Kasaysayan ng Simbahan
Mga Salaysay tungkol sa Unang Pangitain


sikat ng araw na tumatagos sa mga puno

Mga Salaysay tungkol sa Unang Pangitain

Buod

Itinala ni Joseph Smith na nagpakita sa kanya ang Diyos Ama at si Jesucristo sa kakahuyan malapit sa tahanan ng kanyang mga magulang sa dakong kanluran ng New York State noong siya ay mga 14 na taong gulang. Nag-aalala sa kanyang mga kasalanan at hindi nakatitiyak kung aling espirituwal na landas ang dapat tahakin, naghanap si Joseph ng patnubay sa pamamagitan ng pagdalo sa mga pulong, pagbabasa ng mga banal na kasulatan, at pagdarasal. Bilang sagot, natanggap niya ang isang pagpapamalas ng langit. Ibinahagi at itinala ni Joseph ang Unang Pangitain, na nakilala kalaunan, sa maraming pagkakataon; siya ay sumulat o nagtalaga ng mga tagasulat para isulat ang apat na iba’t ibang salaysay tungkol sa pangitain.

Naglathala si Joseph Smith ng dalawang salaysay tungkol sa Unang Pangitain noong siya ay nabubuhay. Ang una sa mga ito, na kilala ngayon bilang Joseph Smith—Kasaysayan, ay opisyal nang ginawang bahagi ng Mahalagang Perlas at dahil dito, naging pinakakilalang salaysay ito. Ang dalawang di-inilathalang salaysay, na nakatala sa pinakaunang talambuhay ni Joseph Smith at sa isang journal kalaunan, ay kalimitang nalilimutan hanggang sa muling matuklasan ng mga mananalaysay na nagtratrabaho para sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at inilathala ang mga ito noong dekada ng 1960. Simula noon, paulit-ulit nang tinalakay ang mga dokumentong ito sa mga magasin ng Simbahan, sa mga lathalaing pag-aari ng Simbahan at ng mga palimbagang katuwang ng Simbahan, at ng mga iskolar na Banal sa mga Huling Araw sa ibang publikasyon.1 Bilang karagdagan sa mga tala ng mga mismong saksi, mayroon ding limang paglalarawan ng pangitain ni Joseph Smith na itinala ng mga taong nabuhay sa kanyang panahon.2

Ang iba’t ibang salaysay tungkol sa Unang Pangitain ay pare-pareho ng kuwento, bagama’t magkakaiba ang mga ito ng binibigyang-diin at mga detalye. Inaasahan ng mga mananalaysay na kapag muling ikinuwento ng isang tao ang isang karanasan sa iba’t ibang lugar sa iba’t ibang tagapakinig makalipas ang maraming taon, bawat salaysay ay magbibigay-diin sa iba’t ibang aspeto ng karanasan at maglalaman ng kakaibang mga detalye. Sa katunayan, ang mga pagkakaiba na katulad sa nasa mga salaysay tungkol sa Unang Pangitain ay makikita sa maraming salaysay sa mga banal na kasulatan tungkol sa pangitain ni Pablo sa daan patungong Damasco at sa karanasan ng mga Apostol sa Bundok ng Pagbabagong-anyo.3 Ngunit sa kabila ng mga pagkakaiba, nananatiling magkakapareho ang pangunahing nilalaman ng lahat ng salaysay tungkol sa Unang Pangitain. Mali ang sinasabi ng ilan na anumang pagkakaiba sa muling pagsasalaysay ng kuwento ay katibayan na gawa-gawa lamang ito. Gayunman, dahil sa mayamang tala sa kasaysayan mas marami tayong matututuhan tungkol sa kagila-gilalas na pangyayaring ito kaysa kung kakaunti lamang ang naisulat tungkol dito.

Mga Salaysay tungkol sa Unang Pangitain

Ang bawat salaysay ng Unang Pangitain na isinulat ni Joseph Smith at ng kanyang mga kasabayan noong panahong iyon ay may sariling kasaysayan at konteksto na nakaapekto kung paano ginunita, ikinuwento, at itinala ang kaganapan. Ang mga salaysay na ito ay tinalakay sa ibaba.

Salaysay ng 1832. Ang pinakaunang kilalang salaysay ng Unang Pangitain, ang nag-iisang salaysay na sulat-kamay mismo ni Joseph Smith, ay matatagpuan sa maikli at di-inilathalang talambuhay na ginawa ni Joseph Smith sa huling kalahati ng 1832. Sa salaysay, inilarawan ni Joseph Smith ang kanyang kamalayan sa kanyang sariling mga kasalanan at ang kanyang kalungkutan dahil hindi niya mahanap ang simbahan na tugma sa nabasa niya sa Bagong Tipan at magdadala sa kanya sa kaligtasan. Binigyang-diin niya ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo at ang personal na kaligtasan na ibinibigay nito. Isinulat niya na nagpakita “ang Panginoon” at pinatawad siya sa kanyang mga kasalanan. Dahil sa pangitain, nakadama si Joseph ng kagalakan at pagmamahal, gayunman, tulad ng napansin niya, wala siyang makitang sinuman na naniwala sa kanyang salaysay. Basahin ang salaysay ng 1832 dito.

Salaysay ng 1835. Noong taglagas ng 1835, ikinuwento ni Joseph Smith ang kanyang Unang Pangitain kay Robert Matthews, isang bisita sa Kirtland, Ohio. Ang muling pagsasalaysay, na itinala sa journal ni Joseph ng kanyang tagasulat na si Warren Parrish, ay nagbibigay-diin sa pagsisikap ni Joseph na malaman kung aling simbahan ang tama, ang oposisyon na nadama niya habang siya ay nananalangin, at ang pagpapakita ng isang banal na katauhan na sinundan kaagad ng isa pang banal na katauhan. Inilahad din sa salaysay na ito ang pagpapakita ng mga anghel sa pangitain. Basahin ang salaysay ng 1835 dito.

Salaysay ng 1838. Ang salaysay tungkol sa Unang Pangitain na kilalang-kilala ngayon ng mga Banal sa mga Huling Araw ay ang salaysay ng 1838. Unang inilathala noong 1842 sa Times and Seasons, ang pahayagan ng Simbahan sa Nauvoo, Illinois, ang salaysay ay bahagi ng mas mahabang kasaysayan na idinikta ni Joseph Smith sa pagitan ng mga panahon ng matinding pagsalungat o oposisyon. Kung ang salaysay ng 1832 ay nagbibigay-diin sa mas personal na kuwento tungkol kay Joseph bilang isang binatilyong humihingi ng tawad, ang salaysay naman ng 1838 ay nakatuon sa pangitain bilang simula ng “pagkakatatag at pag-unlad ng Simbahan.” Tulad ng salaysay ng 1835, ang mahalagang tanong sa salaysay ay kung aling simbahan ang tama. Basahin ang salaysay ng 1838 dito.

Salaysay ng 1842. Isinulat bilang tugon sa hinihiling na impormasyon ng patnugot ng Chicago Democrat na si John Wentworth tungkol sa Mga Banal sa mga Huling Araw, ang salaysay na ito ay inilathala sa Times and Seasons noong 1842. (Ang “Wentworth Letter,” gaya ng pagkakilala rito ngayon, ay ang pinagmulan din ng Mga Saligan ng Pananampalataya.)4 Ang salaysay, na nilayon na ilathala para sa mga mambabasa na hindi pamilyar sa mga paniniwala ng Mormon, ay maikli at tuwiran. Tulad sa mga naunang salaysay, isinulat ni Joseph ang pagkalito na naranasan niya at ang pagpapakita ng dalawang katauhan o personahe bilang sagot sa kanyang panalangin. Nang sumunod na taon, ipinadala ni Joseph Smith ang talang ito na may kaunting mga pagbabago sa isang mananalaysay na nagngangalang Israel Daniel Rupp, na naglathala nito bilang isang kabanata sa kanyang aklat na, He Pasa Ekklesia [The Whole Church]: An Original History of the Religious Denominations at Present Existing in the United States [Orihinal na Kasaysayan ng mga Relihiyon na Kasalukuyang Nananaig sa Estados Unidos].5 Basahin ang salaysay ng 1842 dito.

Mga Salaysay ng mga Nakarinig mula sa mga Saksi. Bukod pa sa mga salaysay na ito mula mismo kay Joseph Smith, limang salaysay ang isinulat ng mga taong kasabayan niya ng panahon na nakarinig kay Joseph Smith na nagsalita tungkol sa pangitain. Basahin ang mga salaysay na ito dito.

Mga Argumento Ukol sa mga Salaysay ng Unang Pangitain ni Joseph Smith

Ang pagkakaiba at bilang ng mga salaysay ng Unang Pangitain ay naging dahilan para kwestiyunin ng ilang kritiko kung ang mga paglalarawan ni Joseph Smith ay tumutugma sa katotohanan ng kanyang karanasan. Dalawang argumento ang madalas ilahad laban sa kanyang kredibilidad: ang una ay kinukuwestyon ang alaala ni Joseph Smith tungkol sa mga pangyayari; ang pangalawa ay kinukuwestyon kung dinagdagan niya ang mga elemento o nangyari sa kuwento sa paglipas ng panahon.

Alaala. Sinasabi sa isang argumento hinggil sa mga salaysay ng Unang Pangitain ni Joseph Smith na hindi sinusuportahan ng mga ebidensyang pangkasaysayan ang paglalarawan ni Joseph Smith tungkol sa pag-igting o paglakas ng relihiyon sa Palmyra, New York, at sa lugar sa palibot nito noong 1820. Sinasabi ng ilan na pinapahina nito ang ipinahayag ni Joseph tungkol sa kakaibang sigasig sa relihiyon at ang mismong salaysay tungkol sa pangitain.

Gayunman, ang ebidensya ng dokumentaryo ay sumusuporta sa mga pahayag ni Joseph Smith tungkol sa pag-igting o paglakas ng relihiyon o pagiging masigasig ng mga tao sa relihiyon. Ang rehiyon kung saan siya nakatira noon ay nakilala sa sigasig nito sa relihiyon at walang dudang isa sa mga pinakaaktibong lugar sa paglakas ng relihiyon sa panahong iyon. Tinawag ng mga mananalaysay ang rehiyon na “nasunog na distrito” dahil hindi tinigilan ng mga mangangaral ang mga tao sa pamamagitan ng pagdaraos ng mga camp revival at paghahanap ng mga mabibinyagan noong mga unang bahagi ng siglo 1800.6 Noong Hunyo 1818, halimbawa, isang Methodist camp meeting ang naganap sa Palmyra, at nang sumunod na tag-init, muling nagtipon ang mga Methodist sa Vienna (ngayon ay Phelps), New York, 24 kilometro mula sa bukirin ng pamilya Smith. Nakatala sa mga journal ng isang naglalakbay na mangangaral na Methodist ang matinding kasabikan sa relihiyon sa lugar ni Joseph noong 1819 at 1820. Nakasaad sa mga ito na si Reverend George Lane, isang revivalist Methodist minister, ay nasa rehiyon sa nabanggit na dalawang taon, nagsasalita “tungkol sa pamamaraan ng Diyos upang maisakatuparan ang mga Reformation.”7 Ang katibayang ito ng kasaysayan ay naaayon sa paglalarawan ni Joseph. Sinabi niya na ang kakaibang kaguluhang panrelihiyon sa kanyang distrito o rehiyon ay “nagsimula sa mga Methodist.” Tunay ngang sinabi ni Joseph na siya ay “bahagyang pumapanig sa” Methodism.8

Pagdaragdag. Ang pangalawang argumento na madalas sabihin hinggil sa mga salaysay ng Unang Pangitain ni Joseph Smith ay na dinagdagan niya ang kanyang kuwento sa paglipas ng panahon. Nakatuon ang argumentong ito sa dalawang detalye: ang bilang at identidad ng mga makalangit na nilalang na ipinahayag ni Joseph Smith na kanyang nakita. Inilarawan nang mas detalyado ng mga salaysay ng Unang Pangitain ni Joseph ang mga makalangit na nilalang sa paglipas ng panahon. Inilahad sa salaysay ng 1832 na, “Binuksan ng Panginoon ang kalangitan sa akin at nakita ko ang Panginoon.” Nakasaad sa salaysay niya noong 1838 na, “Nakakita ako ng dalawang Katauhan,” na ang isa sa Kanila ay ipinakilala ang isa pa bilang “Aking Pinakamamahal na Anak.” Dahil dito, ikinatwiran ng mga kritiko na nagsimulang magsabi si Joseph Smith na nakakita siya ng isang nilalang—“ang Panginoon”—at sa huli ay nagsasabing nakita niya kapwa ang Ama at ang Anak.9

May iba pa, na mas hindi nagbabagong paraan ng pagtingin sa mga ebidensiya. Dapat kilalanin na mayroong pangunahing pagkakatugma sa mga salaysay: malinaw na ipinahayag sa tatlo sa apat na salaysay na ang dalawang katauhan ay nagpakita kay Joseph Smith sa Unang Pangitain. Ang eksepsiyon ay ang salaysay ni Joseph Smith noong 1832, na maaaring basahin bilang pagtukoy sa isa o dalawang katauhan. Kung babasahin ito na ang tinutukoy ay isang nilalang sa langit, marahil ito ay ang katauhang nagpatawad sa kanyang mga kasalanan. Ayon sa mga salaysay kalaunan, sinabi ng unang banal na katauhan kay Joseph Smith na “pakinggan” ang pangalawang banal na katauhan na si Jesucristo, na siyang nagbigay ng pangunahing mensahe, na kinabibilangan ng mensahe ng pagpapatawad.10 Ang salaysay ni Joseph Smith noong 1832, kung gayon, ay maaaring nakatuon kay Jesucristo, na maytaglay ng kapatawaran.

Ang isa pang paraan ng pagbabasa ng salaysay ng 1832 ay ang pagtukoy ni Joseph Smith sa dalawang nilalang, na kapwa niya tinawag na “Panginoon.” Ang argumento na dinagdagan niya ang kanyang mga salaysay (sa paglipas ng mga panahon) ay nakabatay sa pag-aakala na ang salaysay ng 1832 ay naglalarawan sa hitsura ng isang banal na nilalang lamang. Pero hindi sinasabi ng salaysay ng 1832 na isang nilalang lamang ang nagpakita. Pansinin na ang dalawang pagbanggit sa “Panginoon” ay magkahiwalay sa oras: una “ang Panginoon” ay nagbukas ng kalangitan; pagkatapos ay nakita ni Joseph Smith ang “Panginoon.” Ang pagbabasang ito ng salaysay ay tugma o naaayon sa salaysay ni Joseph noong 1835, na may isang personahe na unang nagpakita sa kanya, na kaagad na sinundan ng isa pang personahe. Ang salaysay ng 1832, kung gayon, ay maaaring makatwirang basahin na nangangahulugang nakita ni Joseph Smith ang isang nilalang at pagkatapos ang nilalang na ito ay ipinakilala ang isa pang nilalang at kapwa niya tinukoy sila na “Panginoon”: “binuksan ng Panginoon ang kalangitan sa akin at nakita ko ang Panginoon.”11

Ang mas detalyadong paglalarawan ni Joseph kung gayon ay lalong nakakakumbinsing katibayan ng naragdagang kaalaman, na nag-ibayo sa paglipas ng panahon, batay sa karanasan. Ang mga pagkakaiba ng mga salaysay ng 1832 at ng mga sumunod na salaysay ay maaaring may kinalaman din sa mga pagkakaiba ng nakasulat at binigkas na salita. Ang salaysay ng 1832 ay kumakatawan sa unang pagkakataon na sinikap ni Joseph Smith na isulat ang kanyang kasaysayan. Noong taon ding iyon, sumulat si Joseph Smith sa isang kaibigan na sinasabing nadama niyang nalilimitahan siya ng “papel panulat at Tinta at mali-mali, bali-baliko, kalat-kalat, at di-perpektong Pananalita.” Tinawag niya ang salitang isinulat na isang “maliit at makitid na piitan.”12 Ang lawak ng mga huling salaysay na isinulat ay mas madaling maunawaan at inaasahan din kapag nalaman natin na ang mga ito ay maaaring mga idiniktang salaysay—isang madali, komportableng paraan para kay Joseph Smith at isang paraan na kung saan ay mas madaling dumaloy ang mga salita.

Katapusan

Paulit-ulit na nagpatotoo si Joseph Smith na nakaranas siya ng isang pambihirang pangitain kung saan nakita niya ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak, na si Jesucristo. Hindi mapapatunayan ang katotohanan ng Unang Pangitain o ang mga argumento laban dito sa pagsasaliksik lamang sa kasaysayan. Para malaman ang katotohanan ng patotoo ni Joseph Smith, kailangan ng bawat masigasig na naghahanap ng katotohanan na pag-aralan ang tala at pagkatapos ay sapat na sumampalataya kay Cristo upang itanong sa Diyos sa tapat at mapagpakumbabang panalangin kung ang tala ay totoo. Kung magtatanong ang naghahanap ng katotohanan nang may tunay na layunin na kumilos ayon sa sagot na inihayag ng Espiritu Santo, malalaman niya ang katotohanan ng pangitain ni Joseph Smith. Sa ganitong paraan, malalaman ng bawat tao na totoo ang sinabi ni Joseph Smith nang ipahayag niyang, “Nakakita ako ng pangitain; ito’y alam ko, at nalalaman ko na ito ay alam ng Diyos, at ito’y hindi ko maipagkakaila.”13

Kinikilala ng Simbahan ang kontribusyon ng mga iskolar sa makasaysayang nilalaman na inilahad sa artikulong ito; ang kanilang mga gawa ay ginagamit nang may pahintulot.

Orihinal na inilimbag noong Nobyembre 2013.

Mga Kaugnay na Paksa

Mga Banal na Kasulatan

Mga Reperensya sa Banal na Kasulatan

Mga Mensahe mula sa mga Lider ng Simbahan

Mga Video

“The Restoration”

“Joseph Smith: The Prophet of the Restoration”

“Mission Preparation Track 14: Gordon B. Hinckley”

Resources sa Pag-aaral

Pangkalahatang Resources

History, circa Summer 1832,” The Joseph Smith Papers

Journal, 1835–1836,” The Joseph Smith Papers

History, circa June 1839–circa 1841 [Draft 2],” The Joseph Smith Papers

‘Church History,’ 1 March 1842,” The Joseph Smith Papers

‘Latter Day Saints,’ 1844,” The Joseph Smith Papers

Primary Accounts of Joseph Smith’s First Vision of Deity,” The Joseph Smith Papers

Mga Magasin ng Simbahan

Preparing for the Restoration,” Ensign, Hunyo 1999

Book of Mormon Personalities Known by Joseph Smith,” Ensign, Disyembre 1983

Mga Manwal sa Pag-aaral

  1. Tingnan, halimbawa, sa James B. Allen, “Eight Contemporary Accounts of the First Vision—What Do We Learn from Them?” Improvement Era, 73 (1970): 4–13; Richard L. Anderson, “Joseph Smith’s Testimony of the First Vision,” Ensign, Abr. 1996, 10–21; Milton V. Backman, Joseph Smith’s First Vision: The First Vision in Its Historical Context (Salt Lake City: Bookcraft, 1971; ika-2 ed., 1980); Steven C. Harper, Joseph Smith’s First Vision: A Guide to the Historical Accounts (Salt Lake City: Deseret Book, 2012).

  2. Lahat ng talang ito ay muling inilimbag sa Dean C. Jessee, “The Earliest Documented Accounts of Joseph Smith’s First Vision,” sa John W. Welch, pat., kasama si Erick B. Carlson, Opening the Heavens: Accounts of Divine Manifestations, 1820–1844 (Provo and Salt Lake City: Brigham Young University Press and Deseret Book, 2005), 1–33.

  3. Mga Gawa 9:3–9; 22:6–21; 26:12–18; Mateo 17:1–13; Marcos 9:2–13; Lucas 9:28–36.

  4. Matatagpuan ang buong liham sa Joseph Smith, “Church History,” Times and Seasons 3 (Mar. 1, 1842): 706–10.

  5. Joseph Smith, “Latter Day Saints,” sa I. Daniel Rupp, He Pasa Ekklesia: An Original History of the Religious Denominations at Present Existing in the United States (Philadelphia: J. Y. Humphreys, 1844), 404–10.

  6. Whitney R. Cross, The Burned-Over District: The Social and Intellectual History of Enthusiastic Religion in Western New York, 1800–1850 (Ithaca, N.Y.: Cornell University Press, 1950); Paul E. Johnson, A Shopkeeper’s Millennium: Society and Revivals in Rochester, New York, 1815–1837 (New York: Hill and Wang, 1983); Nathan O. Hatch, The Democratization of American Christianity (New Haven: Yale University Press, 1989).

  7. Benajah Williams diary, July 15, 1820, kopya sa Church History Library, Salt Lake City; iniayon ang baybay sa pamantayan.

  8. salaysay noong 1838 (Joseph Smith—Kasaysayan 1:5, 8).

  9. salaysay noong 1832 (Joseph Smith History, ca. Summer 1832, 3, sa Joseph Smith, “Letter Book A,” Joseph Smith Collection, Church History Library, Salt Lake City); salaysay ng 1838 (Joseph Smith—Kasaysayan 1:17).

  10. salaysay noong 1838 (Joseph Smith—Kasaysayan 1:17); salaysay ng 1835 (Joseph Smith, “Sketch Book of the use of Joseph Smith, jr.,” Journal, Nov. 9–11, 1835, Joseph Smith Collection, Church History Library, Salt Lake City.

  11. salaysay ng 1832 (Joseph Smith History, ca. Summer 1832, 3, sa Joseph Smith, “Letter Book A,” Joseph Smith Collection, Church History Library, Salt Lake City).

  12. Joseph Smith to William W. Phelps, Nov. 27, 1832, Joseph Smith Collection, Church History Library, Salt Lake City; matatagpuan sa www.josephsmithpapers.org.

  13. salaysay ng 1838 (Joseph Smith—Kasaysayan 1:25).