Library
Paghahayag


babaeng malapit sa puno

Pag-aaral ng Doktrina

Paghahayag

Ang paghahayag ay pakikipag-ugnayan ng Diyos sa Kanyang mga anak. Kapag inihahayag ng Panginoon ang Kanyang kalooban sa Simbahan, nagsasalita Siya sa pamamagitan ng Kanyang propeta. Ayon sa ating katapatan, maaari tayong makatanggap ng personal na paghahayag na tutulong sa atin sa sarili nating mga pangangailangan, responsibilidad, at tanong at tutulong sa atin na mapalakas ang ating patotoo.

Buod

Ang paghahayag ay pakikipag-ugnayan ng Diyos sa Kanyang mga anak. Ang patnubay na ito ay dumarating sa pamamagitan ng iba’t ibang paraan ayon sa mga pangangailangan at kalagayan ng mga indibiduwal, pamilya, at ng buong Simbahan. Kapag inihahayag ng Panginoon ang Kanyang kalooban sa Simbahan, nagsasalita Siya sa pamamagitan ng Kanyang propeta. Ang mga propeta lamang ang maaaring makatanggap ng paghahayag para sa Simbahan, ngunit hindi lamang sila ang mga taong maaaring makatanggap ng paghahayag. Ayon sa ating katapatan, maaari tayong makatanggap ng paghahayag na tutulong sa atin sa personal nating mga pangangailangan, responsibilidad, at tanong at tutulong sa atin na mapalakas ang ating patotoo.

Nakasaad sa mga banal na kasulatan ang iba’t ibang uri ng paghahayag, tulad ng mga pangitain, panaginip, at pagdalaw ng mga anghel. Sa pamamagitan ng gayong mga paraan, ipinanumbalik ng Panginoon ang Kanyang ebanghelyo sa mga huling araw at naghayag Siya ng maraming katotohanan. Gayunman, ang karamihan sa mga paghahayag sa mga lider at miyembro ng Simbahan ay dumarating sa pamamagitan ng mga bulong ng Espiritu Santo.

Maaaring ang mga tahimik na espirituwal na pahiwatig ay hindi kagila-gilalas tulad ng mga pangitain o pagdalaw ng mga anghel, ngunit ang mga ito ay makapangyarihan at pangwalang-hanggan at nakapagpapabago rin ng buhay. Ang pagpapatotoo ng Espiritu Santo ay may impluwensya sa kaluluwa na higit na mahalaga kaysa sa anumang maaari nating makita o marinig. Sa pamamagitan ng gayong mga paghahayag, tatanggap tayo ng di-natitinag na lakas upang manatiling tapat sa ebanghelyo at matulungan ang iba na gayon din ang gawin.

AnItala ang Iyong mga Impresyon

Paghahandang Tumanggap ng Paghahayag

Ang mga sumusunod na payo ay tutulong sa atin na maghandang tumanggap ng mga pahiwatig mula sa Espiritu Santo:

Manalangin na mapatnubayan. Sabi ng Panginoon, “Humingi kayo, at kayo ay bibigyan; humanap kayo, at kayo ay makakatagpo, tumuktok kayo, at kayo’y pagbubuksan: sapagkat ang bawat humihingi ay tumatanggap; at ang humahanap ay nakakatagpo; at ang tumutuktok ay pinagbubuksan” (Mateo 7:7–8). Upang makatagpo at makatanggap, dapat tayong maghanap at humingi.

Maging mapitagan. Ang pagpipitagan ay lubos na paggalang at pagmamahal. Kapag tayo ay mapitagan at mapayapa, nag-aanyaya tayo ng paghahayag. Kahit nagkakagulo ang lahat ng bagay sa paligid natin, maaari pa rin tayong maging mapitagan at maging handa na tumanggap ng patnubay mula sa Panginoon.

Maging mapagpakumbaba. Malapit ang kaugnayan ng pagpapakumbaba sa pagpipitagan. Kapag mapagpakumbaba tayo, kinikilala natin na umaasa tayo sa Panginoon.

Sundin ang mga kautusan. Kapag sinusunod natin ang mga kautusan, handa tayong tanggapin, kilalanin, at sundin ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo.

Maging karapat-dapat na makibahagi sa sacrament. Ang mga panalangin sa sacrament ay nagtuturo kung paano makakasama sa tuwina ang Banal na Espiritu. Kapag nakikibahagi tayo sa sacrament, ipinapakita natin sa Diyos na handa tayong taglayin sa ating sarili ang pangalan ng Kanyang Anak at na palagi natin Siyang aalalahanin at susundin ang Kanyang mga kautusan. Nangangako ang ating Ama sa Langit na kapag tinutupad natin ang mga tipang ito, sa tuwina ay mapapasaatin ang Espiritu upang makasama natin. (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:77, 79.)

Pag-aralan ang mga banal na kasulatan araw-araw. Kapag masigasig nating pinag-aaralan ang mga banal na kasulatan, natututo tayo mula sa mga halimbawa ng kalalakihan at kababaihan na ang buhay ay napagpala dahil sinunod nila ang inihayag na kalooban ng Panginoon. Mas nagiging handa rin tayong dinggin ang Espiritu Santo sa sarili nating buhay. Kapag nagbabasa at nagninilay-nilay tayo, maaari tayong makatanggap ng paghahayag tungkol sa paraan kung paano natin magagamit ang isang partikular na talata mula sa banal na kasulatan o tungkol sa anumang nais ng Panginoon na iparating sa atin.

Mag-ukol ng oras na magnilay-nilay. Kapag nag-uukol tayo ng oras na pagnilayan ang mga katotohanan ng ebanghelyo, binubuksan natin ang ating puso’t isipan sa pumapatnubay na impluwensya ng Espiritu Santo (tingnan sa 1 Nephi 11:1; Doktrina at mga Tipan 76:19; 138:1–11). Inilalayo ng pagninilay-nilay ang ating isipan sa mga walang kabuluhang bagay sa mundo, at tinutulungan tayo nito na magkaroon ng pananaw na mas pangwalang-hanggan at mas mapalapit sa Espiritu.

Kapag naghahangad tayo ng partikular na patnubay, dapat pag-aralan natin ito sa ating isipan. Kung minsan, makikipag-ugnayan lamang ang Panginoon matapos nating pag-aralan ang bagay na iyon sa ating isipan.

Matiyagang hangarin ang kalooban ng Diyos. Inihahayag ng Diyos ang Kanyang sarili “sa kanyang sariling panahon, at sa kanyang sariling pamamaraan, at alinsunod sa kanyang sariling kalooban” (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:63–68). Madalas na dumarating ang paghahayag nang taludtod sa taludtod, tuntunin sa tuntunin, kaunti rito at kaunti roon. Dapat tayong maging matiyaga at magtiwala sa takdang panahon ng Panginoon.

Pagkilala sa mga Pahiwatig ng Espiritu Santo

Sa kabila ng maraming ingay at mga tao o bagay na umaagaw sa ating pansin sa mundo ngayon, dapat matutuhan nating kilalanin ang mga bulong ng Espiritu Santo. Ang mga sumusunod ay ilan sa mga pangunahing paraan ng pakikipag-ugnayan sa atin ng Espiritu Santo:

Nangungusap Siya sa puso’t isipan sa marahan at banayad na tinig. Itinuro ng Panginoon: “Sasabihin ko sa iyo sa iyong isipan at sa iyong puso, sa pamamagitan ng Espiritu Santo, na pasasaiyo at mananahanan sa iyong puso. Ngayon, masdan, ito ang diwa ng paghahayag” (Doktrina at mga Tipan 8:2–3). Bagama’t maaaring malaki ang impluwensya sa atin ng gayong paghahayag, halos palagi itong dumarating nang tahimik, sa “marahan at banayad na tinig” (tingnan sa 1 Mga Hari 19:9–12; Helaman 5:30; Doktrina at mga Tipan 85:6).

Ipinadarama Niya sa atin ang Kanyang mga pahiwatig. Bagama’t madalas nating ilarawan ang pakikipag-ugnayan ng Espiritu bilang isang tinig, higit nating nadarama ang tinig na iyon kaysa naririnig.

Naghahatid Siya ng kapayapaan. Ang Espiritu Santo ay madalas tawaging Mang-aaliw (tingnan sa Juan 14:26; Doktrina at mga Tipan 39:6). Habang inihahayag Niya ang kalooban ng Panginoon sa atin, Siya ay “[mangu]ngusap ng kapayapaan” sa ating isipan (Doktrina at mga Tipan 6:23).

Mga Kaugnay na Paksa

Mga Banal na Kasulatan

Mga Reperensya sa Banal na Kasulatan

Resources sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Mga Mensahe mula sa mga Lider ng Simbahan

Mga Karagdagang Mensahe

Mga Video

3:4

Logo ng Tabernacle Choir

Mga Video ng Tabernacle Choir

Joseph Smith’s First Prayer [Unang Panalangin ni Joseph Smith]

Resources sa Pag-aaral

Mga Magasin ng Simbahan

Richard M. Romney, “Ang Landas ng Lider Tungo sa Paghahayag,” Liahona, Agosto 2013

Paghahangad at Pagtanggap ng Personal na Paghahayag,” Liahona, Abril 2010

Mga Manwal sa Pag-aaral

Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan

Mga Kuwento

Media

Musika