“Paghahayag,” Mga Paksa at Mga Tanong (2023)
Gabay sa Pag-aaral ng Ebanghelyo
Paghahayag
Araw-araw, indibiduwal na patnubay mula sa mapagmahal na Ama sa Langit
Ang mga katanungan at kawalang-katiyakan ay normal na bahagi ng buhay. Kung kanino ka dapat bumaling para sa sagot at katiyakan ay napakahalagang bagay. Mabuti at nariyan ang Diyos para tulungan ka sa paghahanap mo ng mga sagot at pang-unawa. Maaari kang magtiwala sa pangako na “kung … nagkukulang [ka] ng karunungan,” makahihingi ka ng tulong sa Kanya at “iyon ay ibibigay sa [iyo]” (Santiago 1:5).
Nangungusap ang Diyos sa Kanyang mga anak nang personal sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Naglaan Siya ng mga propeta at iba pang mga tao at resources na gagabay sa atin sa mga hamon at karanasan sa buhay na ito. Isa sa mga pinakamahalaga ay ang ipinangakong pakikipag-ugnayan na maaaring dumating sa atin mula sa Diyos sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
Bahagi 1
Ang Diyos ay Maaaring Makipag-ugnayan sa Iyo sa pamamagitan ng Personal na Paghahayag
Mahal ka ng Diyos at lubos na nalalaman ang mga hamon at pagsubok na kinakaharap mo; hindi ka Niya iniwang nag-iisa (tingnan sa Juan 14:18). Maaari kang gumawa ng mahahalagang hakbang para maihanda ang iyong sarili sa pagtanggap at pagkilala sa personal na paghahayag. Kabilang sa espirituwal na paghahanda ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan, pagsamba sa araw ng Sabbath at sa bahay ng Panginoon, pagsisisi araw-araw, pag-aayuno, at taimtim na pagdarasal. Ipinangako ng Panginoon na gagabayan ka Niya kung pagsisikapan mong lumapit sa Kanya (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:63).
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:
“Humanap ng tahimik na lugar na palagi ninyong mapupuntahan. Magpakumbaba sa harapan ng Diyos. Ibuhos ang inyong puso sa inyong Ama sa Langit. Humiling sa Kanya ng kasagutan at kapanatagan.
“Ipanalangin sa pangalan ni Jesucristo ang inyong mga alalahanin, ang inyong mga takot, mga kahinaan—oo, ang pinakaaasam ng inyong puso. At makinig! Isulat ang mga naiisip ninyo. Itala ang inyong nadarama at isagawa ang mga bagay na ipinahihiwatig sa inyong gawin. …
“Walang makapagbubukas ng kalangitan nang higit sa magagawa ng pinagsama-samang kadalisayan, lubos na pagsunod, masigasig na paghahanap, araw-araw na pagpapakabusog sa mga salita ni Cristo sa Aklat ni Mormon, at pag-uukol palagi ng oras para sa templo at gawain sa family history.”1
Mga bagay na pag-iisipan
-
Bawat isa sa mga anak ng Diyos ay dumarating sa mundong ito na may Liwanag ni Cristo. Basahin ang Moroni 7:16–18; Doktrina at mga Tipan 84:46–48; 93:2, at alamin kung ano ang kalakip ng kaloob na ito at kung bakit ito mahalaga.
-
Ang pagnanais mong hangarin ang diwa ng paghahayag ay maaaring madagdagan kapag mas naunawaan mo ang kahandaan ng Diyos na ibahagi ito sa iyo. Ikumpara ang mga sumusunod na scripture passage para makahanap ng mga alituntunin na makapaghahanda sa iyo na maranasan ang diwa ng paghahayag: 1 Nephi 10:17–19; 2 Nephi 32:3; Doktrina at mga Tipan 9:8; Joseph Smith—Kasaysayan 1:10–17. Anong mga alituntunin ng personal na paghahayag ang itinuturo sa mga banal na kasulatang ito? Bakit mahalagang malaman na may responsibilidad tayong ihanda ang ating sarili na tumanggap ng personal na paghahayag?
Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Sa isang artikulo sa Liahona ng Enero 2021 na pinamagatang “Umunlad sa Alituntunin ng Paghahayag”, tinalakay ni Pangulong Russell M. Nelson kung paano natin mas mauunawaan kung paano aanyayahan ang patnubay ng Ama sa Langit sa ating buhay. Anyayahan ang iyong mga kagrupo na pag-aralan ang mga bahagi ng artikulo. Talakayin ninyo ang mga sumusunod na tanong: Ano ang mga alituntuning binigyang-diin ni Pangulong Nelson? Anong mga pagbabago ang gagawin mo matapos basahin ang mensaheng ito?
Alamin ang iba pa
-
Alma 5:43–48; Doktrina at mga Tipan 50:24–25; 76:5–10; 84:44–47; 121:26–33
-
Dale G. Renlund, “Isang Framework para sa Personal na Paghahayag,” Liahona, Nob. 2022, 16–18
-
Julie B. Beck, “At sa mga Lingkod na … Babae Naman ay Ibubuhos ko sa mga Araw na Yaon ang Aking Espiritu,” Liahona, Mayo 2010, 10–12
-
Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: John Taylor (2011), 184–93
Bahagi 2
Ang Personal na Paghahayag ay Karaniwang Dumarating bilang mga Impresyon, Kaisipan, at Damdamin
May natutuhan ka na bang mga parirala na iba ang wika? Sa pag-aaral at pagpapraktis, masisimulan mong maintindihan ang mga salitang iyon kapag narinig mong binigkas ng iba. Sa gayunding paraan, maaaring sa una ay hindi mo palaging makikilala ang tinig ng Espiritu, ngunit ang pag-aaral ng mahahalagang alituntunin ay makapaghahanda sa iyo na mas maunawaan ang banal na pakikipag-ugnayan. Halimbawa, nasaksihan ng propetang si Elijah ng Lumang Tipan ang malakas na hangin, lindol, at apoy, ngunit sinabi ni Elijah na “ang Panginoon ay wala” sa mga bagay na iyon. Ngunit narinig niya ang “banayad at munting tinig” at nakilala ito bilang tinig ng Panginoon (tingnan sa 1 Mga Hari 19:11–13). Nangungusap ang Diyos sa atin sa isang “marahan at banayad na tinig” (tingnan sa Helaman 5:28–30) at damdamin tulad ng kapayapaan, kapanatagan, at kagalakan (tingnan sa Galacia 5:22–23).
Ang isa pang alituntunin ng paghahayag ay ang Diyos ay “[n]agbibigay sa mga anak ng tao ng taludtod sa taludtod, ng tuntunin sa tuntunin, kaunti rito at kaunti roon” (2 Nephi 28:30). Nangangahulugan ito na hindi ibinibigay sa atin ng Diyos ang lahat nang sabay-sabay. Sa halip, ang personal na paghahayag ay mailalahad sa paglipas ng panahon.
Binigyang-diin ni Elder David A. Bednar ang konseptong ito: “Tayong mga miyembro ng Simbahan ay lubhang binibigyang-diin ang kagila-gilalas at madamdaming mga espirituwal na pagpapakita kaya hindi natin napapahalagahan at maaaring hindi pa natin mapansin ang karaniwang paraan ng pagsasakatuparan ng Espiritu Santo ng Kanyang gawain. Ang mismong ‘kagaanan ng paraan’ (1 Nephi 17:41) ng pagtanggap ng maliliit at unti-unting espirituwal na pahiwatig na sa paglipas ng panahon at sa kabuuan ay nagbibigay ng hinahangad na sagot o patnubay na kailangan natin ay maaring mag-udyok sa atin na tumingin ‘nang lampas sa tanda’ (Jacob 4:14).”2
Mga bagay na pag-iisipan
-
Sa kanyang mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2020 na “Pakinggan Siya,” sinabi ni Pangulong Nelson, “Higit na mahalaga ngayon na malaman ninyo kung paano nangungusap sa inyo ang Espiriitu. … Muli akong nakikiusap sa inyo na gawin ang anumang dapat gawin upang madagdagan ang inyong espirituwal na kakayahang tumanggap ng personal na paghahayag.”3 Sa paanong mga paraan ka nakatanggap ng personal na pahahayag?
Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Sa tatlong-bahaging video series na Patterns of Light, tinalakay ni Elder David A. Bednar kung paano natin mas mauunawaan ang personal na paghahayag. Panoorin ang isa o mahigit pang mga video nang magkakasama bilang isang grupo. Anyayahan ang mga kagrupo na ibahagi kung paano sila natutulungan ng mga mensaheng ito na makita nang mas malinaw ang personal na paghahayag. Maaari mo ring rebyuhin ang mensahe ni Elder Bednar sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2011 na “Ang Diwa ng Paghahayag.”
Alamin ang iba pa
-
3 Nephi 11:1–7; Doktrina at mga Tipan 6:14–16, 22–23; 8:2–3; 11:12–14; 85:6
-
Henry B. Eyring, “Ang Unang Pangitain: Isang Huwaran para sa Personal na Paghahayag,” Liahona, Peb. 2020, 13–17
-
“Receiving Revelation” (video), ChurchofJesusChrist.org
-
Teachings of Presidents of the Church: Thomas S. Monson (2020), 77–87
Bahagi 3
Pinamamahalaan ng Panginoon ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng Paghahayag
Ang diwa ng paghahayag ay gagabay sa bawat isa sa atin, ngunit kapag may itatagubilin ang Panginoon sa Kanyang Simbahan, nangungusap Siya sa pamamagitan ng buhay na propeta na naglilingkod bilang Pangulo ng Simbahan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 107:91–92). Itinuro ni Elder Dale G. Renlund: “Ang propeta lamang ang tumatanggap ng paghahayag para sa Simbahan. Magiging ‘salungat sa pamahalaan ng Diyos’ ang pagtanggap ng iba ng gayong paghahayag … Ang personal na paghahayag ay para sa mga indibiduwal. Makatatanggap kayo ng paghahayag, halimbawa, kung saan titira, kung anong trabaho ang kukunin, o kung sino ang pakakasalan. Ang mga lider ng Simbahan ay maaaring magturo ng doktrina at magbahagi ng inspiradong payo, ngunit ang responsibilidad para sa mga desisyong ito ay nasa inyo. Iyon ang paghahayag na tatanggapin ninyo.”4
Mga bagay na pag-iisipan
-
Hindi nagtagal matapos itatag ang Simbahan, ang mahalagang tungkulin ni Joseph Smith bilang propeta ay nilinaw para sa mga miyembro ng Simbahan. Basahin ang Doktrina at mga Tipan 43:1–7. Paano ka mapoprotektahan ng alituntuning inilarawan sa scripture passage na ito laban sa panlilinlang ng mga taong hindi sa Diyos?
Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Kasama ang iyong grupo, basahin ang mensahe ni Pangulong M. Russell Ballard na “Ang Pangitain ng Pagtubos sa mga Patay,”5 at alamin kung paano inihanda ng Panginoon si Pangulong Joseph F. Smith na tumanggap ng gayon kahalagang paghahayag para sa Simbahan. Paano inihanda si Pangulong Smith ng mga karanasan niya sa buhay para sa pangitaing natanggap niya? Ayon sa Doktrina at mga Tipan 138:1–11, ano ang ginawa ni Pangulong Smith na naghanda sa kanya na maturuan mula sa langit? Paano tayo natutulungan ng halimbawang ito na maunawaan ang kahalagahan ng paghahandang madama ang diwa ng paghahayag?
Alamin ang iba pa
-
Amos 3:7; Mateo 16:13–18; Doktrina at mga Tipan 1:37–38; Mga Saligan ng Pananampalataya 1:9
-
Russell M. Nelson, “Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2018, 93–96
-
Quentin L. Cook, “Ang Pagpapala ng Patuloy na Paghahayag sa mga Propeta at Personal na Paghahayag Upang Gabayan ang Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2020, 96–100
-
Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: George Albert Smith (2011), 123–33
-
koleksyon ng mga video na Pakinggan Siya ChurchofJesusChrist.org