Pag-aaral ng Doktrina
Pagpapanumbalik ng Simbahan
Buod
Noong nasa lupa si Jesucristo, itinatag Niya ang Kanyang Simbahan sa Kanyang mga tagasunod. Matapos ang Pagpapako sa Kanya sa Krus at ang pagkamatay ng Kanyang mga Apostol, binawi ang kabuuan ng ebanghelyo mula sa lupa dahil sa malawakang apostasiya. Sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, ipinanumbalik ng ating Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na si Jesucristo ang kabuuan ng ebanghelyo. Ang totoong Simbahan ni Jesucristo ay narito nang muli sa lupa. Dahil sa Pagpapanumbalik, ang mga turo at ordenansang kailangan para sa kaligtasan ay maaari nang matanggap ng lahat ng tao.
Ibinubuod ng sumusunod na balangkas ang ilan sa mahahalagang kaganapan sa pagpapanumbalik ng ebanghelyo at sa pagtatatag ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, na ipinahayag ng Panginoon na “ang tanging tunay at buhay na Simbahan sa ibabaw ng buong mundo” (Doktrina at mga Tipan 1:30).
Unang bahagi ng tagsibol, 1820. Sa paghahanap sa totoong Simbahan ni Jesucristo, nanalangin ang 14-na-taong-gulang na si Joseph Smith sa kakahuyan malapit sa kanyang tahanan sa Palmyra, New York. Bilang sagot sa kanyang mapagkumbabang panalangin, dinalaw siya ng Ama sa Langit at ni Jesucristo at sinabi Nila sa kanya na hindi siya dapat sumapi sa alinman sa mga simbahan sa mundo noong panahong iyon. (Tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:11–19.) Sa Simbahan, tinutukoy natin ang karanasang ito bilang Unang Pangitain ni Joseph Smith.
Setyembre 21–22, 1823. Dinalaw si Joseph Smith ng isang anghel na nagngangalang Moroni. Si Moroni ay nagpropesiya tungkol sa mga darating na pangyayari at sinabi niya kay Joseph ang tungkol sa talaan ng Aklat ni Mormon, na nakasulat sa mga laminang ginto. Tinulutan ng anghel na makita ni Joseph ang mga laminang ginto, na nakabaon sa kalapit na Burol ng Cumorah. (Tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:27–53.)
Setyembre 22, 1827. Natanggap ni Joseph Smith ang mga laminang ginto mula kay Moroni sa Burol ng Cumorah matapos niyang makausap si Moroni tuwing ika-22 ng Setyembre ng bawat isa sa nakaraang apat na taon. (Tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:53, 59.)
Mayo 15, 1829. Matapos mabasa ang tungkol sa binyag para sa kapatawaran ng mga kasalanan habang ginagawa nila ang pagsasalin ng mga laminang ginto, si Joseph Smith at ang kanyang tagasulat na si Oliver Cowdery ay nagtungo sa isang liblib na lugar upang magtanong sa Panginoon hinggil sa bagay na ito. Doon, sa pampang ng Ilog ng Susquehanna malapit sa Harmony, Pennsylvania, natanggap nila ang sagot sa kanilang panalangin. Si Juan Bautista, isang nabuhay na mag-uling nilalang, ay nagpakita sa kanila bilang “isang sugo mula sa langit … sa isang ulap ng liwanag.” Iginawad niya sa kanila ang Aaronic Priesthood. Pagkatapos, bilang pagsunod sa kanyang mga tagubilin, bininyagan nina Joseph at Oliver ang isa’t isa at inorden nila ang isa’t isa sa Aaronic Priesthood. (Tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:68–72; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 13.)
Mayo 1829. Iginawad ng mga sinaunang Apostol na sina Pedro, Santiago, at Juan ang Melchizedek Priesthood kina Joseph Smith at Oliver Cowdery. (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 128:20.)
Hunyo 1829. Sa patnubay “ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos” (Doktrina at mga Tipan 135:3), nakumpleto ni Propetang Joseph Smith ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon.
Marso 26, 1830. Ang mga unang nailimbag na kopya ng Aklat ni Mormon ay maaari nang makuha sa Palmyra, New York.
Abril 6, 1830. Ang Simbahan ay inorganisa sa Fayette Township, New York, at nagsimula sa anim na miyembro.
Marso 27, 1836. Ang Kirtland Temple, ang unang templong itinayo sa dispensasyong ito, ay inilaan. Si Propetang Joseph Smith ay nag-alay ng panalangin ng paglalaan, na ibinigay sa kanya sa pamamagitan ng paghahayag. (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 109.)
Abril 3, 1836. Nagpakita ang Tagapagligtas kina Joseph Smith at Oliver Cowdery sa Kirtland Temple. Nagpakita rin sina Moises, Elias, at Elijah, at ipinagkatiwala nila ang mga susi ng priesthood kina Joseph Smith at Oliver Cowdery. Dinala ni Elijah ang mga susi ng pagbubuklod, na siyang nagpapangyaring mabuklod ang mga pamilya magpakailanman. (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 110.)
Mangyaring tingnan ang bagong web page, “Ang Unang Pangitain,” na nilikha para sa ika-200 taong anibersaryo ng Pagpapanumbalik.
Para sa karagdagang impormasyon, basahin ang “Ang Pagpapanumbalik ng Kabuuan ng Ebanghelyo ni Jesucristo: Isang Proklamasyon sa Mundo para sa Ika-200 Taong Anibersaryo.”
AnItala ang Iyong mga Impresyon
Mga Kaugnay na Paksa
-
Apostasiya
-
Ordinances [Mga Ordenansa]
Mga Banal na Kasulatan
Mga Reperensya sa Banal na Kasulatan
Resources sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan
-
Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagpapanumbalik ng Ebanghelyo”
Mga Mensahe mula sa mga Lider ng Simbahan
Mga Karagdagang Mensahe
Resources sa Pag-aaral
Pangkalahatang Resources
“Ang Patotoo ng Propetang si Joseph Smith”
Mga Magasin ng Simbahan
Faith Sutherlin Blackhurst, “Ano, Bakit, at Paano: Isang Paglalarawan sa Panunumbalik,” Liahona, Abril 2018