Umunlad sa Alituntunin ng Paghahayag
Hinihikayat ko kayo na gawin ang mga kinakailangang hakbang para marinig ang Panginoon nang mas mabuti at mas madalas upang makatanggap kayo ng kaliwanagan at kaalaman na nais Niyang ibigay sa inyo.
Noong Setyembre 30, 2017, pagkatapos ng sesyon sa hapon ng pangkalahatang kumperensya, dinalaw ko sa ospital ang pinakamamahal kong miyembro ng korum na si Elder Robert D. Hales. Naospital siya simula noong atakihin siya sa puso ilang araw na ang nakalipas.
Masaya kaming nag-usap, at tila bumubuti na ang kalagayan niya. Nakakahinga na siya sa sarili niya [nang walang tulong ng aparato], na isang magandang palatandaan.
Gayunman, nang gabing iyon, nangusap ang Espiritu sa aking puso at isipan na dapat akong bumalik sa ospital sa araw ng Linggo. Sa sesyon sa Linggo ng umaga ng pangkalahatang kumperensya, naramdaman kong muli ang malakas na impresyong iyon. Nadama ko na hindi muna ako dapat mananghalian at magmadali agad sa pagpunta kay Elder Hales sa sandaling matapos ang sesyon sa umaga, na siyang ginawa ko.
Nang dumating ako roon, nakita ko na lalong lumala ang kundisyon ni Elder Hales. Nakakalungkot na pumanaw siya 10 minuto pagkatapos akong makarating doon, ngunit nagpapasalamat ako na naroon ako sa tabi niya kasama ang kanyang mabait na asawang si Mary, at kanilang dalawang anak na lalaki nang lisanin niya ang buhay na ito.
Lubos akong nagpapasalamat na hinikayat ako ng mga bulong ng Espiritu Santo na gawin ang isang bagay na hindi ko sana nagawa. At lubos akong nagpapasalamat na mayroong paghahayag at na muling nabuksan ang kalangitan.
Sa taon na ito, ang pagtutuunan ng pag-aaral natin nang personal at sa klase ay ang Doktrina at mga Tipan. Ang “mga banal na paghahayag at makapukaw na pagpapahayag” na ito ay magpapala sa lahat ng mag-aaral ng mga ito at kikilos ayon sa mga banal na tagubilin nito. Inaanyayahan ng mga ito ang “lahat ng tao sa lahat ng dako na makinig sa tinig ng Panginoong Jesucristo,”1 dahil tunay na “ang tinig ng Panginoon ay sumasalahat ng tao” (Doktrina at mga Tipan 1:2).
Panganib, Kadiliman, Panlilinlang
Ang pisikal at espirituwal na mga unos ay bahagi ng buhay sa mundo, tulad ng ipinaalala sa atin ng pandemyang COVID-19. Tungkol sa panahon bago ang Kanyang Ikalawang Pagparito, ibinadya ng Tagapagligtas ang mga araw ng matinding kapighatian. Sinabi Niya, “Magkakagutom, at magkakasalot, at lilindol sa iba’t ibang dako” (Joseph Smith—Mateo 1:29).
Bukod pa sa mga kapighatiang iyon ay nariyan ang tumitinding kadiliman at panlilinlang na nakapaligid sa atin. Tulad ng sinabi ni Jesus sa Kanyang mga disipulo, “[La]aganap [ang] kasamaan” bago ang Kanyang pagbabalik (Joseph Smith—Mateo 1:30).
Tinipon na ni Satanas ang kanyang mga puwersa at nagngangalit siya laban sa gawain ng Panginoon at sa atin na gumagawa rito. Dahil sa mga dumaraming panganib na nakakaharap natin, ang pangangailangan natin ngayon sa banal na patnubay ay lalo pang tumitindi, at ang mga pagsisikap nating marinig ang tinig ni Jesucristo—ang ating Tagapamagitan, Tagapagligtas, at Manunubos—ay talagang kailangang-kailangan.
Tulad ng sinabi ko pagkatapos akong tawagin bilang Pangulo ng Simbahan, ang Panginoon ay nakahandang ihayag sa atin ang Kanyang kalooban. Iyan ang isa sa Kanyang mga pinakadakilang pagpapala sa atin.2
Sa ating panahon, Siya ay nangako na, “Kung kayo ay hihingi, kayo ay makatatanggap ng paghahayag sa paghahayag, ng kaalaman sa kaalaman” (Doktrina at mga Tipan 42:61).
Alam ko na tutugon Siya sa ating mga pagsamo.
Paano Natin Siya Pinakikinggan
Mahalaga ngayon na alam natin kung paano nangungusap ang Espiritu. Upang makatanggap ng personal na paghahayag, makahanap ng mga sagot, at makatanggap ng proteksyon at patnubay, inaalala natin ang huwarang itinakda ni Propetang Joseph Smith para sa atin.
Una, ituon natin ang ating mga sarili sa mga banal na kasulatan. Sa paggawa nito, nabubuksan ang ating isipan at puso sa mga turo ng Tagapagligtas at sa mga katotohanan. Ang mga salita ni Cristo “ang magsasabi sa [atin] ng lahat ng bagay na dapat [nating] gawin” (2 Nephi 32:3), lalo na sa mga panahong ito ng kawalang-katikayan at kaguluhan.
Kasunod nito ay manalangin tayo. Kailangan sa panalangin ang pagkukusa, kaya’t nagpapakumbaba tayo sa harapan ng Diyos, naghahanap ng tahimik na lugar na palagian nating mapupuntahan, at ibinubuhos ang nilalaman ng ating puso sa Kanya.
Sinabi ng Panginoon, “Magsilapit sa akin at ako ay lalapit sa inyo; masigasig akong hanapin at inyo akong matatagpuan; humingi, at kayo ay makatatanggap; kumatok, at kayo ay pagbubuksan” (Doktrina at mga Tipan 88:63).
Ang paglapit sa Panginoon ay nagbibigay ng kapanatagan at lakas ng loob, pag-asa at paggaling. Kaya nga, nananalangin tayo sa Kanyang pangalan tungkol sa ating mga pangamba at kahinaan, sa ating mga inaasam at para sa ating mga mahal sa buhay, para sa ating mga tungkulin at tanong.
Pagkatapos ay nakikinig tayo.
Kung mananatili tayong nakaluhod nang ilang sandali pagkatapos nating manalangin, darating ang mga ideya, saloobin, at tagubilin sa ating isipan. Ang pagtatala ng mga impresyong iyon ay makatutulong sa atin na maalala kung ano ang ipinagagawa sa atin ng Panginoon.
Kapag inulit natin ang prosesong ito, ayon sa mga salita ni Propetang Joseph Smith, tayo ay “[u]unlad sa alituntunin ng paghahayag.”3
Karapat-dapat na Tumanggap ng Paghahayag
Ang pagpapahusay ng ating kakayahan na makilala ang mga bulong ng Espiritu Santo at ang pagpapaibayo ng ating kakayahang tumanggap ng paghahayag ay nangangailangan ng pagiging karapat-dapat natin. Hindi kinakailangan na maging perpekto sa pagiging karapat-dapat, ngunit kinakailangan dito ang pagsisikap na lalo pang maging dalisay.
Inaasahan ng Panginoon ang araw-araw na pagsisikap, araw-araw na pagpapakabuti, at araw-araw na pagsisisi natin. Ang pagiging karapat-dapat ay nagdudulot ng kadalisayan, at ang kadalisayan ay nagpapamarapat sa atin para sa Espiritu Santo. Kapag pinili natin “ang Banal na Espiritu bilang [ating] patnubay” (Doktrina at mga Tipan 45:57), nagiging karapat-dapat tayo na tumanggap ng personal na paghahayag.
Kung may bagay na nakakapigil sa atin sa pagbubukas ng pintuan para matanggap ang patnubay mula sa langit, maaaring kinakailangan nating magsisi. Ang pagsisisi ay nagtutulot sa atin na mabuksan ang pintuan para marinig natin ang tinig ng Panginoon nang mas madalas at mas malinaw.
“Malinaw ang pamantayan,” pagtuturo ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol. “Kung may iniisip, nakikita, naririnig, o ginagawa tayo [na] naglalayo sa atin sa Espiritu Santo, dapat tayong tumigil sa pag-iisip, pagtingin, pakikinig, o paggawa sa bagay na iyon. Kung ang layon ng isang bagay ay para makalibang, halimbawa, [ngunit] naglalayo sa atin sa Espiritu Santo, walang dudang hindi para sa atin ang libangan na iyon. Dahil hindi nananatili ang Espiritu sa bagay na malaswa, lapastangan, o mahalay, malinaw na hindi para sa atin ang mga bagay na yaon.”4
Kapag nilakipan natin ng dagdag na kadalisayan at pagsunod na may pag-aayuno, masigasig na pagsisikap, pag-aaral ng mga banal na kasulatan at mga salita ng mga buhay na propeta, at gawain sa templo at family history, mabubuksan ang kalangitan. Ang Panginoon, bilang ganti, ay tutuparin naman ang Kanyang pangako: “Ipagkakaloob ko sa iyo ang aking Espiritu, na siyang magbibigay-liwanag sa iyong isipan” (Doktrina at mga Tipan 11:13).
Maaaring kailangan nating magtiis, ngunit mangungusap ang Diyos sa atin sa Kanyang sariling paraan at panahon.
Isang Diwa ng Kaunawaan
Ipinahayag ni Job, “Ngunit ang espiritu na nasa tao, ang hininga ng Makapangyarihan sa lahat ang nagbibigay sa kanya ng unawa” (Job 32:8). Sa bagong taon na ito, hinihikayat ko kayo na gawin ang mga kinakailangang hakbang para marinig ang Panginoon nang mas mabuti at mas madalas upang makatanggap kayo ng kaliwanagan at kaalaman na nais Niyang ibigay sa inyo.
Bago ang pagpanaw ni Elder Hales noong Oktubre ng 2017, naghanda siya ng maikling mensahe para sa pangkalahatang kumperensya na hindi niya naibigay. Sa mensaheng iyon, isinulat niya, “Inihahanda tayo ng ating pananampalataya na makarating sa piling ng Panginoon.”5
Kapag tumatanggap tayo ng paghahayag, nag-uukol tayo ng oras sa presensya ng Diyos habang inihahayag Niya ang Kanyang kaisipan, kalooban, at tinig sa atin (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 68:4). Nawa’y kumilos tayo ayon sa ating pananampalataya, na nananalangin sa Kanya, namumuhay nang karapat-dapat sa Kanyang ipinangakong inspirasyon, at kumikilos ayon sa patnubay na ating tinatanggap.