Mga Young Adult
Paggaling mula sa Espirituwal na Pamamanhid
Tayo ay espirituwal na nanganganib kapag tumigil na tayo sa pagdama sa Espiritu, ngunit sa tulong ni Cristo madadaig natin ang espirituwal na pamamanhid.
Ang ketong ay isang nakakahawang sakit na nababasa natin sa Biblia. Ito ay sanhi ng isang bacterium na lumilikha ng malubhang pinsala at sugat sa balat. Ngunit ang pangunahing sintomas ng sakit na ito ay ang malubhang pinsala sa nervous system, na humahantong sa pagkawala ng pandama, hindi na makaramdam ng init, sakit, o iba pang sensasyon. Ang mga taong nahawahan nito ay nagiging literal na manhid.
Bagama’t ang ketong ay hindi gaanong malala o karaniwan ngayon hindi tulad noong mga unang panahon, ang mga tao ngayon ay nawawalan na rin ng kakayahang makaramdam—ngunit sa halip na pinsala sa katawan, tayo ay nanganganib na maging manhid sa espirituwal.
Ipinaliwanag ni Elder Neal A. Maxwell (1926–2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang kalagayang ito ng kawalan ng espirituwal na pakiramdam ay maaaring magmula sa pagbabalewala sa mga pahiwatig ng Banal na Espiritu at hindi pagsunod sa mga utos ng Diyos. Itinuro niya:
“May kakayahan tayong kontrolin ang ating mga pag-uugali sa maraming paraan, at kapag hindi natin sinunod ang paghihikayat sa atin na gumawa ng mabuti, pinapahina natin ang kakayahang iyon. Ang pagiging madaling makahiwatig ni Jesus sa mga pangangailangan ng mga nakapalibot sa kanya ang naghikayat sa kanya na kumilos.
“Sa kabilang dulo ng espirituwal na spectrum ay ang mga taong tulad ng mga kapatid ni Nephi na nalilihis ng landas; napansin ni Nephi na tumitindi ang pagiging manhid nila sa mga bagay na espirituwal: ‘Nangusap [ang Diyos] sa inyo sa isang marahan at banayad na tinig, datapwat kayo ay manhid, kung kaya’t hindi ninyo madama ang kanyang mga salita’ [1 Nephi 17:45].”1
Malaki ang panganib kapag tumigil na tayo sa pagdama sa Espiritu o kahit hindi tayo sigurado kung paano nangungusap sa atin ang Espiritu. Madali tayong nagagambala at naililihis ng mundo sa bawat araw, na nagiging dahilan para maging manhid tayo sa marahan at banayad ngunit makapangyarihang tinig na iyon na palaging handang patnubayan tayo sa araw-araw (tingnan sa I Mga Hari 19:11–12).
Ngunit kahit nadarama natin na maaaring mayroon tayong “espirituwal na ketong” paminsan-minsan, posible ang paggaling.
Dapat nating alalahanin palagi na si Jesucristo ang nagpagaling sa mga taong may ketong noong Kanyang ministeryo. At Siya lamang ang makapagpapagaling sa espirituwal na pamamanhid natin ngayon at makatutulong sa atin na madamang muli ang Espiritu. Narito ang ilang mahahalagang paraan na makakatulong.
Paghiwatig sa Espiritu
Ang paraan para makadama muli ay nagmumula sa kakayahan nating marinig at mahiwatigan ang mga bulong ng Espiritu Santo. Tulad ng itinuro ni Moroni, “Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, malalaman ninyo ang katotohanan ng lahat ng bagay” (Moroni 10:5). Maaalis natin sa ating sarili ang pamamanhid, makahihingi ng personal na paghahayag, at madarama ang katotohanan ng lahat ng bagay.
Sa iyong paglalakbay para madamang muli ang Espiritu, itanong ang mga bagay na ito sa iyong sarili para maunawaan ang kaugnayan mo sa paghahayag:
-
Kailan ako huling tumanggap ng personal na paghahayag?
-
Kailan ako huling humingi ng personal na paghahayag?
-
Kailan ko huling hiniling sa Ama sa Langit na tulungan akong mahiwatigan ang personal na paghahayag sa aking buhay?
Sa kabuuan, talaga bang humihingi ka ng paghahayag mula sa Diyos? Mahirap madama ang masasayang bunga ng Espiritu kapag tila nakapinid ang kalangitan (tingnan sa Galacia 5:22–23). Ngunit ang masigasig na paghingi ng paghahayag sa iyong pang-araw-araw na buhay ang susi para mabuksan ang kalangitan at maanyayahan ang Espiritu pabalik sa iyong buhay.
Maling Pagkaunawa sa Paghahayag
Ngunit maaaring malito tayo kung ano ang mga espirituwal na karanasan at ang personal na paghahayag.
Kapag pinag-uusapan natin ang tungkol sa personal na paghahayag, madalas ang naiisip natin ay mga pangitain, pagbisita ng mga anghel, o dumadagundong na mga tinig. At kapag hindi natin nararanasan ang mga bagay na ito, maaaring madama natin na wala tayong pag-asang makatanggap ng patnubay ng Espiritu. Maaaring madama natin na may mali sa atin, na hahantong sa pagsuko natin na hingin ang patnubay ng Espiritu.
Ngunit kailangan nating maunawaan na ang pagdama sa Espiritu ay hindi tungkol sa malalakas na pagyanig ng lupa, ni hindi ito tungkol sa Panginoon na nangungusap lamang sa atin hinggil sa malalaking desisyon natin sa buhay. Ang isa pang ginagawa natin ay madalas tayong humingi ng tulong sa Panginoon para sa malalaking desisyon lamang tulad ng pag-aaral, trabaho, pag-aasawa, at pamilya, ngunit nakakalimutan nating isaalang-alang Siya sa bawat pag-iisip (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 6:36). Gayunman, madalas na nangungusap sa atin ang Ama sa Langit. Nangungusap Siya sa atin sa pinakamainam na paraan na mahihiwatigan ng bawat isa sa atin. Mapapatnubayan Niya tayo araw-araw, kahit sa maliliit na detalyeng iyon ng ating buhay.
Paghahandang Tumanggap ng Paghahayag
Upang marinig ang kalangitan, kailangan muna nating buksan ang ating mga tainga sa mga bagay na makalangit. Narito ang ilang paraan na mabubuksan natin ang ating mga tainga at maihahanda ang ating sarili na makinig sa Panginoon:
Maniwala. Sa paghahangad nating madaig ang espirituwal na ketong, maaaring kailanganin nating baguhin ang ating pag-iisip at tunay na maniwala sa Ama sa Langit at manampalataya na Siya ay magbibigay at nagbibigay sa atin ng paghahayag. Sa katunayan, dapat tayong umasang magbibigay Siya. Mahihiling din natin sa Kanya na tulungan tayo na malaman kung paano Siya nangungusap sa atin. Dapat tayong umasa na magkakaroon tayo palagi ng mga espirituwal na karanasan kapag sinisikap nating sundin ang Tagapagligtas at ang Kanyang mga kautusan.
Magsumigasig sa araw-araw. Maaari din nating mas mahiwatigan ang Espiritu sa pamamagitan ng taimtim na pagdarasal, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, pagtanggap ng sacrament, pagdalo sa templo, pakikibahagi sa gawain sa family history, pakikinig sa espirituwal na musika, ministering, o anumang sa palagay mo ay maglalapit sa iyo sa Diyos. Kapag mas malapit tayo sa Kanya, lalo pa nating binubuksan ang ating puso para mapagaling sa espirituwal na ketong at muling madama ang Espiritu Santo.
Sumunod. Ang isa pang mahalagang aspeto para maanyayahan muli ang Espiritu sa iyong buhay ay ang kahandaan mong sundin ang sinasabi sa iyo ng Espiritu. Itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan:
“Kapag ipinakita ninyo ang inyong kahandaang sumunod, mas maraming impresyong ibibigay sa inyo ang Espiritu tungkol sa nais ipagawa sa inyo ng Diyos.
“Kapag sumunod kayo, lalong dadalas ang mga paramdam ng Espiritu, na palapit nang palapit sa patuloy na patnubay Niya. Ang kapangyarihan ninyong piliin ang tama ay mag-iibayo.”2
Ang kahandaang sundin ang kalooban ng Panginoon sa halip na ang sarili nating kagustuhan ay mahirap kung minsan, ngunit palagi tayong pinagkakalooban ng dagdag na espirituwal na kakayahan kapag ginagawa natin ito. Kahit ang pagsunod sa maliliit na paraan, mula sa pagpiling magbayad ng ating ikapu, pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath, o maging sa pagsunod sa pahiwatig na paglingkuran ang isang tao, ay makatutulong sa atin na maanyayahan ang Espiritu sa ating buhay.
Ang Madama ang Espiritu ay Isang Kaloob
Dapat din nating alalahanin ang pangakong nakapaloob sa ating mga tipan sa binyag sa Panginoon. Tayo na mga tumanggap ng kaloob na Espiritu Santo ay pinangakuan na mapapasaatin ang Espiritu sa araw-araw kapag nagsisikap tayong tuparin ang ating mga tipan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:77, 79).
Binigyan tayo ng Ama sa Langit ng kaloob na Espiritu Santo at nais Niyang tamasahin natin nang lubos ang kaloob na iyan. Ang palagiang pagsama ng Espiritu Santo ay nagtutulot sa atin na makagawa ng tiyak na desisyon, makadama ng kapanatagan sa panahon ng pagsubok, espirituwal na umunlad, makadama ng kayapaan at kagalakan, at malaman kung paano paglilingkuran ang iba. Talagang ito ay isang kaloob.
Ang paggaling mula sa espirituwal na pamamanhid ay nakasalalay sa sarili nating pananampalataya at kahandaang patuloy na humingi ng tulong, kahit wala tayong anumang madama. Kapag sinisikap nating anyayahan ang Espiritu sa ating buhay, tatanggap tayo ng mga impresyon nang paunti-unti kapag nakikinig at sumusunod tayo. Ang pamumuhay ayon sa kalooban ng Diyos ay tutulong sa atin para madaling makahiwatig sa Espiritu at pagagalingin tayo nang paunti-unti mula sa anumang pamamanhid na nararamdaman natin. Kung hihingi tayo ng tulong sa Tagapagligtas kahit wala tayong anumang maramdaman, tutulungan Niya tayo na maramdaman natin na nariyan lang Siya (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:63).