Mga Alituntunin ng Ministering
Makapiling at Palakasin ang Isa’t Isa
Pinagpapala tayong lahat kapag nagmi-minister tayo o pinaglilingkuran tayo.
Ang pinakamainam dito, hindi lang ang nagmi-minister o naglilingkod ang pinagpapala. Kapag nag-minister tayo sa isang tao, lahat ng kasama rito ay napagpapala—ang ating sarili, ang ating mga kompanyon, at ang mga pinaglilingkuran natin. Pinagpapala tayo ng lakas ng isa’t isa. Pinagpapala tayo kapag sinusuportahan at tinutulungan natin ang isa’t isa sa mga problema natin. Pinagpapala tayo ng mga ugnayang nabubuo natin.
Nang ipaliwanag kung ano ang ibig sabihin ng mag-minister sa kapwa, itinuro sa atin ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol na ito ay “makapiling at palakasin sila” (Doktrina at mga Tipan 20:53).1 Sa banal na kasulatang ito, may dalawang mahahalagang bagay na tutulong sa atin para makapag-minister sa mga taong mahal natin:
-
Una, ang “makapiling” sila ay nagmumungkahi na mahalagang kilalanin nang lubos ang mga taong pinaglilingkuran natin para magkaroon ng magandang ugnayan at tiwala.
-
Pangalawa, kapag alam nila na totoong minamahal at pinagmamalasakitan natin sila, mapag-uusapan na natin ang mga paraan para suportahan at “palakasin sila.” Bunga nito, tayo rin ay mapapalakas.
Ang mga tao ay hindi mga proyekto; sila ay ating mga kapatid—kapwa mga manlalakbay sa buhay na ito. Gusto nating magkasama-sama tayo sa paglalakbay sa buhay na ito, tinutulungan ang isa’t isa na magkaroon ng lakas para madaig ang mga balakid at hadlang sa daraanan (tingnan sa Sa Mga Hebreo 12:10–13).
Ang salitang “palakasin” ay nagpapahayag ng tunay nating hangarin—na ang tulong natin ay nagbibigay ng suporta at mga kasangkapan upang ang bawat tao ay magkaroon ng resources at lakas para makasulong at makayanan ang mga hamon ng buhay.
Marami sa atin ang hindi kayang tulungan ang ating mga kapatid sa partikular nilang mga alalahanin. Hinikayat tayo ni Elder Holland: “Sa kabila ng mga nararamdaman natin na mga limitasyon at pagkukulang natin—lahat tayo ay may mga pagsubok—gayunpaman, nawa’y gumawa tayo na kasama ang Panginoon ng ubasan, na tinutulungan ang ating Diyos at Ama sa mabigat na gawain Niya ng pagsagot sa mga panalangin, pagbigay ng alo, pagpahid ng mga luha, at pagpapalakas ng mga nanghihina.”2
Sa taon na ito, ang mga artikulong ito tungkol sa Mga Alituntunin ng Ministering ay magbibigay ng mga ideya at resources na makatutulong sa iyo na maunawaan kung paano makakapiling at mapapalakas ang iba sa pagharap nila sa mga hamon ng buhay.