkop sa kanilang personal buhay ang mga banal na kasulatan, matutulungan sila nitong maipamuhay at maranasan ang kapangyarihan ng salita ng Diyos.

Anyayahan at Tulungan ang mga Tao na Magbasa sa Kanilang Sarili

Kailangang basahin ng mga taong tinuturuan ninyo ang mga banal na kasulatan, lalo na ang Aklat ni Mormon, para magkaroon sila ng patotoo tungkol sa katotohanan. Sa mabisang paggamit ng mga banal na kasulatan sa inyong pagtuturo, matutulungan ninyo ang mga tao na magsimula sa kanilang pag-aaral ng mga banal na kasulatan.

Matapos ang bawat pagbisita, magmungkahi ng partikular na mga kabanata o talata na mababasa nila. Magmungkahi ng mga tanong na pag-iisipan nila habang sila ay nagbabasa. Hinihikayat sila na pag-aralan ang mga banal na kasulatan araw-araw sa kanilang sarili at kasama ang kanilang pamilya. Maaari din ninyong anyayahan ang mga miyembro na samahan sila sa pagbabasa sa pagitan ng mga lesson.

Bago simulan ang susunod na lesson, mag-follow up sa pamamagitan ng pagtalakay sa mga talatang inanyayahan ninyo silang basahin. Kung kailangan, tulungan silang maunawaan at “maihalintulad” sa kanilang sarili ang mga banal na kasulatang ito. Hikayatin sila na itala ang kanilang mga ideya at mga tanong.

Kapag tinulungan ninyo ang mga tao na mabasa, maunawaan, at maisabuhay ang mga banal na karanasan—lalo na ang Aklat ni Mormon—magkakaroon sila ng mga espirituwal na karanasan sa salita ng Diyos. Mas malamang na magbabasa sila sa kanilang sarili at gagawin nilang mahalagang bahagi ng kanilang buhay ang mga banal na kasulatan.

mga misyonero na nagtuturo sa isang pamilya

Tulungan ang mga Tao na Makakuha ng Kopya ng mga Banal na Kasulatan

Ang mga banal na kasulatan at mga salita ng mga buhay na propeta ay makukuha ngayon sa mas maraming paraan at wika kaysa noon. Alamin kung anong mga naka-print at digital na opsiyon ang maaaring kunin ng mga taong tinuturuan ninyo. Tulungan ang mga tao na makakuha ng kopya ng mga banal na kasulatan sa mga paraang tumutugma sa kanilang mga pangangailangan at kagustuhan. Isipin ang mga sumusunod:

  • Tanungin ang mga tao kung sa aling wika nila nais mabasa o mapakinggan ang mga banal na kasulatan.

  • Ang mga nahihirapang magbasa, o nahihirapang maunawaan ang kanilang binabasa, ay maaaring makinabang sa sama-samang pagbabasa nang malakas o pakikinig sa mga audio recording. Ang mga ito ay makukuha sa pamamagitan ng libreng mga app at website ng Simbahan.

  • Kung ang isang tao ay may digital device, tulungan siya na ma-access ang mga banal na kasulatan, lalo na ang Aklat ni Mormon. Ang Book of Mormon app at Gospel Library ay libre at madali itong ibahagi sa iba.

  • Kung gumagamit kayo ng text, chat, o email, magpadala ng link o larawan ng mga banal na kasulatan. Kapag nagtuturo sa pamamagitan ng video chat, maaari kayong mag-share screen para sabay ninyong mabasa ang mga talata.

  • Tulungan ang mga tao na makakuha ng kopya ng mga salita ng mga buhay na propeta.

Personal na Pag-aaral o Pag-aaral ng Magkompanyon

Tiyakin na kayong magkompanyon ay mayroong pinakabagong mga sanggunian para sa banal na kasulatan sa inyong phone, pati na ang Book of Mormon app at ang Gospel Library.

Pumili ng isa sa sumusunod na mga talata ng banal na kasulatan: pahina ng pamagat ng Aklat ni Mormon; 3 Nephi 11; Moroni 10:3–8; Juan 17:3; Roma 8:16–17; 1 Corinto 15:29; Santiago 1:5; 1 Pedro 3:19–20; Amos 3:7.

Alamin kung paano ninyo:

  • Ipapakilala ang talata.

  • Ibibigay ang kwento at konteksto sa likod nito.

  • Babasahin ang talata at ipaliliwanag ang kahulugan nito.

  • Ipaliliwanag ang mahihirap na salita.

  • Tulungan ang mga tinuturuan ninyo na maipamuhay ito.

Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Bakit mahalagang magturo mula sa mga banal na kasulatan?

Ibahagi ang Iyong Patotoo

Ang patotoo ay isang espirituwal na patunay na ibinibigay ng Espiritu Santo. Ang pagbabahagi ng iyong patotoo ay ang pagbibigay ng simple at tuwirang pagpapahayag ng kaalaman o paniniwala tungkol sa isang katotohanan ng ebanghelyo. Ang pagbabahagi ng iyong patotoo ay nagdaragdag ng iyong personal na pagsaksi sa katotohanang itinuro ninyo mula sa mga banal na kasulatan.

Ang pagbabahagi ng iyong patotoo ay isang mabisang paraan para maanyayahan ang Espiritu at matulungan ang iba na madama ang Kanyang impluwensya. Isa sa mga tungkulin ng Espiritu Santo ay magpatotoo sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Kadalasan Niya itong ginagawa kasabay ng pagbabahagi mo ng iyong patotoo.

Ang mabisang patotoo ay hindi nakadepende sa husay magsalita o lakas ng boses—ito ay nakadepende sa matibay na pananampalataya at katapatan ng iyong puso. Mag-ingat na huwag madaliin o gawing madrama ang iyong patotoo. Bigyan ang mga tao ng pagkakataong madama ang pagsaksi sa kanila ng Espiritu Santo na totoo ang itinuro mo.

Ang iyong patotoo ay maaaring simple lang tulad ng “Si Jesucristo ay ating Tagapagligtas at Manunubos” o “Nalaman ko sa sarili ko na ang Aklat ni Mormon ay totoo.” Maaari ka ring magbahagi ng maikling karanasan kung paano mo natanggap ang patotoong ito.

Kapag nagtuturo ka, magpatotoo kapag nadama mong kailangan mo itong gawin, at hindi lang sa dulo. Kapag nagtuturo ang iyong kompanyon, magpatotoo bilang ikalawang saksi sa kanyang itinuro.

Magpatotoo na ang alituntuning itinuturo ninyo ay maghahatid ng pagpapala sa buhay ng tao kapag ipinamuhay niya ito. Ibahagi kung paano napagpala ang iyong buhay nang ipinamuhay mo ang alituntuning iyon. Ang iyong taos-pusong patotoo ay magbibigay-daan para madama ng mga tao ang pagpapatibay ng Espiritu Santo sa katotohanan.

Personal na Pag-aaral

Ang sumusunod na mga banal na kasulatan ay mga halimbawa ng pagpapatotoo. Isipin ang mga tanong habang binabasa mo ang mga ito. Isulat sa iyong study journal ang mga sagot mo.

Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Ano ang itinuturo ng sumusunod na banal na kasulatan tungkol sa mga alituntunin at pangako ng pagpapatotoo?

Planuhin at Baguhin ang Inyong Pagtuturo para Matugunan ang mga Pangangailangan

Ang mga taong tinuturuan ninyo ay magkakaiba. Hangaring maunawaan ang kanilang mga espirituwal na interes, pangangailangan, at alalahanin. Magtanong at makinig nang mabuti. Bagama’t maaaring hindi ninyo lubos na nauunawaan ang mga pangangailangan ng mga tao, tandaan na nauunawaan ito ng Ama sa Langit. Gagabayan Niya kayo sa pamamagitan ng Espiritu Santo.

mga misyonero na nagtuturo ng mag-asawa

Hayaan ang Espiritu na Gabayan ang Pagkakasunud-sunod ng mga Lesson

Hayaan ang Espiritu na gabayan kayo sa pagkakasunud-sunod ng mga lesson na ituturo ninyo. Kayo ang bahala kung sa paanong pagkakasunud-sunod ninyo ituturo ang mga lesson para pinakamainam na matugunan ang mga pangangailangan, tanong, at kalagayan ng mga tinuturuan ninyo.

Paminsan-minsan, maaari ninyong pagsamahin ang mga alituntunin mula sa iba’t ibang lesson para matugunan ang mga pangangailangan at interes ng isang tao. Tingnan ang sumusunod na tatlong halimbawa.

Natagpuan kayo ni Yuki online at nagtanong siya kung bakit ang mga kaibigan niya sa Simbahan ay hindi naninigarilyo o umiinom ng alak. Maaari ninyong ituro sa kanya ang mga pagpapala na nagmumula sa mga kautusan sa pamamagitan ng paggamit ng sumusunod na mga bahagi mula sa kabanata 3:

Sa tingin ni Samuel ay hindi siya nabibilang sa anumang lugar. Maaari ninyong ituro sa kanya kung sino siya at ang kanyang lugar sa pamilya ng Diyos sa pamamagitan ng paggamit ng sumusunod na mga bahagi mula sa kabanata 3:

Marami nang napag-aralan na relihiyon si Tatyana at nais niyang malaman kung paano naiiba ang Simbahan. Maaari ninyong ituro sa kanya ang tungkol sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo sa pamamagitan ng paggamit ng sumusunod na mga bahagi mula sa kabanata 3:

Kilala ng Ama sa Langit ang Kanyang mga anak, kaya maghangad ng inspirasyon sa paggawa ng mga desisyong ito habang naghahanda kayong magturo. Manalangin para sa kaloob na makahiwatig habang nagpapasiya kayo kung ano ang ituturo. Bigyang-pansin ang mga ideya at damdaming dumarating sa inyo.

pamilyang nagbabasa ng mga banal na kasulatan

Bigyan ang mga Tao ng Panahon para Maipamuhay ang Natutuhan Nila

Kapag nagturo kayo, bigyan ang mga tao ng panahon para maipamuhay nila ang kanilang natutuhan (tingnan sa 3 Nephi 17:2–3). Maghanap ng angkop na mga paraan para masuportahan sila sa pagtupad sa kanilang mga pangako. Pagtuunan ng pansin ang pagtulong sa kanila na gawin ang mga bagay na makatutulong sa kanila na magkaroon ng pananampalataya tulad ng pananalangin, pagbabasa, at pagsisimba. Makatutulong ito sa kanila na tumupad sa karagdagang mga pangako.

Habang kayo ay nagpaplano at nagtuturo, maging sensitibo sa kung gaano karaming bagong impormasyon ang ibabahagi ninyo. Ang pangunahing layunin ng inyong pagtuturo ay tulungan ang isang tao na magkaroon ng pananampalataya kay Jesucristo na hahantong sa pagsisisi. Ang layunin ninyo ay hindi ang masubukan kung gaano karaming impormasyon ang maibabahagi ninyo.

Magturo sa bilis na angkop para sa tao. Magtanong at makinig nang mabuti para maunawaan ninyo kung may natutuhan siya at kung isinasabuhay niya ang mga turo ninyo.

Ang mga katotohanang itinuturo ninyo, kasama ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, ay mag-iimpluwensya sa mga tao na gamitin ang kanilang kalayaang pumili sa mga paraang magpapalakas ng kanilang pananampalataya kay Cristo. Habang sumasampalataya sila sa Panginoon sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng mga natutuhan nila, malalaman nila sa pamamagitan ng Espiritu na totoo ang ebanghelyo.

Gumamit ng Iba’t Ibang Pamamaraan sa Pagtuturo

Ang pagtuturo ay maaaring maganap sa maraming paraan, tulad ng personal na pagbisita, video chat, tawag sa telepono, text message, at social media.

Igalang ang Oras ng mga Tao

Panatilihing simple at maikli ang inyong pagtuturo. Ang mga tao ay mas malamang na makipagkitang muli sa inyo kapag iginagalang ninyo ang kanilang oras at mga kahilingan. Tanungin sila kung gaano karaming oras ang mayroon sila para sa inyong pagbisita. Simulan at tapusin ang anumang pag-uusap sa napagkasunduang oras, nagtuturo man kayo nang personal o online. Tandaan na sa ilang lugar, napakamahal ng pagtawag sa telepono o video chat.

Kailangan ninyo ng higit sa isang pagbisita para maituro ang mga alituntunin sa isang lesson. Ang mga teaching visit ay karaniwang hindi lumalampas ng 30 minuto, at maaari ninyong turuan ang isang tao sa loob ng 5 minuto. Iangkop ang inyong pagtuturo sa oras ng mga tao.

Gamitin nang Matalino ang Teknolohiya

Marami kayong pagkakataong magturo sa tao gamit ang teknolohiya. Mas gusto ng ibang tao ang ginhawa at privacy ng pakikipag-ugnayan sa pamamagitan ng teknolohiya. Kahit ang mga taong binibisita ninyo nang personal ay maaari ding makinabang sa karagdagang suporta sa pamamagitan ng teknolohiya. Talakayin ang mga magagamit ninyo para makipag-ugnayan. Pagkatapos ay mag-follow up at panatilihin ang inyong komunikasyon. Hayaang ang kagustuhan ng bawat tao ang gumabay sa inyong mga pakikipag-ugnayan.

Ang teknolohiyang tulad ng video call ay talagang makatutulong sa pagtuturo ng mga tao na sobrang abala o nakatira sa malayo. Kung minsan mas madali para sa mga miyembro na makibahagi sa lesson sa pamamagitan ng teknolohiya.

Tulungan ang mga Bata

Noong nagministeryo ang Tagapagligtas, sinabi Niya sa Kanyang mga disipulo, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang maliliit na bata. Huwag ninyo silang pagbawalan, sapagkat sa mga ganito nauukol ang kaharian ng Diyos” (Marcos 10:14). Kapag nagtuturo kayo ng mga bata, iangkop ang inyong mensahe at paraan ng pagtuturo para matugunan ang kanilang mga pangangailangan. Tulungan silang matutuhan ang ebanghelyo sa pamamagitan ng pagtalakay sa mga bagay na pamilyar sa kanila. Tiyakin na nauunawaan nila ang inyong mga itinuturo.

Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 84:85. Ano ang ibig sabihin ng bigyan ng “yaong bahagi na nararapat ipagkaloob sa bawat tao”? Paano ito naaangkop sa inyong pagtuturo?

Ano ang ipinangako ng Panginoon sa matatapat na misyonero tungkol sa pagkaalam nila kung ano ang kanilang sasabihin?

Magturo Kasama ng Iyong Kompanyon Nang May Pagkakaisa

Sinabi ng Panginoon, “At kayo ay hahayo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng aking Espiritu, mangangaral ng aking ebanghelyo, dala-dalawa” (Doktrina at mga Tipan 42:6). Inutusan Niya rin kayo ng iyong kompanyon na “maging isa” (Doktrina at mga Tipan 38:27). Magiging mas mabisa at mas makapupukaw ng damdamin ang inyong pagtuturo kung nagkakaisa kayo ng iyong kompanyon. Magsalitan kayo sa pagbibigay ng maiikling bahagi ng lesson.

Sa pag-aaral ninyo ng iyong kompanyon, talakayin at praktisin kung paano kayo magtuturo nang nagkakaisa. Maghanda kung paano kayo magkakaisa sa pagtuturo sa mga tao online. Sundin ang mga pag-iingat sa paggamit ng teknolohiya, na ipinaliwanag sa kabanata 2.

mga misyonero na nagtuturo sa lalaki

Kapag nagtuturo ang iyong kompanyon, manalangin para sa kanya, pakinggan siya, at tingnan siya. Suportahan ang iyong kompanyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng pangalawang saksi sa mga katotohanang itinuro niya (tingnan sa Alma 12:1). Sundin ang nadarama kapag hinihikayat ka ng Espiritu na magsalita.

Maging tunay na interesado sa mga taong tinuturuan ninyo. Pakinggan sila. Tumingin nang diretso sa kanila kapag kinakausap mo sila. Maingat na obserbahan ang kanilang mga sagot, at pakinggan ang mga pahiwatig ng Espiritu.

Anyayahan ang mga Miyembro na Makibahagi

Anyayahan ang mga miyembro na tulungan kayong magturo at suportahan ang mga taong tinuturuan ninyo. Maaari nila itong gawin nang personal o online. Sa lingguhang coordination meeting, tanungin ang mga lider ng ward kung sino ang maaaring makatulong.

Kapag nakibahagi ang mga miyembro sa pagtuturo at pagsuporta, makapagdaragdag sila ng mga ideya at makakabuo sila ng pagkakaibigan. Madarama nila ang galak na nagmumula sa gawaing misyonero.

Anyayahan ang mga Miyembro na Tulungan Kayong Magturo

Bago ang mga lesson, magplano kasama ng mga miyembro kung paano kayo magtutulungan. Maaari ninyo silang padalhan ng text message o tawagan saglit sa telepono para ipaalam kung ano ang ituturo ninyo, sino ang mananalangin, sino ang mangunguna sa pag-uusap, at iba pang mga detalye.

Ang pangunahing tungkulin ng mga miyembro sa lesson ay magbigay ng taos-pusong patotoo, magbahagi ng maikling personal na karanasan, at makabuo ng mabuting ugnayan sa mga tinuturuan. Maaari ninyong hilingin sa mga miyembro na ibahagi kung paano nila natutuhan, tinanggap, at ipinamuhay ang isang partikular na alituntunin na binanggit sa lesson. Kung sila ay mga convert, anyayahan silang ibahagi kung paano sila nagdesisyon na maging miyembro ng Simbahan.

Kapag nagbigay ng referral ang mga miyembro, anyayahan silang makibahagi sa pagtuturo ng taong ito. Ang mga miyembro ay maaaring higit na makibahagi sa mga sitwasyong ito. Sumangguni sa kanila sa kung paanong paraan nila gusto makibahagi.

Isipin kung sa paanong paraan magiging angkop ang paggamit ng teknolohiya sa pagtuturo kasama ng mga miyembro. Ang teknolohiya ay nagbibigay sa mga miyembro ng pagkakataong masamahan kayo nang hindi nila kailangang gumugol ng masyadong maraming oras na tulad ng sa personal na pagbisita.

Sa lingguhang coordination meeting, planuhin kasama ng mga lider ng ward na may miyembrong sasama sa mga lesson hagga’t maaari (tingnan sa kabanata 13). Isiping anyayahan ang mga bagong miyembro na tulungan kayo sa pagtuturo.

Personal na Pag-aaral o Pag-aaral ng Magkompanyon

Kunwari ay mayroong kayong appointment na magturo ng lesson sa isang pamilya sa bahay ng isang miyembro. Talakayin kung paano makikibahagi ang bawat isa sa mga sumusunod na miyembro para matulungan kayo sa pagtuturo:

  • Isang ward missionary na kagagaling pa lang sa full-time na misyon

  • Isang priest

  • Isang bagong miyembro

  • Ang elders quorum o Relief Society president

Anyayahan ang mga Miyembro na Magbigay ng Suporta

Ang mga miyembro ay makapagbibigay ng mahalagang suporta sa mga tao sa pagitan ng mga teaching visit. Maaari silang magpadala ng text, magkasamang magbasa ng mga banal na kasulatan, mag-anyaya sa mga tao sa kanilang mga tahanan o sa mga aktibidad, o mag-anyaya sa kanila na magkakatabing umupo sa simbahan. Maaari silang sumagot ng mga tanong at magpakita kung ano ang kanilang buhay bilang mga miyembro ng Simbahan. Ang kanilang karanasan at pananaw sa buhay ay makatutulong sa kanila na makaugnay sa mga tao sa paraang hindi kaya ng mga misyonero.

Sumangguni sa mga miyembro kung paano kayo magtutulungan para suportahan ang mga tao sa labas ng mga teaching visit.

Magturo para Maunawaan

Ituro ang ebanghelyo ni Jesucristo para maunawaan ito ng mga tao. Pag-aralan ang mga banal na kasulatan at ang mga lesson para malinaw mong maituro ang mga ito. Kapag mas malinaw ang iyong pagtuturo, magkakaroon ng higit na oportunidad ang Espiritu Santo na magpatotoo ng katotohanan.

Magbigay ng mga tanong na tutulong sa mga tao na pag-isipan ang itinuro mo. Pagkatapos ay makinig para malaman mo kung nauunawaan at tinatanggap nila ito.

Bahagi ng pagtuturo para sa pag-unawa ay ang pagpapaliwanag ng mga salita, parirala, at ideya. Mapagbubuti mo ang kakayahan mong ituro ang ebanghelyo sa pamamagitan ng:

  • Pag-unawa sa mga salitang ginagamit mo.

  • Pagbibigay-kahulugan sa mga salitang maaaring hindi naiintindihan ng iba.

  • Pagtatanong sa mga tao tulad ng “Maaari ba ninyong ibahagi sa amin ang inyong naunawaan sa bagay na aming itinuro?” o “Maaari ba ninyong ibuod ang napag-usapan natin ngayon?”

Habang itinuturo ninyo ang doktrina sa kabanata 3, tandaan ang mga salita, parirala, at ideya na maaaring hindi maunawaan ng mga tao. Bigyang-kahulugan ang mga ito gamit ang mga sanggunian sa Gospel Library, tulad ng Gabay sa mga Banal na Kasulatan at Mga Paksa ng Ebanghelyo.

Panatilihing simple at maikli ang iyong pagtuturo. Tiyakin na nakatuon ito sa ebanghelyo ni Jesucristo at sa pagtulong sa mga tao na maunawaan ang pangunahing doktrina at mga alituntunin nito. Tulungan ang mga tao na hangarin ang pag-unawa na nagmumula sa Espiritu Santo. Habang natatanggap nila ang pag-unawang ito, unti-unti silang maniniwala sa mensahe ng ebanghelyo.

Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Bakit dapat maingat nating ipaliwanag ang doktrina?

Paano tayo natututo? Bakit mahalagang gawing paunti-unti ang pagtuturo ng impormasyon?

Bakit mahalaga ang maging malinaw?

Ano ang matututuhan mo mula sa sumusunod na mga talata kung paano nakikipag-usap ang Diyos sa Kanyang mga anak?

Magtanong

Ang Tagapagligtas ay nagbigay ng mga tanong na nag-anyaya sa mga tao na mag-isip nang malalim at madama nang husto ang mga katotohanang itinuro Niya. Ang Kanyang mga tanong ay naghikayat ng pagninilay at pangangako.

Ang magagandang tanong ay mahalaga din sa iyong pagtuturo. Nakatutulong ang mga ito sa iyo na maunawaan ang mga interes, alalahanin, at tanong ng mga tao. Ang magagandang tanong ay mag-aanyaya sa Espiritu at makatutulong sa mga tao na matuto.

Magbigay ng mga Inspiradong Tanong

Hingin ang patnubay ng Espiritu sa pagbibigay ng magagandang tanong. Ang tamang mga tanong na ibinigay sa tamang panahon ay tutulong sa mga tao na matutuhan ang ebanghelyo at madama ang Espiritu.

Ang mga inspiradong tanong at taos-pusong pakikinig ay tutulong sa mga tao na maging komportable sa pagbabahagi ng kanilang mga nadarama. Makatutulong ito sa kanila na mapansin ang kanilang lumalagong patotoo. Magiging mas komportable rin sila na magtanong sa iyo kapag mayroon silang hindi nauunawaan o mga alalahanin.

Ipinapakita sa sumusunod na table ang ilang alituntunin sa pagtatanong ng mga inspiradong tanong, pati na ng ilang mga halimbawa.

Mga Alituntunin at Halimbawa ng mga Inspiradong Tanong

Mga Alituntunin

Mga Halimbawa

Magbigay ng mga tanong na tutulong sa mga tao na madama ang Espiritu.

  • Maaari ba kayong magbahagi ng isang karanasan kung saan nadama ninyo ang impluwensya ng Diyos sa inyong buhay?

  • Paano ninyo nadama ang pagmamahal ng Diyos sa inyo?

Magbigay ng mga tanong na simple at madaling maunawaan.

  • Ano ang natutuhan ninyo tungkol kay Jesucristo mula sa mga banal na kasulatan?

Magbigay ng mga tanong na tutulong sa mga tao na pag-isipan ang itinuturo ninyo.

  • Paano ito natutulad sa mga bagay na pinaniniwalaan mo? Paano ito naiiba?

Magtanong ng mga bagay na tutulong sa inyo na malaman kung gaano nauunawaan ng mga tao ang inyong itinuturo.

  • Anong mga tanong ang mayroon kayo tungkol sa itinuro namin ngayon?

  • Paano ninyo ibubuo ang mga napag-usapan natin ngayon?

Magbigay ng mga tanong na tutulong sa mga tao na maibahagi ang kanilang nadarama.

  • Paano kayo natulungan ni Jesucristo sa inyong buhay?

  • Alin sa mga napag-usapan natin ngayon ang pinakamahalaga para sa inyo?

Magbigay ng mga tanong na nagpapahiwatig ng pagmamahal at malasakit.

  • Paano namin kayo matutulungan?

Magbigay ng mga tanong na tutulong sa mga tao na maipamuhay ang natutuhan nila.

  • Ano ang matututuhan natin mula sa banal na kasulatang ito?

  • Paano makatutulong sa inyong buhay ang banal na kasulatang ito?

  • Habang tayo ay nag-uusap, ano ang nadama mong dapat mong gawin batay sa natutuhan mo?

Pag-aaral ng Magkompanyon

Rebyuhin ang inyong lesson plan mula sa pinakahuling lesson na itinuro ninyo. Sumulat ng tig-iisang tanong para sa bawat pangunahing alituntuning nakabalangkas sa plano ninyo.

Rebyuhin ang mga tanong mo para malaman kung akma ito sa alituntunin sa bahaging ito.

Pagkatapos ay sagutin ang mga tanong na para bang ikaw ang taong tinuturuan.

Ibahagi ang iyong mga tanong sa iyong kompanyon. Magkasama ninyong suriin at pagbutihin ang inyong mga tanong.

Personal na Pag-aaral o Pag-aaral ng Magkompanyon

Maaaring maranasan ng mga taong tinuturuan ninyo ang mga sumusunod:

  • Nagkaroon sila ng espirituwal na karanasan habang binabasa ang Aklat ni Mormon.

  • Ang mga kasamahan nila sa trabaho ay palaging ginagawang biro ang mga espirituwal na bagay.

  • Sila ay may mga kapamilya na matatatag na miyembro ng ibang simbahan.

  • Naniniwala ang kanilang mga kaibigan na “ang mga Mormon” ay hindi Kristiyano.

Mag-isip ng isang tanong na ibibigay mo para mas maunawaan mo ang bawat isa sa mga sitwasyong ito. Isulat ang mga tanong na ito sa iyong study journal. Pag-usapan ninyo ng kompanyon mo kung paano ninyo mapagbubuti ang mga tanong na isinulat ninyo.

Iwasan ang mga Hindi Epektibo o Labis na Pagtatanong

Subukang huwag magbigay ng mga tanong na:

  • Malinaw at halata na ang tamang sagot.

  • Maaaring magpahiya sa isang tao kung hindi niya alam ang sagot.

  • Mayroong higit pa sa isang ideya.

  • Tumutukoy sa doktrina na hindi pa ninyo naituro.

  • Walang malinaw na layunin.

  • Labis na pagtatanong.

  • Mapamilit o maaaring makairita at makasakit ng damdamin ng ibang tao.

Narito ang halimbawa ng mga di-gaanong epektibong tanong:

  • Sino ang unang propeta? (Maaaring hindi alam ng tao ang sagot.)

  • Paano nakatutulong sa atin ang pagpapanatiling dalisay ng ating mga katawan para mapasaatin ang Espiritu at maipakita natin na handa tayong sumunod sa propeta ng Diyos? (Mayroong higit pa sa isang ideya.)

  • Mahalaga bang malaman ang tungkol sa mga kautusan ng Diyos? (Ito ay tanong na masasagot ng oo at hindi, at malinaw at halata naman ang tamang sagot.)

  • Ano ang magagawa natin araw-araw na makatutulong sa atin na mapalapit sa Diyos? (Ito ay malabong tanong na naghahanap ng partikular na sagot: panalangin.)

  • Sino ang sumunod na propeta kay Noe? (Maaaring hindi alam ng tao ang sagot, at ang tanong ay hindi mahalaga sa inyong mensahe.)

  • Nauunawaan ba ninyo ang aking sinasabi? (Maaaring madama ng tao na minamaliit mo siya.)

Personal na Pag-aaral o Pag-aaral ng Magkompanyon

Isipin ang mga pangangailangan ng mga taong tinuturuan ninyo. Pag-usapan kung paano niya masasagot ang tanong ninyo. Planuhin na magbigay ng mga tanong na nakaayon sa mga tuntunin sa bahaging ito. Talakayin kung paano maaanyayahan ng mga tanong na ito ang Espiritu at matutulungan ang tao na matutuhan ang ebanghelyo.

Makinig

Kapag nakinig kang mabuti sa iba, mas mauunawaan mo sila. Kapag alam nila na mahalaga sa iyo ang iniisip at nadarama nila, mas malamang na makinig sila sa mga itinuturo mo, magbahagi ng personal na mga karanasan, at gumawa ng mga pangako.

Habang nakikinig ka, mauunawaan mo kung paano maiaakma ang pagtuturo mo sa kanilang mga pangangailangan at interes. Mas lalo mong mauunawaan kung aling katotohanan ng ebanghelyo ang magiging pinakakapaki-pakinabang sa kanila.

Makinig na mabuti sa mga paghihikayat ng Espiritu. Kapag ibinabahagi ng ibang tao ang kanilang mga damdamin, maaaring magbigay ang Espiritu Santo sa iyo ng mga ideya. Matutulungan ka rin ng Espiritu na maunawaan kung ano ang ipinahihiwatig ng mga tao.

mga misyonero na kinakausap ang isang pamilya

Makinig nang may Tunay na Malasakit

Ang pakikinig ay nangangailangan ng pagsisikap at tunay na malasakit. Habang kausap ang ibang tao, tiyakin na nakatuon ka sa kanilang sinasabi. Iwasan ang pag-iisip kung ano ang sasabihin mo.

Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland: “Mas mahalaga kaysa sa pagsasalita ang pakikinig. Ang mga taong ito ay hindi mga bagay na walang buhay na ibibilang lamang na mga taong bibinyagan. … Itanong ninyo sa mga kaibigang ito kung ano ang pinakamahalaga sa kanila. Ano ang itinatangi nila, at ano ang kanilang pinakamamahal? Pagkatapos ay makinig. Kung angkop ang sitwasyon, maaari ninyong tanungin kung ano ang kinatatakutan nila, ano ang mga pinananabikan nila, o ano sa pakiramdam nila ang kulang sa kanilang buhay. Pangako, tiyak na may isang bagay sa sinasabi nila na laging maiuugnay sa isang katotohanan ng ebanghelyo. Ang bagay na ito ay mapapatotohanan ninyo at makapagdaragdag pa kayo. … Kung makikinig tayo nang may pagmamahal, hindi na natin iisipin kung ano ang sasabihin. Ibibigay ito sa atin ng—Espiritu at ng ating mga kaibigan” (“Witnesses Unto Me,” Ensign, Mayo 2001, 15).

Obserbahan ang mga Mensaheng Hindi Sinasabi

Ang mga tao ay nagpapahiwatig din ng kanilang saloobin sa pamamagitan ng galaw ng kanilang katawan. Pansinin ang paraan ng pag-upo nila, ekspresyon ng mukha nila, ginagawa nila sa kanilang mga kamay, tono ng kanilang boses, at galaw ng kanilang mga mata. Ang pag-obserba sa di-sinasambit na mga mensaheng ito ay makatutulong sa iyo na maunawaan ang nadarama ng mga tinuturuan ninyo.

Pansinin din ang galaw ng katawan mo. Ipakita na interesado at natutuwa ka sa pamamagitan ng taos-pusong pakikinig.

Bigyan ng Oras ang mga Tao na Makapag-isip at Makasagot

Ang Tagapagligtas ay madalas magbigay ng mga tanong na nangangailangan ng oras para masagot ng isang tao. Kapag nagbigay ka ng tanong, huminto ka sa pagsasalita para mabigyan ang tao ng pagkakataon na makapag-isip at makasagot. Huwag matakot kung tahimik. Madalas na kailangan ng mga tao ng oras para pag-isipan at sagutin ang mga tanong o sabihin ang nadarama nila.

Maaari kang huminto sa pagsasalita pagkatapos mong magbigay ng tanong, pagkatapos magbahagi ng espirituwal na karanasan, o kapag nahihirapan ang mga tao na sabihin ang nais nilang sabihin. Tiyaking bigyan sila ng oras para masabi ang lahat ng nais nilang sabihin bago ka magsalita. Huwag magsalita habang nagsasalita pa sila.

Tumugon nang may Pagdamay

Kapag sinasagot ng tao ang isang tanong, simulan ang iyong pagtugon sa kanyang sagot sa pagpapahayag ng pagdamay kung naaangkop. Ang pagdamay ay nagpapakita na tunay kang may malasakit. Iwasan ang pagbuo ng mga konklusyon, kaagad na pag-aalok ng mga solusyon, o pagpapahiwatig na alam mo ang lahat ng sagot.

Tiyakin na Nauunawaan Mo ang Sinasabi ng mga Tao

Kapag hinahangad mong maunawaan ang sinasabi ng isang tao, magtanong para matiyak na nauunawaan mo sila. Halimbawa, maaari mong itanong, “Ang ibig ninyong sabihin ay . Tama po ba ito?” o “Kung tama ang pagkakaintindi ko, nadarama ninyo na .” Kung hindi ka sigurado kung nauunawaan mo ang isang bagay, tanungin ang tao para malinawan ka.

Pagtugon sa Mahihirap na Pakikipag-usap

Lubos mong matutulungan ang mga tao sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila ng ebanghelyo ni Jesucristo. May ilang tao na gustong sila lang ang palaging magsasalita. Kung minsan ay kailangan lang ng mga tao ng isang taong makikinig nang may pagmamahal sa kanilang mga pinagdaraanan at nadarama. Ang ilang tao ay gustong mangibabaw o makipagtalo.

Aralin kung paano ka mabisang tutugon sa gayong mga sitwasyon nang may pagmamahal. Maaari ninyong iangkop ang inyong pagtuturo para matugunan ang isang bagay na ibinahagi ng tao. O maaari mong magalang na sabihin na nais ninyong talakayin ang bagay na ito sa ibang pagkakataon. Matutulungan ka ng Espiritu na malaman kung paano tutugon sa mahihirap na sitwasyon.

Tulungan ang mga Tao na Maging Komportableng Magbahagi ng Kanilang mga Damdamin

Para maiwasang mapahiya, ang isasagot ng ilang tao sa inyong mga tanong ay ang sa palagay nila na nais ninyong marinig na sagot sa halip na ibahagi ang kanilang tunay na nadarama. Sikaping magkaroon ng ugnayan kung saan magiging komportable silang ibahagi sa inyo ang tunay na nadarama nila.

Ang pagkakaroon ng pag-unawa at magandang ugnayan sa mga tao ay magbibigay-daan para matulungan ninyo sila, matugunan ang kanilang mga interes at pangangailangan, at maipahayag sa kanila ang pagmamahal ng Tagapagligtas. Bumuo ng ugnayang may pagtitiwala sa pamamagitan ng pagiging tapat sa kanila, pagpapanatili ng angkop na ugnayan bilang misyonero, at pagpapakita ng paggalang.

Personal na Pag-aaral o Pag-aaral ng Magkompanyon

Pagnilayan kung gaano ka kahusay sa pakikinig sa ibang tao. Isulat sa iyong study journal ang iyong sagot sa mga tanong sa ibaba. O talakayin ito sa iyong kompanyon.

A = Hindi totoo sa akin, B = Kung minsan ay totoo sa akin, C = Kadalasang totoo sa akin, D = Laging totoo sa akin

  • Kapag nakikipag-usap ang ibang tao sa akin, nag-iisip ako ng katulad na mga karanasan na maaari kong ibahagi sa halip na makinig na mabuti.

  • Kapag sinasabi sa akin ng iba ang nadarama nila, inilalagay ko ang aking sarili sa sitwasyon nila para malaman ko kung ano ang mararamdaman ko.

  • Kapag nagtuturo ako sa mga tao, iniisip ko kung ano ang susunod kong sasabihin.

  • Naiinis ako kapag masyadong maraming sinasabi ang ibang tao.

  • Nahihirapan akong subaybayan o unawain ang gustong sabihin sa akin ng ibang tao.

  • Madalas na nag-iisip ako ng ibang mga bagay kapag nagtuturo ang kompanyon ko.

  • Naiinis ako kapag may kumakausap sa akin at bigla na lang sisingit ang iba o gagambalain ako.

  • Nakakatanggap ako ng mga espirituwal na pahiwatig na sabihin o gawin ang isang bagay pero hindi ko ito pinapansin.

Tulungan ang mga Tao na Maghanap ng Sagot sa Kanilang mga Tanong at Alalahanin

Sikaping sagutin ang mga tanong ng mga tao at tulungan silang lutasin ang kanilang mga alalahanin. Gayunman, hindi mo responsibilidad ang pagsagot sa lahat ng tanong. Sa huli, dapat malutas ng mga tao ang kanilang sariling mga tanong at alalahanin.

Tanggapin na hindi lahat ng tanong at alalahanin ay maaaring lubusang masagot. Ang ilang sagot ay magiging malinaw lamang sa paglipas ng panahon. Ang ilang sagot ay hindi pa naihahayag. Pagtuunan ng pansin ang pagbuo ng matibay na pundasyon sa mga pangunahin at mahahalagang katotohanan ng ebanghelyo. Ang pundasyong ito ay tutulong sa iyo at sa mga tinuturuan ninyo na sumulong nang may tiyaga at pananampalataya kapag may mahihirap o hindi masagot na mga tanong.

Ang ilang mga alituntunin sa pagsagot sa mga tanong ay nakasaad sa bahaging ito.

Si Jesus at ang Samaritana sa Tabi ng Balon

Unawain ang Problema o Alalahanin

Ang ilan sa mga ituturo mo sa mga tao ay maaaring mahirap o hindi pamilyar sa kanila. Kung may mga tanong o alalahanin ang mga tao, sikapin munang maunawaan ang mga ito. Kung minsan parang iceberg ang alalahanin o problema ng mga tao. Ang nakikita lamang ay ang maliit na bahagi sa ibabaw. Ang mga alalahaning ito ay maaaring masalimuot. Manalangin para sa kaloob na makahiwatig, at sundin ang Espiritu kung paano ka tutugon. Alam ng Ama sa Langit ang laman ng puso at mga karanasan ng lahat ng tao (ang buong iceberg). Tutulungan ka Niya na malaman kung ano ang pinakamainam para sa bawat tao.

Madalas na ang mga alalahanin ay tungkol sa kanilang ugnayan sa ibang tao sa halip na sa doktrina. Halimbawa, maaaring ikinatatakot ng ilang tao ang pagsalungat ng mga kapamilya kung magiging miyembro sila ng Simbahan. O kaya’y natatakot silang layuan ng mga kaibigan sa trabaho.

Sikaping unawain ang pinagmumulan ng kanilang alalahanin sa pamamagitan ng pagtatanong at pakikinig. Ang alalahanin ba ay dahil hindi nakatanggap ang tao ng espirituwal na pagpapatibay tungkol sa katotohanan ng Pagpapanumbalik? Ito ba ay dahil ayaw ng tao na mangakong ipamuhay ang isang alituntunin ng ebanghelyo? Kapag nalaman ninyo ang pinagmulan ng kanilang alalahanin, malalaman ninyo kung dapat magtuon sa patotoo o sa paggawa nila ng pangako.

Gamitin ang mga Banal na Kasulatan, Lalo na ang Aklat ni Mormon, para Masagot ang mga Tanong

Ipakita sa mga tao kung paano makatutulong ang mga katotohanan sa mga banal na kasulatan na masagot ang kanilang mga tanong at matugunan ang kanilang mga alalahanin. (Tingnan sa “Sinasagot ng Aklat ni Mormon ang mga Tanong ng Kaluluwa” sa kabanata 5.) Kapag ang mga tao ay naghangad ng inspirasyon sa pamamagitan ng pag-aaral at pagsasabuhay ng mga banal na kasulatan, mas mapakikinggan at mas masusunod nila ang Panginoon. Lalago ang kanilang pananampalataya sa Kanya. Ang higit na pananampalataya ay hahantong sa pagkakaroon ng patotoo, pagsisisi, at sa ordenansa ng binyag.

Pangulong Henry B. Eyring

“Kung minsan bumabaling ako sa mga banal na kasulatan para sa doktrina. Kung minsan bumabaling ako sa mga banal na kasulatan para sa tagubilin. Lumalapit ako na may tanong, at ang tanong ay karaniwang ‘Ano ang nais ng Diyos na gawin ko?’ o ‘Ano ang nais Niyang ipadama sa akin?’ Sa tuwina ay may nakikita akong mga bagong ideya, mga kaisipan na noon ko lamang naisip, at nakatatanggap ako ng inspirasyon at tagubilin at mga sagot sa aking mga tanong” (Henry B. Eyring, sa “Isang Talakayan Tungkol sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan,” Liahona, Hulyo 2005, 22).

Maaaring makatulong ang pagpapaliwanag na malaking bahagi ng ating pag-unawa sa ebanghelyo ni Jesucristo ay nagmula sa mga bagay na inihayag kay Propetang Joseph Smith at sa mga sumunod sa kanya. Ang mga tanong tungkol sa katotohanan ng ebanghelyo ay maaaring malutas sa pamamagitan ng pagkakaroon ng patotoo na si Joseph Smith ay propeta ng Diyos. Ang pagbabasa at pananalangin tungkol sa Aklat ni Mormon ay isang mahalagang paraan para matanggap ang patotoong ito.

Tulungan ang mga tao na pagtuunan ang pagpapalakas ng kanilang pananampalataya kay Jesucristo. Ang pagbabasa at pananalangin tungkol sa Aklat ni Mormon ay isang mahalagang paraan para mapalakas ang kanilang pananampalataya.

Anyayahan ang mga Tao na Kumilos nang may Pananampalataya

Habang binubuo at pinalalakas ng mga tao ang kanilang patotoo sa ipinanumbalik na ebanghelyo, masasagot nila ang kanilang mga tanong at alalahanin mula sa pundasyon ng pananampalataya. Habang kumikilos sila nang may pananampalataya sa mga katotohanang pinaniniwalaan nila, magkakaroon sila ng mga patotoo sa iba pang mga katotohanan ng ebanghelyo.

Ang ilang paraan ng pagkilos nang may pananampalataya ay kinabibilangan ng:

  • Pananalangin nang madalas at may tunay na layunin para sa inspirasyon at patnubay.

  • Pag-aaral ng mga banal na kasulatan, lalo na ang Aklat ni Mormon.

  • Pagsisimba.

Pag-aaral ng Magkompanyon

Pumili ng isang paanyaya na ibibigay ninyo kapag nagturo kayo ng isang lesson. Pagkatapos ay tukuyin ang mga alalahanin na maaaring pumigil sa isang tao na tanggapin ang paanyaya o tuparin ang pangakong iyon. Talakayin at praktisin kung paano ninyo pinakamainam na matutulungan ang mga tao sa paglutas ng kanilang mga alalahanin.

Personal na Pag-aaral o Pag-aaral ng Magkompanyon

Sa iyong study journal, isulat kung paano mo babanggitin si Joseph Smith at ang Aklat ni Mormon para sagutin ang sumusunod na mga alalahanin:

  • “Hindi ako naniniwala na hanggang ngayon ay nakikipag-usap ang Diyos sa mga tao.”

  • “Naniniwala ako na maaari akong sumamba sa Diyos sa sarili kong pamamaraan sa halip na sa pamamagitan ng organisadong relihiyon.”

  • “Bakit dapat kong itigil ang pag-inom ng alak kapag kumakain ako kung sasapi ako sa inyong simbahan?”

  • “Bakit kailangan ko ang relihiyon?”

Mag-iwan ng Bagay na Pag-aaralan at Ipapanalangin

Sa pagtatapos ng bawat teaching visit, bigyan ang mga tao ng isang bagay na kanilang pag-aaralan, pagninilayan, at ipananalangin bilang paghahanda sa susunod ninyong pagkikita. Ang pagbabasa, pananalangin, at pagninilay sa pagitan ng mga teaching visit ay mag-aanyaya sa impluwensya ng Espiritu Santo sa kanilang buhay.

Maaari ninyong anyayahan ang mga tao na magbasa ng partikular na mga talata sa Aklat ni Mormon. O maaari ninyo silang hikayatin na gamitin ang mga sanggunian ng Simbahan, tulad ng Gospel Library, para makahanap ng mga sagot sa mga tanong, matutuhan ang tungkol sa isang paksa, o manood ng isang video. Maaari itong maging pambungad na paksa ng pag-uusapan ninyo sa susunod ninyong pagkikita.

tao na nag-aaral ng mga banal na kasulatan

Iwasang bigyan ang mga tao ng napakaraming gagawin, lalo na kung madalas kayong magturo ng maiikling lesson sa kanila.

Personal na Pag-aaral o Pag-aaral ng Magkompanyon

Isipin ang bawat taong nakaiskedyul ninyong turuan ngayong linggong ito. Anong mga kabanata sa Aklat ni Mormon ang lubos na makatutulong sa kanila? Ano pang ibang sanggunian ang magiging kapaki-pakinabang sa kanila? Itala ang nais ninyong ibigay sa bawat tao. Itala rin kung ano ang gagawin ninyo para mag-follow up sa susunod ninyong pagbisita.

Pagtulong sa mga Taong Mayroong Adiksiyon

Matutulungan mo ang mga taong nahihirapang daigin ang adiksiyon sa pamamagitan ng pagtalakay sa kanilang pinagdaraanan nang may pagmamahal, pagsuporta sa kanila, at pagpapaalam sa kanila ng mga sanggunian na makatutulong. Maaari ninyo silang hikayatin na dumalo sa isa sa mga addiction recovery support group ng Simbahan. Ang mga grupong ito ay nagkikita-kita nang personal o online. (Tingnan sa AddictionRecovery.ChurchofJesusChrist.org.) Hikayatin silang gamitin ang mga sanggunian sa bahaging “Adiksyon” ng Tulong sa Buhay sa Gospel Library.

Makapagbibigay din ng suporta ang mga lokal na lider at miyembro ng Simbahan. Ang ilang tao ay mayroong mga adiksiyon na maaaring mangailangan ng panggagamot mula sa mga propesyonal sa larangan ng medisina at mental health.

Narito ang ilang mungkahi kung paano ninyo masusuportahan ang mga taong nahihirapang daigin ang adiksiyon:

  • Tulungan sila sa kanilang mga pagsisikap na lumapit kay Cristo. Tulungan silang makita na ang kanilang mga pagsisikap na makarekober at gumaling ay kinikilala at pinahahalagahan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Turuan sila na maaari silang mapalakas sa pamamagitan ng Tagapagligtas at ng Kanyang Pagbabayad-sala. Lubos Niyang nauunawaan ang hangarin ng kanilang puso na gumawa ng mabuti.

  • Ipanalangin sila sa iyong mga personal na panalangin, at manalangin kasama nila. Kung angkop, hikayatin sila na humingi ng basbas ng priesthood mula sa mga lokal na priesthood leader.

  • Patuloy na ituro sa kanila ang ebanghelyo ni Jesucristo. Ituro sa kanila na sila ay minamahal at nais magtagumpay ng Ama sa Langit, ng Tagapagligtas, at ng Espiritu Santo.

  • Hikayatin sila na regular na magsimba at bumuo ng pagkakaibigan sa mga miyembro.

  • Maging positibo at magbigay ng suporta, lalo na kapag bumalik ulit ang adiksiyon.

si Jesus na inaabot ang kamay ng isang babae

Mahirap madaig ang adiksiyon, at maaari itong bumalik. Hindi dapat magulat ang mga lider at miyembro ng Simbahan kapag nangyari ito. Dapat silang magpakita ng pagmamahal, hindi ng panghuhusga.

Ang isang bagong miyembro na biglang tumigil sa pagsisimba ay maaaring bumalik sa dating adiksiyon at nadaramang hindi na siya karapat-dapat at pinanghihinaan ng loob. Ang kaagad na pagbisita para magbigay ng lakas ng loob at suporta ay makatutulong. Ang mga miyembro ay dapat ipakita sa salita at gawa na ang Simbahan ay isang lugar kung saan matatagpuan ang pag-ibig ni Cristo (tingnan sa 3 Nephi 18:32).

Personal na Pag-aaral o Pag-aaral ng Magkompanyon

Isipin ang isang taong tinuturuan ninyo o bago o nagbabalik na miyembro na sinusubukang daigin ang isang adiksiyon. Rebyuhin ang “Pananampalataya kay Jesucristo” at “Pagsisisi” mula sa “Ang Ebanghelyo ni Jesucristo” sa kabanata 3.

  • Ano ang ituturo mo sa taong ito mula sa lesson na iyon at kabanatang ito na makatutulong sa kanya?

  • Gumawa ng lesson plan para matulungan ang taong ito.

Pagtuturo sa mga Taong Walang Alam Tungkol sa Kristiyanismo

Ang ilang taong tuturuan ninyo ay maaaring walang alam tungkol sa Kristiyanismo o hindi naniniwala sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Gayunman, marami sa mga taong ito ang may mga paniniwala, kaugalian, at lugar na itinuturing nilang sagrado. Mahalagang igalang ninyo ang kanilang mga paniniwala at tradisyong panrelihiyon.

Tulungan Silang Maunawaan Kung Sino ang Diyos

Maaaring isipin mo kung paano ninyo dapat iangkop ang pagtuturo ninyo sa mga taong walang alam tungkol sa Kristiyanismo. Ang mga alituntunin na tutulong sa isang tao na magkaroon ng pananampalataya ay pareho para sa lahat ng kultura. Tulungan ang mga tao na magkaroon ng wastong pagkaunawa sa Diyos at sa banal na misyon ni Jesucristo. Ang pinakamainam na paraan para matutuhan ang mga katotohanang ito ay sa pamamagitan ng pagkakaroon ng personal na mga espirituwal na karanasan. Nasa ibaba ang ilang paraan upang matutulungan mo silang magkaroon ng ganitong mga karanasan:

  • Ituro na ang Diyos ang ating Ama sa Langit, at mahal Niya tayo. Tayo ay Kanyang mga anak. Anyayahan sila na hangaring matanggap ang patotoong ito sa kanilang sarili.

  • Ituro ang tungkol sa plano ng kaligtasan.

  • Ituro na ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay nagpakita kay Joseph Smith.

  • Magbahagi ng taos-pusong patotoo tungkol sa ebanghelyo, pati na kung paano mo nadarama ang pagmamahal ng Ama sa Langit at kung bakit mo piniling sundin si Jesucristo.

  • Anyayahan sila na manalangin nang simple at mula sa puso—na kasama ninyo at nang mag-isa.

  • Anyayahan silang basahin ang Aklat ni Mormon—na kasama ninyo at nang mag-isa.

  • Anyayahan silang magsimba.

  • Ipakilala sila sa mga miyembro ng Simbahan na maaaring magpaliwang kung paano sila naniwala sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

  • Anyayahan silang sundin ang mga kautusan.

Maraming tao ang nagnanais na magkaroon ng mas malalim na ugnayan sa Diyos at makahanap ng layunin at kabuluhan sa buhay. Tulungan silang makita na sila ay mga anak ng mapagmahal na Ama sa Langit at mayroon Siyang plano para sa kanila. Halimbawa, maaari kang magsimula sa pagsasabi ng tulad ng sumusunod:

Ang Diyos ang ating Ama, at mahal Niya tayo. Tayo ay Kanyang mga anak. Nabuhay tayo kasama Niya bago tayo isinilang. Dahil tayo ay Kanyang mga anak, tayong lahat ay magkakapatid. Nais Niya na makabalik tayo sa Kanya. Dahil mahal Niya tayo, naglaan Siya ng plano para makabalik tayo sa Kanya sa pamamagitan ng Kanyang Anak na si Jesucristo.

Iakma ang Iyong Pagtuturo kung Kinakailangan

Marami sa mga convert na walang alam noon tungkol sa Kristiyanismo ang nagsabing hindi nila lubos na naintindihan ang itinuturo ng mga misyonero. Gayunman, nadama nila ang Espiritu at gusto nilang gawin ang ipinagagawa sa kanila ng mga misyonero. Gawin ang lahat ng makakaya mo para matulungan ang mga tao na maunawaan ang doktrina ng ebanghelyo. Maging matiyaga at magbigay ng suporta. Maaaring kailangan ng panahon para matutuhan ng mga taong matukoy at maipahayag ang kanilang mga nadarama. Maaaring kailangan mong baguhin ang bilis at lalim ng pagtuturo mo para matulungan sila.

Maaaring makatulong ang sumusunod na mga mungkahi habang naghahanda kayong turuan ang mga taong walang alam tungkol sa Kristiyanismo:

  • Unawain kung anong espirituwal na pangangailangan o interes ang nag-udyok sa kanila na makipagkita sa inyo.

  • Magbigay ng simpleng panimula at buod para sa bawat lesson.

  • Hilingin sa kanila na sabihin sa inyo kung ano ang naunawaan at naranasan nila.

  • Ipaliwanag ang mahahalagang salita at alituntunin. Maaaring hindi pamilyar ang mga tao sa marami sa mga salitang ginagamit ninyo sa pagtuturo.

  • Balikan ang lesson na pinakahuling itinuro sa kanila para maituro nang mas malinaw ang doktrina. Maaaring kailanganin ang mga ito anumang oras sa proseso ng pagtuturo.

  • Tukuyin ang mga paanyayang maaari ninyong ibigay na tutulong sa mga tao na maranasan ang mga pagpapala ng ebanghelyo.

Nakalista sa ibaba ang ilang mga sanggunian sa Gospel Library na maaari ninyong gamitin para matulungan ang mga taong walang alam tungkol sa Kristiyanismo:

Personal na Pag-aaral o Pag-aaral ng Magkompanyon

Kung maaari, maghanap ng isang convert na walang alam noon tungkol sa Kristiyanismo bago makipagkita sa mga misyonero. Makipagkita sa kanya at itanong ang tungkol sa naranasan niyang pagbabalik–loob. Halimbawa, maaari mong itanong sa tao kung:

  • Ano ang nagtulak sa kanya na maniwala sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

  • Ano ang kanyang karanasan noong unang beses siyang nanalangin.

  • Ano ang kanyang karanasan noong unang beses niyang nadama ang sagot sa kanyang panalangin.

  • Ano ang papel na ginampanan ng mga banal na kasulatan sa kanyang pagbabalik-loob.

  • Ano ang karanasan niya noong magsimba siya.

Isulat ang natutuhan mo sa iyong study journal.

Isiping anyayahan ang taong ito na tulungan kayong magturo sa isang tao na walang alam tungkol sa Kristiyanismo.


Mga Ideya sa Pag-aaral at Pagsasabuhay

Personal na Pag-aaral

  • Kunwari ay nalagay ka sa sumusunod na mga sitwasyon. Paano mo gagamitin ang mga alituntunin at kasanayan sa kabanatang ito para matulungang umunlad ang mga taong ito? Iplano kung paano isasagawa ang mga ito sa bawat sitwasyon.

    • Sinabi sa iyo ng isang taong naghahandang mabinyagan na ayaw na niyang makipagkita sa inyo.

    • Makikipagkita ka sa ikapitong pagkakataon sa taong tinuruan ng ilang misyonero sa loob ng dalawang taon. Kakaunti lang ang naging pag-unlad kung mayroon man.

  • Pumili ng isa sa mga lesson ng misyonero. Tumukoy ng isa o dalawang banal na kasulatan mula sa bawat pangunahing alituntunin. Magpraktis magturo mula sa mga talatang nakalista sa bahaging “Gamitin ang mga Banal na Kasulatan” sa kabanatang ito.

Pag-aaral ng Magkompanyon at Companion Exchange

  • Basahin ang tala tungkol kina Ammon at Haring Lamoni sa Alma 18–19 at ang tala tungkol kay Aaron sa Alma 22:4–18. Habang nagbabasa kayo, tukuyin at ilarawan kung paano ginawa nina Ammon at Aaron ang mga sumusunod:

    • Pagsunod sa Espiritu at pagtuturo nang may pagmamahal.

    • Pagsisimulang magturo.

    • Pag-aangkop ng kanilang mga pagtuturo para matugunan ang mga pangangailangan.

    • Pagpapatotoo.

    • Paggamit ng mga banal na kasulatan.

    • Pagtatanong, pakikinig, at pagtulong sa mga tinuturuan nila na malutas ang mga kanilang mga alalahanin.

    • Paghikayat sa mga tinuturuan nila na gumawa ng mga pangako.

    Talakayin kung paano nakaapekto ang kanilang paglilingkod at pagtuturo kina Haring Lamoni, kanyang ama, at kay Abis.

District Council, mga Zone Conference, at Mission Leadership Council

  • Anyayahang dumalo sa inyong miting ang mga miyembro o mga kasalukuyang tinuturuan. Ipaliwanag sa grupo na gusto ninyong pagbutihin ng mga misyonero ang kakayahan nilang magbahagi ng kanilang mahalagang mensahe. Pumili ng lesson at kasanayan. Paturuan sa mga misyonero ang (mga) tao gamit ang lesson na pinili ninyo sa loob ng 20 minuto, na nakapokus sa kasanayang tinukoy ninyo. Pagkatapos ng 20 minuto, ibang tao naman ang kanilang tuturuan. Pakatapos nito, tipunin ang buong grupo. Anyayahan ang (mga) tao na sabihin sa mga misyonero kung ano ang mahusay nilang nagawa at kung ano ang isang bagay na maaari pa nilang pagbutihin.

  • Ipalabas ang isang video na nagpapakita ng halimbawa ng mga misyonero na nagtuturo o kumokontak ng mga tao. Pumili ng kasanayan at talakayin kung paano mahusay na naisagawa ng mga misyonero sa video ang mga alituntunin para sa kasanayang iyon.

  • Pumili ng isang kasanayan, at tumukoy ng doktrina o mga talata sa banal na kasulatan na sumusuporta rito. Ituro sa mga misyonero ang pinagbatayang doktrina ng kasanayan.

Mga Mission Leader at mga Mission Counselor

  • Paminsan-minsan ay samahan ang mga misyonero habang nagtuturo sila. Planuhin kung paano ka makababahagi sa pagtuturo.

  • Hikayatin ang mga lokal na lider na samahan ang mga misyonero sa kanilang mga teaching visit.

  • Ipakita at tulungan ang mga misyonero na praktisin ang isa sa mga kasanayan sa pagtuturo na inilarawan sa kabanatang ito, tulad ng pagbibigay ng magagandang tanong at pakikinig.

  • Ipakita kung paano mabisang magagamit ang mga banal na kasulatan sa pagtuturo sa mga misyonero sa mga zone conference, mission leadership council, at mga interbyu. Gawin din ito kapag nagtuturo ka sa kanila.

  • Tulungan ang mga misyonero na maunawaan ang mga banal na kasulatan at mahalin ang mga ito. Pinayuhan ni Elder Jeffrey R. Holland ang mga mission leader:

    “Gawing sentro ng kultura ng inyong mission ang pagmamahal sa salita ng Diyos. … Tulungan ang mga misyonero na maging bahagi ng kanilang pangunahing mga katangian habambuhay ang pagiging pamilyar sa mga paghahayag at regular na paggamit ng mga pamantayang banal na kasulatan.

    “Kapag tinuturuan ninyo ang mga misyonero—at dapat palagi ninyo itong ginagawa—turuan sila mula sa mga banal na kasulatan. Hayaang makita nila kung saan kayo nakakakuha ng lakas at inspirasyon. Turuan silang mahalin at umasa sa mga natanggap nang mga paghahayag.

    “Ang [aking] mission president ay nagtuturo mula sa Aklat ni Mormon at [iba pang] mga banal na kasulatan tuwing kasama namin siya. Palaging kasama ang mga banal na kasulatan sa mga personal na interbyu. Ang mga miting ay palaging nakabatay sa mga pamantayang banal na kasulatan. …

    “Hindi namin alam ito noon, pero inihahanda na pala kami ng aming mission president, hinihikayat kami nang buong lakas ng kanyang kaluluwa at nang lahat ng kaalamang taglay niya na mahigpit na kumapit sa gabay na bakal [tingnan sa 1 Nephi 15:23–25]” (“The Power of the Scriptures” seminar para sa mga bagong mission leader, Hunyo 25, 2022).