Paano Napalakas ng Pag-aaral Tungkol sa Kasaysayan ng Simbahan ang Aking Pananampalataya
Noong estudyante ako sa high school sa South Africa, gustung-gusto kong pinag-aaralan ang kasaysayan. Nang mag-aral ako sa unibersidad, natanggap ko ang aking degree sa history o kasaysayan. Noong ako ay estudyante sa seminary at pagkatapos sa institute, gustong-gusto ko ang lahat ng kurso ko, lalo na ang Doktrina at mga Tipan dahil ipinabatid nito sa akin ang kasaysayan ng Simbahan. Sa mga nakalipas na taon, ikinatuwa ko ang pagbabasa ng mga aklat tungkol sa kasaysayan ng Simbahan—maging ang mga tumatalakay sa mahihirap na paksa sa ating kasaysayan. Sa patuloy kong pag-aaral ng kasaysayan ng Simbahan mula sa iba’t ibang sources o sanggunian, lumakas ang sarili kong pananampalataya. Narito ang tatlong paraan kung paano ito nangyari.
Ang kasaysayan ng Simbahan ay nagbibigay ng pananaw sa akin, lalo na kapag may kinalaman sa mga gawain noon, kabilang ang mga restriksyon sa priesthood at sa mga pagpapala ng templo. Noong una kong nalaman na may panahong hindi ipinagkaloob ang priesthood sa kalalakihang itim, nag-alinlangan ako sa pinaniwalaan ko noon. Paano nagawang ipagkait ng Simbahang minamahal ko ang priesthood sa kanila? Sinikap na ipakita sa akin ng ilang tao ang mga paliwanag na ayon sa kanila ay doktrinal o mula sa mga banal na kasulatan. Nakakalito at nakakabalisa ang mga ito.
Kalaunan, ang nagbigay ng kaliwanagan at kapanatagan ay ang paliwanag sa kasaysayan. Ang makasaysayang pambungad sa Opisyal na Pahayag 2, halimbawa, ay nagpaliwanag na inordenan ni Joseph Smith ang ilang itim na kalalakihan ngunit itinigil ng mga lider ng Simbahan ang paggagawad ng priesthood sa kanila noong mga unang araw sa kasaysayan ng Simbahan. At pagkatapos ay nakalagay ang mahalagang pahayag na ito: “Ang mga talaan ng Simbahan ay hindi nagbibigay ng malinaw na ideya tungkol sa pinagmulan ng gawaing ito.”1 Ang mga Gospel Topic essay2 at iba pang mga manwal ng Simbahan ay nagbigay ng maraming detalye at karagdagang makasaysayang konteksto.3 Ang mga paliwanag na ito sa kasaysayan ay naging makabuluhan sa akin at nagpalakas sa aking pananampalataya.
Tinulungan ako ng kasaysayan ng Simbahan na pahalagahan ang mga taong pumanaw na. Totoo ito lalo na kapag isinasaalang-alang ng isang tao ang mga naiambag ng tila mga “ordinaryong” miyembro. Halimbawa, ang mga unang chapel na itinayo sa buong South Africa, Zimbabwe, at Zambia noong mga dekada ng 1950 at 1960 ay naging posible dahil sa tulong ng mga miyembro. Ang pagtanggap ng mga ordenansa sa templo ay nangangailangan ng mas malaking sakripisyo. Dahil alam nilang dekada ang aabutin bago magkaroon ng mga templo sa Africa, ipinagbili ng maraming miyembro ang kanilang mga ari-arian, pati ang kanilang mga bahay, para makapunta sa templo at makibahagi sa mga sagradong ordenansang iyon. Ang Simbahan sa lupalop ng Africa ay naitayo dahil sa pananampalataya ng mga naunang miyembrong ito na mga maralita ngunit nagsakripisyo nang malaki. Nang mabasa ko ang kanilang mga tala, lumakas ang aking pananampalataya at naragdagan ang kahandaan kong magsakripisyo.
Hinikayat ako ng kasaysayan ng Simbahan na maging mas mahusay na tagapagtala. Hinikayat tayo ng mga lider ng Simbahan na magsulat sa journal. Bakit? Dahil ang kasaysayan ng Simbahan ay isang tala ng “pamamaraan ng pamumuhay, … pananampalataya, at mga gawain” ng mga miyembro nito (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 85:2). Sa tuwing binabasa ko ang kasaysayan ng Simbahan, tulad ng bagong aklat ng kasaysayan, ang Mga Banal, napapahanga ako na nagkaroon ng ganitong mga aklat dahil lamang sa mga journal, liham, at iba pang mga tala ng mga ordinaryong miyembro ng Simbahan. Ang pagiging tapat at totoo ng mga nagsulat ng tala ay naghikayat sa akin na maging mas mahusay na journal keeper, nang sa gayon ay makatulong ako sa mga mananalaysay sa hinaharap para sa pagdudokumento ng isang totoong kasaysayan ng Simbahan sa Africa.
Mayroon ding mas personal na pagpapala mula sa pagbabasa ng kasaysayan ng Simbahan at pagsisikap na magsulat ng sarili kong tala. Tulad ng itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, mapalad akong makita at maalala ang kamay ng Panginoon sa aking buhay at sa buhay ng mga miyembro ng aking pamilya.4 Ang paggunita na ito ay nagpapalakas sa aking patotoo at nagdaragdag sa kakayahan kong harapin ang mga hamon sa aking buhay. Kapag nagsusulat ako ng sarili kong tala at naiisip ang tungkol sa mga tala na maingat na isinulat ng iba pang mga miyembro, nagsisimula kong makita ang mga dakilang huwaran ng Panginoon sa pagpapanumbalik Niya ng Kanyang Simbahan at kaharian sa mga huling araw.
Ang mga ito at ang iba pang mga aral na natutuhan ko sa pag-aaral ng kasaysayan ng Simbahan ay nakatulong nang malaki sa aking espirituwal na pag-unlad. Ang mga aral na ito ay nagbigay rin sa akin ng lakas-ng-loob na ipagtanggol ang aking pananampalataya dahil nauunawaan ko kung bakit natin ginagawa ang ginagawa natin. Dahil nalaman ko ang makasaysayang konteksto ng marami sa ating mga gawain at paniniwala, ako ay naging mas mahusay na guro at mas mabuting disipulo.